Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 11


Kabanata 11

Nakita ni Nephi ang Espiritu ng Panginoon at pinakitaan siya ng pangitain ng punungkahoy ng buhay—Nakita niya ang ina ng Anak ng Diyos at nalaman ang pagpapakababa ng Diyos—Nakita niya ang pagbibinyag, ministeryo, at pagkakapako sa krus ng Kordero ng Diyos—Nakita rin niya ang pagtawag at ministeryo ng Labindalawang Apostol ng Kordero. Mga 600–592 B.C.

1 Sapagkat ito ay nangyari na matapos kong naising malaman ang mga bagay na nakita ng aking ama, at naniniwala na ang Panginoon ay magagawang ipaalam sa akin ang mga bagay na yaon, habang nakaupo akong nagbubulay-bulay sa aking puso ay tinangay ako ng Espiritu ng Panginoon, oo, sa isang napakataas na bundok, na kailanman ay hindi ko pa nakikita, at kailanman ay hindi ko pa naiyayapak ang aking mga paa.

2 At sinabi sa akin ng Espiritu: Dinggin, ano ang ninanais mo?

3 At sinabi ko: Nais ko pong mamasdan ang mga bagay na nakita ng aking ama.

4 At sinabi sa akin ng Espiritu: Naniniwala ka bang nakita ng iyong ama ang punungkahoy na kanyang sinabi?

5 At sinabi ko: Opo, nalalaman ninyong naniniwala ako sa lahat ng salita ng aking ama.

6 At nang sabihin ko ang mga salitang ito, ang Espiritu ay sumigaw nang may malakas na tinig, sinasabing: Hosana sa Panginoon, ang kataas-taasang Diyos; sapagkat siya ang Diyos ng buong mundo, oo, maging higit sa lahat. At pinagpala ka, Nephi, sapagkat naniniwala ka sa Anak ng kataas-taasang Diyos; kaya nga, mamamasdan mo ang mga bagay na ninanais mo.

7 At dinggin, ang bagay na ito ay ibibigay sa iyo bilang isang palatandaan, na matapos mong mamasdan ang punungkahoy na namumunga ng bungang natikman ng iyong ama, mamamasdan mo rin ang isang lalaking bumababa mula sa langit, at makikita mo siya; at matapos mong makita siya ay patototohanan mo na siya ang Anak ng Diyos.

8 At ito ay nangyari na sinabi sa akin ng Espiritu: Tingnan! At tumingin ako at namasdan ang isang punungkahoy; at ito ay nahahalintulad sa punungkahoy na nakita ng aking ama; at walang hihigit sa kagandahan nito, oo, higit sa lahat ng kagandahan; at ang kaputian nito ay higit pa sa kaputian ng niyebe.

9 At ito ay nangyari na matapos kong makita ang punungkahoy, sinabi ko sa Espiritu: Namasdan ko pong ipinakita ninyo sa akin ang punungkahoy na pinakamahalaga sa lahat.

10 At sinabi niya sa akin: Ano ang ninanais mo?

11 At sinabi ko sa kanya: Ang malaman po ang kahulugan nito—sapagkat nakipag-usap ako sa kanya tulad ng pakikipag-usap sa isang tao; sapagkat namasdan ko na siya ay nasa anyo ng isang tao; subalit gayunpaman, alam ko na ito ang Espiritu ng Panginoon; at nakipag-usap siya sa akin tulad ng pakikipag-usap ng isang tao sa iba.

12 At ito ay nangyari na sinabi niya sa akin: Tingnan! At tumingin ako na sa wari ay titingin sa kanya, at hindi ko siya nakita; sapagkat lumisan siya mula sa aking harapan.

13 At ito ay nangyari na tumingin ako at namasdan ang dakilang lungsod ng Jerusalem, at iba pang mga lungsod. At namasdan ko ang lungsod ng Nazaret; at sa lungsod ng Nazaret ay namasdan ko ang isang birhen, at siya ay napakaganda at napakaputi.

14 At ito ay nangyari na nakita kong bumukas ang kalangitan; at isang anghel ang bumaba at tumayo sa aking harapan; at sinabi niya sa akin: Nephi, ano ang namamasdan mo?

15 At sinabi ko sa kanya: Isang birhen, pinakamaganda at kaakit-akit sa lahat ng iba pang birhen.

16 At sinabi niya sa akin: Nalalaman mo ba ang pagpapakababa ng Diyos?

17 At sinabi ko sa kanya: Alam ko pong mahal niya ang kanyang mga anak; gayunpaman, hindi ko po nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay.

18 At sinabi niya sa akin: Dinggin, ang birheng iyong nakikita ang ina ng Anak ng Diyos, ayon sa laman.

19 At ito ay nangyari na namasdan ko na siya ay natangay ng Espiritu; at matapos siyang matangay ng Espiritu ng ilang panahon, nangusap sa akin ang anghel, sinasabing: Tingnan!

20 At tumingin ako at namasdang muli ang birhen, may kalung-kalong na isang bata sa kanyang mga bisig.

21 At sinabi sa akin ng anghel: Masdan ang Kordero ng Diyos, oo, maging ang Anak ng Walang Hanggang Ama! Nalalaman mo na ba ang kahulugan ng punungkahoy na nakita ng iyong ama?

22 At sinagot ko siya, sinasabing: Opo, ito ang pag-ibig ng Diyos, na laganap sa puso ng mga anak ng tao; kaya nga, ito ang pinakakanais-nais sa lahat ng bagay.

23 At nangusap siya sa akin, sinasabing: Oo, at ang pinakanakagagalak sa kaluluwa.

24 At matapos niyang sabihin ang mga salitang ito, sinabi niya sa akin: Tingnan! At tumingin ako, at namasdan ko ang Anak ng Diyos na nakikisalamuha sa mga anak ng tao; at nakita kong marami ang nangaluhod sa kanyang paanan at sinamba siya.

25 At ito ay nangyari na namasdan ko na ang gabay na bakal, na nakita ng aking ama, ay ang salita ng Diyos, na nagbibigay-daan patungo sa bukal ng mga buhay na tubig, o sa punungkahoy ng buhay; na mga tubig na sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos; at namasdan ko rin na ang punungkahoy ng buhay ay sumasagisag sa pag-ibig ng Diyos.

26 At muling sinabi sa akin ng anghel: Tingnan at masdan ang pagpapakababa ng Diyos!

27 At tumingin ako at namasdan ang Manunubos ng sanlibutan, na siyang sinabi ng aking ama; at namasdan ko rin ang propetang maghahanda ng daan para sa kanya. At ang Kordero ng Diyos ay humayo at nagpabinyag sa kanya; at matapos siyang mabinyagan, namasdan kong bumukas ang kalangitan, at bumaba sa anyo ng isang kalapati ang Espiritu Santo mula sa langit at tumahan sa kanya.

28 At namasdan kong humayo siyang nangangaral sa mga tao, sa kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian; at sama-samang nagtipon ang maraming tao upang marinig siya; at namasdan kong ipinagtabuyan siya mula sa kanila.

29 At namasdan ko rin ang iba pang labindalawa na sumusunod sa kanya. At ito ay nangyari na sila ay natangay ng Espiritu mula sa aking harapan, at hindi ko na sila nakita.

30 At ito ay nangyari na muling nangusap sa akin ang anghel, sinasabing: Tingnan! At tumingin ako, at namasdan ko na muling bumukas ang kalangitan, at nakita kong bumababa ang mga anghel sa mga anak ng tao; at sila ay naglingkod sa kanila.

31 At muli siyang nangusap sa akin, sinasabing: Tingnan! At tumingin ako, at namasdan ko ang Kordero ng Diyos na nakikisalamuha sa mga anak ng tao. At namasdan ko ang maraming tao na may karamdaman, at pinahihirapan ng lahat ng uri ng sakit, at ng mga diyablo at masasamang espiritu; at nangusap ang anghel at ipinakita ang lahat ng bagay na ito sa akin. At pinagaling sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kordero ng Diyos; at pinalayas ang mga diyablo at ang masasamang espiritu.

32 At ito ay nangyari na muling nangusap sa akin ang anghel, sinasabing: Tingnan! At tumingin ako at namasdan ang Kordero ng Diyos, na dinakip siya ng mga tao; oo, ang Anak ng Diyos na walang hanggan ay hinatulan ng sanlibutan; at nakita ko ito at pinatototohanan.

33 At ako, si Nephi, ay nakitang itinaas siya sa krus at pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.

34 At matapos siyang patayin ay nakita ko ang maraming tao ng mundo, na sama-sama silang nagtipon upang kalabanin ang mga apostol ng Kordero; sapagkat sa gayon tinawag ng anghel ng Panginoon ang labindalawa.

35 At sama-samang nagtipon ang maraming tao ng mundo; at namasdan ko na sila ay nasa isang malaki at maluwang na gusali, tulad ng gusaling nakita ng aking ama. At muling nangusap ang anghel ng Panginoon sa akin, sinasabing: Masdan ang sanlibutan at ang karunungan nito; oo, masdan ang sambahayan ni Israel na sama-samang nagtipon upang kalabanin ang labindalawang apostol ng Kordero.

36 At ito ay nangyari na nakita ko at pinatototohanan, na ang malaki at maluwang na gusali ang kapalaluan ng sanlibutan; at bumagsak ito, at ang pagkakabagsak nito ay napakalakas. At muling nangusap ang anghel ng Panginoon sa akin, sinasabing: Gayon ang magiging pagkawasak ng lahat ng bansa, lahi, wika, at tao, na kakalaban sa labindalawang apostol ng Kordero.