Pagkasaserdote
Ang pagkasaserdote ang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos. Sa pamamagitan nito, nagagawa Niya ang Kanyang gawain at kaluwalhatian, ang "isakatuparan ang kawalangkamatayan at buhay na walang hanggan ng tao" (Moises 1:39). Pinahihintulutan ni Jesucristo ang mga karapat-dapat na lalaking miyembro ng Simbahan na taglayin ang Kanyang pagkasaserdote. Kapag naordenan na sila sa pagkasaserdote, mabibigyan na sila ng awtoridad na magsagawa ng gawain ng Panginoon, tulad ng mangaral ng ebanghelyo, magsagawa ng mga ordenansa ng pagkasaserdote, at maglingkod, kapag tinawag, sa kaharian ng Diyos sa lupa.
"Mayroon, sa simbahan, ng dalawang pagkasaserdote, alalaong baga'y, ang Melquisedec at Aaron" (D at T 107:1). Ipinanumbalik ng mga sugo mula sa langit ang awtoridad ng pagkasaserdote sa lupa sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith.
Pagkasaserdoteng Melquisedec
Ang Pagkasaserdoteng Melquisedec ang mas mataas na pagkasaserdote. Isinunod ito sa pangalan ng dakilang mataas na saserdote na nabuhay noong panahon ni Abraham (tingnan sa D at T 107:2-5). Ang mga kapatid na nagtataglay ng pagkasaserdoteng ito ay may kapangyarihan at awtoridad na humawak ng mga katungkulan ng pamumuno sa Simbahan at mangasiwa sa pangangaral ng ebanghelyo. Maaari silang mamuno, kung tatawagin, sa mga misyon, distrito, sangay, at korum.
Bago maordenan ang isang lalaki sa katungkulan sa Pagkasaserdoteng Melquisedec, kailangan munang maigawad sa kanya ang Pagkasaserdoteng Melquisedec. Pagkatapos ay oordenan siya sa katungkulan sa pagkasaserdoteng iyon. Ang mga katungkulang ito ay elder, mataas na saserdote, patriyarka, pitumpu, at apostol. Isinasaayos ng mga pinuno ng pagkasaserdote sa misyon o distrito ang mga miyembrong lalaki na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec sa mga korum ng mga elder sa misyon o distrito. Isang pangulo ang namumuno sa bawat korum ng mga elder. Itinuturo niya sa mga miyembro ng korum ang kanilang mga tungkulin at nanghihikayat siya ng kapatiran sa mga miyembro ng korum. Lahat ng miyembrong lalaki sa sangay na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec ay mga miyembro ng korum ng mga elder.
Elder at Panguluhan ng Korum ng mga Elder
Tungkulin ng mga elder ang magturo, magpaliwanag, magbinyag, at sumubaybay sa Simbahan. Bilang karagdagan sa pagkakaroon ng awtoridad at responsibilidad ng mga katungkulan sa Pagkasaserdoteng Aaron, maaaring maggawad ang mga elder ng kaloob na Espiritu Santo, mangasiwa sa maysakit, at magsagawa ng iba pang mga ordenansa (tingnan sa “Mga Ordenansa at Pagpapala ng Pagkasaserdote” sa Gabay na Aklat ng Mag-anak). Kapag binigyang-karapatan ng kanilang mga pinuno ng pagkasaserdote, maaaring mamuno ang mga elder sa mga pulong sa Simbahan kapag walang dumalong awtorisadong mataas na saserdote. (Tingnan sa D at T 20:42–45; 107:11.)
Kapag ang isang sangay ay may mga karapat-dapat na kalalakihan na maytaglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec, maaaring bumuo ang panguluhan ng misyon o distrito, ayon sa patnubay ng Espiritu, ng korum ng mga elder sa sangay, at tumawag at magtalaga ng isang pangulo ng korum mula sa mga miyembro ng korum. Sa pagdami ng bilang ng mga elder sa sangay, maaaring tumawag at magtalaga ang panguluhan ng misyon ng dalawang tagapayo sa pangulo ng korum ng mga elder. Bawat korum ng mga elder ay maaaring kabilangan ng hanggang 96 na mga miyembro. Ang korum ay nagbibigay ng halimbawa, tulong, at patnubay sa mga ama at sa iba pang mga miyembro ng korum.
Ang pangulo ng korum ng mga elder ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng distrito o misyon at mananagot sa kanya. Ang pangulo ng korum ay kumikilos din sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng sangay bilang miyembro ng komiteng tagapagpaganap ng pagkasaserdote sa sangay (branch priesthood executive committee) at bilang miyembro ng kapulungan ng sangay. Ang pangulo ng korum ang namamahala sa mga miyembro ng korum sa sangay at nagpapakita ng halimbawa sa kanila. Nakikipagtulungan siya sa pangulo ng sangay sa pagbuo at pagsasagawa ng pagtuturo ng tahanan upang matiyak na mananatiling aktibo ang pakikipag-ugnayan ng Simbahan sa lahat ng miyembro ng sangay.
Itinuturo ng pangulo ng korum sa mga miyembro ng korum ang ebanghelyo at ang kanilang mga tungkulin sa Pagkasaserdoteng Melquisedec (tingnan sa D at T 107:89). Hinihikayat niya sila na maglingkod nang may galak at pagpapakumbaba, lalo na sa kanilang mga responsibilidad bilang mga asawa at ama. Tinuturuan niya sila kung paano magsagawa ng mga ordenansa ng pagkasaserdote, at nagpaplano ng mga proyekto at aktibidad sa paglilingkod na nakatutulong sa mga miyembro at bumubuo ng kapatiran sa korum. Responsibilidad niya ang espirituwal at temporal na kapakanan ng mga miyembro ng korum.
Ang pangulo ng korum ng mga elder ay nag-aatas ng mga tagapagturo ng tahanan na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at mga nasa hustong gulang (19 na taong gulang pataas) na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Aaron, at sa pahintulot ng pangulo ng sangay, inaatasan niya ang mga kabataang lalaki, na mga guro at saserdote sa Pagkasaserdoteng Aaron, bilang mga tagapagturo ng tahanan. Pinagtatambal-tambal ang mga tagapagturo ng tahanan sa pribadong pakikipanayam. Sa pahintulot ng pangulo ng sangay, maaaring atasan ng pangulo ng korum ng mga elder ang maybahay ng isang lalaking nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec na samahan ang kanyang asawa sa mga pagdalaw lalo na kung magasawa ang talagang kailangan.
Itinuturo ng pangulo ng korum sa mga miyembro ng korum ang mga layunin ng pagtuturo ng tahanan (tingnan sa mga pahina 8-9) at binibigyang-inspirasyon sila na gampanan itong mabuti. Palagiang kinakapanayam ng isang miyembro ng panguluhan ng korum ang mga tagapagturo ng tahanan upang makapag-ulat tungkol sa kanilang mga pagdalaw at malaman ang mga pangangailangan ng mga miyembro.
Pinangangasiwaan ng pangulo ng korum ng mga elder ang pagtuturo ng tahanan at laging ipinaaalam sa pangulo ng sangay ang mga pagdalaw na pagtuturo ng tahanan at ang mga pangangailangan at problema ng miyembro na nalaman niya sa mga pagdalaw na pagtuturo ng tahanan.
Hinihikayat ng pangulo ng korum ang mga miyembro ng korum na makilahok sa mga pulong at aktibidad sa Simbahan at maglingkod. Tinutulungan niya ang mga kalalakihang hindi pa naordenan at ang mga mahigit 18 taong gulang na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Aaron na maghanda sa pagtanggap ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at mga ordenansa sa templo. Tumutulong ang mga tagapagturo ng tahanan sa mga pagsisikap na ito, ngunit kadalasan ay kailangan ng pangulo na personal na maglingkod sa mga miyembro ng kanyang korum.
Mataas na Saserdote, Patriyarka, Pitumpu, at Apostol
Para sa impormasyon tungkol sa mga katungkulan ng mataas na saserdote, patriyarka, pitumpu, at apostol, tingnan sa Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, kabanata 14.
Pagtuturo sa Tahanan
Ang mga tagapagturo ng tahanan ay mga miyembrong lalaking maytaglay ng pagkasaserdote at tinawag upang tulungan ang mga pinuno ng pagkasaserdote na subaybayan at patatagin ang mga miyembro ng sangay. Ang mga kalalakihang nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec at Pagkasaserdoteng Aaron, maliban sa mga diyakono, ay maaaring maglingkod bilang mga tagapagturo ng tahanan.
Dapat palagiang dalawin ng mga tagapagturo ng tahanan ang mga miyembro, na nagpapakita ng pagmamahal sa kanila, nagtuturo sa kanila ng ebanghelyo, at nag-aanyaya sa kanila na lumapit kay Cristo. Dapat hikayatin ng mga tagapagturo ng tahanan ang mga ama na manalangin at pangalagaang mabuti ang kanilang mga mag-anak. Tinutulungan ng mga tagapagturo ng tahanan ang mga miyembro sa oras ng karamdaman, pagkamatay ng mahal sa buhay, kalungkutan, kawalan ng trabaho, at kung minsan ay sa iba pang mga espesyal na pangangailangan. (Tingnan sa D at T 20:51, 53, 59.)
Kinakatawan ng mga tagapagturo ng tahanan ang Panginoon, pangulo ng sangay, at pangulo ng korum sa pagdalaw nila sa nakaatas sa kanilang mga mag-anak. Nalalaman nila ang mga interes at pangangailangan ng mga miyembro ng mag-anak at nagpapakita ng tunay na malasakit sa kanila. Sa ilalim ng inspirasyon ng Espiritu, hangad ng mga tagapagturo ng tahanan na ituro ang ebanghelyo at paunlarin at palakasin ang pananampalataya ng mga tao at mga miyembro ng mag-anak na dinadalaw nila. Kung maaari, dapat ay may kasama ang bawat tagapagturo ng tahanan.
Mga tagapagturo ng tahanan:
-
Manatiling may aktibong pakikipag-ugnayan sa bawat miyembrong nakaatas sa inyo.
-
Kilalanin ang ama bilang ulo ng mag-anak (o ang ina o miyembrong walang-asawa kung walang ama sa tahanan) at tulungan siyang akayin ang mga miyembro ng kanyang mag-anak sa pagtahak nila sa landas tungo sa imortalidad at buhay na walang hanggan.
-
Tulungan ang mga miyembro na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mensahe mula sa mga banal na kasulatan o mula sa mga buhay na propeta na nasa Mensahe ng Unang Panguluhan, Liahona, o Ensign.
-
Manalangin kasama ang mga dinadalaw nila at basbasan sila.
-
Ipaalam sa mag-anak ang mga pulong, mga aktibidad sa korum at sangay, at mga natatanging proyekto, at tulungan silang lumahok.
-
Mag-ulat sa pangulo ng korum ng mga elder (o sa pangulo ng sangay kung ang sangay ay walang korum ng mga elder) tungkol sa pag-unlad ng mga miyembro.
-
Hikayatin at tulungan ang mga miyembro ng mag-anak na tanggapin ang lahat ng kailangang ordenansa ng ebanghelyo at tuparin ang mga kaugnay na tipan.
-
Hikayatin ang mga miyembro na gawin ang gawaing misyonero at kasaysayan ng mag-anak at gawain sa templo.
Mga Ordenansa at Pagbabasbas
Ang mga ordenansa ng pagkasaserdote ay mga sagradong hakbang na inihayag ng Panginoon at isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng pagkasaserdote. Ang mga basbas ng pagkasaserdote ay ibinibigay para sa pagpapagaling, pag-aliw, at panghihikayat. Ang pagbibinyag at pagbabasbas at pagpapasa ng sakramento ay mga halimbawa ng mga ordenansa ng pagkasaserdote. Ang ilang mga ordenansa ay maaaring isagawa ng mga miyembrong lalaki na nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Aaron, ngunit karamihan sa mga ordenansa ay isinasagawa ng mga kalalakihang nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec (tingnan sa "Pagkasaserdoteng Aaron" na nasa gabay na aklat na ito at sa Gabay na Aklat ng Mag-anak). Dapat turuan ng mga pangulo ng sangay at mga pangulo ng korum ng mga elder ang mga miyembrong lalaki kung paano isasagawa ang mga ordenansa. Dapat tulungan ng mga pinunong ito ang mga ama sa paghahanda at pagiging karapat-dapat na magsagawa ng mga ordenansa para sa mga miyembro ng mag-anak. Dapat ihanda ng mga miyembrong lalaki na nagsasagawa ng mga ordenansa at pagbabasbas ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo at pagpupunyaging magabayan ng Espiritu Santo. Isinasagawa nila ang bawat ordenansa at pagbabasbas sa marangal na paraan. Bawat ordenansa ay dapat isagawa:
-
Sa pangalan ni Jesucristo.
-
Sa pamamagitan ng awtoridad ng pagkasaserdote.
-
Sa tulong ng anumang kinakailangang pamamaraan, tulad ng mga natatanging salita o inilaang langis.
-
Sa pahintulot ng hinirang na pinuno ng pagkasaserdote na nagtataglay ng angkop na mga susi, kung kinakailangan. Ang mga ordenansang nangangailangan ng pahintulot ng pinuno ng pagkasaserdote ay ang pagpapangalan at pagbabasbas sa mga bata, pagsasagawa ng mga pagbibinyag at pagpapatibay, paggagawad ng pagkasaserdote at pag-oordena sa katungkulan sa pagkasaserdote, pagbabasbas at pagpapasa ng sakramento, at paglalaan ng mga libingan.
Tingnan sa Gabay na Aklat ng Maganak ang tagubilin tungkol sa mga natatanging ordenansa at pagbabasbas.
Pagkasaserdoteng Aaron
Ang Pagkasaserdoteng Aaron "ay kaakibat sa nakatataas, o ang Pagkasaserdoteng Melquisedec" (D at T 107:14). Isinunod ito sa pangalan ni Aaron na kapatid ni Moises dahil iginawad ito sa kanya at sa kanyang mga inapo. Ang mga miyembrong lalaking nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Aaron ay may awtoridad na magsagawa ng ilang ordenansa ng pagkasaserdote. Ang mga saserdote ay maaaring magbinyag, magbasbas ng sakramento, at magordena ng mga saserdote, guro, at diyakono. Maaaring maghanda ng sakramento ang mga saserdote at guro. Ang mga saserdote, guro, at diyakono ay maaaring magpasa ng sakramento. (Tingnan sa D at T 107:13-14, 20.)
Kapag iginawad ang Pagkasaserdoteng Aaron sa isang tao, inoordenan siya sa isang katungkulan sa pagkasaserdoteng iyon. Ang mga katungkulan ay diyakono, guro, at saserdote. Ayon sa patnubay ng Espiritu at depende sa dami, isinasaayos ng pangulo ng sangay, na siyang pangulo ng Pagkasaserdoteng Aaron sa sangay, ang mga miyembrong lalaki na parepareho ang katungkulan sa mga korum ng mga diyakono (edad 12-13), guro (edad 14-15), at saserdote (edad 16-18).
Ang pangulo ng sangay, na hawak ang mga susi ng panguluhan ng Pagkasaserdoteng Aaron, ang pangulo ng Pagkasaserdoteng Aaron sa sangay. Siya ang pangulo ng korum ng mga saserdote at maaaring tumawag ng dalawang karapat-dapat na saserdote upang maging mga katulong niya sa korum ng mga saserdote. Maaari siyang tumawag ng karapatdapat na guro at karapat-dapat na diyakono upang maglingkod bilang mga pangulo ng mga korum ng mga guro at ng mga diyakono. Siya o ang inatasang tagapayo ay maaaring tumawag ng dalawang tagapayo sa mga pangulo ng korum ng mga guro at ng mga diyakono upang mabuo ang mga panguluhan ng mga korum na ito. Kapag sapat ang bilang ng mga kabataang lalaki sa mga korum, maaaring tumawag ang panguluhan ng sangay ng isang kabataang lalaki sa bawat korum upang maglingkod bilang kalihim ng korum. Itinatalaga ng pangulo ng sangay ang mga katulong niya sa korum ng mga saserdote at ang mga pangulo ng mga korum ng mga guro at ng mga diyakono. Isang miyembro ng panguluhan ng sangay ang nagtatalaga sa mga tagapayo sa mga panguluhan ng korum at mga kalihim.
Kasunod ng mga pambungad na gawain ng pulong ng pagkasaserdote, nagpupulong ang Pagkasaserdoteng Aaron, sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng sangay, nang hiwalay sa mga nagtataglay ng Pagkaserdoteng Melquisedec.
Kapag bumubuo ng mga korum ng Pagkasaserdoteng Aaron ang pangulo ng sangay, tumatawag siya, ayon sa patnubay ng Espiritu, at nagtatalaga ng isang lalaking nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec o ng katungkulan ng saserdote sa Pagkasaserdoteng Aaron upang maglingkod bilang pangulo ng Mga Kabataang Lalaki. Ang pangulo ng Mga Kabataang Lalaki ay nakikipagtulungan sa panguluhan ng sangay at sa mga panguluhan ng korum ng Pagkasaserdoteng Aaron upang tulungan ang bawat miyembro ng korum na palakasin ang kanyang pananampalataya kay Jesucristo at dagdagan ang kanyang pag-unawa at matibay na pangakong mamuhay ayon sa mga alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ang mga layunin ng Pagkasaserdoteng Aaron ay tulungan ang bawat naordenan sa pagkasaserdoteng iyon na:
-
Magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo at mamuhay ayon sa mga turo nito.
-
Maglingkod nang tapat sa mga katungkulan sa pagkasaserdote at gampanan ang mga responsibilidad ng bawat katungkulan sa pagkasaserdote.
-
Magbigay ng makabuluhang paglilingkod.
-
Maghanda at mamuhay nang marapat upang tanggapin ang Pagkasaserdoteng Melquisedec at mga ordenansa sa templo.
-
Maghandang maglingkod nang may dangal sa full-time na misyon.
-
Mag-aral hangga't makakaya at maghandang maging karapat-dapat na asawa at ama.
-
Magbigay ng angkop na paggalang sa mga kababaihan, mga batang babae, at mga bata.
Nakikipagtulungan ang pangulo ng sangay sa mga panguluhan ng korum ng Pagkasaserdoteng Aaron upang pagplanuhan ang mga pulong ng korum, mga proyekto sa paglilingkod, at mga aktibidad upang makatulong sa pagsasagawa ng mga layuning ito. Ang mga aktibidad ay dapat maglaan ng kaiga-igayang kapaligiran kung saan ang mga kabataang lalaki ay maaaring makipagkaibigan, makapaglaan ng paglilingkod, at magkaroon ng mga kasanayan kasama ang ibang katulad nila ang paniniwala at mga pamantayan.
Ang mga panguluhan ng korum ng Pagkasaserdoteng Aaron at mga panguluhan sa klase ng Mga Kabataang Babae, sa pakikipagtulungan sa mga pinuno ng Pagkasaserdoteng Aaron at Mga Kabataang Babae na nasa hustong gulang, ay maaaring magplano ng mga aktibidad na magkakasama ang Pagkasaserdoteng Aaron at ang Mga Kabataang Babae sa ilalim ng pamamahala ng pangulo ng sangay. Ang mga magkakasamang aktibidad ay tinatawag na Mutwal.
Diyakono
Maaaring ordenan sa pagiging diyakono ang karapat-dapat na kabataang lalaking nabinyagan at napagtibay kapag siya ay hindi kukulangin sa 12 taong gulang. Ang mga diyakono ay karaniwang inaatasang magpasa ng sakramento, mangalaga sa mga gusali at paligid ng Simbahan, tumulong sa pagkalinga sa mga nangangailangan, at tumupad sa mga natatanging gawain, tulad ng pagtitipon ng mga handog-ayuno.
Ang korum ng mga diyakono ay maaaring kabilangan ng hanggang 12 diyakono (tingnan sa D at T 107:85).
Guro
Maaaring ordenan sa pagiging guro ang karapat-dapat na kabataang lalaki kapag siya ay hindi kukulangin sa 14 na taong gulang. Bilang karagdagan sa lahat ng awtoridad at responsibilidad ng mga diyakono, ang mga guro ang naghahanda ng sakramento at naglilingkod bilang mga tagapagturo ng tahanan.
Ang korum ng mga guro ay maaaring kabilangan ng hanggang 24 na guro (tingnan sa D at T 107:86).
Saserdote
Maaaring ordenan bilang mga saserdote ang mga karapat-dapat na miyembrong lalaki kapag sila ay hindi kukulangin sa 16 na taong gulang. Karaniwan, ang mga bagong binyag na lalaki na nasa hustong gulang ay inoordenan bilang mga saserdote hanggang sa magkaroon sila ng sapat na karanasan upang maordenan bilang mga elder.
Bilang karagdagan sa lahat ng awtoridad at responsibilidad ng mga diyakono at guro, ang mga saserdote ay maaaring magbinyag at mangasiwa ng sakramento at mangasiwa sa mga pulong kapag walang sinumang nagtataglay ng Pagkasaserdoteng Melquisedec doon (tingnan sa D at T 20:46-51).
Ang korum ng mga saserdote ay maaaring kabilangan ng hanggang 48 saserdote (tingnan sa D at T 107:87-88).