2021
Karapat-dapat Ba Ako?
Hulyo 2021


“Karapat-dapat Ba Ako?” Para sa Lakas ng mga Kabataan Hul. 2021, 22–23.

Karapat-dapat Ba Ako?

Naging biktima ako ng pang-aabuso sa napakatagal na panahon. Nakaapekto ba ito sa kung paano ako tingnan ng Panginoon?

dalagitang nakatungo

Paglalarawan ni Trent Gudmundsen

Sa panlabas, napakanormal ng buhay ko noong bata pa ako.

Nagsimba kami at dumalo sa lahat ng miting at aktibidad ng Simbahan. Nag-aral ako at nakipaglaro sa mga kaibigan ko. Noong tinedyer ako, ginawa ko ang lahat ng bagay na ginagawa ng mga karaniwang tinedyer. Lumalabas ako kasama ng mga kaibigan ko at kabilang ako sa koro at drama club. Dumalo ako sa prom. Ngunit may isang napakadilim na lihim sa ilalim ng masaya at normal na panlabas na iyon.

Mula noong dalawang taong gulang ako, naging biktima na ako ng seksuwal na pang-aabuso ng dalawang kuya ko. Inabuso rin nila ang mga kapatid kong babae. Napakabata pa namin para maunawaan ang nangyayari, pero habang tumatanda ako, nagsimula akong makaunawa nang kaunti. Madilim at marumi ang pakiramdam ko kapag kasama ko ang mga kuya ko.

Lumala ang Pagkalito Ko

Matapos dumalo sa klase ng Young Women kung saan itinuro ang tungkol sa moralidad, naunawaan ko ang kahulugan ng kabanalan at kalinisang-puri. Nakinig ako sa aking mga lider na nakikiusap sa akin at sa iba pa sa klase ko na panatilihin ang aming kalinisang-puri.

Naisip ko, “Paano magiging malinis ang aking puri?” Napakabata ko pa nang maging biktima ako ng seksuwal na pang-aabuso. Hindi ko maiwasang isipin kung ano kaya ang iniisip ng Panginoon tungkol sa akin. Isa ba akong dalagita na may kalinisang-puri? Marapat ba akong makipagdeyt sa mabubuting kabataang lalaki sa aking ward at paaralan? Hindi na ba ako marapat na ikasal sa templo dahil sa pag-aabusong dinanas ko?

Pinag-isipan ko ito nang labis. Hindi makatuwiran para sa akin na ituring ako na walang puri samantalang hindi ko pinili ang nangyari sa akin. Bakit hindi ko maaaring maramdaman na malinis ang aking puri? Hindi ba ako karapat-dapat sa pagmamahal ng Panginoon? Kailangan ko bang magsisi?

Sinikap Ko Lang na Kalimutan

Sa totoo lang ay hindi ko alam. Nadama ko na hindi ako dapat sisihin, pero kasabay nito, parang marumi at napakababa ko at hiyang-hiya ako. Hindi ako nagkaroon ng lakas-ng-loob na sabihin ito sa mga magulang ko o kahit kanino. Ilang beses ko itong sinubukan, pero hiyang-hiya ako at hindi ko alam kung paano bibigkasin ang mga salita. Sinikap ko lang na kalimutan na nangyayari ito.

Noong 15 taong gulang na ako, ang maliliit kong kapatid na babae ay nagkaroon ng lakas-ng-loob na siyang kulang sa akin. Kinausap nila ang isang tagapayo sa paaralan. Hindi nagtagal, isa sa mga kapatid kong lalaki ang dinakip at hinatulan ng tatlong taong pagkakabilanggo. Ngunit kahit ilang taon na ang nakalipas, nakadama pa rin ako ng takot na wala na akong puri o hindi ako karapat-dapat.

Nagkaroon Ako ng Lakas-ng-Loob na Humingi ng Tulong

Kalaunan, nagkaroon ako ng lakas-ng-loob na puntahan ang aking bishop isang araw. Ipinaliwanag niya na hindi ako pananagutin ng Panginoon sa lahat ng seksuwal na gawaing ipinilit sa akin noong bata at dalagita pa ako. Tiniyak niya sa akin na hindi ko kasalanan ang lahat ng ito. Wala akong sala sa harapan ng Panginoon. Malinis pa rin ang aking puri!

Dahil sa ilang pagpapayo mula sa mga propesyonal at sa tulong mula sa aking bishop, nagawa kong iwanan na ang pang-aabuso—at ang sakit at pagdurusang dulot nito. Ngayon ay may isang masaya at normal na buhay na talaga ako. Ikinasal ako sa templo sa isang mabuting lalaki, at masaya naming itinataguyod ang aming pamilya.

Gayunman, kung minsan ay pumapasok pa rin ang nakaraan sa aking isipan, at naaalala ko ang nadama kong hinagpis habang pinag-iisipan ko ang aking hindi pagkamarapat.

Iniisip ko kung gaano karaming mga kabataan ang nasa sitwasyong pinagdaanan ko noon, nahihiya at napapahiya, iniisip ang tungkol sa kanilang puri at kung may puwang para sa kanila sa plano ng Diyos.

Sa mga kabataang ito, nais kong sabihin na mahal kayo ng Panginoon.

Nagdurugo ang Kanyang puso para sa inyo.

Alam Niya na hindi kayo dapat sisihin.

Alam Niya na kayo ay tunay na may kalinisang-puri.

Tutulungan Niya kayong magkaroon ng tapang at lakas na mamuhay nang maligaya.