Apocalipsis 15–19
“Dadaigin ng Kordero”
Ano ang pumapasok sa isip mo kapag pinag-iisipan mo ang ipinropesiyang mga huling araw? Inilarawan nang malinaw ni Juan na Tagapaghayag ang pagkawasak at kasamaan na pupuno sa mundo. Ngunit hindi magtatagal ang mga sitwasyong ito. Si Jesucristo ay “[mananaig] … sapagkat siya’y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari” (Apocalipsis 17:14). Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na umasa kay Jesucristo nang mas may kumpiyansa sa pagharap mo sa mga hamon sa mga huling araw.
Mga salot, pagsubok, at pananampalataya sa Panginoon
Bilang bahagi ng pangitain ni Juan, ipinakita ng Panginoon kay Juan ang pitong anghel na nagbubuhos ng iba’t ibang salot sa masasama sa mga huling araw. Kabilang sa mga salot na ito ang mga sugat, tubig na naging dugo, matinding init, kadiliman, hirap, kulog at kidlat, lindol, at ulan ng malalaking yelo (tingnan sa Apocalipsis 16).
Isipin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano pa ang nalalaman mo tungkol sa mga pagsubok at kasamaan sa mga huling araw? Ano ang nararamdaman mo tungkol sa mga pagsubok na ito?
-
Gaano ka kakumpiyansa na matutulungan ka ng Panginoon sa anumang pagsubok na maaari mong maranasan? Bakit?
Bago isinulat ni Juan ang tungkol sa pagkawasak at mga pagsubok na magpapahirap sa mga tao sa mundo sa mga huling araw, may iba pa siyang inilarawan. Basahin ang Apocalipsis 15:2–4 at subukang ilarawan sa isipan kung ano ang nakikita ni Juan.
-
Bakit maaaring makatulong na malaman ang tungkol sa mga dinakilang Banal na naninirahan sa piling ng Diyos bago basahin ang tungkol sa mga salot na inilarawan ni Juan?
Habang ipinagpapatuloy mo ang iyong pag-aaral, hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang matulungan kang malaman at maunawaan na maaari kang humingi ng tulong sa Panginoon sa mga pagsubok sa mga huling araw. Upang matulungan kang mas maunawaan ang itinuturo sa bawat kabanata na pag-aaralan mo, maaari mong basahin ang mga heading ng kabanata bago basahin ang mga talata.
1. Gawin ang dalawa sa mga sumusunod na aktibidad sa iyong study journal:
Opsiyon A: Mga anghel at mga salot
Maaari tayong mag-alala kapag inisip natin ang mga salot na nakita ni Juan sa Apocalipsis 16 . Gayunpaman, ang pagpapalakas ng ating pananampalataya kay Jesucristo ay makatutulong sa atin na madaig ang ating pag-aalala. Mahalagang tandaan na nang ibuhos ng mga anghel ang kanilang mga salot, nagpatotoo sila tungkol sa katangian ng Panginoon. Ang pag-alam sa Kanyang katangian ay makatutulong sa atin na mapalakas ang ating pananampalataya sa Kanya.
Gumuhit ng isang simpleng larawan ng isang anghel. Pagkatapos ay basahin ang Apocalipsis 16:5, 7 , at alamin kung paano inilarawan ng mga anghel ang Panginoon at ang Kanyang mga paghatol. Isulat sa tabi ng idinrowing mo kung ano sa palagay mo ang sinabi ng mga anghel.
-
Bakit maaaring makatulong sa atin na maunawaan ang katangian ng Panginoon habang natututuhan natin ang tungkol sa Kanyang paghatol?
-
Kailan nakatulong sa iyong buhay ang pag-unawa sa kung sino ang Diyos? Paano makatutulong sa iyo ang pag-alala sa katangian ni Jesucristo upang umasa ka sa Kanya?
Opsiyon B: Kasamaan at ang kapangyarihan ng Tagapagligtas
Mag-isip ng ilang halimbawa ng kasamaan sa mundo at kung paano ito nakakaapekto sa atin.
-
Kung kinakailangan mong mag-isip ng isang simbolo na kakatawan sa kasamaan ng mundo, ano ito? Bakit?
-
Kung kinakailangan mong mag-isip ng isang mapitagang simbolo o titulo na kakatawan sa Tagapagligtas at kung paano Niya tayo matutulungang madaig ang kasamaang ito, ano ito? Bakit?
Hatiin sa dalawa ang isang pahina ng iyong journal. Basahin ang Apocalipsis 17:3–7, 14 , at ilarawan sa isipan ang mga simbolong ginamit ni Juan sa mga talatang ito. Sa isang kalahati ng isang pahina ng iyong journal, isulat ang mahahalagang salita o parirala na ginamit upang ilarawan ang kasamaan. Sa isa pang kalahati, isulat ang mga simbolo na kumakatawan kay Jesucristo at sa mabubuti. Ang mga sumusunod na salita ay maaaring makatulong:
Pakikiapid ( Apocalipsis 17:4): mga imoral na seksuwal na gawain. Maaari din itong maging “sagisag ng lubusang pagtalikod sa katotohanan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Pakikiapid ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org)
Babilonia ( Apocalipsis 17:5): ang pangalan ng isang lungsod na kilala dahil sa kasamaan nito, na ginamit bilang simbolo ng kasamaan at kamunduhan
Mahalay na babae ( Apocalipsis 17:5): isang taong gumagawa ng mga imoral na seksuwal na gawain para sa pera o kalakalan
Nanggilalas ( Apocalipsis 17:6): pagtataka, pagkamangha
-
Ano ang natutuhan mo mula sa mga simbolong nabasa mo?
-
Ano ang nauunawaan mo tungkol kay Jesucristo dahil sa mga titulo Niya sa talata 14 ?
-
Ano ang nalalaman mo tungkol sa kung paano nadaig ng Kordero, o ni Jesucristo, ang lahat ng kasamaan? (Tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Kordero ng Diyos ,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.) Ano ang kahulugan nito sa iyo?
Opsiyon C: Kasal ng Kordero
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit madalas magdiwang ang mga pamilya sa mga kasal?
Ginamit ni Juan ang imahe ng isang kasal upang ituro sa atin ang tungkol sa mga huling araw. Ang kasal na ito na isinulat niya ay simbolo ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.
Magdrowing ng isang simpleng larawan ng babae at lalaking ikakasal at isulat ang natutuhan mo tungkol sa bawat isa habang nag-aaral ka.
Basahin ang Apocalipsis 19:7–9 upang malaman kung ano ang hinihikayat ng Panginoon na madama natin tungkol sa kasal na ito. Ang babaeng ikakasal sa mga talatang ito ay sumisimbolo sa mga miyembro ng Simbahan ng Panginoon na inihahanda ang kanilang sarili para sa pagbabalik ni Cristo.
-
Ayon sa talata 8 , paano tayo maghahanda para sa kasal na ito? Ano kaya ang ibig sabihin nito para sa iyo?
-
Sa anong mga paraan angkop na simbolo ang kasal para sa ating pakikipagtipan kay Jesucristo?
-
Paano maaaring maging araw ng kagalakan para sa iyo ang pagbabalik ng Tagapagligtas?
Basahin ang mga sumusunod na banal na kasulatan at pag-isipan kung ano ang magagawa mo upang makapaghanda para sa panahong muling paparito si Jesucristo. Maaari mong markahan ang mahahanap mo sa iyong mga banal na kasulatan o isulat ito sa iyong journal.
-
Ano ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo at sa ginawa Niya upang maihanda ka para sa Kanyang pagparito?
2. Sagutin sa iyong study journal ang mga sumusunod na tanong:
-
Mula sa napag-aralan mo ngayon, ano ang natutuhan mo na tumutulong sa iyo na umasa kay Jesucristo?
-
Ano ang gusto mong maalala o gawin?
-
Sa paanong paraan maaaring makatulong ito sa iyo sa mga pagsubok sa mga huling araw?
Opsiyonal: Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
Apocalipsis 17 . Ano ang matututuhan ko mula sa simbolismo ng babae na nakasakay sa halimaw?
Ang mga salitang ginamit upang ilarawan ang babaeng nakasakay sa halimaw ay nagpapatunay sa kanyang matinding kapangyarihang pulitikal at kapangyarihang mangwasak sa lahat ng bansa at kaharian at mga tao. … Ang kanyang kasuotan ay nagpapakita ng kapangyarihan at karangyaan (tingnan sa talata 4); siya ang “ina ng mga mahalay na babae,” na nagpapahiwatig na siya ang nagpasimula ng iba pang mga prostitusyon—mga organisasyon, pamahalaan, at ideolohiya na nagbubuga ng kasamaan ( talata 5). Isinulat ni Juan na siya ay nanggilalas sa sobrang kasamaan ng babae (tinagnan sa talata 6 , talababa c). Gayunpaman, sa bandang huli siya ay pababayaan ng mga yaong dati niyang pinamunuan (tingnan sa talata 16 ; 1 Nephi 22:13). …
Ang isang posibleng kahulugan ng paglalarawan ni Juan sa mga talatang ito ay lalaganap sa mga huling araw ang seksuwal na imoralidad, pagkagahaman sa kayamanan, at karahasan sa daigdig (tingnan din sa 1 Nephi 13:5–9). Ang mga institusyon, mga pamahalaan, at mga tao na sumusunod sa ganitong uri ng pamumuhay ay maituturing na bahagi ng Babilonia. (New Testament Student Manual [2014], 560)
Saan ko matututuhan pa ang tungkol sa simbolismo sa Apocalipsis 15–19?
Para sa komentaryo tungkol sa simbolismo sa mga kabanatang ito, maaari kang sumangguni sa mga kabanata 55 at 56 ng New Testament Student Manual (2014), na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.