Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 10


Kabanata 10

Ibinadya ni Lehi na dadalhing mga bihag ng mga taga-Babilonia ang mga Judio—Sinabi niya ang tungkol sa pagdating sa mga Judio ng isang Mesiyas, isang Tagapagligtas, isang Manunubos—Sinabi rin ni Lehi ang tungkol sa pagdating ng isang tao na siyang magbibinyag sa Kordero ng Diyos—Sinabi ni Lehi ang tungkol sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ng Mesiyas—Inihalintulad niya ang pagkalat at pagkatipon ng Israel sa isang punong olibo—Si Nephi ay nangusap tungkol sa Anak ng Diyos, sa kaloob na Espiritu Santo, at sa pangangailangan para sa katwiran. Mga 600–592 B.C.

1 At ngayon, ako, si Nephi, ay magpapatuloy na magbigay ng ulat sa mga laminang ito tungkol sa aking mga ginagawa, at sa aking panunungkulan at ministeryo; anupa’t upang magpatuloy sa aking ulat, kinakailangang mangusap ako kahit paano sa mga bagay tungkol sa aking ama, at tungkol din sa aking mga kapatid.

2 Sapagkat dinggin, ito ay nangyari na matapos huminto ang aking ama sa pagsasalaysay ng mga salita tungkol sa kanyang panaginip, at sa pagpapayo rin sa kanila na lubos na magsumigasig, nangusap siya sa kanila hinggil sa mga Judio—

3 Na matapos silang malipol, maging ang yaong dakilang lungsod ng Jerusalem, at marami ang madadalang bihag sa Babilonia, alinsunod sa sariling takdang panahon ng Panginoon, sila ay muling magbabalik, oo, maging mapanumbalik sa kalayaan mula sa pagkabihag; at matapos silang mapanumbalik sa kalayaan mula sa pagkabihag ay muli nilang aangkinin ang lupaing kanilang mana.

4 Oo, maging anim na raang taon mula nang lisanin ng aking ama ang Jerusalem, isang propeta ang ibabangon ng Panginoong Diyos sa mga Judio—maging isang Mesiyas, o, sa ibang mga salita, isang Tagapagligtas ng sanlibutan.

5 At nangusap din siya hinggil sa mga propeta, na napakalaking bilang ang nagpatotoo sa mga bagay na ito, hinggil sa Mesiyas na ito, na kanyang nabanggit, o itong Manunubos ng sanlibutan.

6 Anupa’t ang buong sangkatauhan ay nasa ligaw at nahulog na kalagayan, at magiging gayon magpakailanman maliban na lamang kung sila ay aasa sa Manunubos na ito.

7 At nangusap din siya hinggil sa isang propetang darating bago ang Mesiyas, na siyang maghahanda ng daan para sa Panginoon—

8 Oo, maging siya man ay magtutungo at ipangangaral sa ilang: Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, at tuwirin ang kanyang mga landas; sapagkat may isang nakatayo sa inyo na hindi ninyo nakikilala; at higit siyang makapangyarihan kaysa sa akin, na kung kaninong panali ng pangyapak ay hindi ako karapat-dapat na magkalas. At marami pang sinabi ang aking ama hinggil sa bagay na ito.

9 At sinabi ng aking ama na siya ay magbibinyag sa Betabara, sa dako pa roon ng Jordan; at sinabi rin niya na siya ay magbibinyag sa pamamagitan ng tubig; maging ang Mesiyas ay bibinyagan niya sa tubig.

10 At matapos niyang mabinyagan sa pamamagitan ng tubig ang Mesiyas, kanyang mababatid at patototohanang nabinyagan niya ang Kordero ng Diyos, na siyang mag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan.

11 At ito ay nangyari na matapos sabihin ng aking ama ang mga salitang ito, nangusap siya sa aking mga kapatid hinggil sa ebanghelyong ipangangaral sa mga Judio, at hinggil din sa panghihina ng mga Judio sa kawalang-paniniwala. At matapos nilang patayin ang Mesiyas, na paparito, at matapos siyang patayin ay babangon siya mula sa mga patay, at ipakikilala niya ang kanyang sarili, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa mga Gentil.

12 Oo, maging ang aking ama ay maraming sinabi hinggil sa mga Gentil, at hinggil din sa sambahayan ni Israel, na sila ay ihahalintulad sa isang punong olibo, na mababali ang mga sanga at ikakalat sa lahat ng dako ng mundo.

13 Samakatwid, sinabi niya na talagang kinakailangang akayin tayo nang sama-sama sa lupang pangako, tungo sa ikatutupad ng salita ng Panginoon, na tayo ay ikakalat sa lahat ng dako ng mundo.

14 At matapos na maikalat ang sambahayan ni Israel, sila ay sama-samang titipuning muli; o, sa madaling salita, matapos matanggap ng mga Gentil ang kabuuan ng Ebanghelyo, ang mga likas na sanga ng punong olibo, o ang mga labi ng sambahayan ni Israel, ay ihuhugpong, o malalaman ang tungkol sa tunay na Mesiyas, na kanilang Panginoon at kanilang Manunubos.

15 At sa ganitong pamamaraan ng pananalita nagpropesiya at nangusap ang aking ama sa aking mga kapatid, at marami pa ring bagay na hindi ko isinulat sa aklat na ito; sapagkat isinulat ko ang marami sa mga yaong kapaki-pakinabang para sa akin sa isa ko pang aklat.

16 At ang lahat ng bagay na ito, na aking sinabi, ay naganap habang nananahan sa isang tolda ang aking ama, sa lambak ng Lemuel.

17 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, matapos na marinig ang lahat ng salita ng aking ama, hinggil sa mga bagay na nakita niya sa pangitain, at gayundin ang mga bagay na sinabi niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na kapangyarihang natanggap niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos—at ang Anak ng Diyos ang Mesiyas na paparito—ako, si Nephi, ay nagnais ding aking makita, at marinig, at malaman ang mga bagay na ito, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, na siyang kaloob ng Diyos sa lahat ng yaong masisigasig na naghahanap sa kanya, maging sa sinaunang panahon at sa panahong ipakikita niya ang kanyang sarili sa mga anak ng tao.

18 Sapagkat siya ay siya rin kahapon, ngayon, at magpakailanman; at ang daan ay nakahanda para sa lahat ng tao mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, kung sakali mang sila ay magsisisi at lalapit sa kanya.

19 Sapagkat siya na naghahanap nang masigasig ay makasusumpong; at ang mga hiwaga ng Diyos ay ilalahad sa kanila, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maging sa panahong ito at sa sinaunang panahon, at kapwa sa sinaunang panahon at sa panahong darating; kaya nga, ang landas ng Panginoon ay isang walang hanggang pag-ikot.

20 Samakatwid, tandaan, O tao, sa lahat ng inyong gawain, kayo ay dadalhin sa paghahatol.

21 Samakatwid, kung hinangad ninyong gumawa ng kasamaan sa mga araw ng inyong pagsubok, sa gayon matatagpuan kayong marurumi sa harapan ng hukumang-luklukan ng Diyos; at walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos; kaya nga, tiyak na kayo ay itatakwil magpakailanman.

22 At ang Espiritu Santo ang nagbibigay ng karapatan na sabihin ko ang mga bagay na ito, at huwag ipagkait ang mga yaon.