Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro
Hikayatin ang mga mag-aaral na kilalanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo araw-araw—mithiin sa pag-aaral.


“Hikayatin ang mga mag-aaral na kilalanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo araw-araw—mithiin sa pag-aaral,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral (2023)

“Hikayatin ang mga mag-aaral na kilalanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo araw-araw—mithiin sa pag-aaral,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral

Mga Alituntunin ng Pagtuturo na Tulad ng kay Cristo: Maghikayat ng Masigasig na Pag-aaral

Hikayatin ang mga mag-aaral na kilalanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pag-aaral ng ebanghelyo araw-araw—mithiin sa pag-aaral.

Kasanayan

Tulungan ang mga estudyante sa paggawa ng mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw.

larawan ni Jesucristo, pisikal na mga banal na kasulatan, mga banal na kasulatan na nakabukas sa computer at tablet, at mga colored pencil

Ipaliwanag

Ang pagtulong sa mga estudyante na makagawiang pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw ay magtutulot sa Panginoon na maturuan, mapalakas, at magabayan sila sa mga paraan na kailangan nila. Matutulungan mo ang mga estudyante sa pagtulong sa kanila na gumawa ng mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Epektibo itong magagawa sa pamamagitan ng pagtulong sa mga estudyante na:

  • Maunawaan ang mga ipinangakong pagpapala na nauugnay sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan,

  • Maging madasalin sa pagtatakda ng mithiin sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan,

  • Magpasiya kung kailan at saan pag-aaralan ang mga banal na kasulatan araw-araw, at

  • Magpasiya kung anong pamamaraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan ang gagamitin.

Maaari itong gawin sa simula ng isang semestre at balikan kung kinakailangan upang matulungan ang mga estudyante na patuloy na sumulong.

Ipakita

Narito ang ilang halimbawa ng kung paano mo matutulungan ang mga estudyante na magtakda ng mga mithiin sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan habang nagsisikap silang pag-aralan araw-araw ang aklat ng banal na kasulatan na pinag-aaralan sa kasalukuyang taon:

  • Sabihin sa mga estudyante na isipin kung anong mga pagpapala ang natanggap na nila sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw.

  • Sabihin sa mga estudyante na saliksikin ang mga banal na kasulatan o mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya para sa mga pangako tungkol sa mga pagpapalang nagmumula sa pag-aaral ng salita ng Diyos.

  • Ipaalala sa mga estudyante na maging madasalin sa pagtatakda ng mithiin sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sabihin sa kanila na hingin ang patnubay ng Panginoon sa kung ano ang lubhang kailangan nila at kung ano sa palagay nila ang kanilang mapagbubuti sa kanilang mga naunang pagsisikap habang patuloy silang natututo at sumusulong.

  • Tulungan sila sa pagtatakda ng pang-araw-araw na mithiin kung kailan at saan mag-aaral sa pamamagitan ng pagsabi sa kanila na pagnilayan ang kanilang kasalukuyang gawain sa araw-araw. Sabihin sa kanila na mag-isip ng isang oras at lugar para sa araw-araw na pag-aaral kung saan maaari silang maging alerto, masigasig, at nakapokus.

  • Tulungan ang mga estudyante na magpasiya kung paano nila gustong pag-aralan ang aklat ng banal na kasulatan na pinag-aaralan sa kasalukuyang taon. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang iba’t ibang pamamaraan sa pag-aaral. Sabihin sa kanila na magtakda ng isang partikular na mithiin, at ipaalala sa kanila na ang mga mithiing ito ay maaaring baguhin at iangkop habang sumusulong sila.

Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.

2:25

Magpraktis

Gamitin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod upang mapahusay ang iyong kakayahang tulungan ang mga estudyante na magtakda ng mga mithiin sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan:

  • Personal na rebyuhin ang ilan sa mga ipinangakong pagpapala na nauugnay sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw. Ang mga ito ay matatagpuan sa mismong mga banal na kasulatan o sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Pumili ng isa sa mga pangakong ito na ibabahagi sa mga estudyante habang nagpaplano kang anyayahan sila na tuklasin ang mga pangako para sa kanilang sarili sa susunod na lesson.

  • Isipin kung paano mo maaanyayahan ang mga estudyante na maging madasalin sa pagtatakda ng mithiin sa araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Sumulat ng isa o dalawang tanong na maaari mong itanong sa mga estudyante na makatutulong sa kanila na anyayahan ang Panginoon sa pagtatakda nila ng mithiin.

  • Magpraktis na anyayahan ang mga estudyante na magpasiya kung kailan at saan pag-aaralan ang mga banal na kasulatan araw-araw. Magsulat ng isang tanong na maaari mong hilingin sa mga estudyante na pag-isipan na tumatalakay sa pang-araw-araw na iskedyul, pagbibigay ng atensyon, at pag-aalis ng mga gambala.

  • Magpraktis na tulungan ang mga estudyante na pumili ng isang pamamaraan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga opsiyon at pagtalakay sa mga pakinabang ng bawat isa. Magpraktis na ilarawan ang ilan sa mga pamamaraang ito para sa mga estudyante upang makita nila kung paano nila maa-adjust ang sarili nilang pag-aaral para matugunan nang husto ang kanilang mga pangangailangan habang sinisikap nilang pag-aralan araw-araw ang aklat ng banal na kasulatan na pinag-aaralan sa kasalukuyang taon.

Talakayin o Pagnilayan

Pagnilayan ang natutuhan mo mula sa karanasang ito. Marahil ay maaari mong isulat ang ilan sa mga ideyang ito sa isang study journal. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang nagawa ko na noon para tulungan ang mga estudyante na magtakda ng mga mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Ano ang natutuhan ko mula sa karanasang ito na maaaring magpabuti sa kakayahan kong tulungan sila na magtakda ng mga mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

  • Paano ko matutulungan ang aking mga estudyante na magpatuloy sa kanilang mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan?

Isama

  • Mapanalanging tingnan ang mga responsibilidad ng klase habang pinag-iisipan ang mga halimbawa sa mga bahaging ipakita at magpraktis ng training na ito. Isipin kung aling mga halimbawa ang pinakamainam na makatutulong sa iyong mga estudyante sa pagtatakda ng isang mithiin sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Gamit ang isa sa mga halimbawa o isa sa sarili mong mga halimbawa, magsimula sa maliit na pagbabago na tutulong sa iyong mga estudyante na makagawian ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Magtakda ng oras na palagi kang magpa-follow up para makita kung nagagawa ito at tulungan silang baguhin ang kanilang mithiin kung kinakailangan.

Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?

Kasanayan

Gumawa at magtanong ng mga tanong na makatutulong sa mga mag-aaral na iugnay ang natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pag-aaral kasama ng pamilya sa natutuhan nila sa klase.

Ipaliwanag

Ang pag-ugnay ay ang pagsamahin o ikonekta ang dalawang bagay. Habang tinutulungan ng mga guro ang mga mag-aaral na iugnay ang kanilang pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa tahanan sa kanilang pag-aaral sa silid-aralan, pinagsasama o ikinokonekta nila ang dalawang karanasang ito. Maraming paraan para magawa ito. Ang isang paraan ay magbigay ng mga tanong na (1) magsasama ng mga personal na karanasan ng mga estudyante o mga karanasan ng kanilang pamilya sa personal na pag-aaral nila ng mga banal na kasulatan sa tahanan, (2) inaalam kung paano nauugnay ang mga karanasang iyon sa natututuhan nila sa klase, at (3) nagbibigay sa kanila ng oras na pagnilayan at alalahanin ang pinag-aralan nila sa tahanan.

Maaari ka ring maghanda ng mga tanong sa talakayan para sa klase na tutulong sa mga estudyante na maunawaan ang natututuhan nila sa silid-aralan at gamitin ito sa tahanan. Ang mga tanong na ito ay magkakatulad. Inaanyayahan mo ang mga estudyante na isipin kung ano ang mga natutuhan nila sa klase sa araw na iyon at kung paano magiging kapaki-pakinabang ang mga ito sa tahanan. Ang mga tanong na ito ay makatutulong sa atin na maging mas nakasentro sa tahanan at sinusuportahan ng Simbahan sa silid-aralan at maihanda ang mga estudyante na magkaroon ng mas maraming karanasan sa pag-aaral sa labas ng klase.

Ang mga ipinakita at mga praktis sa ibaba ay pangkalahatang mga halimbawa. Ang training ay magiging mas epektibo kung ang mga ipinakita at mga praktis ay nauugnay sa susunod na mga lesson na tatalakayin sa kurikulum.

Ipakita

Mga tanong na nag-uugnay sa natututuhan sa tahanan sa mga natututuhan sa silid-aralan:

  • Ano ang natutuhan ninyo sa klase ngayon na konektado o nauugnay sa natututuhan ninyo sa tahanan?

  • Ano ang natutuhan ninyo at ng inyong pamilya tungkol kay Jesucristo sa linggong ito?

  • Anong mga tanong ang naisip ninyo habang tinatalakay ninyo ang mga banal na kasulatang ito?

  • Ano ang paboritong bagay na natutuhan ninyo habang pinag-aaralan ninyo o ng inyong pamilya ang mga banal na kasulatang ito?

Mga tanong na nag-uugnay sa natututuhan sa silid-aralan sa mga natututuhan sa tahanan:

  • Ano ang natutuhan ninyo ngayon na magiging pagpapala sa inyo at sa inyong pamilya?

  • Kung maghahanda kayo ng limang-minutong lesson tungkol sa mga katotohanang ito, ano ang pagtutuunan ninyo ng pansin, at bakit?

  • Ano ang mga naranasan ninyo ngayon na magiging kapaki-pakinabang para sa inyong pamilya? Ano ang babaguhin o gagawin ninyo para maiakma sa mga pangangailangan ng inyong pamilya?

Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.

3:6

Magpraktis

Praktis #1: Gamit ang mga halimbawa sa bahaging ipakita (o sarili mong mga halimbawa), alamin kung paano mo iuugnay ang nararanasan o natututuhan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral sa tahanan sa nararanasan o natututuhan nila sa klase batay sa mga sumusunod na halimbawang lesson.

Praktis #2: Mag-isip ng tanong para maiugnay ang ginagawa ng mga estudyante sa silid-aralan sa kanilang mga karanasan sa tahanan, batay sa mga sumusunod na halimbawang lesson.

Talakayin o Pagnilayan

  • Ano ang natutuhan mo tungkol sa pag-anyaya sa masigasig na pag-aaral sa pamamagitan ng karanasang ito?

  • Ano ang iba pang mga paraan na nagawa mong iugnay ang nararanasan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral sa tahanan sa nararanasan nila sa klase?

Isama

Mag-ukol ng tatlong minuto bago ang simula ng klase sa bawat araw sa susunod na dalawang linggo na tingnan ang pangalan ng isang estudyante sa iyong talaan. Habang tinitingnan mo ang kanyang pangalan, pag-isipan kung ano ang maaaring natututuhan niya sa personal na pag-aaral at pag-aaral kasama ng kanyang pamilya sa tahanan. Sa oras ng klase, itanong sa klase o sa estudyanteng iyon ang isa sa mga tanong na prinaktis mo. Maaari mo ring isulat ang natutuhan mo habang nagtatanong at nakikinig ka.

Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?