2021
7 Hagod ng Pintura para sa Mas Masayang Buhay
Hulyo 2021


“7 Hagod ng Pintura para sa Mas Masayang Buhay,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hul. 2021, 8–11.

7 Hagod ng Pintura para sa Mas Masayang Buhay

Ang mga simpleng hakbang na ginagawa mo bawat araw ay nakadaragdag sa isang masayang buhay.

kabataan na nagpipinta

Mga paglalarawan ni Katy Dockrill

“Tingnan mo! Ginawa ko ito para sa iyo!” sabi ng anak ko habang hawak ang kanyang ipinintang larawan sa tapat ng mukha ko. Dumikit ang papel sa ilong ko at ang lahat ay halu-halong kulay lamang. Imposibleng makita ang anumang bagay nang malinaw.

Nang hinila ko palayo ang ipinintang larawan, ang halu-halong malalabong kulay ay luminaw.

“Ano po sa tingin ninyo?” tanong niya.

Ilang oras ipininta ng anak ko ang iniisip niya na makatotohanang depiksyon naming dalawa—maliban sa buhok ko na hindi naman kulay dilaw.

“Kulang ako ng brown,” dagdag pa niya. “At mas masayang kulay naman ang dilaw.”

Habang tinitingnan ko nang maigi ang proyektong ito, nakita ko kung gaano kamapagmahal na ipininta ng anak ko ang larawang ito. Hindi ko mabilang kung ilan ang mga hagod ng pintura. Napakarami ng mga ito. At tama siya, mukhang masaya talaga ako—pati na rin ang dilaw na buhok.

Isipin ang isang ipinintang larawan na nakita mo. Makikita mo na wala ni isang hagod ng pintura na nagpapaganda rito. Sa katunayan, kapag titingnan mo lamang ang iisang hagod ng pintura, hindi talaga ito hanga-hanga. Gayunman, kapag pinagsama-sama mo ang lahat ng ito, magkakaroon ka ng isang makapigil-hiningang likhang-sining.1

Ang pagkakaroon ng kaligayahan sa buhay ay katulad ng pagpipinta. May maliliit at sinadyang mga hagod ng pintura, o araw-araw na mga gawain, na magagawa natin para makalikha ng buhay na puno ng kaligayahan. Kung isa lamang ang gagamitin o kung gagawin lamang ito nang isang beses, ang mga bagay na ito ay tila hindi kamangha-mangha. Ngunit kapag paulit-ulit nating pinagsama-sama ang mga ito sa ating araw-araw o lingguhang mga pagsisikap, makalilikha ang mga ito ng napakasayang buhay.

Narito ang pitong hagod ng pintura o aktibidad na maaari mong linangin para maging mas masaya ka sa iyong buhay.

Unang Hagod ng Pintura: Palibutan ang Iyong Sarili ng mga Taong Nagpapasigla sa Iyo.

kabataang nakatingala

Malaki ang nagagawa ng mga taong nakakasalamuha mo sa kaligayahan mo. Hindi ibig sabihin nito na hindi ka maaaring makipagkaibigan sa mga taong malungkot kung minsan. Sa katunayan, lahat tayo ay dumaranas ng kalungkutan paminsan-minsan.

Ngunit tiyaking gumugugol ka ng oras kasama ang mga taong nagpapasigla at nagbibigay-inspirasyon sa iyo. Ang mabubuting kaibigan na tumutulong sa iyo na ipamuhay ang mga pamantayan ng Panginoon ay makakagawa ng malaking kaibhan sa iyong kaligayahan. At sikaping maging kaibigan na nakapagpapasigla sa iba. Malaki rin ang maaaring magawa mo sa buhay ng ibang tao.

Pangalawang Hagod ng Pintura: Gamitin ang musika para maging mas masaya ka.

mga nota sa musika

Malaki ang epekto ng musika sa iyong isipan. Literal na mababago nito ang chemistry sa utak mo. Ang magandang musika ay makatutulong sa iyo na maging positibo, masaya, at inspirado. Lumikha ng isang playlist ng masasaya, nakahihikayat, at nagpapalakas ng pananampalataya na mga awitin na regular mong mapakikinggan.

Pangatlong Hagod ng Pintura: Lumabas.

mga puno

Ang kasiyahan sa mga nilikha ng Diyos ay mabisang nagpapagaling sa ating mga espiritu at katawan. Napakahalaga sa iyong kaligayahan na regular kang lumayo sa telebisyon, computer, at mga screen ng telepono upang lumabas at masiyahan sa sikat ng araw, mga halaman, at mga hayop sa paligid mo. Maglakad-lakad kasama ang iyong pamilya at mga kaibigan, maglaro sa labas, magbasa at mag-aral sa labas. Mamamangha ka kung gaano kabuti ang iyong mararamdaman kapag ginawa mo ito.

Pang-apat na Hagod ng Pintura: Matulog nang sapat.

kama

Sinabi ng Panginoon na ang pagtulog ay mahalaga sa kalusugan ng inyong katawan at isipan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:124). Tulad ng isang baterya ng telepono na kailangang i-recharge, kailangan ng utak ng tulog para gumana nang maayos. Tulad ng pagtatakda mo ng oras kung kailan ka gigising sa umaga, siguraduhin ding magtatakda ka ng oras kung kailan ka mahihiga sa kama (at huwag mong dalhin ang iyong telepono!).

Panlimang Hagod ng Pintura: Magkaroon ng malalalim na personal na pakikipag-usap.

mga kabataang nag-uusap-usap

Ang paggamit ng texting at social media para makausap ang iyong mga kaibigan at pamilya ay maganda. Ngunit ang pakikipag-usap nang personal ay may nagagawa sa iyong isipan at espiritu na hindi magagawa ng elektronikong pakikipag-usap. Tiyaking nakikipag-ugnayan ka sa iyong pamilya at mga kaibigan. Mag-ukol ng oras na makinig at makipag-usap sa mga nasa paligid mo.

Pang-anim na Hagod ng Pintura: Regular na mag-ehersisyo ay sikaping kumain ng masusustansyang pagkain.

pagkain

Ang iyong utak ay maaari lamang magtrabaho gamit ang pampaningas na ibinibigay mo. Ang mga pagkaing labis na naproseso at sobrang dami ang asukal (na tinatawag kung minsan na junk food) ay maaaring masarap ngunit kadalasan ay nakapagpapahina ng isipan at katawan mo. Ang mabuting balita ay kapag kumain ka ng mas maraming prutas, gulay, at whole grain (mga butil), ang pananakam mo sa junk food ay mababawasan. Iisang katawan lang ang ibinigay ng Panginoon sa atin, kaya kailangan natin itong pangalagaan!

Pampitong Hagod ng Pintura: Manalangin at Magnilay-nilay.

binatilyong nag-iisip

Madalas tayong payuhan ng Panginoon at ng Kanyang mga propeta at apostol na mag-ukol ng oras na manalangin at tumigil. Ang panalangin at pagninilay-nilay ay positibong nakaaapekto sa mga parte ng utak kung saan ka nakararanas ng kaligayahan. Kung regular kang nagninilay at nananalangin, nadaragdagan ang kaligayahan mo nang kaunti sa tuwing ginagawa mo ito. Sa katagalan, mapapansin mo ang malaking kaibhan sa kapayapaan at tiwala mo sa iyong sarili.

Naghahanap ng Iba pang mga Ideya?

Ang pitong hagod ng pintura na ito ay iilan lamang sa mga pang-araw-araw na hakbang na maaari nating gawin para puspusin ang ating katawan at espiritu ng kaligayahan. Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan upang matukoy ang mga alituntuning nagbigay ng kaligayahan sa iyo at sa iba noon. Ano ang nadama mong dapat mong gawin upang mas tuluy-tuloy na maging bahagi ang mga bagay na ito ng iyong pang-araw-araw na buhay?

Laging tandaan na ang sukdulang pinagmumulan ng kaligayahan ay ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Anuman ang iyong sitwasyon, handa Siyang pagpalain ka at tulungan ka sa iyong mga paghihirap. Tutulungan ka Niyang matagpuan ang kaligayahang inaasam mo.

Mga Tala

  1. Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Tulad ng … mga hagod ng pintura na pumupuno sa isa’t isa at lumilikha ng isang kahanga-hangang obra-maestra, ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay ay maaaring humantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga” (pangkalahatang kumperensya ng Okt. 2009 [Liahona, Nob. 2009, 19–20]).