Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 14


Kabanata 14

Sinabi ng isang anghel kay Nephi ang tungkol sa mga pagpapala at pagsusumpang ipapataw sa mga Gentil—May dalawang simbahan lamang: ang Simbahan ng Kordero ng Diyos at ang simbahan ng diyablo—Ang mga Banal ng Diyos sa lahat ng bansa ay inuusig ng makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan—Ang Apostol na si Juan ang susulat hinggil sa katapusan ng daigdig. Mga 600–592 B.C.

1 At ito ay mangyayari, na kung makikinig ang mga Gentil sa Kordero ng Diyos sa araw na yaon na ipakikilala niya ang sarili sa kanila sa salita, at gayundin sa kapangyarihan, sa bawat gawa, hanggang sa pag-aalis ng kanilang batong kinatitisuran—

2 At hindi patitigasin ang kanilang mga puso laban sa Kordero ng Diyos, sila ay mabibilang sa mga binhi ng iyong ama; oo, sila ay mabibilang sa sambahayan ni Israel; at sila ay magiging mga pinagpalang tao sa lupang pangako magpakailanman; hindi na sila muling madadala pa sa pagkabihag; at ang sambahayan ni Israel ay hindi na muling pipisan sa iba.

3 At ang yaong malalim na hukay, na hinukay para sa kanila ng yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na itinatag ng diyablo at ng kanyang mga anak, upang maakay niya palayo ang mga kaluluwa ng tao pababa sa impiyerno—oo, ang yaong malalim na hukay na hinukay para sa pagkalipol ng tao ay mapupuno ng mga yaong humukay nito, tungo sa kanilang lubusang pagkalipol, wika ng Kordero ng Diyos; hindi ang pagkawasak ng kaluluwa, maliban sa pagtatapon nito sa yaong impiyernong walang katapusan.

4 Sapagkat dinggin, ito ay alinsunod sa pagkabihag ng diyablo, at alinsunod din sa katarungan ng Diyos, sa lahat ng yaong gagawa ng kasamaan at karumal-dumal na gawain sa kanyang harapan.

5 At ito ay nangyari na nangusap ang anghel sa akin, si Nephi, sinasabing: Namasdan mo na kung magsisisi ang mga Gentil ay makabubuti sa kanila; at nalalaman mo rin ang hinggil sa mga tipan ng Panginoon sa sambahayan ni Israel; at narinig mo rin na ang sinumang hindi magsisisi ay tiyak na masasawi.

6 Samakatwid, sa aba sa mga Gentil kung sakali mang patitigasin nila ang kanilang mga puso laban sa Kordero ng Diyos.

7 Sapagkat darating ang panahon, wika ng Kordero ng Diyos, na gagawa ako ng isang dakila at kagila-gilalas na gawain sa mga anak ng tao; isang gawaing magiging walang hanggan, sa isang dako man o sa kabila—sa ikahihikayat man nila tungo sa kapayapaan at buhay na walang hanggan, o tungo sa pagpapaubaya sa kanila sa katigasan ng kanilang mga puso at sa kabulagan ng kanilang mga isip na magdadala sa kanila sa pagkabihag, at gayundin sa pagkawasak, kapwa temporal at espirituwal, alinsunod sa pagkabihag ng diyablo, na aking sinabi.

8 At ito ay nangyari na nang sabihin ng anghel ang mga salitang ito, sinabi niya sa akin: Naaalala mo ba ang mga tipan ng Ama sa sambahayan ni Israel? Sinabi ko sa kanya, Opo.

9 At ito ay nangyari na sinabi niya sa akin: Tingnan, at masdan ang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na ina ng mga karumal-dumal na gawain, na ang diyablo ang may tatag.

10 At sinabi niya sa akin: Dinggin, may dalawang simbahan lamang; ang isa ay simbahan ng Kordero ng Diyos, at ang isa naman ay simbahan ng diyablo; kaya nga, kung sinuman ang hindi nabibilang sa simbahan ng Kordero ng Diyos ay nabibilang sa yaong makapangyarihang simbahan, na ina ng mga karumal-dumal na gawain; at siya ang patutot ng buong mundo.

11 At ito ay nangyari na tumingin ako at namasdan ang patutot ng buong mundo, at nakaupo siya sa maraming katubigan; at may kapangyarihan siya sa buong mundo, sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao.

12 At ito ay nangyari na namasdan ko ang simbahan ng Kordero ng Diyos, at ang bilang nito ay kakaunti, dahil sa kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ng patutot na nakaupo sa maraming katubigan; gayunpaman, namasdan ko na ang simbahan ng Kordero, na mga banal ng Diyos, ay nasa lahat din ng dako ng mundo; at ang kanilang nasasakupan sa mga dako ng mundo ay kakaunti, dahil sa kasamaan ng makapangyarihang patutot na nakita ko.

13 At ito ay nangyari na namasdan kong sama-samang tinipon ng makapangyarihang ina ng mga karumal-dumal na gawain ang maraming tao sa lahat ng dako ng mundo, sa lahat ng bansa ng mga Gentil, upang kalabanin ang Kordero ng Diyos.

14 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa mga banal ng simbahan ng Kordero, at sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon, na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng katwiran at ng kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.

15 At ito ay nangyari na namasdan kong nabuhos ang poot ng Diyos sa yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, kung kaya nga’t may mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan sa lahat ng bansa at lahi sa mundo.

16 At nang magsimulang magkaroon ng mga digmaan at alingawngaw ng mga digmaan sa lahat ng bansang pag-aari ng ina ng mga karumal-dumal na gawain, nangusap ang anghel sa akin, sinasabing: Masdan, ang poot ng Diyos ay napasa-ina ng mga patutot; at masdan, nakikita mo ang lahat ng bagay na ito—

17 At kapag dumating ang panahong mabubuhos ang poot ng Diyos sa ina ng mga patutot, na siyang makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan sa buong mundo, na ang diyablo ang may tatag, sa gayon, sa araw na yaon, ang gawain ng Ama ay magsisimula, sa paghahanda ng daan upang maisakatuparan ang kanyang mga tipan, na kanyang ginawa sa kanyang mga tao na nabibilang sa sambahayan ni Israel.

18 At ito ay nangyari na nangusap sa akin ang anghel, sinasabing: Tingnan!

19 At tumingin ako at namasdan ang isang lalaki, at nakadamit siya ng isang puting báta.

20 At sinabi ng anghel sa akin: Masdan ang isa sa labindalawang apostol ng Kordero.

21 Masdan, makikita niya at isusulat ang mga nalalabi sa mga bagay na ito; oo, at gayundin ang marami pang bagay na nangyari na.

22 At isusulat din niya ang hinggil sa katapusan ng daigdig.

23 Anupa’t ang mga bagay na kanyang isusulat ay makatarungan at totoo; at dinggin, nasusulat ang mga ito sa aklat na iyong namasdan na nagmula sa bibig ng Judio; at sa panahong lalabas ang mga ito sa bibig ng Judio, o, sa panahong ang aklat ay lalabas mula sa bibig ng Judio, ang mga bagay na nasusulat ay malinaw at dalisay, at pinakamahalaga at madaling maunawaan ng lahat ng tao.

24 At dinggin, ang mga bagay na isusulat ng apostol na ito ng Kordero ay maraming bagay na iyo nang nakita; at dinggin, ang nalalabi ay makikita mo.

25 Subalit ang mga bagay na iyong makikita pagkaraan nito ay hindi mo isusulat; sapagkat inordenan ng Panginoong Diyos ang apostol ng Kordero ng Diyos na siya ang magsusulat ng mga yaon.

26 At gayundin sa ibang nabuhay na noon, sa kanila ay ipinakita niya ang lahat ng bagay, at isinulat nila ang mga yaon; at tinatakan ang mga yaon upang lumabas sa kanilang kadalisayan, alinsunod sa katotohanan na nasa Kordero, sa sariling itinakdang panahon ng Panginoon, sa sambahayan ni Israel.

27 At ako, si Nephi, ay narinig at nagpapatotoo, na ang pangalan ng apostol ng Kordero ay Juan, ayon sa salita ng anghel.

28 At dinggin, ako, si Nephi, ay pinagbawalang aking isulat ang nalalabi sa mga bagay na aking nakita at narinig; kaya nga, ang mga bagay na naisulat ko ay sapat na sa akin; at aking isinulat ang maliit na bahagi lamang ng mga bagay na aking nakita.

29 At pinatototohanan ko na aking nakita ang mga bagay na nakita ng aking ama, at ipinaalam sa akin ang mga yaon ng anghel ng Panginoon.

30 At ngayon, tatapusin ko na ang aking mga pananalita hinggil sa mga bagay na aking nakita habang ako ay natangay ng Espiritu; at kung hindi man nasusulat ang lahat ng bagay na aking nakita, ang mga bagay na aking naisulat ay totoo. At gayon nga ito. Amen.