Mga Hanbuk at Calling
Mga Pantulong na Samahan


Mga Pantulong na Samahan

Sa isang sangay, unang itinatatag ang organisasyon ng pagkasaserdote. Habang dumarami ang mga miyembro at nagkakaroon ng mga pinuno at mga lugar na pagpupulungan, maaaring bumuo ang pangulo ng sangay ng mga pantulong na samahan sa pagkasaserdote kung inaakala niyang kailangan ang mga ito. Ang mga pantulong na samahan ay ang Samahang Damayan, Mga Kabataang Lalaki, Mga Kabataang Babae, Primarya, at Panlinggong Paaralan.

Hangga't walang sapat na bilang ng mga kababaihan, mga kabataang babae, at mga bata sa sangay na mahahati sa magkakahiwalay na grupo ng pantulong na samahan, sama-sama silang nagpupulong para maturuan sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng Samahang Damayan.

Samahang Damayan

Tinutulungan ng Samahang Damayan ang mga pinuno ng pagkasaserdote sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga miyembrong babaing nasa hustong gulang (18 taong gulang pataas) na magkaroon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Tinutulungan ng Samahang Damayan ang mga kababaihan at ang kanilang mga maganak na lumapit kay Cristo at mamuhay nang marapat upang tanggapin ang patnubay ng Espiritu Santo. Ang mga miyembrong babae sa Samahang Damayan ay nagtuturo at natututo ng mga doktrina ng ebanghelyo, naglalaan ng mapagkawanggawang paglilingkod, nag-aaral ng mga kasanayang pantahanan, pinatatatag ang mga ugnayan ng maganak, at naglilingkod at nagtataguyod sa bawat miyembrong babae.

Kapag ang sangay ay may kahit dalawa man lamang na mga babaing miyembro, maaaring magtatag ng Samahang Damayan ang pangulo ng sangay. Sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng sangay, ang pangulo ng Samahang Damayan ay:

  • Namamahala o nangangasiwa sa klase para sa mga kababaihang nasa hustong gulang (18 taong gulang pataas) tuwing Linggo habang nasa pulong ng pagkasaserdote ang mga kalalakihan at kabataang lalaki.

  • Nakikipagtulungan sa pangulo ng sangay upang ipaalam sa kanya ang mga pangangailangan at aktibidad ng mga kababaihan, mga kabataang babae, at mga bata.

  • Tumutulong sa pangulo ng sangay sa pagtukoy at pangangalaga sa mga nangangailangan.

Mga Kabataang Lalaki

Tingnan sa "Pagkasaserdoteng Aaron" sa mga pahina 10-13 ng gabay na aklat na ito.

Mga Kabataang Babae

Ang responsibilidad ng panguluhan ng sangay sa mga kabataang babaing mula 12 hanggang 18 taong gulang ay katulad ng sa mga kabataang lalaking gayon din ang edad.

Tinutulungan ng organisasyon ng Mga Kabataang Babae ang mga batang babae (12 hanggang 17 taong gulang) na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo, igalang ang kanilang mga magulang, maghandang gawin at tuparin ang mga sagradong tipan sa templo, maging mga karapat-dapat na asawa at ina, at maglingkod. Natututo ang mga kabataang babae sa pag-aaral ng ebanghelyo sa mga pulong tuwing Linggo at sa mga aktibidad sa karaniwang araw.

Maaaring magpulong nang hiwalay sa Samahang Damayan ang mga kabataang babaing 12 hanggang 17 taong gulang kapag natiyak ng pangulo ng sangay na sapat ang bilang ng mga kabataang babaing naninirahan sa sangay. Maaari niyang paghiwa-hiwala yin ang mga ito sa mga klase ng Beehive (edad 12-13), Mia Maid (edad 14-15) at Laurel (edad 16-17). Maaari siyang tumawag at magtalaga ng karapat-dapat na kabataang babae sa bawat klase upang maging pangulo ng klase. Ang isang miyembro ng panguluhan ng sangay ay maaaring tumawag at magtalaga ng dalawa pang kabataang babae bilang mga tagapayo sa bawat pangulo at isang kalihim ng klase kapag sapat ang bilang ng mga kabataang babae sa klase.

Sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng sangay, ang panguluhan (mga nasa hustong gulang) ng Mga Kabataang Babae ay nakikipagtulungan sa panguluhan ng sangay at sa mga panguluhan ng mga klase ng Mga Kabataang Babae (mga batang babae) upang palakasin ang pananampalataya ng bawat kabataang babae kay Jesucristo at dagdagan ang kanyang pang-unawa at matibay na pangakong mamuhay ayon sa mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo. Ang pagtuturo ng ebanghelyo tuwing Linggo at mga makabuluhang aktibidad sa karaniwang araw ay makatutulong sa pagkakamit ng mga layuning ito.

Ang mga panguluhan sa klase ng Mga Kabataang Babae at mga panguluhan sa korum ng Pagkasaserdoteng Aaron, sa pakikipagtulungan sa mga nasa hustong gulang na pinuno ng Mga Kabataang Babae at Pagkasaserdoteng Aaron at sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng sangay, ay maaaring magplano ng mga aktibidad na magkasama ang Pagkasaserdoteng Aaron at Mga Kabataang Babae. Ang mga magkasamang aktibidad ay tinatawag na Mutwal.

Primarya

Itinuturo ng Primarya sa mga bata (edad 3 hanggang 11) ang ebanghelyo ni Jesucristo at tinutulungan silang matutong ipamuhay ito. Sa Primarya, nadarama ng mga bata ang pagtanggap, ang pagmamahal ng Tagapagligtas, at ang kagalakang dulot ng ebanghelyo.

Ang tema ng Primarya ay "Lahat ng inyong mga anak ay tuturuan ng Panginoon; at malaki ang magiging kapayapaan ng inyong mga anak" (3 Nephi 22:13). Tumutulong ang Primarya sa mga pinuno ng pagkasaserdote sa pagsasakatuparan ng misyon ng Simbahan sa pamamagitan ng panghihikayat sa mga bata na pagaralan ang mga banal na kasulatan, manalangin, at sundin ang halimbawa ng Tagapagligtas. Ang mga layunin ng Primarya ay:

  • Ituro sa mga bata na sila ay mga anak ng Diyos at na mahal sila ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

  • Tulungan ang mga bata na matutuhang mahalin ang Ama sa Langit at si Jesucristo.

  • Tulungan ang mga bata na maghandang mabinyagan, tanggapin ang Espiritu Santo, at tuparin ang kanilang mga tipan at pangako sa binyag.

  • Tulungan ang mga bata na umunlad sa kanilang pang-unawa sa plano ng ebanghelyo at maglaan ng pagkakataon upang maipamuhay nila ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

  • Tulungan ang mga batang lalaki na matanggap ang pagkasaserdote at maging karapat-dapat na gamitin ang pagkasaserdote upang basbasan at paglingkuran ang iba.

  • Tulungan ang mga batang babae na maghandang maging mabubuting kabataan, maunawaan ang mga biyaya ng pagkasaserdote at ng templo, at maglingkod sa iba.

Tinutulungan ng mga pinuno at guro ng Pagkasaserdote at Primarya ang mga magulang sa pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa kanilang mga anak habang naghahangad at ginagabayan sila ng Espiritu. Bawat bata sa Primarya ay kailangang mahalin ng mga mapagmalasakit na guro at pinuno, lalo na ang mga batang mula sa mga tahanang kulang sa malakas na suporta sa pamumuhay ng ebanghelyo.

Kapag sapat ang bilang ng mga bata, nagpupulong sila nang hiwalay sa mga kababaihan at mga kabataang babae para sa pagtuturo sa klase at oras ng pagbabahagi sa Panlinggong Paaralan at sa oras ng Samahang Damayan at Mga Kabataang Babae. Paminsan-minsan ay maaaring bumuo ang mga sangay ng mga aktibidad para sa mga bata sa Primarya sa ibang araw maliban kung Linggo. Ang iba pang tagubilin hinggil sa oras ng pagbabahagi at mga aktibidad sa karaniwang araw ay makukuha sa pamamagitan ng mga pinuno ng pagkasaserdote.

Panlinggong Paaralan

Tinutulungan ng Panlinggong Paaralan ang mga miyembro at nagsisiyasat na edad 12 pataas na matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo at mamuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa pamamagitan ng paglalaan ng espirituwal na kalakasan at tagubilin sa mga pulong tuwing Linggo. Hinihikayat ng mga guro sa Panlinggong Paaralan ang mga miyembro na:

  • Mag-aral ng mga banal na kasulatan.

  • Sundin ang mga kautusan.

  • Tanggapin ang mahahalagang ordenansa at tuparin ang mga kaugnay na tipan ng ebanghelyo.

Ang panguluhan ng Panlinggong Paaralan ang nangangasiwa sa Panlinggong Paaralan. Ang pangulo ang nagrerekomenda ng mga potensiyal na guro sa pangulo ng sangay. Tumatawag at nagtatalaga ang panguluhan ng sangay ng mga gurong magtuturo sa mga klase ng Panlinggong Paaralan. Nagpupulung-pulong ang mga kabataan at mga nasa hustong gulang kapag kakaunti lamang sila, ngunit kapag sapat ang dami nila, maaari silang maghiwa-hiwalay ng klase.