2021
Magagawa Ninyo Ito!
Hulyo 2021


“Magagawa Ninyo Ito!” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hul. 2021, 24–26.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Magagawa Ninyo Ito!

Kailangan nating alalahanin ang lahat ng ginawa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo—at kung ano ang patuloy Nilang ginagawa—para tulungan tayong manahin ang kahariang selestiyal.

Doktrina at mga Tipan 76

dalagita

“Ako? Sa kahariang selestiyal? Sa tingin ko po ay hindi ko ito kaya.”

Naisip na rin ba ninyo ang ganoon? Normal lang na mapaisip kung sapat na ang kabutihan natin lalo na kung tila napakalayo pa natin sa pagiging perpekto. Kung minsan ay parang hindi natin kayang maabot ang kahariang selestiyal!

Pero huwag panghinaan-ng-loob. Ang buong layunin ng plano ng Ama sa Langit ay tulungan kayong maging katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at mamuhay sa piling Nila sa kahariang selestiyal. At higit na mabuti ang iyong kinalalagyan kaysa inaakala mo. Ipinaalala sa atin ni Pangulong M. Russell Ballard, gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ang muling mamuhay na kasama Nila ay “hindi lang [ating mithiin]—ito rin ay Kanilang mithiin.”1

Higit sa anupaman, nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na mamuhay tayong lahat sa kahariang selestiyal na kasama Nila at ng ating mga pamilya. Ang magandang balita ay hindi natin kailangang makarating doon sa sariling pagsisikap lamang natin. Kapag lumapit tayo kay Cristo at sumunod sa Kanya, natatanggap natin ang lakas at tulong na kailangan natin. Dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala, ang pagmamana ng kahariang selestiyal ay hindi lamang posible kundi malamang na mangyari.

Kaya, sa tulong Niya, kaya ninyo itong gawin! Magagawa ninyo ito!

Ang Plano ng Diyos ay para sa Lahat

Upang makapasok sa kahariang selestiyal, kailangan nating sumampalataya kay Jesucristo at hangaring dagdagan ang pananampalatayang iyon. Kailangan nating sikaping magbago at magsisi araw-araw. Kailangan nating mabinyagan at tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo—at palaging alalahanin si Jesucristo at magpanibago ng ating mga tipan. Kailangan nating magtiis hanggang wakas. Kung ito ang mga bagay na nais ninyo at pinagsisikapan ninyong gawin, naglalakbay na kayo tungo sa pagiging tagapagmana ng kahariang selestiyal.

Dagdag pa rito, itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan na ang mga karapat-dapat sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal ay “ang mga nakaabot sa mga pinakamataas na hinihingi para sa kahariang ito, kabilang na ang katapatan sa mga tipang ginawa sa templo ng Diyos at sa kasal para sa kawalang-hanggan.”2 (Marami pa kayong matututuhan tungkol dito sa pamamagitan ng pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan 76:50–70, 92–96).

Kung dahil dito ay napapaisip—o nag-aalala—kayo tungkol sa mga paghahanda ninyo para manahin ang kahariang selestiyal, alalahanin na ito ay isang paglalakbay. Bawat araw na pinipili nating maging higit na katulad ng ating Ama sa Langit at ni Jesucristo ay araw na mas napapalapit tayo sa pagiging selestiyal na tao—at mas napapalapit tayo sa kahariang selestiyal. Siyempre, madadapa, magkakamali, at magkakasala tayong lahat. Ang umasa kay Jesucristo kapag tayo ay nagsisisi araw-araw ang susi. May pag-asa ang paglalakbay na ito dahil sa lahat ng nagawa na—at sa patuloy na ginagawa—Niya at ng ating Ama sa Langit para matulungan tayong makarating doon.

Mayroon Tayong Tagapagligtas

Jesucristo

Naghanda ang Tagapagligtas ng daan para makabalik tayo sa ating Ama sa Langit. Inilarawan ni Joseph Smith ang mga taong naninirahan sa kahariang selestiyal na “tumanggap ng patotoo ni Jesus” at “ginawang ganap sa pamamagitan ni Jesus … na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo” (Doktrina at mga Tipan 76:51, 69).

Ang pagiging perpekto kay Jesucristo ay hindi nangangahulugang hindi tayo nagkakamali kailanman. Ang ibig sabihin nito ay nagsisisi tayo at nagsisikap na magpakabuti nang kaunti araw-araw, umaasa na tutulungan tayong magbago ng Tagapagligtas at ng kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sa paggawa nito, ang Kanyang biyaya ay nagtutulot sa atin na sumulong tungo sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal kung saan tayo mamumuhay na kasama Niya, ng Ama sa Langit, at ng ating mga pamilya magpakailanman. Matatanggap din natin ang lahat ng mayroon ang ating Ama sa Langit. Hindi magiging posible ang anuman sa mga ito kung wala ang Tagapagligtas.

Nasa Atin ang Simbahan

Itinuro ni Pangulong Oaks na ang Simbahan ay narito rin “upang tulungan ang lahat ng anak ng Diyos na maunawaan ang kanilang potensyal at makamit ang kanilang pinakadakilang tadhana. Narito ang simbahang ito upang maglaan sa mga anak na lalaki at anak na babae ng Diyos ng mga paraan para makapasok sa at magtamo ng kadakilaan sa kahariang selestiyal.”3 Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo.

templo

Kinakailangan ng mga ordenansa at tipang iyon ang priesthood, na matatagpuan lamang sa totoong Simbahan ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga ito at ng iba pang mga paraan, tinutulungan tayo ng Panginoon at ng Kanyang Simbahan na maabot ang pinakamabuti na kaya nating maging upang ang ating puso ay maging handa balang-araw na manahin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit at magkaroon ng buhay na walang-hanggan.

Magpatuloy at Huwag Sumuko!

Ang paglalakbay tungo sa kahariang selestiyal ay may pag-asa, ngunit hindi ito palaging madali. Alam iyan ng Ama sa Langit. Nangako Siya at si Jesucristo na tutulungan at palalakasin tayo sa bawat hakbang.

pagsikat ng araw

Larawan mula sa Getty Images

Kaya’t magpatuloy at huwag sumuko. Makakatanggap tayo ng tulong sa pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas, namumuhay sa paraan na marapat tayong tumanggap at kumilos ayon sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo, at nakakikilala kung ano ang maaari pa nating pagbutihin. Sa pagharap natin sa buhay nang may pananampalataya kay Jesucristo at nagsisisi kapag kailangan natin, tutulungan tayo ng ating Ama sa Langit na magbago para maging mas mabuti.

Ang pagiging marapat sa kahariang selestiyal ay hindi nakakamtan sa pamamagitan ng iisang dakilang gawain. Ito ay resulta ng patuloy na pagpiling sundin ang Tagapagligtas at pagsalig sa pag-asa at katiyakang nagmumula sa Kanyang ebanghelyo.

Kaya kung nagsisikap kayong sundin ang Tagapagligtas at nag-aalala pa rin kayo kung magagawa ninyong marating ang kahariang selestiyal, ang lahat ng palatandaan ay nakaturo sa malakas na “Oo! Magagawa ninyo ito!” Ito ang layon ng Ama sa Langit para sa ating lahat! At tulad ng itinuro ni Pangulong Oaks, lahat ng ito ay posible “dahil sa pagmamahal ng Diyos sa Kanyang mga anak at dahil sa pagbabayad-sala at pagkabuhay na mag-uli ni Jesucristo, ‘na siyang lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay’ [Doktrina at mga Tipan 76:43].”4

Mga Tala

  1. M. Russell Ballard, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2017 (Liahona, Mayo 2017, 65).

  2. Dallin H. Oaks, “Apostasy and Restoration,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 1995 (Ensign, Mayo 1995, 86).

  3. Dallin H. Oaks, “Apostasy and Restoration” (87).

  4. Dallin H. Oaks, “Apostasy and Restoration” (87), idinagdag ang pagbibigay-diin.