Seminary
Apocalipsis 2–3, Bahagi 2


Apocalipsis 2–3, Bahagi 2

“Ang Magtagumpay”

Painting of Jesus Christ by Mike Malm. Christ appears to be walking on the water with his arms outstretched to receive those who come, unto Him. There are clouds in the background with sunlight reflecting off the clouds. Light also emanates from around his head.

Naisip mo na ba kung paano mo matagumpay na mahaharap ang mga hamon ng mortalidad? Itinuro ng Tagapagligtas sa mga Banal mula sa pitong simbahan sa Asia kung paano daigin ang mga pag-uusig, kasalanan, at iba pang mga hamon upang matanggap ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na makadama ng ibayong hangaring madaig ang mga hamon at matanggap ang mga pagpapalang ipinangakong ibibigay ng Tagapagligtas.

Pagtulong sa mga estudyante na maging mga aktibong kalahok. Ang isang paraan upang matulungan ang mga estudyante na maging mga aktibong kalahok ay bigyan sila ng mga pagkakataong piliin ang gusto nilang pag-aralan. Maaari kang magbigay ng ilang magkakatulad na kuwentong pag-aaralan, mga tanong na sasagutin, o mga aktibidad na pagpipilian.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na hilingin sa isang kapamilya o pinagkakatiwalaang kaibigan na magbahagi sa kanila ng isang karanasan kung saan nadaig nila ang isang balakid sa tulong ng Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Makita ang katapusan mula sa simula

Maaari mong pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa kanila na ipaliwanag sa isa’t isa kung ano ang paborito nilang pagkain at kung bakit natutuwa sila na kainin ito. Pagkatapos ay ibahagi ang sumusunod na analohiya at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang kaugnay na tanong.

Isipin kunwari na ikaw ay nasa sumusunod na sitwasyon na inilarawan ni Brother Ahmad S. Corbitt ng Young Men General Presidency. Panoorin ang “Magagawa Ninyong Tipunin ang Israel!,” na matatagpuan sa SimbahanniJesucristo.org, mula sa time code na 4:49 hanggang 5:22, o basahin ang sumusunod na pahayag.

10:53
The official portrait of Ahmad Corbitt.

Isipin kunwari na isang araw bago kayo pumasok sa paaralan, nangako ang isa sa inyong mga magulang na makakakain kayo ng paborito ninyong pagkain pag-uwi ninyo! Tuwang-tuwa kayo! Habang nasa paaralan, iniisip ninyo na kinakain ninyo ang pagkaing iyon, at nalalasahan na ninyo iyon. Siyempre, ibabahagi ninyo sa iba ang inyong magandang balita. Ang pag-asam na makauwi ay labis na nagpapasaya sa inyo kaya tila madali ang mga pagsusulit at gawain sa paaralan. Walang makapag-aalis ng inyong kagalakan o makapagpapaduda sa inyo dahil nakatitiyak kayo sa pangako!

(Ahmad S. Corbitt, “Magagawa Ninyong Tipunin ang Israel!,” Liahona, Mayo 2021, 62)

Magagamit din natin ang analohiya ni Brother Corbitt sa ating espirituwal na buhay.

  • Sa iyong palagay, bakit mas makakayanan natin ang mga pagsubok at hamon ng mortalidad kapag nanatili tayong nakatuon sa mga walang-hanggang pangako sa atin ng ating Ama sa Langit?

Sa Apocalipsis 2–3, nagpatotoo si Jesucristo tungkol sa Kanyang mga walang hanggang pangako at itinuro sa mga Banal kung paano nila matatanggap ang mga pangakong ito. Ang mga Banal noong panahon ni Juan ay nangailangan ng tulong sa maraming hamon na katulad ng mga hamong maaari mong maranasan, kabilang ang mga kasalanan, pag-uusig, at kawalan ng pagpapahalaga. Habang pinag-aaralan mo ang mga kabanatang ito, isipin kung paano makatutulong sa buhay mo ang pag-unawa sa mga pangakong ito mula sa Panginoon.

Ipakita ang mga sumusunod na scripture passage, kahulugan, at tanong. Maaari mong ilagay ang mga estudyante sa maliliit na grupo upang basahin nila ang mga taludtod at talakayin ang mga tanong.

Maaaring anyayahan ang mga estudyante na magtanong tungkol sa mga pangakong ito at pag-aralan ang mga entry sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan o iba pang resources na tutulong sa kanila na mas maunawaan ang mga pangakong ito.

Gumawa ng chart sa iyong study journal na katulad ng sumusunod.

Mga talata

Ang mga pangako ng Diyos sa mga magtatagumpay

Apocalipsis 2:7, 10–11, 17, 25–29 ;

3:5, 11–12, 20–21

Basahin ang mga talata sa kaliwang bahagi ng chart, at isulat sa kanang bahagi ng chart ang mga pangakong makikita mo sa mga ito (pansinin na maraming pangako ang matatagpuan sa bawat kabanata). Ang mga sumusunod na kahulugan ay maaaring makatulong sa iyo.

Ikalawang kamatayan ( Apocalipsis 2:11): Espirituwal na kamatayan, o pagkahiwalay sa Diyos nang walang hanggan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “ Kamatayan, Espirituwal na ,” https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs/death-spiritual?lang=tgl)

Nakatagong [manna] ( Apocalipsis 2:17): Ang tinutukoy ay si Jesucristo (tingnan sa Juan 6:48–51)

Batong puti ( Apocalipsis 2:17): Ang Urim at Tummim (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:8–11)

Tala sa umaga ( Apocalipsis 2:28): Isang titulo para kay Jesucristo (tingnan sa Apocalipsis 22:16)

  • Ano ang nakikita mong pagkakatulad sa mga pangakong ito?

  • Paano mo ibubuod ang mga salita ng Tagapagligtas tungkol sa kung paano matatanggap ang Kanyang mga walang hanggang pangako?

Ang mga scripture passage na ito ay makatutulong sa atin na maunawaan na kung magtatagumpay tayo, ibibigay sa atin ng Tagapagligtas ang mga pagpapala ng kadakilaan.

  • Paano makatutulong sa iyo ang kaalamang ipinangako ni Cristo sa iyo ang mga walang hanggang pagpapala upang matiis ang mga hamon ng buhay?

  • Alin sa mga pangakong ito ang naghihikayat sa iyo na daigin ang anumang kinakaharap mo? Bakit?

Ipaalala sa mga estudyante na gamitin ang inihanda nila para sa klase sa pagsagot nila sa sumusunod na tanong. Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga sagot nila.

  • Ano ang maaaring kinakailangan nating madaig upang makatanggap ng kadakilaan?

Humingi ng tulong sa Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang matukoy at maisulat ang isang bagay na kailangan mong madaig sa iyong buhay. Maaaring ito ay kasalanan, adiksyon, o iba pang personal na hamon. Isulat kung bakit mahirap ito para sa iyo at kung bakit gusto mong madaig ito. Habang patuloy kang nag-aaral, hingin ang tulong ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo upang malaman kung ano ang magagawa mo upang madaig ito.

Pagdaig sa sanlibutan

Ibinahagi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga sumusunod tungkol sa pagdaig:

Official portrait of Elder Neil L. Andersen of the Quorum of the Twelve Apostles, 2010, August.

Posible bang madaig ang sanlibutan at matanggap ang mga pagpapalang ito? Oo naman.

Yaong mga dumaig sa sanlibutan ay nagkakaroon ng lubos na pagmamahal sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. …

Ang pagdaig sa sanlibutan ay hindi nangyayari sa isang mahalagang sandali sa buhay, kundi sa maraming sandali na nagtatakda ng inyong walang hanggang tadhana.

(Neil L. Andersen, “Pagdaig sa Sanlibutan,” Liahona, Mayo 2017, 59)

  • Ano ang natutuhan mo mula sa pahayag ni Elder Andersen tungkol sa pagdaig?

Dahil mahal at pinangangalagaan tayo ng Ama sa Langit at ni Jesucristo, nais Nila tayong tulungan na madaig ang lahat ng kinakailangan upang maging karapat-dapat para sa kadakilaan.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na ideya, o hayaang makaisip ang mga estudyante ng sarili nilang paraan upang matukoy kung ano ang magagawa nila para matanggap ang tulong ng Tagapagligtas upang madaig ang kanilang mga hamon.

Kung kinakailangan, mag-print ng mga kopya ng sumusunod na mensahe ni Elder Andersen.

  1. Basahin ang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2017 na pinamagatang “Pagdaig sa Sanlibutan” ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maghanap ng mga ideya tungkol sa magagawa mo upang magtagumpay.

  2. Basahin ang Juan 16:33 , at pagkatapos ay pag-aralan kung paano nadaig ng Tagapagligtas ang mga tukso ni Satanas sa Mateo 4:1–11 . Alamin kung paano mo masusunod ang payo at halimbawa ng Tagapagligtas habang sinisikap mong madaig ang mga hamon at kasalanan.

  3. Hanapin ang salitang “madaig” sa SimbahanniJesucristo.org. Pag-aralan ang mga sipi o banal na kasulatan na mahahanap mo upang matukoy kung paano ka rin magtatagumpay.

Bigyan ang mga estudyante ng sapat na oras na kumpletuhin ang kanilang pag-aaral. Pagkatapos ay ipabahagi sa kanila ang nalaman o natutuhan nila pati na rin ang mga naisip at nadarama nila tungkol sa kung paano nila maipamumuhay ang natutuhan nila.

Mag-isip ng kahit isang bagay na magagawa mo na tutulong sa iyo na madaig ang hamon o kasalanan na naisip mo sa unang bahagi ng lesson. Sa iyong personal journal, isulat kung ano ang gagawin mo at mangakong gawin ito. Maaari mong ibahagi ang iyong plano sa iyong mga magulang o sa isang pinagkakatiwalaang lider ng Simbahan.

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo mula sa lesson na ito?

  • Ano ang nalalaman mo na tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala na nagbibigay sa iyo ng tiwala na matutulungan ka Niya na madaig ang lahat ng bagay at matanggap ang Kanyang mga ipinangakong pagpapala?

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Apocalipsis 2:25 ; 3:5 . Ano ang ibig sabihin ng “panghawakan [nang] matibay”?

Kung minsan ang mga Kristiyanong hinatulan ng mga pinunong Romano ng pagkabilanggo o kamatayan ay inililigtas ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagsumpa kay Cristo at pagsamba sa emperador. Itinala ni Juan ang pagpuri ng Panginoon sa mga Banal sa Pergamo dahil kanilang “iniingatan [nang] mabuti” ang Kanyang pangalan, kahit sila ay binabantaang papatayin ( Apocalipsis 2:13 ; tingnan din sa Apocalipsis 2:25 ; 3:3, 11). Ang isang parirala na inulit nang ilang beses sa Apocalipsis 2–3 ay ang payo na “panghawakan [nang] matibay” ang katotohanan (tingnan sa Apocalipsis 2:13, 25 ; 3:3, 11). Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang ibig sabihin ng “panghawakan [nang] matibay” ang katotohanan, na matatagpuan sa salita ng Diyos, ay “pakinggan ito, sundin ang mga alituntuning itinuro dito, at mahigpit na hawakan ang mga alituntuning iyon na para bang nakasalalay dito ang ating buhay—na, kung ang tinutukoy natin ay espirituwal na buhay, ito ay literal na totoo (“Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 10).

Ano ang ibig sabihin ng tumanggap ng kadakilaan?

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson:

Official portrait of President Russell M. Nelson taken January 2018

Bagamat ang kaligtasan ay [responsibilidad ng bawat] tao, ang kadakilaan ay [responsibilidad ng] pamilya. Tanging ang mga ikinasal sa templo [na ang] kasal ay ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako ang mananatiling mag-asawa matapos mamatay at tatanggap ng pinakamataas na antas ng selestiyal na kaluwalhatian, o kadakilaan.

(Russell M. Nelson, “Selestiyal na Kasal,” Liahona, Nob. 2008, 92)

Itinuro ni Brother Brian K. Ashton, na noon ay kabilang sa Sunday School General Presidency:

2:3
Brother Brian K. Ashton - Sunday school General Presidency Second Counselor. Official Portrait 2018.

Gumawa ang Ama ng isang plano na magtutulot sa atin, kung makatutugon tayo sa mga partikular na kundisyon, na magtamo ng pisikal na katawan na magiging imortal at niluwalhati sa Pagkabuhay na Mag-uli; mag-asawa at bumuo ng pamilya sa buhay na ito o, para sa matatapat na hindi nagkaroon ng pagkakataon na ito, pagkatapos ng mortalidad; sumulong tungo sa pagiging perpekto; at sa huli ay makabalik sa ating mga Magulang sa Langit at mamuhay kasama nila sa kalagayang dinakila at walang hanggang kaligayahan.

(Brian K. Ashton, “Ang Ama,” Liahona, Nob. 2018, 94)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Pag-unawa sa mga pagpapala ng kadakilaan

Kung kailangan ng mga estudyante na mas maunawaan ang mga pangako ng Tagapagligtas hinggil sa kadakilaan, maaari mo silang anyayahang tingnan ang mga entry sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan tulad ng “ Punungkahoy ng Buhay ,” “ Putong ” o “ Manna ” (https://www.churchofjesuschrist.org/study/scriptures/gs?lang=tgl). Maaari ding makatulong na magpakita ng mga pahayag mula sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” na maaaring makatulong para maunawaan ang mga pangakong ito.

Panghawakan [nang] matibay

Kung makikinabang ang mga estudyante na makita kung paano makatutulong sa kanila ang “[pag]hawak [nang] matibay” ( Apocalipsis 2:25 ; tingnan din sa 3:3) para madaig ang sanlibutan, sabihin sa kanila na pag-aralan ang 1 Nephi 8:30 at ang mga interpretasyon na ibinigay ni Nephi sa 1 Nephi 15:21–25 . Sabihin sa mga estudyante na tumukoy ng mga bagay na magagawa nila upang “[maka]hawak [nang] matibay,” habang inaalala na ang punungkahoy ng buhay at ang gabay na bakal ay mga simbolo para kay Jesucristo at sa Kanyang salita. Maaari din nilang gamitin ang mga pahayag mula sa bahaging “Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon” sa ilalim ng paksang ito. Anyayahan silang magbahagi ng mga karanasan kung saan nagawa nila o ng iba na humawak nang matibay at madaig ang mga hamon o kasalanan. Pagkatapos ay maaari silang gumawa ng plano upang madaig ang mga hamon o kasalanang ito tulad ng naunang nakabalangkas sa lesson.