2021
Sa San Diego, USA
Hulyo 2021


“Sa San Diego, USA” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hul. 2021, 20–21.

Paano Kami Sumasamba

Sa San Diego, USA

San Diego

Mga larawan mula sa Getty Images

binatilyong may kasamang baboy

Hello! Ako si Chace B. Ako ay 14 na taong gulang, at nakatira ako sa San Diego. Ang San Diego ay nasa timog na bahagi ng estado ng California, USA. Ang tanawin ay talagang iba’t iba. Matatagpuan sa San Diego ang mga daungan, talampas, lambak, malalalim na bangin, at mga burol. Ito ay karaniwang mainit at maaraw sa buong taon.

Kilalanin ang Aking Pamilya

pamilya sa araw ng Pasko

Nakatira kami ng pamilya ko sa kabundukan ng San Diego. Kasama ko ang nanay ko; ang 10-taong-gulang na kapatid kong babae na si Payslie; at ang aking abuelito at abuelita (lolo at lola). Nakatira kami sa bukirin na may maraming hayop. Sinisikap naming mamuhay nang napakasimple at sa makalumang paraan.

bahaghari sa isang kanayunan

Pagsisikap na Gawing Espesyal ang Sakramento

binatilyo

Habang nasa ilalim ng COVID-19 quarantine, ang Linggo ay maaaring maging masyadong kaswal sa bahay sa ating mga sopa at sa ating mga komportableng damit. Gusto kong gumawa ng isang bagay para matiyak na espesyal ang Linggo. Nagdesisyon akong igawa ang pamilya ko ng sarili naming trey na pangsakramento bilang espirituwal na mithiin ko sa programang Mga Bata at Kabataan.

binatilyo sa pagawaan

Una, kumuha ako ng isang piraso ng kahoy at gumawa ng mga butas sa isang hati nito para sa maliliit na baso. Pagkatapos ay inukit ko naman ang isa pang hati para sa tinapay. Tinulungan ako ng aking abuelita na lihahin ito hanggang sa ito ay maging napakakinis. Pagkatapos ay inilagay namin ang hawakan at nilagyan ng barnis ang kahoy.

gawa sa bahay na trey na pangsakramento

Noong unang Linggo na naghahanda kami ng sakramento ay hindi kami makakita ng maliliit na baso na kasya sa mga butas na nasa trey. Ilang oras kaming naghanap para sa mga ito. Pagkaraan ng ilang oras ay nagpasiya ako na mayroon mang perpektong mga baso o wala, tatanggap pa rin kami ng sakramento. Hindi namin hahayaang hadlangan kami nito na mapanatiling banal ng araw ng Sabbath.

Nang tanggapin namin ang sakramento noong Linggong iyon, may higit na katahimikan, intensyon, at pagpipitagan. Nasiyahan ako sa mithiing itinakda at nagawa ko. Alam ko at nararamdaman ko na ipinagmamalaki ako ng aking Ama sa Langit dahil sa aking mithiin at sa mga pagpiling kasama nito.