2021
Ang Kagalakan ni Kosei
Hulyo 2021


“Ang Kagalakan ni Kosei,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hul. 2021, 12–15.

Ang Kagalakan ni Kosei

Gustung-gusto ng binatilyong ito mula sa Japan ang magbahagi ng ebanghelyo.

Nagasaki, Japan

Larawan mula sa Getty Images

Tumutugtog siya ng piyano. Siya ay tumatakbo. Naglo-long jump din siya! Pero hindi lamang iyon ang mga kahanga-hangang bagay tungkol kay Kosei H., isang 17-taong-gulang na binatilyo mula sa Nagasaki, Japan.

binatilyong tumutugtog ng piyano
binatilyong tumatakbo

“Isa siya sa pinakamagagaling na kabataang missionary na nakilala ko,” sabi ni Sister McKenna Frasure, isang kauuwi lamang na missionary na naglingkod sa Japan kung saan nakatira si Kosei. “Hindi kailanman pinalalampas ni Kosei ang pagkakataon na makasama ang mga missionary o makapagpatotoo kay Cristo sa mga aktibidad sa Simbahan at sa social media,” sabi niya.

Itinuturing ni Kosei na ilan sa matatalik niyang kaibigan ang mga missionary. At hindi na nakakagulat na ganoon ang nadarama niya kapag natanto ninyo kung gaano niya kagustong ibahagi ang ebanghelyo.

binatilyong kasama ng mga missionary

“Ang gawaing misyonero ay ang aking kagalakan,” sabi ni Kosei. “Itinuro sa atin ni Nephi na ang bunga ng punungkahoy ng buhay ‘ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay’ (1 Nephi 11:22). Maaaring itatwa ng ilang tao ang bungang ito. Gayunman, bilang isang taong nakakaalam sa katamisan ng bunga, nais kong ibahagi ang ebanghelyo sa mga nasa paligid ko.”

Ang pagbabahagi ng mga pagpapala ng ebanghelyo ay maaaring ang pinakamagaling na talento ni Kosei.

Tagumpay sa Social Media

Matapos dumalo sa missionary preparation class, nakadama si Kosei nang mas matinding hangarin na dalhin ang kagalakan ng ebanghelyo sa kanyang mga kaibigan. Nagsimula siya sa paggawa nito online. Ang isa sa mga pangunahing kasangkapang ginagamit niya para makapagbahagi ng mga mensahe at impormasyong may kaugnayan sa ebanghelyo ay ang social media.

binatilyong may smartphone

Tumugon ang ilan sa kanyang mga kaibigan sa mga social media post na ito. Isang partikular na kaibigan ni Kosei ang lumapit at nagsabing, “Interesado ako sa Simbahan mo.”

Ang kaibigang ito ay isang kakilala lang noong una, ngunit mabilis na lumalim ang kanilang pagkakaibigan. “Nagsimula siya sa pagtatanong sa akin tungkol sa mga pagkakaiba ng aming mga pananampalataya,” paliwanag ni Kosei. “Kahit na hindi ko siya nakausap nang madalas, naging mabuti kaming magkaibigan matapos kong ibahagi ang ebanghelyo sa social media.”

Mga Isport, Libangan, at Walang-hanggang Pagkakaibigan

Ang social media ay hindi lamang ang paraan ni Kosei sa pagbabahagi ng kanyang pananampalataya. Alalahaning abala siya sa buhay na puno ng mga aktibidad. Marami siyang pagkakataon na makipagkilala sa mga tao at makipagkaibigan. At ginagamit niya ang mga pagkakataong iyon para ipalaganap ang kagalakan ng ebanghelyo.

“Minsa’y inimbita ko ang isang kaibigan sa sports club sa English class na itinuturo ng mga missionary sa Simbahan,” paliwanag ni Kosei. “Siya at ang mga missionary ay naging mabubuting magkaibigan habang nag-aaral siya ng Ingles.”

Gayunman, hindi tumigil sa pag-aaral ng Ingles ang mga pag-uusap.

“Nagsimulang pag-isipan ng kaibigan ko kung bakit ang mga missionary na ito, na halos kaedad niya, ay nagsasagawa ng boluntaryong gawain at naglilingkod bilang mga missionary sa Japan. Ang sumunod niyang tanong ay kung ano ang nagtutulak sa mga missionary na maglingkod. Narinig na niya ngayon ang mga missionary lesson at nakikipag-ugnayan pa rin sa mga missionary sa pamamagitan ng video chat.”

Tuwing ibinabahagi niya ang ebanghelyo sa kanyang mga kaibigan, sinisikap ni Kosei na itugma kung ano ang ibinabahagi niya sa lebel ng kanilang interes. “Halimbawa, una kong binanggit ang mangyayari pagkatapos ng kamatayan, kung ano ang layunin ng buhay, o kung mayroong Diyos,” sabi niya. “Pagkatapos ay ina-adjust ko ito batay sa kanilang interes.”

Siyempre, alam niya na hindi magiging interesado ang lahat. Nagkaroon siya ng mga problema, tulad ng iba. Isang araw, matapos magtanong sa kanya ang ilan sa kanyang mga kaibigan tungkol sa Simbahan, sinikap ni Kosei na ibahagi ang isang handout ng Simbahan sa isa sa kanila. “Gayunman, tumakbo sa labas ng silid-aralan ang kaibigang iyon at pinagtawanan ako nang malakas mula sa pasilyo.

“Labis akong nalungkot dahil doon,” sabi ni Kosei.

Ngunit hindi niya hinahayaang pigilan siya ng pagkabigo. Alam niya na ang ibinabahagi niya ay magpapala sa kanilang buhay magpakailanman kung makikinig sila.

Ang Kagalakang Nagtutulak sa Kanya

“Nagagalak ako sa mga turo ni Cristo,” sabi ni Kosei. “Kung hindi ko alam ang mga turong iyon, ang buhay ko ay mawawalan ng tunay na kagalakan.”

binatilyong nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Sa pagbabalanse niya ng maraming aktibidad at interes, alam ni Kosei kung ano ang uunahin. “Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagdudulot ng pag-asa sa ating buhay at nagpapakita ng lahat ng bagay na dapat nating gawin,” sabi niya. “Kahit na labis tayong nalulungkot o nahihirapan, ang taimtim na panalangin ay maghahatid ng kapayapaan at tutulong sa atin na magkaroon ng positibong pananaw.”

Kaya determinado siyang ibahagi ang ebanghelyo tuwing may pagkakataon siya. Nais niyang maranasan ng iba ang tinatamasa niya araw-araw! “Ang hinihiling ko mula sa kaibuturan ng puso ko ay na maraming tao ang magkaroon ng pagkakataong maranasan ang tunay na kagalakang ito,” sabi niya.

binatilyong nasa templo

Ang Pinakamahalaga

Siyempre, hindi niya ginugugol ang lahat ng oras niya sa pagbabahagi ng ebanghelyo. Labis na nagsisikap si Kosei sa iba pa niyang mga mithiin sa buhay. Araw-araw siyang nagsasanay nang husto sa pagtakbo at pagpapalakas ng mga kalamnan. Kapag kailangan niyang mag-relax nang kaunti, tumutugtog siya ng piyano. Natutuwa rin siyang gumugol ng oras sa kalikasan at makasama ang kanyang pamilya. “Sa paglabas namin sa kalikasan ng mga kapatid ko—hinding-hindi ko malilimutan ang araw na nakahuli kami ng mga isda at kinain ang mga ito!” sabi niya.

pamilya
pangingisda ng pamilya
binatilyo

Sa lahat ng ito, patuloy na naglalaan ng oras si Kosei sa pinakamahalagang bagay.

At may maliit siyang payo sa sinumang gustong gumawa nito: “Tumatanggap tayo ng patnubay kapag sinusunod natin ang mga kautusan. Kapag ginagawa natin ito, mapapalakas tayo ng Panginoon. Ang mga takot at pag-aalala ay napapalitan ng pag-asa at tiwala. Kung bubuksan natin ang ating bibig nang hindi ikinahihiya ang ebanghelyo, makikilala ng mga tao ang pagmamahal na katulad ni Cristo at mapupuspos sila ng kagalakan.”