Seminary
Doctrinal Mastery: Apocalipsis 20:12


Doctrinal Mastery: Apocalipsis 20:12

“At ang mga Patay ay Hinatulan Ayon sa Kanilang mga Gawa”

A teenage girls sits on her loft bed in her room. She has her feet hanging over the side of the bed. She appears to be reading her scriptures. This is in Maine.

Sa nakaraang lesson, “Apocalipsis 20:11–15,” natutuhan mo ang tungkol sa Huling Paghuhukom at ang tungkulin ng Tagapagligtas bilang ating Hukom. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang doctrinal mastery reference at ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Apocalipsis 20:12, maipaliwanag ang doktrina, at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman.

Pakikinig sa mga sagot ng mga estudyante. Iwasan ang nakagawiang isipin ang susunod na bahagi ng lesson plan habang nagtatanong o sumasagot sa mga tanong ang mga estudyante. Pakinggang mabuti ang ibabahagi nila, at magtanong ng mga follow-up na tanong kung kinakailangan upang lubos na maunawaan ang kanilang mga tanong at komento. Kung minsan ay mas mahalagang talakayin ang isang paksang interesado ang mga estudyante o tulungan silang mas maunawaan ang isang doktrina kaysa talakayin ang lahat ng materyal sa lesson plan.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang Apocalipsis 20:12 at maghandang ibahagi sa klase ang natutuhan nila tungkol sa Huling Paghuhukom at kung paano tayo makapaghahanda para dito.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Ang doctrinal mastery passage lesson na ito ay ituturo pagkatapos ng lesson na “Apocalipsis 20:11–15,” na siyang kontekstuwal na lesson para sa doctrinal mastery passage na Apocalipsis 20:12 . Kung kailangang ilipat ang doctrinal mastery passage lesson na ito sa ibang linggo, tiyaking ituro din ang kaukulang kontekstuwal na lesson sa linggo ring iyon.

Maaari mong sabihin sa tatlong estudyante bago magklase na rebyuhin ang isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman at maghandang magbahagi ng buod ng alituntuning iyon kalaunan sa lesson.

Isaulo at ipaliwanag

Tulungan ang mga estudyante na maisaulo at maipaliwanag ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Apocalipsis 20:12 gamit ang mga pinakaepektibong paraan para sa kanila.

Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na sa nakaraang lesson, pinag-aralan nila ang isang doctrinal mastery passage tungkol sa Huling Paghuhukom. Sabihin sa kanila na subukan kung mahahanap nila ang doctrinal mastery passage na ito sa mga banal na kasulatan nang wala pang dalawang minuto, kung maaala nila ito o sa paggamit ng iba pang mga resource.

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong sa iyo na maisaulo ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan na “at ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa” ( Apocalipsis 20:12):

  • Sabihin nang malakas ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang limang beses.

  • Pagkatapos ay isulat ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan sa isang papel nang tatlong beses nang walang kopya. Pagkatapos ng bawat pagsisikap na gawin ito, tingnan kung tama ito at itama ito sa susunod na paggawa nito.

Maaari mong itanong kung may miyembro ng klase na maipapahayag ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan nang walang kopya, o sabihin sa klase na bigkasin ang mga ito nang sabay-sabay.

Sa halip na gamitin ang sumusunod na aktibidad, maaari mong isulat sa pisara ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan at mag-anyaya ng mga boluntaryo na isulat sa paligid ng mga ito ang mga katotohanang natutuhan nila tungkol sa Huling Paghuhukom. Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na ipaliwanag nang mas detalyado sa klase ang isinulat nila.

Alalahanin na sa nakaraang lesson, pinag-aralan mo ang katotohanang Hahatulan tayo ng Diyos batay sa mga aklat na isinulat ayon sa ating mga gawa. Upang matulungan kang suriin kung gaano kahusay mong nauunawaan ang katotohanang ito, ipagpalagay na itinanong sa iyo ng nakababatang kapatid mo ang mga sumusunod na tanong habang nag-aaral ang pamilya ng mga banal na kasulatan. Sagutin ang mga tanong hangga’t kaya mo.

Kung hihilingin sa mga estudyante na sagutin ang mga sumusunod na tanong, ipakita ang mga tanong para sa kanila, at maaari mong sabihin sa kanila na talakayin ang kanilang mga sagot sa isang kapartner. Lumibot sa silid at pakinggan ang kanilang mga sagot. Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, ipaalala sa kanila ang materyal na napag-aralan nila sa lesson na “Apocalipsis 20:11–15.”

  • Sino ang hahatulan?

  • Sino ang ating magiging hukom at bakit?

  • Ano ang magiging batayan ng paghatol sa atin?

  • Anong mga aklat ang magiging batayan ng paghatol sa atin? (Tingnan sa Apocalipsis 20:12 .)

  • Paano tayo magiging handa para sa paghatol?

Ngayong ilang minuto na ang nakalipas mula nang sikapin mong isaulo ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Apocalipsis 20:12 , tingnan kung mabibigkas mo pa rin ito nang walang kopya. Tingnan kung tama ang nabigkas mo kung kinakailangan.

Pagsasanay para sa pagsasabuhay

Kung hiniling sa tatlong estudyante na maghanda ng buod ng isang alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman bago magklase, sabihin sa kanila na ibahagi sa klase ang kanilang mga buod sa oras na ito. Kung hindi humiling sa mga estudyante nang maaga, maaari kang humiling ng tatlong boluntaryo na magbubuod ng tig-isa sa mga alituntunin. Tiyaking purihin at pagtibayin ang bawat estudyante na magbubuod ng isa sa mga alituntunin.

Ang pagsasabuhay ng mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman ay makatutulong sa atin sa mga sitwasyon sa tunay na buhay. Ibuod nang maikli ang mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman gamit ang sarili mong mga salita. Pagkatapos ay rebyuhin ang mga talata 5–12 ng bahaging “Pagtatamo ng Espirituwal na Kaalaman” sa Doctrinal Mastery Core Document (2022), at hanapin ang anumang karagdagang katotohanan na maaari mong isama sa iyong buod.

Para sa sumusunod na aktibidad, maaari kang magpabahagi sa mga estudyante ng sarili nilang mga sitwasyon kung saan kailangang mas maunawaan ng isang tao ang mga katotohanan tungkol sa Huling Paghuhukom. Pagkatapos ay maaari mong palitan ang alinman sa isa o ang dalawang sitwasyon sa lesson ng (mga) sitwasyong ibabahagi ng mga estudyante.

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon, at pumili ng isang sitwasyon na gusto mong pagtuunan para sa sumusunod na aktibidad. Isipin ang dahilan kung bakit madarama ng tao sa sitwasyong iyon ang gayong damdamin. Nakakaugnay ba kayo sa nadarama ng alinman sa mga dalagitang ito? Isipin kung ano ang maaaring hindi pa nila nauunawaan tungkol sa Huling Paghuhukom na makatutulong sa kanila.

1. Si Stephanie ay may ilang kaibigan na namumuhay nang makamundo. Inaamin niya na bagama’t nilalabag nila ang mga kautusan, kung minsan ay mukhang masaya ang ginagawa nila. Hindi niya napansin ang malalaking negatibong kahihinatnan ng kanilang mga pagpili at iniisip niyang makisali sa kanila.

2. Si Kayla ay isang mabuting dalagita na mapagpakumbabang nagsisisi kapag nagkakamali siya, ngunit natatakot pa rin siya kapag pinag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Huling Paghuhukom. Sinisikap niyang hindi ito isipin.

Maaaring gawin ng mga estudyante ang sumusunod na aktibidad nang mag-isa o nang may kapartner.

Sumulat ng liham para kay Stephanie o Kayla na pinaniniwalaan mong makatutulong sa kanya na maiwasan ang panghihinayang sa hinaharap o hindi kinakailangang pagkatakot. Bilang alternatibo, maaari mong piliing sumulat sa isang taong kakilala mo na mapagpapala ang kanyang buhay kapag mas naunawaan niya ang Huling Paghuhukom. Isama sa iyong liham kung paano naaangkop ang bawat isa sa mga alituntunin ng pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa kanyang sitwasyon. Maaari mong pag-isipan ang mga sumusunod habang nagpapasiya ka kung ano ang isusulat.

  • Paano mo matutulungan si Stephanie o Kayla na makita ang mga bagay-bagay nang may walang-hanggang pananaw? Paano ito makatutulong sa kanya?

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit, kay Jesucristo, at sa plano ng kaligtasan na maaaring makatulong kay Stephanie o Kayla? Paano mo nalaman ang mga katotohanang ito?

  • Anong mga source na itinalaga ng Diyos ang imumungkahi mong gamitin niya upang malaman ang katotohanan tungkol sa Huling Paghuhukom? Paano makatutulong sa kanya ang mga katotohanang itinuro sa Apocalipsis 20:12 ?

  • Paano mo siya mahihikayat na kumilos nang may pananampalataya ngayon at sa hinaharap?

Bigyan ang mga estudyante ng pagkakataong ibahagi nang malakas sa klase o sa maliit na grupo ang isinulat nila sa dalagita sa sitwasyong pinili nila. Makinig nang mabuti habang nagbabahagi sila, at maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong tulad ng sumusunod upang mapalalim ang kanilang pag-unawa: “Mayroon bang mga partikular na talata sa banal na kasulatan o pahayag ng mga lider ng Simbahan na maaaring makatulong sa kanya? Paano makatutulong ang mga ito?” “Ano ang nakatulong sa iyo para maunawaan mo ang Huling Paghuhukom at makapaghanda para dito? Irerekomenda mo ba kay Stephanie o Kayla na ganito rin ang gawin? Bakit oo o bakit hindi?”

Kung makatutulong sa mga estudyante na mas maalala ang mahalagang parirala ng banal na kasulatan para sa Apocalipsis 20:12 , sabihin sa kanila na subukang bigkasin ito nang isa pang beses nang walang kopya bago sila umalis sa klase.

Pagrerebyu ng doctrinal mastery

Sa simula o huling bahagi ng susunod na lesson, maglaan ng hindi hihigit sa tatlo hanggang limang minuto sa pagrerebyu ng doctrinal mastery passage na Apocalipsis 20:12 . Ang isang paraan upang magawa ito ay ipakita ang reperensyang banal na kasulatan at mahalagang parirala ng banal na kasulatan, at palitan ng mga patlang ang dalawa o tatlong salita. Matapos mapunan nang tama ng mga estudyante ang mga patlang, ipakita muli ang reperensya at mahalagang parirala nang may ibang mga patlang na pupunan. Maaari itong ulitin nang maraming beses nang may iba’t ibang patlang na pupunan sa bawat pagkakataon.