Mga Bata at Kabataan
Isang Huwaran sa Pag-unlad


“Isang Huwaran sa Pag-unlad,” Pansariling Pag-unlad: Gabay na Aklat para sa mga Kabataan (2019)

“Isang Huwaran sa Pag-unlad,” Pansariling Pag-unlad: Gabay na Aklat para sa mga Kabataan

Isang Huwaran sa Pag-unlad

Mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit ang pag-unlad. Para matulungan ka, ginagabayan ka ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mga banal na kasulatan, at mga buhay na propeta. Matututo ka mula sa iyong mga karanasan, lalo na kapag ikaw ay umaasa kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Narito ang isang huwaran para matulungan kang maipamuhay ang ebanghelyo sa lahat ng aspeto ng iyong buhay.

Alamin kung ano ang kailangan mong gawin.

mga kabataan na nananalangin at nagsasaliksik

Planuhin kung paano mo ito gagawin.

mga kabataan na may mapa

Isagawa ang iyong plano nang may pananampalataya.

mga kabataan na naglilingkod

Pagnilayan ang natutuhan mo.

mga kabataan na nagninilay

Alamin

Ang Iyong mga Pangangailangan, mga Kaloob, at mga Talento

mga tao na gumagawa ng mga aktibidad

Binigyan ka ng Ama sa Langit ng mga kaloob, talento, at kakayahan. Nais Niyang alamin at taglayin mo ang mga ito para gawin mong mas mabuti ang sarili mo, ang ibang tao, at maging ang mundo. Paano ka mas magiging mabuti at uunlad?

Subukang itanong ang mga tulad nito:

  • Ano sa pakiramdam ko ang dapat kong pag-aralan o baguhin sa buhay ko?

  • Anong mga talento o kasanayan ang gusto kong taglayin?

  • Anong espirituwal na mga gawi ang kailangan kong taglayin o pagbutihin?

  • Paano ko matutupad ang mga tipang ginawa ko noong bininyagan ako?

  • Sino ang maaari kong paglingkuran?

Sasagutin ng Ama sa Langit ang mga tanong na ito kapag umaasa ka sa Kanya. Manalangin. Gamitin ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta. Basahin ang iyong patriarchal blessing, kung mayroon ka nito. Matutong kilalanin ang mga ipinadarama at ipinapaisip sa iyo ng Espiritu Santo. Tutulungan ka Niyang malaman kung ano ang pinakamahalaga para sa iyo ngayon. Kung hindi ka sigurado sa dapat mong gawin, tingnan sa mga pahina 58–63.

Planuhin

Na Mas Umunlad

mga tao sa lungsod

Kapag napagpasiyahan mo na kung ano ang gagawin mo, planuhin kung paano mo magagawa ito. Maaaring kasama sa iyong plano ang partikular na mga hakbang na gagawin, o maaari rin namang isama rito ang mga paraan para magkaroon ng isang magandang gawi o personal na katangian.

Subukang itanong ang mga tulad nito:

  • Bakit ito mahalaga sa akin?

  • Paano ito makatutulong sa akin na maging higit na katulad ni Jesucristo?

  • Ano ang mga hakbang na maaari kong gawin para magawa ito?

  • Maaari ko bang gawin ito nang paunti-unti?

  • Anong mga plano ang magagawa ko ngayon para makayanan ang mga hamon na maaaring kaharapin ko?

Ipagdasal ang iyong plano, at pagtuunan ng pansin ang mga nadarama at naiisip mo. Maaari mong hilingin ang tulong ng Espiritu Santo, iyong pamilya, at iyong mga lider.

Kumilos

Para Umunlad sa Pananampalataya

mga taong gumagawa ng mga aktibidad

Sundin ang plano mo! Gumawa ng mga bagay na magpapaalala sa iyo para matulungan kang manatiling nakatuon sa plano mo. Puwede kang gumawa ng maikling sulat, mag-set ng alarm, o yayain ang isang taong makakatulong mo. Kung minsan mahihirapan kang isagawa ang plano mo. Kung minsan mabibigo ka. Okey lang iyan! Makakatulong sa pag-unlad mo na malaman ang uubra at hindi uubra.

Kung hindi ka makausad, subukang itanong ang mga tulad nito:

  • Saan ako nagtagumpay? Bakit?

  • Saan ako hindi nagtagumpay? Bakit hindi?

  • Ano pa ang puwede kong subukan?

  • Saan ako makakakuha ng mas marami pang ideya?

  • Maaari ko bang unti-untiin ang pagtupad sa mithiin ko?

  • Paano ako matututo mula sa mga kabiguan?

Kailangan ang pagsisikap at tiyaga kapag gusto nating paghusayan ang ginagawa natin. Magpatulong sa iyong pamilya, mga kaibigan, o lider. Kilala ka ng Tagapagligtas at alam Niya ang mga hamong kinakaharap mo. Matutulungan ka Niya na magawa ang mahihirap na bagay. Ipagdasal mo na matulungan at magabayan ka.

Pagnilayan

Ang Natutuhan Mo

mga tao na umaakyat sa hagdan

Pagnilayan ang iyong mga mithiin at plano habang tinutupad mo ang mga ito at kapag natapos mo nang magawa ang mga ito. Kumusta ang pakiramdam mo? Ano ang natutuhan mo? Ang pagsulat ng mga naiisip at nadarama mo ay maaaring makatulong sa iyo kalaunan.

Subukang itanong ang mga tulad nito:

  • Paano akong umunlad?

  • Paano ko magagamit ang natutuhan ko para mapaglingkuran ang iba?

  • Paano nakatulong ang mga ginawa ko para mas mapalapit ako sa Tagapagligtas?

  • Paano ako patuloy na uunlad sa aspetong ito?

Kapag nagawa mo na ang mithiin o plano mo, pasalamatan ang Ama sa Langit at ang mga taong tumulong sa iyo. Pagnilayan ang papel na ginagampanan ng Tagapagligtas sa buhay mo kapag tumatanggap ka ng sakramento. Pag-isipan at ipagdasal kung ano ang maaari mong magawa sa susunod.