I-assess ang Iyong Pagkatuto 12
Apocalipsis 1–22
Layunin ng lesson na ito na tulungan kang suriin ang mga mithiing itinakda mo at ang pag-unlad na naranasan mo sa iyong pag-aaral ng Bagong Tipan.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Ang iyong personal na pag-unlad
Sa lesson na ito, magkakaroon ka ng pagkakataong i-assess ang iyong pagkatuto at kung paano mo naipamuhay ang mga alituntuning itinuro sa Apocalipsis 1–22. Rerebyuhin at susuriin mo rin ang iyong pag-unlad nitong mga nakalipas na ilang buwan habang pinag-aaralan mo ang Mga Gawa–Apocalipsis. Ang mga sumusunod na aktibidad sa pag-aaral ay makatutulong sa iyo na makita kung paano nag-ibayo ang iyong pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at kung paano ka naging higit na katulad Nila.
Ang aklat ng Apocalipsis
Maglaan ng ilang minuto na rebyuhin ang anumang banal na kasulatan na maaaring minarkahan mo, ang mga maikling tala sa iyong mga banal na kasulatan, o journal entry na ginawa mo bilang bahagi ng iyong pag-aaral ng aklat ng Apocalipsis.
-
Ano ang ilang bagay na naaalala mong natutuhan o nadama mo nang pag-aralan mo ang aklat ng Apocalipsis?
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa iyong Tagapagligtas na si Jesucristo mula sa aklat ng Apocalipsis?
-
Ano ang ilan sa mga katotohanan na nahikayat kang gawin bilang bahagi ng iyong mga pag-aaral?
Aktibidad A: Pagsamba at pagsunod sa Diyos nang taos-puso
Sa Apocalipsis 4 – 5 , maaaring napag-aralan mo ang bahagi ng pangitain ni Juan kung saan nakita niya ang trono ng Diyos na may iba’t ibang nilalang at masimbolikong hayop na sumasamba sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Maaaring inanyayahan kang pagnilayan kung paano ka nagbibigay-puri sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at mag-isip ng mga paraan na mapagbubuti mo pa ang iyong personal na pagsamba.
-
Ano ang natutuhan o nadama mo kamakailan tungkol sa Ama sa Langit o kay Jesucristo na naghikayat sa iyo na naising sambahin Sila?
-
Anong mga pagsisikap ang nagawa mo upang mapagbuti ang iyong pagsamba? Halimbawa, maaaring hinangad mong palalimin ang iyong pagsamba sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagtanggap ng sakramento, paggalang sa araw ng Sabbath, pag-aayuno, pagdalo sa templo, o sa iba pang paraan.
-
Paano nakaapekto ang mga pagsisikap na ito sa ugnayan mo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
Aktibidad B: Labanan at daigin ang kasamaan nang may pananampalataya kay Cristo
Sa Apocalipsis 12 – 13 , maaaring natutuhan mo na sa buhay bago tayo isinilang, lahat tayo ay nanampalataya kay Jesucristo upang madaig si Satanas. Maaaring inanyayahan kang pagnilayan ang iyong paniniwala sa mga turong ito at isipin kung ano ang magagawa mo upang patuloy na magtiwala kay Jesucristo habang nakikipaglaban tayo sa kalaban dito sa mortalidad.
-
Ano sa palagay mo ang dapat mong gawin pagkatapos ng iyong pag-aaral?
-
Anong mga balakid o hamon ang naranasan mo sa paggawa niyon? Ano ang mga naging tagumpay mo?
-
Paano nakatulong sa iyo ang paggawa ng mga hakbang na ito na mas mapalapit kay Jesucristo o makatanggap ng lakas mula sa Kanya upang madaig si Satanas?
Ang Bagong Tipan: Mga Gawa–Apocalipsis
Maaaring naaalala mo na pagkatapos marinig ang patotoo ni Pablo tungkol kay Jesucristo, sinabi ni Haring Agripa, “Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!” Buong tapang na sumagot si Pablo, “Loobin nawa ng Diyos, na sa madali o matagal man, ay hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko naman [na Cristiano]” ( Mga Gawa 26:28–29).
Si Pablo at ang iba pang mga Apostol ay nagkaroon ng matinding hangaring ilapit ang iba kay Cristo sa pamamagitan ng kanilang mga turo at patotoo. Marami sa kanila ang nagbigay ng kanilang buhay at namatay bilang mga martir para sa layunin ni Cristo, at naiwan ang kanilang mga turo sa aklat ng Mga Gawa at Mga Sulat. Sana ay inanyayahan mo ang mga patotoong iyon sa iyong puso at ipinamuhay mo ang kanilang mga turo. Ngayon, ikaw naman ang magtuturo at magpapatotoo.
Sumulat ng sarili mong liham para sa sinumang pipiliin mo. Halimbawa, maaari mo itong sabihin sa iyong sarili isang taon na ang nakararaan bago pag-aralan ang Bagong Tipan, sa isang kaibigan na hindi nauunawaan kung bakit ka dumadalo sa seminary, o sa isang kapamilya na maaaring makinabang sa iyong patotoo tungkol sa Tagapagligtas.
Sinuman ang pipiliin mong sulatan, magsama ng isa o mahigit pang talata mula sa Mga Gawa–Apocalipsis, pati na kung paano napagpala ang iyong buhay ng mga katotohanan mula sa mga talatang ito. Ang mga sumusunod na tanong ay maaaring gumabay sa iyo, ngunit maaari mong piliin kung ano ang isusulat mo.
-
Paano nakatulong sa iyo ang napag--aralan mo na lumapit kay Cristo at magkaroon ng kapayapaan sa Kanya?
-
Paano nakatulong sa iyo ang napag-aralan mo na mapaglabanan o madaig ang kasamaan nang may pananampalataya kay Jesucristo?
-
Paano nakatulong sa iyo ang napag-aralan mo na masagot ang isang tanong o malutas ang isang alalahanin o problema?
-
Ano pa ang gusto mong malaman ng isang tao upang mahikayat siya na pag-aralan ang Bagong Tipan at lumapit kay Cristo?