“Mga Panalangin tungkol sa Goggles na Panlangoy,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hul. 2021, 27.
Mga Saligang Kaytibay
Mga Panalangin tungkol sa Goggles na Panlangoy
Minsan ay sumama ako sa aking tatay sa Sigatoka, Fiji—isang magandang lugar para lumangoy sa karagatan. Nagdiborsyo ang mga magulang ko, kaya hindi sumama sa amin ang nanay ko. Bago kami umalis, binilhan niya ako ng kulay lilang goggles. Totoo na goggles lang ang mga ito, pero inasahan niyang aalagaan ko at iuuwi ang mga ito.
Sa pagtatapos ng ikalawang araw sa Sigatoka, natanto ko na wala na sa akin ang goggles. Nag-alala ako na baka nawala ko ang mga ito sa dagat. Ang una kong ginawa ay manalangin na mahanap ko ang aking goggles. Nakadama ako ng kapayapaan at alam kong magiging maayos ang lahat.
Ang tanging taong sinabihan ko ay ang kapatid kong lalaki. Hindi siya naniniwala sa Diyos at madalas niyang punahin ang mga paniniwala ko dahil ako lang ang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa aking pamilya. Sabi niya, “Hindi mo na iyon makukuhang muli.” Sabi ko sa kanya, “Ipinagdasal ko ito, at alam kong masasagot ang mga dalangin ko.”
Kinabukasan ay tumingin-tingin ako sa tubig habang lumalangoy kami. Nang oras na para umuwi, hindi ko pa rin natagpuan ang aking goggles. Tinanggap ko na marahil ay hindi ko na matatagpuan ang mga ito at pinasalamatan ko ang Ama sa Langit para sa kapanatagan at kapayapaang hatid Niya sa akin.
Pagkatapos ay biglang sumigaw ang kuya ko. Hawak niya ang kulay lilang goggles!
Hindi pa rin naniniwala ang kapatid ko sa ebanghelyo, pero nagpapasalamat ako sa kapanatagan, lakas, at katiyakan na dumarating kapag nananampalataya ako sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Shreya S., Suva, Fiji