“Gawin ang Pagsulat,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hul. 2021, 18–19.
Gawin ang Pagsulat
Ang pagsulat ng mga iniisip ninyo habang nag-aaral kayo ng mga banal na kasulatan ay maaari talagang makatulong sa inyo na matuto.
“Tuwing babasahin ko po ang mga banal na kasulatan, nakakatulog po ako!” sabi ng isang missionary sa kanyang mission president. “Para pong tabletang pampatulog ang mga banal na kasulatan!”
Sumagot ang kanyang mission president, “Nagsusulat ka ba kapag nagbabasa ka?”
“Hindi po,” sabi ng missionary.
“Madali kang makakatulog o maglalakbay ang isip mo kapag nagbabasa ka lang,” sabi ng mission president, “pero imposible ito kapag nagsusulat ka!”
Malaki ang nagawang kaibhan ng payo ng mission president na ito sa nahihirapang missionary. Kaya kung naghahanap kayo ng bagong paraan para paghusayin ang inyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, subukan ito. Habang isinusulat mo ang iyong binabasa, malamang na mapapansin mong mas nakatuon ka at mas natututo rin.
Narito ang ilang paraan na natuklasan namin na talagang kapaki-pakinabang.
Brother Steven Lund:
May nakahanda akong papel kapag nagbabasa ako. Kapag may mga pahiwatig sa akin ang Espiritu habang nag-aaral ako, isinusulat ko ang mga pahiwatig na iyon.
Nakuha ko ang ideya mula kay Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nagsabing: “Isulat sa isang ligtas na lugar ang mahahalagang bagay na natututuhan mo mula sa Espiritu. Matutuklasan mo na sa pagsusulat mo ng mahahalagang impresyon, kadalasan ay mas marami pa ang darating. Gayundin, magagamit ninyo ang kaalamang natamo ninyo habambuhay” (“To Acquire Knowledge and the Strength to Use It Wisely,” Ensign, Hun. 2002, 32).
Alam kong totoo ang mga salitang iyon. Habang naghahanda ako ng mga mensahe at lesson, hindi lamang ako sumasangguni sa mga banal na kasulatan kundi pati na rin sa mga isinulat ko habang binabasa ang mga ito.
Brother Ahmad Corbitt:
Mahilig akong mag-aral nang ayon sa paksa. Binabasa ko ang mga banal na kasulatan mula simula hanggang wakas, pero gusto ko ring tumalun-talon sa mga pahina at pag-aralan ang mga paksa. Halimbawa, ginagamit ko ang Gabay sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan para hanapin ang mga talata tungkol sa pananampalataya o sa pagtitipon ng Israel. Pagkatapos ay hindi lamang ako nagsusulat ng mga tala, kundi isinusulat ko ang natututuhan ko para matiyak na talagang nauunawaan ko ito. Lagi akong namamangha sa dami ng mga bagay na mas nauunawaan ko kapag ginagawa ko ito. Pumipili rin ako ng ilang talata na isasaulo.
Brother Bradley Wilcox:
Mayroon akong study journal kung saan ko isinusulat ang mga talata sa sarili kong mga salita. Halimbawa, ang “Sapagkat ang likas na tao ay kaaway ng Diyos” (Mosias 3:19) ay naging “Sapagkat pinipili ng mga palalo at hindi nagsisising tao na maging kaaway ng Diyos, ngunit ang Diyos ay hindi niya kaaway. Ang Diyos ang pinakamatalik niyang kaibigan.”
Sumusulat din ako ng mga tanong. Maaaring mga tanong ito na iniisip ko bago ako magbasa, o maaaring mga tanong ito na nabuo dahil sa binabasa ko. Alinman dito ay tumutulong sa akin na magpokus.
Ang Kapangyarihan ng Pagsulat ng Iyong mga Iniisip
Ang bawat isa sa amin sa presidency ay iba ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pero nagsusulat kaming lahat habang ginagawa ito!
Ang pagbabasa ay tumutulong sa atin na mas itanim sa kalooban ang mga iniisip at nadarama natin. Mahalaga iyan. At kapag tayo ay nagsasalita o nagsusulat, natutuklasan at nailalabas natin ang mga naiisip at nadarama natin na mula sa ating kalooban. Nararamdaman namin na tumutulong ito sa amin na mas maiakma sa aming buhay ang mga katotohanan ng ebanghelyo.
Isang binatilyo ang nakatuklas sa katotohanang ito nang hilingan siyang magsalita sa sacrament meeting. Narinig na niyang nagsalita ang maraming tao ngunit hindi niya maalala ang mga detalye. Iba ang pagkakataong ito. Nang sumulat siya ng outline para sa sarili niyang mensahe, hindi lamang ito nakatulong sa kanya na magbigay ng organisadong mensahe, kundi naalala niya ito sa matagal na panahon.
Ganito rin ang maaaring mangyayari sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan. Kung nakakatulog kayo kapag binubuksan ninyo ang mga banal na kasulatan ninyo, oras na para gumising. Sumubok kumuha ng lapis, bolpen, telepono, o computer at magsulat. Mamamangha kayo sa napakalaking kaibhang magagawa nito!