Mga Hanbuk at Calling
Pamumuno


Pamumuno

Ang Halimbawa ng Tagapagligtas

Ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ay nagpakita ng perpektong halimbawang maaaring sundan ng mga miyembro bilang mga pinuno sa kanilang mga mag-anak at sa Simbahan. Minahal Niya ang Kanyang Ama at ang mga taong pinaglingkuran Niya. Nabuhay Siya upang maglingkod sa iba, na tinutulungan at hinihikayat ang mga maralita at naaapi at nagbibigay ng pag-asa sa mga pinanghihinaan ng loob.

Naunawaan ni Jesus ang Kanyang tungkulin at naging madasalin at masigasig sa pagtupad nito. Lagi Niyang ginagawa ang kalooban ng Kanyang Ama at ibinigay sa Kanya ang kaluwalhatian, nang hindi naghahangad para sa Kanyang sarili. Isinakripisyo Niya ang lahat para sa sangkatauhan, inialay ang Kanyang buhay sa krus at nagbayad-sala para sa mga kasalanan ng lahat ng tao.

Habang sinusunod ng mga pinuno ang halimbawa ng Tagapagligtas, daragdagan Niya ang kanilang kakayahang gawin ang Kanyang gawain. Bibigyan Niya sila ng inspirasyong malaman ang dapat nilang sabihin at gawin (tingnan sa D at T 100:6). Ang mga pinuno ay tunay na nagiging kapwa Niya mga tagapaglingkod sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Magiging mga estudyante sila ng mga banal na kasulatan, matututuhan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo, at magsisikap na ituro ang mga ito sa kanilang mga paglilingkuran.

Mga Katangian ng mga Pinuno

Pananampalataya

Sa Kanyang mortal na ministeryo, hinimok na mabuti ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na magpakita ng pananampalataya (tingnan sa Mateo 17:14-21; Lucas 8:22-25). Ang mga pinuno sa Simbahan ay dapat magkaroon ng pananampalataya na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Nagkakaroon sila ng pananampalatayang ito sa pamamagitan ng panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, pagsunod, at pagsisisi. Habang inaalagaan natin ang binhi ng pananampalataya, lalago ito sa ating kalooban at magbubunga ng prutas na pinakamahalaga at pinakamatamis (tingnan sa Alma 32:42).

Pagmamahal

Sinabi ng Tagapagligtas: "Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y mangagibigan sa isa't isa: na kung paanong iniibig ko kayo, ay mangagibigan naman kayo sa isa't isa. Sa ganito'y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pagibig sa isa't isa" (Juan 13:34-35). Dapat mahalin ng mga pinuno ang mga taong ipinagkatiwala sa kanila ng Panginoon. Habang minamahal ng mga pinuno ang mga tao, nanaisin nilang paglingkuran, turuan, at tulungan silang pagsumikapan ang kanilang kaligtasan.

Sa daigdig, bihirang ituring ng mga tao na tagapaglingkod ang mga pinuno. Ngunit itinuro ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at halimbawa na dapat paglingkuran ng mga pinuno ang mga taong kanilang pinamumunuan. Sinabi niya sa Labindalawa, "Sinomang magibig na maging una sa inyo ay magiging alipin ninyo" (Mateo 20:27). Kapag naglilingkod tayo, pinaglilingkuran natin ang Panginoon (tingnan sa Mateo 25:31-40; Mosias 2:17).

Pagsunod

Ipinakita ni Jesucristo ang perpektong halimbawa ng pagsunod at pagpapasailalim sa kalooban ng Ama sa Langit (tingnan sa Mateo 26:39; Juan 5:30). Kailangang sundin ng mga pinuno ang mga kautusan ng Panginoon upang makapagpakita sila ng halimbawa sa iba at maging karapat-dapat na tumanggap ng patnubay mula sa Espiritu Santo. Ang pagsunod ay nagpapakita ng pagmamahal sa Panginoon (tingnan sa Juan 14:15).

Ang mga kautusan ng Panginoon ay inihayag sa mga banal na kasulatan, sa pamamagitan ng mga pinuno ng Simbahan, at sa inspirasyong dulot ng Banal na Espiritu. Habang sinusunod ng mga pinuno ang mga kautusang ito, tutulungan sila ng Panginoon na magampanan ang kanilang mga tungkulin.

Pagkakaisa

Sa Kanyang dakilang panalangin ng pamamagitan, dumalangin ang Tagapagligtas na nawa'y magkaisa ang mga taong naniniwala sa Kanya, tulad ng pagkakaisa Nila ng Kanyang Ama (tingnan sa 17:20-23). Mahalaga ang pagkakaisa sa tagumpay ng bawat organisasyon ng Simbahan. Ang mga pangulo ng pagkasaserdote at ng pantulong na samahan ay hindi dapat gumawang mag-isa nang hindi sumasangguni sa kanilang mga tagapayo. Mas maraming nagagawa ang mga panguluhan kapag sila ay nagkakaisa at nagsasanggunian.

Sakripisyo

Isang mayamang binata ang nagtanong sa Tagapagligtas kung ano ang dapat niyang gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan. "Sundin mo ang mga kautusan," ang sabi ng Panginoon sa kanya. Sinabi ng binata na nasunod na niyang lahat ang mga kautusan mula sa kanyang pagkabata, at nagtanong, "Ano pa ang kulang sa akin?" Si Jesus, na nakaaalam ng nasa puso niya ay nagsabi sa kanyang ipagbili ang kanyang mga ari-arian, magbigay sa mga dukha at sumunod sa Kanya. Subalit "yumaon siyang [ang binata] namamanglaw; sapagka't siya'y isang may maraming pagaari." (Tingnan sa Mateo 19:16-22.)

Sa pangyayaring ito, itinuturo ng Panginoon na dapat ay handa ang mga pinuno na isakripisyo ang lahat ng bagay sa pagsunod sa Kanya. Tulad ng mayamang binata, ang mga pinuno ay maaaring hilingang isakripisyo ang kanilang mga ari-arian, o ang kanilang panahon, mga talento, at mga pansariling mithiin upang palaganapin ang gawain ng Panginoon. Habang nagsasakripisyo ang mga pinuno para sa Panginoon at sa Kanyang kaharian, nangangako Siyang pagpapalain sila sa lahat ng bagay (tingnan sa Mateo 19:29; D at T 97:8-9).

Mga Atas na Gawain sa Pamumuno

Pagtatakda ng mga Layunin

Nalalaman ng mga pinuno na ang paghahangad ng patnubay mula sa Panginoon nang may panalangin tungkol sa kung ano ang nais Niyang ipagawa sa kanila ay mahalaga sa kanilang mga tungkulin. Ang pagtatakda ng mga layunin, sa patnubay ng Espiritu, ay makatutulong sa kanila sa paggawa ng gawaing ibinigay sa kanila ng Panginoon.

Sa pagtatakda ng layunin, kailangang planuhin ng pinuno kung paano ito maisasakatuparan. Halimbawa, maaaring magtakda ng layunin ang isang pangulo ng distrito na dagdagan ang bilang ng mga dumadalo sa mga pulong sakramento sa distrito. Maaari niyang isama sa plano niya ang paghiling sa mga pangulo ng sangay na anyayahan ang lahat ng miyembro ng sangay na matibay na mangakong dadalo sa mga pulong sakramento.

Mahihikayat ng mga pinuno ang mga miyembro na magtakda at maisakatuparan ang mga personal na layunin. Maaaring magmungkahi ng mga layunin ang mga pinuno para sa mga tao, ngunit dapat silang magtakda ng sarili nilang mga layunin at magplano kung paano maisasakatuparan ang mga ito.

Pagpaplano at Pagpapakatawan

Ang mga sumusunod na hakbang ay makatutulong kapwa sa mga pinuno ng pagkasaserdote at pantulong na samahan sa pagpaplano ng mga pulong, aktibidad, proyekto sa paglilingkod, at layunin sa pagsasagawa ng gawain ng Panginoon at magiging kapaki-pakinabang ito sa pakikisama sa mga miyembro at pakikipagkaibigan sa mga hindi miyembro. Matutulungan ng mga hakbang na ito ang mga pinuno na isaayos ang pagtuturo ng tahanan at pagdalaw na pagtuturo ng Samahang Damayan, at matutulungan ang mga pinuno ng pagkasaserdote sa pagtawag ng mga miyembro upang maglingkod sa mga katungkulan sa sangay.

  1. Magplano at magsaayos. Ang mga pinuno ang nagpaplano ng lahat ng pulong, aktibidad, at layunin para magkaroon ng layunin sa ebanghelyo. Sa paggawa ng mga planong ito, hinihilingan ng mga pinuno ang iba, tulad ng kanilang mga tagapayo, na magbahagi ng mga ideya at tumulong sa pagsasaayos.

  2. Manalangin. Ang mga pinuno ay nananalangin para sa patnubay sa pamamagitan ng mga inspirasyong dulot ng Espiritu habang gumagawa at nagpapatupad sila ng mga plano. Dumadalangin din sila para sa patnubay upang malaman kung sino ang dapat nilang tawagin para tumulong sa gawain.

  3. Magpakatawan. Inaanyayahan ng isang mabuting pinuno ang iba upang tumulong dahil alam niyang hindi niya kaya at hindi niya dapat gawing mag-isa ang lahat. Nagpapakatawan siya upang tulungan ang iba na madagdagan ang kanilang mga kakayahan sa pagbibigay sa kanila ng karanasan. Ipinaliliwanag niya ang plano sa kanila. Pagkatapos ay ipinakakatawan niya (iniaatas) ang mga partikular na gawain sa bawat tao, na ipinaliliwanag ang mga tungkulin at pagpapala ng pagsasakatuparan ng gawain.

  4. Tumulong at sumuporta. Matapos magplano, manalangin, at magpakatawan ang isang pinuno, sinusuportahan niya ang mga taong inatasan niya ng responsibilidad. Itinuturo niya sa kanila ang dapat nilang malaman at nag-aalok ng tulong ngunit hindi ginagawa ang mga gawaing iniatas niyang gawin nila. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal at pagtitiwala at hinihikayat silang gamitin ang sarili nilang mga ideya at inspirasyon sa halip na igiit na laging gawin ang mga bagay sa paraang nais niya. Tinuturuan niya silang muli o pinababago ang kanilang ginagawa kung kinakailangan lamang.

  5. 5. Subaybayan ang pag-unlad. Matapos mag-atas ng gagawin, paulit-ulit na humihingi ng ulat sa pag-unlad ang pinuno. Maaari niyang gawin ito sa pangkaraniwang pakikipag-usap, sa isang pulong, o kaya'y sa sarilinang pakikipanayam. Sa pag-uulat, pinasasalamatan ng pinuno ang tao at nagbibigay ng taos-pusong papuri at panghihikayat. Maaari din niyang talakayin kung paano magagawa nang mas mabuti ang iniatas na gawain.

  6. Suriin. Kapag natapos na ang iniatas na gawain, sinusuri ito ng pinuno kasama ang bawat inatasang tao. Nagpapapasalamat siya, tinatalakay ang kahalagahan ng ginawa, at maaaring bigyan pa ang tao ng isa pang gagawin.

Paghahanda ng mga Adyenda

Ang adyenda ay isang plano para sa pulong. Maaari itong kabilangan ng mga panalangin, himno, pananalita, patalastas, mga opisyal na tatalakayin, pag-uulat ng mga nagawa, mga bagong takdang-gawain, at iba pang mahahalagang bagay. Nakatutulong sa isang pinuno ang nakasulat na adyenda upang tiyakin na matatalakay ang pinakamahahalagang bagay at ang oras ng pulong ay nagagamit nang matino. Tumutulong din ito sa kanya na pangasiwaan ang pulong sa maayos na paraan.

Ang taong namumuno o nangangasiwa ang karaniwang naghahanda ng adyenda. Tinitiyak niyang kasama rito ang lahat ng kailangan upang maisakatuparan ang mga layunin ng pulong. Ang taong naghahanda ng adyenda ang nagpapasiya kung gaano katagal pag-uusapan ang bawat aytem na nasa adyenda. Kung iilang oras lamang ang nauukol para talakayin ang lahat ng aytem, isinasama na lamang niya ang ilan sa mga ito sa adyenda para sa susunod na pulong.

Pangangasiwa sa mga Pulong

Ang taong nangangasiwa sa pulong ang tumatayong pinuno ng pulong na iyon. Binabanggit niya ang mga pangalan ng mga taong mananalangin, magsasalita, mamumuno sa musika, at gagawa sa iba pang bagay sa pulong. Ang nangangasiwa sa pulong ay dapat maging mapitagan at dapat pangasiwaan ang pulong ayon sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon.

Ang taong namumuno sa pulong ang maaaring mangasiwa rito o maaari niyang hilingan ang iba na pangasiwaan ito sa ilalim ng kanyang pamamahala. Halimbawa, maaaring hilingan ng pangulo ng sangay ang isa sa kanyang mga tagapayo na siyang mangasiwa sa pulong sakramento, o maaaring hilingan ng pangulo ng korum ang isa sa kanyang mga tagapayo na siyang mangasiwa sa pulong ng korum. Maaari din itong gawin sa mga pulong ng mga pantulong na samahan.

Mga Kapulungan

Pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang kaharian sa pamamagitan ng alituntunin ng mga kapulungan. Ang mga nangangasiwa sa mga pulong ng kapulungan, gaya ng pulong ng kapulungan ng sangay, pulong ng komiteng tagapagpaganap ng pagkasaserdote, at mga pulong ng panguluhan ng pagkasaserdote at ng pantulong na samahan (tingnan sa Gabay na Aklat ng Sangay) ay dapat sundin ang sumusunod na mahahalagang alituntunin:

  • Pagtuunan ang mga doktrina at alituntunin ng ebanghelyo, hindi ang mga bagay na walang batayan.

  • Pagtuunan ang mga tao at kung paano sila palalakasin sa ebanghelyo, na laging tinatandaan na pagingatang mabuti ang lihim na impormasyon.

  • Itaguyod ang malaya at bukas na pagpapahayag, na nagbibigay ng pagkakataong makapagsalita ang lahat. Kailangang makinig at magsalita rin ang mga pinuno.

  • Itaguyod at tumulong na maisakatuparan ang mga pasiya ng mga namamahalang pinuno.

  • Mamuno nang may pagmamahal at pagmamalasakit sa mga pangangailangan at kapakanan ng lahat.

Pag-iingat ng mga Lihim

Hindi dapat ihayag ng mga pinuno ang lihim na impormasyon kahit kanino, maging ito man ay mula sa mga pormal na pakikipanayam o di-pormal na usapan. Ang impormasyong bunga ng mga panayam at pagtatapat at impormasyong tulad ng halaga ng ikapu at mga donasyong ibinabayad ng isang tao ay kailangang ilihim nang lubusan. Hindi dapat talakayin ng isang pinuno sa ibang tao ang mga pribadong bagay tungkol sa isang tao, kabilang na ang mga tagapayo at asawa, maliban kung ipahihintulot ng tao. Ang pinunong pabaya sa pagiingat ng mga bagay na lubos na ipinaglilihim ay makapagpapahina sa patotoo at pananampalataya ng mga taong pinaglilingkuran niya at magpapabawas ng kanilang tiwala sa kanya.