Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 13


Kabanata 13

Nakita ni Nephi sa pangitain ang simbahan ng diyablo na nakatatag sa mga Gentil, ang pagkakatuklas at pananakop sa Amerika, ang pagkawala ng maraming malinaw at mahalagang bahagi ng Biblia, ang kalagayang ibinunga ng apostasiya ng mga Gentil, ang pagpapanumbalik ng ebanghelyo, ang paglitaw ng banal na kasulatan ng huling araw, at ang pagtatatag ng Sion. Mga 600–592 B.C.

1 At ito ay nangyari na nangusap sa akin ang anghel, sinasabing: Tingnan! At tumingin ako at namasdan ang maraming bansa at kaharian.

2 At sinabi ng anghel sa akin: Ano ang namamasdan mo? At aking sinabi: Namamasdan ko ang maraming bansa at kaharian.

3 At sinabi niya sa akin: Ito ang mga bansa at kaharian ng mga Gentil.

4 At ito ay nangyari na nakita ko sa mga bansa ng mga Gentil ang pagbubuo ng isang makapangyarihang simbahan.

5 At sinabi ng anghel sa akin: Masdan ang pagbubuo ng isang simbahan na pinakakarumal-dumal sa lahat ng ibang simbahan, na pumapatay sa mga banal ng Diyos, oo, at nagpapahirap sa kanila at nanggagapos sa kanila, at sinisingkawan sila ng singkaw na bakal, at hinihila silang pababa tungo sa pagkabihag.

6 At ito ay nangyari na namasdan ko itong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan; at nakita ko ang diyablo na siya ang may tatag nito.

7 At nakakita rin ako ng ginto, at pilak, at mga sutla, at mga iskarlata, at maiinam na hinabing lino, at lahat ng uri ng mamahaling kasuotan; at nakakita ako ng maraming patutot.

8 At nangusap ang anghel sa akin, sinasabing: Masdan ang ginto, at ang pilak, at ang mga sutla, at ang mga iskarlata, at ang maiinam na hinabing lino, at ang mamahaling kasuotan, at ang mga patutot, ang mga naisin ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahang ito.

9 At dahil din sa papuri ng sanlibutan ay kanilang nililipol ang mga banal ng Diyos, at hinihila silang pababa tungo sa pagkabihag.

10 At ito ay nangyari na tumingin ako at namasdan ang maraming katubigan; at hinahati nito ang mga Gentil mula sa mga binhi ng aking mga kapatid.

11 At ito ay nangyari na sinabi sa akin ng anghel: Masdan, ang poot ng Diyos ay napasa mga binhi ng iyong mga kapatid.

12 At tumingin ako at namasdan ang isang lalaki sa mga Gentil, na nahihiwalay mula sa mga binhi ng aking mga kapatid ng maraming katubigan; at namasdan ko ang Espiritu ng Diyos, na ito ay bumaba at pinukaw ang lalaki; at naglayag siya sa maraming katubigan, maging hanggang sa makarating sa mga binhi ng aking mga kapatid, na nasa lupang pangako.

13 At ito ay nangyari na namasdan ko ang Espiritu ng Diyos, na ito ay pumukaw sa iba pang mga Gentil; at sila ay tumakas mula sa pagkabihag, sa maraming katubigan.

14 At ito ay nangyari na namasdan ko ang napakaraming tao ng mga Gentil sa lupang pangako; at namasdan ko ang poot ng Diyos, na ito ay napasa mga binhi ng aking mga kapatid; at nakalat sila sa harapan ng mga Gentil at pinahirapan.

15 At namasdan ko ang Espiritu ng Panginoon, na ito ay napasa mga Gentil, at sila ay umunlad at natamo nila ang lupain bilang kanilang mana; at namasdan ko na sila ay mapuputi, at labis na kaakit-akit at magaganda, tulad ng aking mga tao bago sila napatay.

16 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay namasdan na ang mga Gentil na nagsitakas sa pagkabihag ay nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay napasakanila.

17 At namasdan kong sama-samang nagtipon sa mga katubigan ang kanilang mga inang Gentil, at gayundin sa lupain, upang makidigma laban sa kanila.

18 At namasdan ko na ang kapangyarihan ng Diyos ay nasa kanila, at gayundin na ang poot ng Diyos ay napasalahat ng yaong sama-samang nagtipon upang makidigma laban sa kanila.

19 At ako, si Nephi, ay namasdan na ang mga Gentil na nagsitakas mula sa pagkabihag ay naligtas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos mula sa mga kamay ng lahat ng iba pang bansa.

20 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay namasdan na sila ay umunlad sa lupain; at namasdan ko ang isang aklat, at ito ay dala-dala nila.

21 At sinabi sa akin ng anghel: Nalalaman mo ba ang kahulugan ng aklat?

22 At sinabi ko sa kanya: Hindi ko po alam.

23 At sinabi niya: Masdan, nagmula ito sa bibig ng isang Judio. At ako, si Nephi, ay namasdan ito; at sinabi niya sa akin: Ang aklat na iyong namamasdan ay isang talaan ng mga Judio, na naglalaman ng mga tipan ng Panginoon, na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel; at naglalaman din ito ng marami sa mga propesiya ng mga banal na propeta; at ito ay isang talaang nahahalintulad sa mga nakaukit sa mga laminang tanso, maliban sa ang mga ito ay hindi gaanong marami; gayunpaman, naglalaman ang mga yaon ng mga tipan ng Panginoon, na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel; kaya nga, labis na mahalaga ang mga ito sa mga Gentil.

24 At sinabi ng anghel ng Panginoon sa akin: Namasdan mong nagmula ang aklat sa bibig ng isang Judio; at kapag ito ay nagmula sa bibig ng isang Judio ay naglalaman ito ng kabuuan ng ebanghelyo ng Panginoon, na pinatototohanan ng labindalawang apostol; at nagpapatotoo sila alinsunod sa katotohanan na nasa Kordero ng Diyos.

25 Dahil dito, lumabas ang mga bagay na ito mula sa mga Judio sa kadalisayan patungo sa mga Gentil, alinsunod sa katotohanan na nasa Diyos.

26 At matapos lumabas ang mga ito sa pamamagitan ng mga kamay ng labindalawang apostol ng Kordero, mula sa mga Judio patungo sa mga Gentil, nakita mo ang pagbubuo ng yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na pinakakarumal-dumal sa lahat ng iba pang simbahan; sapagkat dinggin, inalis nila mula sa ebanghelyo ng Kordero ang maraming bahagi na malinaw at pinakamahalaga; at marami rin sa mga tipan ng Panginoon ang inalis nila.

27 At ang lahat ng ito ay ginawa nila upang mabaluktot nila ang mga matwid na landas ng Panginoon, upang mabulag nila ang mga mata at mapatigas ang puso ng mga anak ng tao.

28 Anupa’t nakita mong matapos lumabas ang aklat sa mga kamay ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na maraming malinaw at mahalagang bagay ang nawala sa aklat, na aklat ng Kordero ng Diyos.

29 At matapos mawala ang malilinaw at mahahalagang bagay na ito ay kumalat ito sa lahat ng bansa ng mga Gentil; at matapos itong kumalat sa lahat ng bansa ng mga Gentil, oo, maging sa kabila ng maraming katubigan na nakita mo sa mga Gentil na nagsitakas sa pagkabihag, nakita mo—dahil sa maraming malinaw at mahalagang bagay na inalis mula sa aklat, na malinaw sa pang-unawa ng mga anak ng tao, alinsunod sa kalinawan na nasa Kordero ng Diyos—dahil sa mga bagay na ito na inalis mula sa ebanghelyo ng Kordero, lubhang marami ang nangatisod, oo, kung kaya nga’t nagkaroon ng malaking kapangyarihan si Satanas sa kanila.

30 Gayunpaman, namamasdan mo na ang mga Gentil na nagsitakas sa pagkabihag, at dinakila ng kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng iba pang bansa, sa ibabaw ng lupaing pinili sa lahat ng iba pang lupain, na lupaing tinipan ng Panginoong Diyos sa iyong ama na tatanggapin ng kanyang mga binhi bilang lupaing kanilang mana; anupa’t nakita mong hindi pahihintulutan ng Panginoong Diyos na lubusang malipol ng mga Gentil ang pagkakahalo ng iyong mga binhi, na nasa iyong mga kapatid.

31 Ni hindi niya pahihintulutang lipulin ng mga Gentil ang mga binhi ng iyong mga kapatid.

32 Ni hindi pahihintulutan ng Panginoong Diyos na ang mga Gentil ay manatili magpakailanman sa yaong kakila-kilabot na kalagayan ng pagkabulag, na iyong napagmasdan na kanilang kinasadlakan, dahil sa malilinaw at pinakamahahalagang bahagi ng ebanghelyo ng Kordero na ipinagkait ng yaong karumal-dumal na simbahan, na ang pagkakabuo ay nakita mo.

33 Kaya nga winika ng Kordero ng Diyos: Magiging maawain ako sa mga Gentil, sa pagdalaw sa mga labi ng sambahayan ni Israel sa dakilang paghuhukom.

34 At ito ay nangyari na nangusap ang anghel ng Panginoon sa akin, sinasabing: Dinggin, wika ng Kordero ng Diyos, matapos kong parusahan ang labi ng sambahayan ni Israel—at ang mga binhi ng iyong ama ang labing ito na aking tinutukoy—dahil dito, matapos ko silang parusahan sa paghuhukom, at pahirapan sila sa pamamagitan ng kamay ng mga Gentil, at matapos na lubhang nangatisod ang mga Gentil, dahil sa pinakamalilinaw at mahahalagang bahagi ng ebanghelyo ng Kordero na ipinagkait ng karumal-dumal na simbahang yaon, na siyang ina ng mga patutot, wika ng Kordero—Magiging maawain ako sa mga Gentil sa araw na yaon, kung kaya nga’t isisiwalat ko sa kanila, sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan, ang karamihan ng aking ebanghelyo, na magiging malinaw at mahalaga, wika ng Kordero.

35 Sapagkat, dinggin, wika ng Kordero: Ipakikita ko ang aking sarili sa iyong mga binhi, nang isulat nila ang maraming bagay na aking ipangangaral sa kanila, na magiging malinaw at mahalaga; at matapos na ang iyong mga binhi ay malipol, at manghina sa kawalang-paniniwala, at gayundin ang mga binhi ng iyong mga kapatid, dinggin, ang mga bagay na ito ay itatago, upang lumabas sa mga Gentil, sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Kordero.

36 At sa mga ito masusulat ang aking ebanghelyo, wika ng Kordero, at ang aking bato at ang aking kaligtasan.

37 At pinagpala sila na mga maghahangad na maitatag ang aking Sion sa araw na yaon, sapagkat mapapasakanila ang kaloob at ang kapangyarihan ng Espiritu Santo; at kung sila ay makapagtitiis hanggang wakas, sila ay dadakilain sa huling araw, at maliligtas sa walang hanggang kaharian ng Kordero; at kung sinuman ang maghahayag ng kapayapaan, oo, mga balita ng dakilang kagalakan, anong ganda nila sa ibabaw ng mga bundok.

38 At ito ay nangyari na namasdan ko ang mga labi ng mga binhi ng aking mga kapatid, at gayundin ang aklat ng Kordero ng Diyos, na nagmula sa bibig ng Judio, na ito ay lumabas mula sa mga Gentil patungo sa mga labi ng mga binhi ng aking mga kapatid.

39 At matapos nilang matanggap ito ay nakamalas ako ng iba pang mga aklat, na lumabas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kordero, mula sa mga Gentil patungo sa kanila, sa ikahihikayat ng mga Gentil at ng mga labi ng mga binhi ng aking mga kapatid, at gayundin ng mga Judio na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo, na ang mga talaan ng mga propeta at ng labindalawang apostol ng Kordero ay totoo.

40 At nangusap ang anghel sa akin, sinasabing: Ang mga huling talaang ito, na nakita mo sa mga Gentil, ang magpapatibay sa katotohanan ng una, na nagmula sa labindalawang apostol ng Kordero, at ipaaalam ang malilinaw at mahahalagang bagay na inalis sa mga yaon; at ipaaalam sa lahat ng lahi, wika, at tao, na ang Kordero ng Diyos ang Anak ng Amang Walang Hanggan, at ang Tagapagligtas ng sanlibutan; at ang lahat ng tao ay kinakailangang lumapit sa kanya, o sila ay hindi maaaring maligtas.

41 At ang mga ito ay kinakailangang pumarito alinsunod sa mga salitang pagtitibayin ng bibig ng Kordero; at ang mga salita ng Kordero ay ipaaalam sa mga talaan ng iyong mga binhi, gayundin sa mga talaan ng labindalawang apostol ng Kordero; kaya nga, kapwa ito pagtitibayin sa isa; sapagkat may isang Diyos at isang Pastol sa buong mundo.

42 At darating ang panahon na ipakikita niya ang sarili sa lahat ng bansa, kapwa sa mga Judio at gayundin sa mga Gentil; at matapos na maipakita niya ang sarili sa mga Judio at gayundin sa mga Gentil, pagkatapos ay ipakikita niya ang sarili sa mga Gentil at gayundin sa mga Judio, at ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli.