Seminary
Mateo 3:1–12; Marcos 1:1–8


Mateo 3:1–12; Marcos 1:1–8

“Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”

John the Baptist and a woman standing in the river Jordan with a group of people watching in the foreground. Outtakes include John the Baptist helping a woman into the water, and various scenes from a distance and close up.

Bago sinimulan ni Jesucristo ang Kanyang ministeryo sa publiko, sinikap ni Juan na Tagapagbautismo na ihanda ang iba na tanggapin at sundin ang Tagapagligtas. Sa lesson na ito, pag-iisipan mo kung paano mo tinanggap at sinunod ang Tagapagligtas, kung paano mo Siya mas matatanggap at masusunod, at kung ano ang magagawa mo para maihanda ang iba na tanggapin at sundin Siya.

Pagtutulungan. Gusto ng karamihan ng mga estudyante na matuto sa isa’t isa. Tulungan silang maunawaan na kapag nakikibahagi sila sa klase, nagkakaroon sila ng positibong epekto sa iba. Hikayatin sila na makinig nang mabuti sa iba pang estudyante at sumagot nang may pagsasaalang-alang at kabaitan sa bawat isa.

Paghahanda ng estudyante: Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin at sasabihin nila kung nagkaroon sila ng pagkakataong ihanda ang ibang tao na tanggapin at sundin ang Tagapagligtas.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Paghahanda para kay Jesucristo

Bilang alternatibo sa sumusunod na sitwasyon, maaari kang maglagay ng ilang balakid para harangan ang pasukan sa klase o ang mga upuan ng mga estudyante. Halimbawa, maaari kang maglagay ng upuan o mesa sa pintuan o sa harap ng inuupuan ng mga estudyante. Pagdating ng mga estudyante, anyayahan silang pumasok at umupo. Obserbahan kung ano ang gagawin ng mga estudyante para makapasok sa klase at makaupo. Sa simula ng lesson, talakayin kung ano ang ginawa ng mga estudyante sa mga balakid na ito gamit ang mga tanong na tulad ng “Ano ang ginawa mo sa mga balakid?” “Napansin mo bang may tumulong sa iba na maalis ang mga balakid?”

Ipagpalagay na nasa mahalagang paglalakbay ka at may mga balakid sa daan. Ano ang gagawin mo? Babalik ka ba sa pinanggalingan mo? Susubukan mo bang dumaan sa ibabaw ng mga ito o paikot sa mga ito? Susubukan mo bang alisin ang mga balakid para sa mga taong susunod sa iyo? Ipagpalagay na natuklasan mong may nauna sa iyo na nag-alis ng karamihan sa pinakamahihirap na balakid.

  • Ano ang mararamdaman mo sa mga taong naghanda ng daan para sa iyo?

Pag-aaralan mo ngayon ang tungkol kay Juan na Tagapagbautismo, na ang misyon ay ihanda ang mga tao na tanggapin at sundin ang Tagapagligtas (tingnan sa Lucas 1:17).

  • Sino ang tumulong para maihanda ang daan upang tanggapin at sundin mo ang Tagapagligtas sa iyong buhay?

  • Sino ang kasalukuyang naghahanda ng daan upang mas mapalapit ka pa sa Tagapagligtas?

  • Ano ang nakatulong sa iyo para tanggapin at sundin ang Tagapagligtas?

Habang pinag-aaralan mo ang lesson na ito, isipin ang anumang balakid na humahadlang pa rin sa pagtanggap at pagsunod mo o ng iba sa Kanya, at kung ano ang maaaring makatulong sa iyo o sa kanila na malampasan ang mga balakid na ito.

Pambungad sa Ebanghelyo Ayon kay Marcos at sa ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo

Sinimulan ni Marcos ang kanyang Ebanghelyo sa salaysay tungkol kay Juan na Tagapagbautismo. Hindi tulad ni Mateo o Juan, si Marcos ay hindi Apostol ni Jesucristo kundi isang taong nagbalik-loob kalaunan. Maaaring isinulat ni Marcos ang kanyang Ebanghelyo sa patnubay ni Apostol Pedro. Sa kanyang Ebanghelyo, nagsulat si Marcos para sa mga mambabasang gentil at mas binigyang-diin niya ang ginawa ng Tagapagligtas kaysa sa sinabi Niya.

Maaari mong pagpartnerin o pagsama-samahin ang mga estudyante sa maliliit na grupo habang pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan sa ibaba.

Basahin ang Marcos 1:1–8 , at hanapin ang ginawa ni Juan na Tagapagbautismo na nakatulong sa paghahanda ng mga tao na tanggapin at sundin si Jesucristo.

Mga tool o kagamitan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

May ilang tool at paraan sa pag-aaral na mas magpapabuti sa iyong pag-aaral. Upang mas mapagbuti ang pag-aaral mo ng mga salaysay sa banal na kasulatan, subukang tingnan ang parehong salaysay mula sa iba’t ibang may-akda ng Ebanghelyo.

Ang pagbabasa tungkol sa parehong pangyayari sa iba’t ibang salaysay ng Ebanghelyo ay kadalasang makatutulong sa iyong pag-aaral. Basahin ang Mateo 3:7–12 , at maghanap ng mga karagdagang detalye tungkol sa ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo. Noong panahon ng Tagapagligtas, maraming nakipagtipang Israelita ang lubhang naging palalo at tumalikod sa mga turo ni Jehova. Naniniwala ang ilan na ang pagiging inapo lamang ni Abraham ay sapat na upang mailigtas sila (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 3:36 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]).

  • Ano ang ginawa ni Juan na Tagapagbautismo upang makatulong na maihanda ang mga tao na tanggapin at sundin ang Tagapagligtas?

Habang sumasagot ang mga estudyante, maaari kang magbigay ng mga karagdagang tanong tulad ng “Paano maihahanda ng pagtatapat at pagsisisi sa mga kasalanan ang mga tao upang mas lubos na tanggapin at sundin nila ang Tagapagligtas?” Tandaan na tatalakayin nang mas detalyado sa susunod na dalawang lesson ang tungkol sa pagsisisi at binyag.

Makatutulong na linawin na ang mga salita ni Juan na nakatala sa Marcos 1:7–8 ay tungkol sa Tagapagligtas.

  • Ano pa ang nalaman mo mula sa pag-aaral din ng salaysay ni Mateo tungkol kay Juan na Tagapagbautismo?

  • Anong katibayan ang nakita mo sa panahon natin na nagsisikap pa rin ang Ama sa Langit na ihanda ang mga tao na tanggapin at sundin ang Tagapagligtas?

Pagtanggap sa Tagapagligtas at pagtulong sa iba na tanggapin Siya

Gawin ang isa sa mga sumusunod na aktibidad. Isipin kung paano mo mas lubos na matatanggap at masusunod ang Tagapagligtas, at matutulungang ihanda ang iba na gawin din ang mga ito.

Maaari mong ipakita ang mga sumusunod na opsiyon sa aktibidad o maaari kang gumawa ng maliliit na handout ng bawat isa na magagamit ng mga estudyante habang ginagawa nila ang kanilang piniling aktibidad.

Aktibidad A: Pagsusulat sa Journal

Pagnilayan at isulat sa iyong study journal ang mga karanasan na nakatulong sa iyo na tanggapin at sundin ang Tagapagligtas. Maaari mong isama ang nakatulong sa iyo na maniwala kay Jesucristo at maging mas tapat sa pagpapamuhay ng Kanyang mga turo. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano sa palagay mo ang maaaring ipagawa sa iyo ng Ama sa Langit upang lalo mo pang tanggapin at sundin si Jesucristo sa hinaharap?

  • Ano ang ilang bagay na magagawa mo upang matulungan ang iba na tanggapin at sundin si Jesucristo?

Maaaring makatulong na magbigay ng ilang kopya ng magasing Liahona kung saan makikita ang pinakahuling pangkalahatang kumperensya para sa mga estudyanteng pipili ng Aktibidad B.

Aktibidad B: Saliksikin ang pangkalahatang kumperensya

Alalahanin ang natutuhan mo sa pinakahuling pangkalahatang kumperensya. Kung maaari, pag-aralang muli ang isa o dalawang mensahe sa pangkalahatang kumperensya, at maghanap ng mga mensahe na makatutulong sa iyo na mas lubos na tanggapin at sundin si Jesucristo.

  • Ano ang itinuro kamakailan ng mga makabagong propeta upang tulungan kang mas lubos na tanggapin at sundin ang Tagapagligtas?

  • Paano mo maipapamuhay ang isa sa mga turo o maibabahagi ito sa iba?

Aktibidad C: Saliksikin ang mga banal na kasulatan

Gamitin ang mga banal na kasulatan upang mas maunawaan kung paano inakay ang iba na tanggapin at sundin si Jesucristo. Halimbawa, maaari mong pag-aralan ang mga halimbawa sa Aklat ni Mormon tulad ng Enos 1:2–8 ; Mosias 5:1–2, 5 ; Alma 22:17–18, 22–23 ; o Helaman 5:28–30, 40–42 .

  • Ano ang natutuhan mo mula sa mga banal na kasulatan na pinag-aralan mo?

  • Paano ka matutulungan ng mga kaalamang ito na mas lubos na tanggapin at sundin ang Tagapagligtas o tulungan ang iba na gawin din ang mga ito?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang natutuhan at naramdaman nila.

Maaari mong tapusin ang klase sa pagpapatotoo, o pag-anyaya sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga patotoo, ng kagalakan at kaligayahang madarama kapag tinanggap at sinunod natin ang Tagapagligtas at tinulungan ang iba na lumapit sa Kanya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Sino si Marcos?

Si Marcos (na tinatawag ding Juan Marcos) ay hindi kasama sa mga orihinal na disipulo ni Jesucristo, ngunit kalaunan ay nagbalik-loob siya at naglingkod kasama ang marami sa mga Apostol ng Tagapagligtas. Tinawag siya ni Pedro na “Marcos na aking anak” ( 1 Pedro 5:13), na nagpapahiwatig na malapit sila sa isa’t isa. Marahil ay isinulat ni Marcos ang kanyang maikling Ebanghelyo para sa mga Taga Roma, iba pang bansang gentil, at mga bagong binyag sa Kristiyanismo. Naglingkod din si Marcos kasama ni Pablo sa unang paglalakbay ni Pablo bilang misyonero (tingnan sa Mga Gawa 12:25).

Ano ang ilan sa mga natatanging katangian ng Ebanghelyo Ayon kay Marcos?

Ang Ebanghelyo Ayon kay Marcos ay tuwiran at mabilis ang daloy ng pagsasalaysay nito ng pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. Si Marcos ay madalas gumamit ng mga salitang kaagad at agad, kung kaya’t nagmimistulang mabilis ang daloy at pangyayari.Kabilang sa mahahalagang tema sa Marcos ay ang mga katanungan kung sino si Jesus at kung sino ang nakauunawa ng Kanyang pagkatao, gayon din ang responsibilidad ng mga disipulo na “pasanin ang kanyang krus at sumunod [kay Jesus]” ( Marcos 8:34). Bukod dito, ang Marcos ang tanging Ebanghelyo na nagsalaysay ng tungkol sa talinghaga ng binhi na sumisibol at lumalaki na hindi nito nalalaman kung paano (tingnan sa Marcos 4:26–27), ang pagpapagaling ng isang taong bingi sa rehiyon ng Decapolis (tingnan sa Marcos 7:31–37), at ang unti-unting pagpapagaling sa lalaking bulag sa Bethsaida (tingnan sa Marcos 8:22–26).

Marcos 1:8 . Ano ang binyag sa Espiritu Santo?

Ipinahayag ni Juan na Tagapagbautismo na magbibinyag siya sa tubig ngunit si Jesus ay “babautismuhan [kayo] sa Espiritu Santo” ( Marcos 1:8). Ang binyag na ito sa Espiritu Santo at apoy ay tumutukoy sa kumpirmasyon pagkatapos ng binyag, at pagkatapos ay pagtanggap sa patnubay ng Espiritu Santo. Pagkatapos ay nililinis at dinadalisay tayo ng Espiritu Santo, tulad ng nakalilinis at nakadadalisay na epekto ng apoy.

Mateo 3:7 . Sino ang mga Fariseo at Saduceo?

Ang mga Fariseo ay miyembro ng isang pangkat ng relihiyon ng mga Judio na [ipinagmamalaki ang] mahigpit na pagsunod [nila] sa batas ni Moises. [Ugali na nilang] gawin ang relihiyon na pagsunod lamang sa maraming nakaugaliang seremonya. Ang mga Saduceo ay mayayamang Judio na may malaking impluwensya sa relihiyon at pulitika. Hindi sila naniwala sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli. Ang dalawang grupo ay kapwa lumihis sa orihinal na layunin ng mga batas ng Diyos, at marami sa kanilang mga miyembro ang ayaw tanggapin ang mensahe ng propeta ng Diyos na si Juan [na Tagapagbautismo].

Mateo 3:12 . Ano ang ibig sabihin at sinisimbolo ng kalaykay, giikan, trigo, at ipa?

Ang “kalaykay” na tinukoy sa Mateo 3:12 ay isang bilao na ginagamit na pagtatahip ng trigo sa hangin. … Ang butil ng trigo ay babagsak na muli sa lupa habang tinatangay naman ng hangin ang ipa. Pagkatapos ay titipunin ang trigo sa bangan, o sa kamalig, at ang ipa o dayami ay susunugin sa apoy. Itinuro ni Juan na Tagapagbautismo na ang Tagapagligtas na kasunod niyang darating ay paghihiwalayin ang mga naniniwala at mga di-naniniwala katulad sa paraan ng paghihiwalay ng trigo mula sa ipa.

(New Testament Student Manual [2018], ChurchofJesusChrist.org)

Mga Karagdagang Aktibidad sa Pag-aaral

Isang alternatibong paraan para simulan ang lesson

Hayaang ibahagi ng mga estudyante ang nalalaman nila tungkol kay Juan na Tagapagbautismo at sa kanyang misyon na “ihanda ang isang bayang nakalaan sa Panginoon” ( Lucas 1:17). Sabihin sa kanila na ilagay ang kanilang sarili sa sitwasyon ni Juan, pagnilayan kung anong mga uri ng mga bagay ang gagawin at sasabihin nila upang ihanda ang iba na tanggapin si Jesucristo, at isipin kung ano ang maaaring magpahirap sa gawaing ito.

Ang Pagkakatugma ng mga Ebanghelyo

Maaaring makatulong na ipakita sa mga estudyante ang Pagkakatugma ng mga Ebanghelyo na matatagpuan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Ebanghelyo, Mga” sa Mga Tulong sa Pag-aaral sa Gospel Library app. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ipinapakita ng tool na ito kung saan nakatala ang mga parehong pangyayari sa iba’t ibang Ebanghelyo. Sabihin sa kanila na maghanap ng mga banal na kasulatan tungkol kay Juan na Tagapagbautismo na nagtuturo tungkol sa kanyang buhay bago niya bininyagan si Jesucristo.