“Maghanap ng mga angkop na paraan para maipakita ang iyong pagmamahal,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo (2023)
“Maghanap ng mga angkop na paraan para maipakita ang iyong pagmamahal,” Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Mga Alituntunin ng Pagtuturo na Tulad ng kay Cristo: Mahalin ang mga Tinuturuan Mo
Maghanap ng mga angkop na paraan para maipakita ang iyong pagmamahal.
Kasanayan
Magpadala ng mensahe sa magulang ng isang estudyante tungkol sa isang positibong bagay na napansin mo tungkol sa kanyang anak.
Ipaliwanag
Ang isang mabisang paraan para maipahayag ang iyong pagmamahal sa isang estudyante ay sa pamamagitan ng pagpapadala ng positibong mensahe sa isang magulang o tagapag-alaga tungkol sa isang bagay na napansin mo tungkol sa estudyanteng iyon. Ang mensahe ay magiging mas epektibo kung ikaw ay:
-
Magdarasal na patnubayan ka kung sinong estudyante ang dapat mong pagtuunan at ano ang dapat mong ibahagi sa magulang o tagapag-alaga.
-
Magpapakilala ng iyong sarili nang maikli para simulan ang mensahe.
-
Taos-pusong magpapasalamat para sa pagkakataong kabilang ang estudyante sa klase mo.
-
Magpapahayag nang malinaw at simple para sa isang bagay na positibo at partikular na napansin mo.
Kapag taos-puso at mapanalangin mong ipinararating ang mga positibong obserbasyon sa mga magulang, madarama ng estudyante ang iyong pagmamahal sa mabisang paraan.
Ipakita
Mahal ni Brother Camargo ang kanyang mga estudyante at talagang gusto niyang iparating ang pagmamahal na iyon sa angkop na paraan. Nanalangin siya para malaman kung sinong magulang ang bibigyan niya ng positibong mensahe tungkol sa anak nito, at nainspirasyunan siya na sulatan ang mga magulang ni Jackson. Napansin niya na hindi na niya kailangang sabihin pa kay Jackson na kunin nito ang kanyang mga banal na kasulatan at na laging handang tumulong si Jackson. Ipinadala ni Brother Camargo ang isang email na nagsasabing:
-
Mahal kong Brother at Sister Duvall,
-
Ako si Brother Camargo, at ako ang seminary teacher ni Jackson. Lubos akong nagpapasalamat na estudyante ko siya. Gusto ko lang ipaalam sa inyo na palaging may dalang mga banal na kasulatan si Jackson at handang tumulong sa anumang kailangan ko. Salamat sa lahat ng ginagawa ninyo para tulungan at suportahan siya.
-
Tapat na sumasainyo,
-
Brother Camargo
Magpraktis
Sumulat ng isang positibong mensahe sa magulang para sa mga sumusunod na sitwasyon:
-
Tila malayo ang loob ni Susan sa klase, at gusto mong ipahayag ang pagmamahal mo sa kanya. Habang ipinagdarasal mo ito, napansin mo na kusang-loob niyang tinutulungan ang isang estudyante na nahihirapang maghanap ng mga banal na kasulatan.
-
Isipin ang isa sa iyong mga estudyante na palaging nagpapalakas sa klase mo. Mapanalanging pag-isipan at sabihin sa estudyante ang isang bagay na napansin mo tungkol sa kanya.
Talakayin o Pagnilayan
-
Ano ang epekto nito sa bawat estudyante at sa kaugnayan nila sa Tagapagligtas sa paglipas ng panahon? Paano ito nakakaapekto sa pakikibahagi o pagiging kabilang ng estudyante sa klase?
-
Isipin ang isang pagkakataon na napatibay ng pagpapahayag ng pagmamahal o pasasalamat ng isang tao ang iyong ugnayan sa Tagapagligtas.
Isama
-
Magsimula sa pagpili ng isa o dalawang estudyante sa isang araw na naisip mong paggamitan ng kasanayang ito. Ipagpatuloy ito hanggang sa maging natural ito at hangga’t ginagabayan ng Espiritu.
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Jean B. Bingham, “Pagtuturo ng Katotohanan Gamit ang Wika ng Pagmamahal” (taunang training broadcast ng Seminaries and Institutes of Religion, Ene. 19, 2021), broadcasts.ChurchofJesusChrist.org
Kasanayan
Magpatotoo sa pagmamahal ng Diyos kapag mahirap para sa iyo na madama o maipahayag ang pagmamahal sa mga tinuturuan mo.
Ipaliwanag
Kung minsan ay maaaring mahirap para sa mga guro na madama o maipahayag ang pagmamahal sa mga tinuturuan nila. Sa mga pagkakataong ito, dapat sikapin ng mga guro na patotohanan ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa mga estudyante. Upang magawa ito, hinihingi ng mga guro ang tulong ng Panginoon sa pamamagitan ng pagdarasal o pagkakaroon ng panalangin sa kanilang puso, pagtingin sa mga mata ng estudyante, at taos-pusong pagpapahayag na mahal ng Ama sa Langit at ng Tagapagligtas ang estudyante. Ang pagpapahayag ng banal na pagmamahal na ito ay magbibigay-daan sa mga guro na madama ang ilan sa nadarama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa estudyante, na tutulong sa mga guro na magsimulang makadama ng gayon ding pagmamahal sa estudyante.
Ipakita
-
Si Sister Clawson ay nahihirapan sa nakakagambalang pag uugali ni Tommy sa klase at nag-aalala kung paano ito nakaapekto sa kanyang personal na damdamin tungkol sa kanya. Nagdasal siya na humihingi ng tulong sa Panginoon bago magsimula ang klase. Pagdating ni Tommy, kinamayan siya ni Sister Clawson, tiningnan, at sinabing, “Tommy, sana alam mo kung gaano ka kamahal ng Ama sa Langit.”
-
Si Brother Stone ay nahaharap sa ilang mahirap na problema sa kanyang pamilya at napapagod na siya. Nang simulan niya ang klase, sinabi niya nang may panalangin sa kanyang puso, “Mga kapatid, alam kong mahal na mahal kayong lahat ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.” Habang sinasabi niya ito, nakadama si Brother Stone ng matinding pagmamahal para sa kanyang mga estudyante at medyo gumaan ang pasanin niya nang magpatuloy siya sa lesson.
Mag-klik dito upang mapanood ang video tungkol dito.
Magpraktis
-
Isipin ang iyong mga estudyante at tumukoy ng isa o dalawang estudyante na nahihirapan kang pakitaan ng iyong pagmamahal. Isulat ang maaari mong sabihin sa estudyante para maipadama ang banal na pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Kapag naisulat mo na ang maaari mong sabihin, magpraktis sa pagsasabi nang malakas ng mga salita.
Talakayin o Pagnilayan
-
Ano ang natutuhan mo nang magpraktis ka ng paghahanap ng mga paraan para maipabatid ang banal na pagmamahal sa iyong mga estudyante?
-
Sa anong mga paraan maaaring makaapekto sa nagbibigay at sa tumatanggap ang pagpapahayag ng banal na pagmamahal?
Isama
-
Tingnan ang iyong class roll at tukuyin ang kahit isang estudyante na pagpapahayagan mo ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa linggong ito. Patuloy na gawin ito nang regular hanggang sa magawa mo ito sa lahat ng iyong estudyante. Pagkatapos ay ituloy pa rin ang paggawa nito!
Gusto Mo Bang May Matutuhan Pa?
-
Susan H. Porter, “Ang Pag-ibig ng Diyos: Ang Labis na Nakalulugod sa Kaluluwa,” Liahona, Nob. 2021, 33–35
-
Dieter F. Uchtdorf, “Ang Pag-ibig sa Diyos,” Liahona, Nob. 2009, 21–24