Lucas 10:25–37
Ang Mabuting Samaritano
Nang tanungin si Jesus ng isang abugado o dalubhasa sa kautusan, “At sino ang aking kapwa?” (Lucas 10:29), tumugon ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagbibigay ng talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano. Ang lesson na ito ay makatutulong sa iyo na matularan ang halimbawa ni Jesus sa pagmamahal sa kapwa.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Pagtulong sa mga nangangailangan
Mag-isip ng isang pagkakataon na tinulungan ka ng isang tao noong kinailangan mo ng tulong.
-
Sa palagay mo, bakit ka tinulungan ng taong ito?
-
Ano ang nadama mo dahil sa ginawa ng taong ito?
Pag-isipang mabuti kung paano mo matutulungan ang isang taong nangangailangan at bakit maaari o maaaring hindi mo siya matulungan. Habang nag-aaral ka, maghanap ng mga katotohanang natutuhan mo tungkol kay Jesucristo na makapagdaragdag sa iyong hangaring tulungan ang mga nangangailangan.
Isang talinghaga
Isang araw habang nagtuturo si Jesucristo, tinanong Siya ng isang abugado kung ano ang kailangan niyang gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Itinuro ng Tagapagligtas na upang magmana ng buhay na walang hanggan, kailangan nating mahalin ang Diyos nang buong puso at mahalin ang ating kapwa gaya ng ating sarili (tingnan sa Lucas 10:27). Pagkatapos ay may isa pang itinanong ang abugado.
Basahin ang Lucas 10:29, at isiping markahan ang itinanong ng abugado kay Jesus.
-
Paano mo sasagutin ang tanong ng abugado?
Sumagot si Jesus sa tanong ng abugado sa pamamagitan ng pagkukuwento ng isang talinghaga na kilala bilang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano. Habang pinag-aaralan mo ang talinghagang ito, alalahanin na karaniwang kinamumuhian ng mga Samaritano at Judio ang isa’t isa at madalas na iniiwasan nilang makisalamuha sa isa’t isa. Ang isang dahilan kung bakit itinuturing ng mga Judio na hindi katanggap-tanggap ang mga Samaritano ay dahil pinaghalong Judio at gentil ang mga Samaritano at pinagsama nila ang mga paniniwala sa relihiyon ng dalawang grupo.
Maunawaan ang bahagi ng Tagapagligtas sa talinghaga
Basahin ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano sa Lucas 10:30–35 .
Habang pinag-aaralan mo ang talinghagang ito, pag-isipan kung paano naging simbolo ni Jesucristo ang Samaritano.
-
Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jesucristo mula sa talinghagang ito? (Maaari mong ilista sa iyong study journal ang mga sagot mo sa tanong na ito.)
Itinuro ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang Tagapagligtas ang ating Mabuting Samaritano, na isinugo “upang magpagaling ng mga bagbag na puso” [ Lucas 4:18 ; tingnan din sa Isaias 61:1 ]. Lumalapit Siya sa atin samantalang nilalampasan lamang tayo ng iba. Mahabagin Niyang inilalagay ang Kanyang nagpapagaling na balsamo sa ating mga sugat at binebendahan ang mga ito. Binubuhat Niya tayo. Inaalagaan Niya tayo.
(Neil L. Andersen, “Sugatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2018, 85)
-
Ano ang ilang halimbawa sa mga banal na kasulatan kung saan ginagawa ng Tagapagligtas ang inilarawan ni Elder Andersen?
-
Kailan naging katulad ng mabuting Samaritano ang Tagapagligtas para sa iyo?
Tularan ang halimbawa ni Jesucristo
Pagkatapos ikuwento ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano, tinanong ni Jesucristo, ang dalubhasang guro, ang abugado kung ano ang natutuhan niya at inanyayahan Niya ang abugado na gawin iyon. Basahin ang Lucas 10:36–37 , at hanapin ang paanyaya ng Tagapagligtas sa abugado.
-
Paano mo magagawa ang paanyaya ng Tagapagligtas sa sarili mong buhay?
-
Ano ang itinuturo sa iyo ng paanyayang ito tungkol sa mga nadarama ng Tagapagligtas para sa lahat ng anak ng Ama sa Langit?
Marami tayong pagkakataong sundin ang payo ng Tagapagligtas na “humayo ka, at gayundin ang gawin mo” ( Lucas 10:37) sa iba’t ibang sitwasyong kung saan tayo naroroon, tulad sa tahanan, sa paaralan, online, sa ating ward o branch, at sa mga estranghero.
-
Ano ang ilang partikular na paraan na matutularan mo ang halimbawa ng Tagapagligtas na magpakita ng pagmamahal sa iyong kapwa sa sitwasyong ito?
-
Ano ang maaaring maging dahilan para mahirapan kang magpakita ng pagmamahal sa iyong kapwa sa sitwasyong ito?
-
Kung nahihirapan ang isang tao na magpakita ng pagmamahal sa kanyang kapwa sa sitwasyong ito, ano ang maituturo mo sa kanya tungkol kay Jesucristo na maaaring makatulong?
-
Ano ang isang bagay na nadama mong dapat mong gawin dahil sa napag-aralan mo ngayon?
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano naging simbolo ng ating paglalakbay sa buhay ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano?
Itinuro ni Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Sa ating maalikabok na daan patungong Jerico, tayo ay sinasalakay, nasusugatan, at iniiwang nasasaktan.
Bagama’t dapat nating tulungan ang isa’t isa, kadalasa’y lumilipat tayo sa kabilang kalsada, sa anumang kadahilanan.
Gayunman, nang may pagkahabag, tumitigil ang Mabuting Samaritano at tinatalian ang ating mga sugat at may gamit na alak at langis. Ang alak at langis, na mga simbolo ng sakramento at iba pang mga ordenansa, ay itinuturo tayo sa espirituwal na paggaling kay Jesucristo. Isinasakay tayo ng Mabuting Samaritano sa Kanyang asno o, sa ilang kuwento sa stained-glass, pinapasan Niya tayo sa Kanyang mga balikat. Dinadala Niya tayo sa bahay-panuluyan, na maaaring kumatawan sa Kanyang Simbahan. Sa Bahay-Panuluyan, sinabi ng Mabuting Samaritano, “Alagaan mo siya; … babayaran kita sa aking pagbabalik” [ Lucas 10:35 ]. Ang Mabuting Samaritano, isang simbolo ng ating Tagapagligtas, ay nangangakong babalik, sa pagkakataong ito nang may kamahalan at kaluwalhatian.
(Gerrit W. Gong, “Silid sa Bahay-Panuluyan,” Liahona, Mayo 2021, 24–25)
Bakit gumamit ang Tagapagligtas ng Samaritano sa halip na isang Judio bilang taong tumulong sa sugatang lalaki?
Ipinaliwanag ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol:
May malaking pagkapoot sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano noong panahon ni Cristo. Karaniwan ay iniiwasan ng dalawang grupong ito ang makahalubilo ang isa’t isa. Maganda at may aral pa rin ang parabula kung ang taong nahulog sa kamay ng tulisan ay tinulungan ng kapwa niya Judio.
Ang sadyang paggamit Niya ng mga Judio at Samaritano ay malinaw na nagtuturo sa atin na tayong lahat ay magkakapitbahay, at na dapat nating mahalin, pahalagahan, igalang, at paglingkuran ang isa’t isa sa kabila ng malaking kaibhan—kabilang na ang kaibhan sa relihiyon, pulitika, at kultura.
(M. Russell Ballard, “Doktrina ng Pagsasali ng Iba,” Ensign o Liahona, Nob. 2001, 36)
Ano ang dapat kong gawin kapag dumating sa mahirap na panahon ang mga pagkakataong tumulong sa iba?
Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Ang mga pagkakataong maglingkod sa iba sa makabuluhang paraan, tulad ng tipang ipinangako nating gawin, ay bihirang dumating sa mga panahong kombenyente sa atin. Ngunit walang espirituwal na kapangyarihan sa kombenyenteng pamumuhay. Dumarating ang kapangyarihan kapag tinutupad natin ang ating mga tipan.
(M. Russell Ballard, “Like a Flame Unquenchable,” Ensign, Mayo 1999, 86)
Ipinaalala sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson (1927–2018):
Huwag gawing mas mahalaga kailanman ang problemang lulutasin kaysa taong kailangang mahalin.
(Thomas S. Monson, “Pagkakaroon ng Kagalakan sa Paglalakbay,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 86)