2021
Paano ko maiiwasang pagdudahan ang sarili kong halaga?
Hulyo 2021


“Paano ko maiiwasang pagdudahan ang sarili kong halaga?” Para sa Lakas ng mga Kabataan Hul. 2021, 30–31.

Mga Tanong at mga Sagot

“Paano ko maiiwasang pagdudahan ang sarili kong halaga?”

Gamit ang mga Mata ng Ama sa Langit

dalagita

“Araw-araw, nagdarasal ako sa Ama sa Langit at hinihiling ko sa Kanya na tulungan akong makita ang aking sarili kung paano Niya ako nakikita. Pagkatapos ay nakikinig akong mabuti habang binibigyan ako ng Espiritu ng mga positibong mensahe mula sa Diyos tungkol sa aking kahalagahan at pagkakakilanlan, at sinasabi ko ang mga salitang ito sa sarili ko sa harap ng salamin. Ang simpleng aktibidad na ito ay isang paraan na makakakonekta tayo sa langit at malalaman na mahal tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo at naniniwala Sila sa atin.”

Madeleine M., 14, New York, USA

Pahalagahan ang Ating mga Pagkakaiba

dalagita

“Ginagawa ko ang lahat para maalala na ako ay minamahal na anak ng Diyos. Sinisikap kong huwag ikumpara ang sarili ko sa iba, dahil pinahihirap nitong paniwalaan ang sarili kong halaga. Ginawa ng Diyos ang lahat na natatangi at maganda sa ating sariling paraan, at ang mga pagkakaibang iyon ay mabuti. ”

Brooke D., 14, Alberta, Canada

Isang Nakakubling Pagpapala

binatilyo

“Madalas nating isipin na nawawalan tayo ng halaga dahil tayo ay mahina o may mga kapintasan. Ang totoo, pinagpala tayo dahil maaari tayong magbangon mula sa mga ito at maging mas mabubuting bersyon ng ating sarili sa pamamagitan ng kababaang-loob at pagpapahusay ng ating sarili. Kung pagsisikapan natin ang mga bagay na mahirap para sa atin, makikita at gagantimpalaan ng Panginoon ang ating mga pagsisikap. Lahat ng ito ay tungkol sa pagsisikap at hindi pagsuko kailanman.”

Ricardo R., 17, Chihuahua, Mexico

Ang Ating Banal na Kalikasan

binatilyo

“Walang maihahambing sa kaalaman na bilang mga anak ng buhay na Diyos, maaari tayong maging katulad Niya. Binabago nito ang lahat! Kapag nagkaroon tayo ng masasamang iniisip na nagiging dahilan para magduda tayo sa ating kahalagahan, tandaan na ang mga naiisip na iyon ay mula kay Satanas, hindi sa Diyos. Tayo ay may walang-hanggang potensyal at likas na kabanalan, tulad ng ating Ama sa Langit. Nagtitiwala at minamahal Niya ang bawat isa sa atin.”

Alexandre S., 16, Minas Gerais, Brazil

Malaking Responsibilidad

dalagita

“Habang sinisikap kong pag-aralan at pagnilayan ang mga banal na kasulatan at ang mga salita ng mga buhay na propeta, nadarama ko na kasama ko ang Banal na Espiritu, na nagpapaalala sa akin na ako ay minamahal na anak ng mga magulang sa langit at may malalaking plano ang Diyos para sa akin. Palaging ipinapakita sa atin ni Pangulong Nelson ang malalaking responsibilidad natin sa mga huling araw na ito at na nagtitiwala sa atin ang Diyos at alam Niya kung ano ang kaya nating gawin.”

Mirian P., 16, Paraná, Brazil

Gumawa ng Isang Bagay na Gustung-gusto Mo

“Kapag nagsisimula na tayong magduda sa sarili nating halaga, palagi tayong makahihingi ng tulong sa ibang tao. Ngunit maaari muna tayong magsimula sa pagsasaayos ng sarili nating paraan ng pag-iisip. Maaari tayong mag-ehersisyo, makisalamuha sa mga kaibigan at pamilya sa malulusog na paraan, o gumawa ng isang aktibidad na nagpapasaya sa atin. Tinutulungan tayo nitong maunawaan na tayo ay mga anak ng Diyos, na nagbigay sa atin ng kahalagahan at talento.”

Carlos V., Mexico

Kilalanin ang Iyong Sarili

“Natuklasan ko na mas madaling mahalin ang sarili ko dahil nag-ukol ako ng oras na kilalanin kung sino ako. Minsan ay sinabi sa akin ng lolo ko, “Kailangan mong mamuhay nang walang-hanggan kasama ang sarili mo, kaya mas mabuting maging ang tao na gusto mong makasama mo.” Sinunod ko ang payong iyon at sinikap kong maging pinakamagaling na bersyon ng aking sarili. Ngayon ay mas may kumpiyansa na ako dahil alam ko kung ano ang gusto ko, kung saan ako magaling, at kung ano ang pinaninindigan ko. Masaya ako kapag sinisikap kong maging ang taong nais ng Ama sa Langit na kahinatnan ko.”

Sarah Nielson, Utah, USA

Tandaan Kung Sino Ka

“Iniisip ko ang awit sa Primary na “Ako ay Anak ng Diyos.” Ipinapaalala nito sa akin na nabigyan ako ng mga kaloob at talento na makakatulong para maihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon. Ang bahagi ng bawat tao ay natatangi at mahalaga, at lahat tayo ay mga himala sa buhay ng bawat isa. Ikaw ay tunay na isang himala sa buhay na ito para sa lahat ng nakapaligid sa iyo. Kung nakakalimutan mo ito, isipin ang lahat ng ginawa ni Jesus sa lupa at sikaping tularan ang Kanyang halimbawa. Sa tuwing nalulungkot ka o sa tingin mo ay wala kang halaga, hanapin ang isang taong ganoon din ang nadarama, at mapapalakas ka nito.”

Brigham M., Mexico

Pagsang-ayon ng Langit

“Kapag nakikinig ako sa Diyos, tinutulungan Niya akong tigilan ang pagdududa sa aking personal na kahalagahan. Hindi lubos na mauunawaan ng ibang tao ang aking kahalagahan, ngunit alam ito ng Diyos, at nagtitiwala ako sa Kanya. Kung hahayaan kong ang mga tao sa paligid ko ang magdesisyon kung ano ang aking halaga, ang tanging gagawin ko ay pagtuunan ang kanilang mga salita at isipin ang masasamang bagay tungkol sa aking sarili. Ngunit kapag hindi na ako nagtutuon sa mga negatibong salita nila, hindi ko na kailangang magduda sa sarili kong halaga. Nalaman ko na hindi ko kailangan ng pagsang-ayon ng iba. Bawat isa sa atin ay likas na mahalaga bilang mga anak ng ating Ama sa Langit. Kailangan nating ipaalala ito sa ating sarili, lalo na kung walang ibang gagawa nito.”

Anna G., 23, France

Kumpiyansa sa Ebanghelyo

“Sa social media, nakikita ko ang lahat ng uri ng tao na tila perpekto, o kung hindi man ay nakahihigit sa akin. Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay tumutulong sa akin na maging mapagpasalamat sa kung sino ako. Kapag ipinamumuhay ko ang mga alituntunin ng ebanghelyo tulad ng pananampalataya, pagsisisi, at pagninilay sa mga banal na kasulatan, nadarama kong natatangi ako. Hindi ko nadaramang kailangang ikumpara ang sarili ko sa iba, at sa huli, tumataas ang kumpiyansa ko sa aking sarili.

Alexandra R., Mexico

Patawarin ang Iyong Sarili

“Hindi natin palaging iniisip na marapat tayong patawarin, dahil alam natin ang mga pagkakamaling nagawa natin. Ngunit tayo ay tao—nagkakamali tayo at patuloy pang magkakamali. Kailangan nating patawarin ang ating sarili, dahil karapat-dapat ang lahat sa pangalawang pagkakataon. Kailangan nating makita ang ating sarili ayon sa pagkakita sa atin ng mga taong nagmamahal sa atin. Makikita natin ang isang natatangi at kamangha-manghang tao na marapat sa pagmamahal na walang kondisyon anuman ang mangyari.

Valerie J., Mexico