2021
Bakit Kayo Dapat Magalak
Hulyo 2021


“Bakit Dapat Kayong Magalak,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hul. 2021, 6.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Bakit Dapat Kayong Magalak

Magalak! Binigyan kayo ng Panginoon ng mga dahilan na gawin iyon.

Doktrina at mga Tipan 78:18

Binigyan tayo ng Panginoon ng maraming paanyaya. At madalas Niyang inuulit ang mahahalaga. (Halimbawa, ilang beses Niyang sinabi ang tulad ng “Pumarito ka, sumunod ka sa akin”?)

Ang isang paanyayang makikita ninyong inuulit sa mga banal na kasulatan ay: “Magalak.”

Kung minsan ay sinasabi ito ng Panginoon kapag sinisikap Siyang sundin ng Kanyang mga tao ngunit nahaharap sila sa oposisyon at mga pagsubok. At kapag inaanyayahan Niya tayong magalak, karaniwa’y nagbibigay Siya ng mga dahilan para mahikayat Niya tayong maging masaya. Halimbawa, sinabi Niya minsan:

“Magalak, sapagkat akin kayong aakayin. Ang kaharian ay sa inyo at ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 78:18).

Himayin natin iyan:

“Magalak, sapagkat [Dahilan 1] akin kayong aakayin. [Dahilan 2] Ang kaharian ay sa inyo at [Dahilan 2a] ang mga pagpapala nito ay sa inyo, at [Dahilan 3] ang mga kayamanan ng kawalang-hanggan ay sa inyo” (Doktrina at mga Tipan 78:18).

Dito ay ipinaaalala sa atin ng Panginoon ang tungkol sa Kanyang patnubay at mga pagpapala. Ang mga ito ay ilang magagandang dahilan upang magalak.

Narito pa ang isang halimbawa:

“Magalak, maliliit na bata; sapagkat [Dahilan 1] ako ay nasa inyong gitna, at [Dahilan 2] hindi ko kayo pinabayaan” (Doktrina at mga Tipan 61:36).

At isa pa:

“Magalak, at huwag matakot, sapagkat [Dahilan 1] ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at [Dahilan 2] [Ako ay] tatayo sa tabi ninyo” (Doktrina at mga Tipan 68:6).

Ipinapaalala sa atin ng Panginoon na malapit Siya sa atin at tutulungan Niya tayo kapag sinisikap nating sundin Siya at gawin ang Kanyang gawain. Pagkatapos ay maaari na tayong humayo nang may kumpiyansa at, oo, nang may kagalakan. Tutal, ang plano ng Ama sa Langit ay ang “plano ng kaligayahan” (Alma 42:8, 16), at ang pagsunod sa mga utos ng Panginoon ay ang paraan para mamuhay “nang maligaya” (2 Nephi 5:27).

Kahit na sinisimulan tayong gawing malungkot ng ating mga pagsubok, kung nais nating sundin ang Panginoon, hinihikayat Niya tayong magalak. At binibigyan Niya tayo ng ilang mabubuting dahilan para gawin ito.