“Ang Banal na Plano ng Pagpapaunlad,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hulyo 2021, 2–5.
Ang Banal na Plano ng Pag-unlad
Kapag nakikita natin ang mortal na buhay sa konteksto nito, nakikita natin na ang tanong ay hindi “maging o hindi maging?” kundi “ang umunlad o ang hindi na umunlad?”
Mapalad ako na makasama ang aking asawa sa pagsilang ng bawat isa sa aming mga anak at makapiling din ang mga magulang ko sa oras ng kanilang kamatayan. Nagulat ako sa nadama ko sa sandaling iyon ng pagsilang at sa oras ng kamatayan. Nadama ko na may sagradong bagay na nangyayari. Ang panahon natin sa mundo ay isang napakahalagang bahagi ng ating pag-iral. Sa langit ang pinagmulan at hantungan ng bawat mortal na buhay.
Mauunawaan lamang ang kailangan nating gawin habang narito tayo sa lupa kapag nalalaman natin kung ano ang nangyari bago tayo isinilang at kung ano ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan. Kung ang buhay sa mundo lamang ang mayroon tayo, tayong lahat ay “mag[si]sikain, mag[si]siinom, at mag[si]sipagsaya” (2 Nephi 28:7) nang walang masyadong malasakit sa iba. Kapag nakikita natin ang mortal na buhay sa konteksto nito, makikita natin na ang tanong ay hindi “maging o hindi maging?” kundi “ang umunlad o ang hindi na umunlad?”1
Ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan—ang ating buhay bago tayo isinilang, ang layunin ng ating buhay sa lupa, ang ating buhay matapos ang kamatayan—at ang pangunahing papel na ginagampanan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo sa planong iyan ay nagpapakita sa atin na tutulungan Niya tayo sa buhay na ito. Kapag nakipagtipan tayo sa Kanya, inilalagay natin ang ating sarili sa landas ng tipan—at tayo ay nagiging lalong katulad Niya at ng ating Ama sa Langit, nang paunti-unti.
Ang Ating Buhay Bago Tayo Isinilang sa Mundo
Itinuturo sa paghahayag na tayo ay mga espiritung anak ng Diyos at na nabuhay tayo sa piling Niya bago tayo pumarito sa lupa. Naghanda ang ating Ama sa Langit ng daan para tayo ay maging katulad Niya. Ang mga pumili sa plano ng kaligtasan o plano ng kaligayahan ng Ama sa premortal na buhay—tayong lahat iyon—ay pinili na “umunlad.”
Ang Ating Buhay sa Mundo
Naparito tayo sa isang mundong nilikha ng Diyos at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Tumanggap tayo ng pisikal na katawan. Ang pagkakaroon ng katawan ay mahalaga sa pagtanggap ng kaluwalhatiang tinatamasa ng Diyos. Kung ipapakita natin na susundin natin ang mga utos ng Diyos, tayo ay “magtatamo ng kaluwalhatiang idaragdag sa [ating] mga ulo magpakailanman at walang katapusan” (Abraham 3:26). Ibig sabihin ay magiging katulad tayo ng ating mga magulang sa langit at mabubuhay tayong kasama Nila magpakailanman. Naghiyawan tayo sa galak sa maluluwalhating posibilidad na ito.
Naghintay kayo at ako nang mahabang panahon, ngunit ngayon ay narito na tayo sa lupa. Inaasam natin ang panahon na tayo ay mabubuhay na mag-uli na may perpekto at imortal na katawan at papasok sa kahariang selestiyal upang magtamasa ng buhay na walang-hanggan—isang bagay na napakaganda na hindi kayang mailarawan ng ating imahinasyon. Samantala, tayo ay natututo at nagsisikap na “[gawin] ang lahat ng bagay anuman ang iutos sa [atin] ng Panginoon[g] Diyos” (Abraham 3:25). Dahil alam natin ang plano ng Diyos, alam natin na ang mga utos na ito ay hindi ibinigay upang limitahan ang ating kalayaan o kaligayahan—kabaligtaran ito. Ang mga kautusan ang ating gabay sa sukdulang kalayaan at kagalakan.
Naglaan Siya ng Isang Tagapagligtas
Mahirap pa rin ang buhay. Tayong lahat ay nadarapa habang natututunan nating mamuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit nangako ang Diyos sa atin bago nilikha ang daigdig na maglalaan Siya ng isang Tagapagligtas upang iligtas tayo mula sa kasalanan at kamatayan. Sa pamamagitan ng Kanyang sariling pagdurusa at kamatayan—ng Kanyang Pagbabayad-sala— pinagbayaran ni Jesucristo ang ating mga kasalanan at inihahandog Niya sa atin ang kaloob na pagsisisi. Kaya, kapag nagsisisi tayo, pinatatawad Niya ang ating mga kasalanan at nililinis tayo mula sa mga epekto ng mga ito. At sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, ibinibigay ng Tagapagligtas ang kaloob ng sarili nating pagkabuhay na mag-uli at imortalidad.
Pagtahak sa Landas ng Tipan
Tulad ng ating pisikal na pagsilang sa mortal na mundo na ito, kailangan tayong espirituwal na isilang na muli sa kaharian ng langit. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Cristo, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng Espiritu Santo. Ito ang simula ng isang espirituwal na pagbabago na mananatili sa buong buhay natin sa lupa. Kung minsan ay tinatawag natin itong “pagtitiis hanggang wakas,” na ibig sabihin ay sinisikap nating tuparin ang ating tipan sa binyag na maging masunurin sa buong buhay natin, nagsisisi kung kinakailangan at muling sumusulong. “Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao,” sabi ni Jesus, “ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin” (Mosias 26:30).
Maaasahan Ninyo ang Tulong ng Diyos
Sa inyong buhay bago kayo isinilang, pinili ninyo ang Diyos, pinili ninyo si Cristo, pinili ninyong “umunlad” sa tulong Nila. At maaasahan ninyo ang Kanilang tulong. Ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay hindi nagmamasid nang walang malasakit sa ating buhay. Minamahal Nila tayo nang walang hangganan at ginagamit Nila ang Kanilang kapangyarihan para tulungan tayo, hanggang sa punto na tutulutan natin ito. Palagi Nilang iginagalang ang ating kalayaan, ngunit gustung-gusto Nilang pagpalain tayo. Tinitiyak sa atin ni Jesus, “Hindi kita malilimutan, O sambahayan ni Israel. Masdan, aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay” (1 Nephi 21:15–16).
Bai-baitang na Pag-unlad
Nadarama ng ilan na ang kahariang selestiyal ay isang makatotohanang inaasahan para sa iba ngunit hindi ito para sa kanila. Ang katotohanan ay, walang marapat rito kung wala ang biyaya ni Jesucristo. Salamat na lang at maaari ninyong matanggap ang Kanyang biyaya. Sinabi sa atin ni Jesus na dinaig na Niya ang mundo. Sa inyong binyag at iba pang mga tipan, itinali ninyo ang inyong sarili sa Kanya upang madaig din ninyo ang mundo na kasama Niya.
Hindi ninyo kailangang maabot ang pagiging perpekto dito sa lupa. Ikinumpara ito ng Propetang Joseph Smith sa pag-akyat sa isang hagdan: nagsisimula kayo sa ibaba at umaakyat nang paunti-unti sa pamamagitan ng pag-aaral at pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo. At itinuro niya na ang pag-aaral na iyon ay magpapatuloy matapos ang buhay na ito—“Hindi lahat ay mauunawaan sa daigdig na ito.”2
Anumang mga kahinaan, hirap, o pagdurusang nakakaharap natin sa lupa, nangangako ang Diyos sa Kanyang matatapat na anak na walang pagpapalang ipagkakait kung mananatili tayo sa landas ng tipan (o di kaya’y mabilis na babalik dito). Kung magkagayon ay magiging maayos ang lahat. Iyan ang banal na plano ng pag-unlad!