Mateo 18:21–35
Ang Talinghaga ng Lingkod na Hindi Nagpatawad
Bilang sagot sa tanong ni Pedro tungkol sa pagpapatawad, itinuro ni Jesucristo ang talinghaga tungkol sa lingkod na hindi nagpatawad. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na maging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo kapag sinikap mong patawarin ang iba.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
“Mapapatawad mo ba ako?”
Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, isang babaeng nagngangalang Corrie ten Boom ang nagdusa nang ilang buwan sa isang concentration camp ng Nazi sa Ravensbrück, Germany. Namatay doon ang kapatid niyang si Betsie. Pagkatapos ng digmaan, nagsalita si Corrie sa isang grupo ng mga tao tungkol sa pagpapatawad ng Diyos. Inilarawan ni Bishop Keith B. McMullin, dating miyembro ng Presiding Bishopric, ang nangyari matapos magsalita si Corrie. Habang nagbabasa ka, isipin kung ano ang mga maaaring ipinasiyang itugon ni Corrie.
Isang lalaki ang lumapit sa kanya. Nakilala niya ito bilang isa sa pinakamalulupit na guwardya sa kampo. “Binanggit mo ang Ravensbrück sa iyong mensahe,” sabi niya. “Guwardya ako roon. … Ngunit mula noon, … naging Kristiyano na ako.” Ipinaliwanag niya na hinangad niya ang pagpapatawad ng Diyos sa mga kalupitang kanyang nagawa. Iniabot niya ang kanyang kamay at nagtanong, “Mapapatawad mo ba ako?” [Corrie ten Boom, Tramp for the Lord (1974), 56].
(Keith B. McMullin, “Ang Landas ng Ating Tungkulin,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 13)
-
Ano kaya ang maaaring naisip ni Corrie sa sandaling iyon?
-
Bakit napakahirap na magpatawad sa ibang tao?
Basahin ang Mateo 18:21–22 upang makita kung paano sinagot ni Jesus ang itinanong ni Pedro tungkol sa pagpapatawad.
-
Paano mo ipaliliwanag kung ano ang itinuro ni Jesus kay Pedro?
-
Sa palagay mo, bakit iniuutos ng Panginoon na tayo ay maging mapagpatawad na mga tao?
-
Ano ang mga tanong mo tungkol sa utos ng Tagapagligtas na patawarin natin ang iba?
Pag-isipan ang mga nadarama mo tungkol sa pagpapatawad. Mayroon bang sinuman na nahihirapan kang patawarin? Sa iyong study journal, isulat kung paano mapagpapala ang buhay mo kung nagpatawad ka sa mga nakasakit sa iyo. Maaari mo ring isulat kung paano maiiba ang buhay mo kung hindi mo sinubukang patawarin ang iba.Sa pag-aaral mo ng talinghagang ibinahagi ng Panginoon kay Pedro, alamin kung paano mapapalakas ng kahandaan ng Panginoon na patawarin tayo ang kakayahan mong patawarin ang iba.
Ang talinghaga ng lingkod na hindi nagpatawad
Basahin ang Mateo 18:23–27 , at alamin kung paano tinatrato ng hari sa talinghaga ang mga may utang sa kanya. Mahalagang malaman na ang 10,000 talento ay hindi mababayarang utang. Aabutin ang isang taong mahirap sa panahon ni Jesus nang mahigit 250,000 taon upang kumita ng gayong pera (tingnan sa Jay A. Parry and Donald W. Parry, Understanding the Parables of Jesus Christ [2006], 95).
-
Sa iyong palagay, bakit gumamit si Jesucristo ng hindi mababayarang utang upang ituro ang talinghagang ito?
Basahin ang natitirang bahagi ng talinghaga sa Mateo 18:28–35 , at alamin kung paano natin dapat itrato ang isa’t isa at kung bakit. Makatutulong na malaman na ang 100 denario ay humigit-kumulang “tatlong buwang sahod ng isang taong mahirap” ( talata 28).
-
Ano ang natutuhan mo tungkol sa pagpapatawad mula sa talinghagang ito?
-
Bakit mahalagang maunawaan kung gaano kalaking awa ang ipinagkakaloob sa atin ng Tagapagligtas?
Ang isang katotohanan na matututuhan natin mula sa talinghagang ito ay matutularan natin ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapatawad sa iba tulad ng pagpapatawad Niya sa atin.
Inulit ng Panginoon ang kahalagahan ng pagpapatawad sa iba sa ating dispensasyon. Basahin ang Doktrina at mga Tipan 64:9–11 , at alamin ang mga turo ng Panginoon tungkol sa pagpapatawad.
-
Batay sa natutuhan mo ngayon, bakit sa palagay mo ay iniuutos ng Panginoon na patawarin natin ang lahat ng tao?
Matutulungan tayo ni Jesucristo na patawarin ang iba
Kung minsan ay mahirap magpatawad sa iba. Ngunit sa tulong ng Tagapagligtas, lahat ng bagay ay posible.
Habang binabasa mo ang katapusan ng kuwento ni Bishop McMullin tungkol kay Corrie na hinarap ang kanyang dating guwardiya sa bilangguan, alamin kung paano siya binigyan ng Tagapagligtas ng lakas na magpatawad.
“Maaaring sandali lang siyang nakatayo roon—nakaunat ang mga kamay —ngunit para sa akin parang inabot ito ng maraming oras habang pinagpapasiyahan ko ang pinakamahirap na bagay na gagawin ko.
“… Ang mensaheng nagpapatawad ang Diyos ay may … kundisyon: na patawarin natin ang mga yaong nakasakit sa atin. …
“… ‘‘Tulungan po ninyo ako!’ Tahimik akong nanalangin. ‘Maiaabot ko po ang aking kamay. Magagawa ko iyan. Tulungan po ninyo akong magawa ito nang taos sa puso ko.’
“… Walang sigla at wala sa loob na iniabot ko ang aking kamay sa taong iyon. Nang gawin ko ito, isang di kapani-paniwalang bagay ang nangyari. Ang init ay nagsimulang dumaloy sa aking balikat, pababa sa aking braso, at tumuloy sa aming magkahawak na kamay. At ang nakapagpapagaling na init na ito ay tila lumaganap sa buo kong pagkatao, at nagpaluha sa aking mga mata.
“‘Pinatatawad na kita, kapatid!’ ang sabi ko. ‘Nang buong-puso.’
“Matagal-tagal ding magkahawak ang aming mga kamay, ang dating guwardya at bilanggo. Noon ko lamang nadama ang napakatinding pagmamahal ng Diyos” [Corrie ten Boom, Tramp for the Lord (1974), 54–55].
(Keith B. McMullin, “Ang Landas ng Ating Tungkulin,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 13)
-
Ano ang natutuhan mo mula sa karanasan ni Corrie na makatutulong sa iyo na magpatawad kapag mahirap itong gawin?
-
Ano ang natutuhan mo mula sa sarili mong buhay, sa buhay ng iba, o sa mga banal na kasulatan tungkol sa kung paano patawarin ang iba kapag mahirap itong gawin?
Ang isang bagay na makatutulong sa atin habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan ay matuto mula sa mga ito at pagkatapos ay sikaping taglayin ang mga katangian ni Jesucristo. Ang Mateo 18:21–35 ay isa sa maraming scripture passage na nagpapakita ng mapagpatawad na katangian ng Tagapagligtas at gayon din ng katarungan ng Diyos kapag pinili nating huwag magpatawad. Isipin kung ano ang magagawa mo upang maging mas mapagpatawad na tao tulad ni Jesucristo. Paano mo aanyayahan ang Tagapagligtas na tulungan ka?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Mateo 18:24 . Magkano ang 10,000 talento?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
May mga pagkakaiba-iba ng opinyon ang mga iskolar hinggil sa laki ng perang binanggit dito, at para madaling makwenta, kung ang mas maliit, at hindi pinatawad na 100-denariong utang ay ipagpalagay nating $100 sa ating kasalukuyang panahon, kung gayon ang utang na 10,000-talento na pinatawad ay maaaring umabot ng $1 bilyon—o mahigit pa!
Sa isang taong may ganitong utang, napakalaking halaga nito—talagang hindi natin ito mauunawaan. (Walang makapamimili nang ganoon karami!) Mangyari pa, para sa mga layunin ng talinghagang ito, nilayon ito na hindi maunawaan; nilayon ito na hindi maarok ng ating kakayahang makaunawa, pati na rin ang kawalan natin ng kakayahang magbayad. Iyan ay sa kadahilanang ito ay hindi isang kuwento tungkol sa dalawang alipin na nagtatalo sa Bagong Tipan. Ito ay kuwento tungkol sa atin, ang makasalanang sangkatauhan—mga may utang, mga suwail, at mga bilanggo. Bawat isa sa atin ay may utang, at ang kaparusahan ay pagkabilanggo para sa bawat isa sa atin. At mananatili tayong lahat sa bilanguang iyon kung hindi dahil sa biyaya ng ating Hari na siyang nagpapalaya sa atin dahil mahal Niya tayo at “[n]aantig sa habag para sa [atin].” [ Doktrina at mga Tipan 121:4 ].
(Jeffrey R. Holland, “Kayo Nga’y Mangagpakasakdal—Sa Wakas,” Ensign o Liahona, Nob. 2017, 41)
Ang ibig bang sabihin ng sakit na nadarama ko dahil sa ginawa sa akin ay hindi ko pa napapatawad ang isang tao?
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Gayunman, mahalaga para sa sinuman sa inyo na tunay na nagdadalamhati na pansinin ang hindi sinabi [ni Jesucristo]. Hindi Niya sinabing, “Hindi ka puwedeng makadama ng totoong sakit o kalungkutan sa masasakit na karanasan mo sa kamay ng iba.”
(Jeffrey R. Holland, “Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 79)
Itinuro ni Elder David E. Sorensen ng Pitumpu ang isang mahalagang katotohanan tungkol sa utos na magpatawad.
Gusto kong liwanagin na hindi dapat ipagkamaling pagpapaubaya sa kasamaan ang pagpapatawad sa mga kasalanan. … Kahit dapat nating patawarin ang taong nanakit sa atin, magsikap pa rin tayong huwag nang maulit ang pananakit na iyon.
(David E. Sorensen, “Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 12)
.
Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas nang sabihin Niya kay Pedro na patawarin ang iba “hanggang sa makapitumpung pito”? ( Mateo 18:22)
Ipinaliwanag ni Elder Lynn G. Robbins, na noon ay kabilang sa Panguluhan ng Pitumpu:
Sinabi ng Tagapagligtas kay Pedro na huwag magbilang—na huwag magtakda ng mga limitasyon sa pagpapatawad. …
Walang alinlangan na hindi [nagtatakda ang] Tagapagligtas [ng] limitasyon [na hanggang] 490. Kahalintulad iyan ng pagsasabi na ang pagtanggap ng sakramento ay may limit na 490, at sa ika-491, mamamagitan ang tagasuri sa langit at sasabihing, “Ikinalulungkot ko, ngunit expired na ang iyong card ng pagsisisi—mula ngayon, bahala ka na sa sarili mo.”
Ginamit ng Panginoon ang matematika ng makapitumpung pito bilang metapora ng Kanyang walang-hanggang Pagbabayad-sala, pagmamahal, at biyaya. “Oo, at kasindalas na magsisisi ang aking mga tao ay akin silang patatawarin sa kanilang mga pagkakasala laban sa akin” [ Mosias 26:30 ; idinagdag ang pagbibigay-diin].
(Lynn G. Robbins, “Hanggang sa Makapitongpung Pito,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 23)