Pambungad
Inihanda ng Simbahan ang gabay na aklat na ito upang tulungan ang mga pinuno ng pagkasaserdote at pantulong na samahan na matutuhan ang mga responsibilidad ng kanilang mga tungkulin at kung paano gagampanan ang mga ito. Ang lahat ng mga pinuno at iba pang mga miyembro ng Simbahan ay dapat tumulong sa pagsasagawa ng misyon ng Simbahan, na anyayahan ang lahat ng tao na "lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya" (Moroni 10:32). Upang maisagawa ang misyong ito, tinutulungan ng mga pinuno ang mga miyembro na:
-
Ipahayag ang ebanghelyo ni Jesucristo sa bawat bansa, angkan, wika, at bayan. Ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng patotoo ayon sa inspirasyong dulot ng Espiritu.
-
Gawing ganap ang mga Banal. Tulungan ang mga bagong binyag sa pag-unlad sa Simbahan sa pamamagitan ng pagtiyak na sila ay mayroong kaibigan at gawain [sa purok o sangay] at pinangangalagaan ng mabuting salita ng Diyos. Tanggapin ang mga ordenansa at gumawa ng mga tipan ng ebanghelyo, magsikap na sundin ang mga kautusan tulad ng ipinangako nila, maglingkod sa kanilang kapwa, kalingain ang mga maralita at nangangailangan, at kaibiganin ang isa't isa upang maitatag ang komunidad ng mga Banal.
-
Tubusin ang mga patay. Tukuyin ang mga namatay na ninuno at isagawa ang mga ordenansa sa templo para sa kanila hangga't makatwirang gawin upang makapaghanda para sa kadakilaan ng mag-anak.
Ibahagi ang Ebanghelyo
Inuutusan ng Panginoon ang mga miyembro ng Simbahan na ibahagi ang ebanghelyo. Dapat itong gawin mismo ng mga pinuno ang ebanghelyo at dapat nilang hikayatin at bigyang-inspirasyon ang ibang miyembro na gawin ito. Kabilang sa ilang paraan ng pagbabahagi ng ebanghelyo ang:
-
Pagpapakita ng mabuting halimbawa ng pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo.
-
Pagsasabi sa mga kaibigan at miyembro ng mag-anak ng tungkol sa ebanghelyo at sa mga biyayang idinudulot nito sa kanilang buhay.
-
Pagtulong sa mga misyonero ng distrito o mga full-time na misyonero.
-
Pagpaplano ng mga gawain at programa upang maipakilala ang ebanghelyo sa iba.
Ang isa pang paraan upang maibahagi ang ebanghelyo ay ang pagtulong sa mga miyembro na maglingkod sa full-time na misyon. Matutulungan ng mga pinuno ang mga kabataan na makapaghanda para maglingkod, mahihikayat ang mga magulang na ihanda ang kanilang mga anak para sa mga misyon, at mahihikayat ang mga mag-asawang nagretiro para magmisyon. Dagdag pa rito, mapapayuhan nila ang mga miyembro na mag-impok upang sila mismo ang gumastos para sa sarili nilang misyon at matustusan sa pananalapi ang mga misyonero.
Sa ilalim ng pangangasiwa ng pangulo ng sangay, ang pinuno ng misyon ng sangay (kapag tinawag) ang nakikipag-ugnayan para sa gawaing misyonero sa sangay.
Gawing Ganap ang mga Banal
Ang paggawang ganap sa mga Banal ay kinapapalooban ng panghihimok at pagtulong sa bawat miyembro na ipamuhay ang ebanghelyo bawat araw upang makapaghanda para sa kadakilaan. Ang paggawang ganap sa mga Banal ay kapwa may espirituwal at temporal na aspeto.
Espirituwal na Paghahanda
Dapat magpatuloy sa pananalangin ang mga pinuno para sa inspirasyon upang malaman kung paano tutulungan ang mga miyembro na dagdagan ang kanilang espirituwal na lakas. Matutulungan ng mga pinuno ang mga miyembro na espirituwal na makapaghanda sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng ebanghelyo at paghimok sa kanila na ipamuhay ito. Dapat nilang hikayatin ang mga miyembro na lumapit sa Panginoon sa pamamagitan ng pananalangin, pagaayuno, pagtanggap ng sakramento, at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at ng mga turo ng mga propeta sa mga huling araw. Dapat ay maglaan sila ng mga pagkakataon upang makapaglingkod, tiyakin nilang espirituwal na nagpapasigla ang mga pulong, at magpakita sila ng pagmamahal sa pamamagitan ng paglilingkod sa bawat miyembro.
Ang mga pagsisikap na gawing ganap ang mga Banal ay dapat tumuon sa mga tao at mag-anak. Pinalalakas at itinataguyod ng Simbahan ang mga mag-anak at tahanan. Ang tahanan ang pinakamahalagang lugar para sa pagtuturo ng ebanghelyo at pamumuno. Dapat hikayatin ng mga pinuno ang mga miyembro ng mag-anak na mahalin at paglingkuran ang isa't isa at bigyang-diin na may pananagutan ang mga magulang na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga anak at palagiang magdaos ng mga gabing pantahan ng mag-anak.
Dapat maghanda ang lahat ng miyembro ng Simbahan na tanggapin ang mga pagpapala ng templo. Ang mga responsibilidad ng mga miyembro sa paggawa nito ay nakabalangkas sa Gabay na Aklat ng Mag-anak (31180 893). Matutulungan ng mga pinuno ang mga miyembro sa paghahandang tanggapin ang mga pagpapala ng templo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila tungkol sa templo. Dapat hikayatin ng mga pinuno ang mga miyembro na mamuhay nang marapat upang makakuha at laging magkaroon ng may-bisang rekomendasyon sa templo at tanggapin ang kanilang endowment sa templo at mga ordenansa sa pagbubuklod sa templo kapag nararapat. Ang isang karapat-dapat na tao ay iyong nakipagtipan sa Panginoon, tulad ng tipan sa pagbibinyag, at masigasig na nagpupunyaging sundin ang mga tipan na ito.
Pisikal at Temporal na Paghahanda
Matutulungan ng mga pinuno ang mga miyembro na maghandang tugunan ang mga pisikal at temporal na pangangailangan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila na tumayo sa sarili nilang mga paa at maghanda para sa mga di-inaasahang pangyayari. Matuturuan ng mga pinuno ang mga miyembro na ipamuhay ang batas ng ikapu at batas ng pag-aayuno, hikayatin silang mamuhay ayon sa kanilang kinikita, at mag-atas ng mga tagapagturo ng tahanan at dumadalaw na tagapagturo na susubaybay at tutulong sa kanila.
Dapat hanapin at tulungang kalingain ng mga pinuno ang mga maralita at nangangailangan sa sangay at turuan ang mga miyembro ng sangay na gawin din ang gayon.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa kung paano matutugunan ng mga miyembro ang kanilang mga pisikal na pangangailangan, tingnan sa Gabay na Aklat ng Mag-anak.
Mga Ordenansa sa Templo ng Kasaysayan ng Mag-anak
Bilang karagdagan sa pagtanggap ng sarili nilang mga ordenansa sa templo, tumutulong ang mga miyembro na matubos ang mga patay sa pamamagitan ng pagtukoy sa kanilang mga ninuno at pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo para sa kanila. Dapat muna nilang pagtuunan ng pansin ang unang apat na henerasyon ng kanilang mga ninuno. Matutulungan ng mga pinuno ang mga miyembro sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng mga doktrinang may kinalaman sa pagtubos ng mga patay, paghihikayat sa kanila na magpadala ng mga pangalan para sa gawain sa templo, at paghihikayat sa kanila na isagawa ang mga ordenansa sa templo, kung maaari, para sa kanilang mga ninuno at sa iba pang nangamatay na.