Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 16


Kabanata 16

Ang masasama ay tinatanggap ang katotohanan nang may kahirapan—Pinakasalan ng mga anak na lalaki ni Lehi ang mga anak na babae ni Ismael—Ang Liahona ang pumapatnubay sa kanilang landas sa ilang—Ang mga mensahe mula sa Panginoon ay nasusulat sa Liahona sa pana-panahon—Namatay si Ismael; ang kanyang mag-anak ay bumulung-bulong dahil sa mga paghihirap. Mga 600–592 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na matapos na ako, si Nephi, ay magwakas sa pangungusap sa aking mga kapatid, dinggin, sinabi nila sa akin: Ikaw ay nagpahayag sa amin ng masasakit na bagay, higit kaysa kaya naming tiisin.

2 At ito ay nangyari na sinabi ko sa kanila na alam kong ako ay nagsalita ng masasakit na bagay laban sa masasama, alinsunod sa katotohanan; at ang mga matwid ay binigyang-katwiran ko, at nagpatotoo na sila ay dadakilain sa huling araw; kaya nga, ang may kasalanan ay tumatanggap ng katotohanan nang may kahirapan; sapagkat iyon ay sumusugat sa kanila sa kaibuturan.

3 At ngayon, mga kapatid ko, kung kayo ay mga matwid at nahahandang makinig sa katotohanan, at uunawain ito, nang kayo ay makalakad nang matwid sa harapan ng Diyos, kung magkagayon ay hindi kayo magbubulung-bulong dahil sa katotohanan, at sasabihing: Ikaw ay nangungusap ng masasakit na bagay laban sa amin.

4 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay pinayuhan ang aking mga kapatid, nang buong sigasig, na sundin ang mga kautusan ng Panginoon.

5 At ito ay nangyari na sila ay nagpakumbaba ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon; kung kaya nga’t ako ay nagalak at nagkaroon ng malaking pag-asa sa kanila, na sila ay lalakad sa mga landas ng katwiran.

6 Ngayon, ang lahat ng bagay na ito ay winika at naganap nang ang aking ama ay nananahan sa isang tolda sa lambak na tinawag niyang Lemuel.

7 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay pinakasalan ang isa sa mga anak na babae ni Ismael upang maging asawa; at gayundin, pinakasalan ng aking mga kapatid ang mga anak na babae ni Ismael upang maging mga asawa; at gayundin, pinakasalan ni Zoram ang pinakamatandang anak na babae ni Ismael upang maging asawa.

8 At sa gayon natupad ng aking ama ang lahat ng kautusan ng Panginoon na ibinigay sa kanya. At gayundin, ako, si Nephi, ay labis na pinagpala ng Panginoon.

9 At ito ay nangyari na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa aking ama sa gabi, at inutusan siya na sa kinabukasan ay nararapat siyang maglakbay patungo sa ilang.

10 At ito ay nangyari na nang ang aking ama ay bumangon sa umaga, at nagtungo sa pinto ng tolda, sa kanyang malaking pagkamangha, namasdan niya sa lupa ang isang bilog na bola na kahanga-hanga ang pagkakagawa; at iyon ay yari sa purong tanso. At sa loob ng bola ay may dalawang ikiran; at ang isa ay itinuturo ang daan kung saan kami nararapat magtungo sa ilang.

11 At ito ay nangyari na tinipon naming sama-sama ang anumang bagay na nararapat naming dalhin patungo sa ilang, at ang lahat ng nalabi sa aming mga panustos na ibinigay sa amin ng Panginoon; at dinala namin ang lahat ng uri ng binhi na maaari naming madala sa ilang.

12 At ito ay nangyari na dinala namin ang aming mga tolda at lumisan patungo sa ilang, sa kabilang dako ng ilog Laman.

13 At ito ay nangyari na kami ay naglakbay sa loob ng apat na araw, halos sa gawing timog-timog silangan, at muli naming itinayo ang aming mga tolda; at tinawag namin ang pook sa pangalang Saser.

14 At ito ay nangyari na dinala namin ang aming mga busog at aming mga palaso, at nagtungo sa ilang upang mangaso ng makakain para sa aming mga mag-anak; at matapos kaming makapangaso ng makakain para sa aming mga mag-anak ay muli kaming bumalik sa aming mga mag-anak sa ilang, sa pook ng Saser. At kami ay muling naglakbay sa ilang, sinusunod ang dating daan, nananatili sa pinakamasaganang bahagi ng ilang, na nasa mga hangganang malapit sa Dagat na Pula.

15 At ito ay nangyari na kami ay naglakbay sa loob ng maraming araw, nangangaso ng makakain sa dinaraanan, sa pamamagitan ng aming mga busog at aming mga palaso at aming mga bato at aming mga tirador.

16 At sinunod namin ang mga panturo ng bola, na nag-akay sa amin sa higit na masasaganang bahagi ng ilang.

17 At matapos na kami ay makapaglakbay sa loob ng maraming araw, itinayo namin ang aming mga tolda sa loob ng ilang panahon, upang muli naming maipahinga ang aming sarili at maikuha ng makakain ang aming mga mag-anak.

18 At ito ay nangyari na habang ako, si Nephi, ay yumaon upang mangaso ng makakain, dinggin, nabali ko ang aking busog na yari sa purong asero; at matapos na mabali ko ang aking busog, dinggin, ang aking mga kapatid ay nagalit sa akin dahil sa pagkabali ng aking busog, sapagkat hindi kami nakakuha ng makakain.

19 At ito ay nangyari na kami ay bumalik sa aming mga mag-anak nang walang dalang pagkain, at dahil sa labis na pagkapagod, dala ng kanilang paglalakbay, sila ay lubhang nahirapan dahil sa kawalan ng pagkain.

20 At ito ay nangyari na sina Laman at Lemuel at ang mga anak na lalaki ni Ismael ay nagsimulang bumulung-bulong nang labis, dahil sa kanilang mga pagdurusa at paghihirap sa ilang; at gayundin, ang aking ama ay nagsimulang bumulung-bulong laban sa Panginoon niyang Diyos; oo, at lahat sila ay labis na nalungkot, maging sa sila ay bumulung-bulong laban sa Panginoon.

21 Ngayon, ito ay nangyari na ako, si Nephi, na naghirap kasama ng aking mga kapatid dahil sa pagkabali ng aking busog, at ang kanilang mga busog ay nawalan ng mga igkas nito, iyon ay nagsimulang maging lubhang napakahirap, oo, kung kaya nga’t kami ay hindi na makakuha ng pagkain.

22 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay nangusap nang marami sa aking mga kapatid, sapagkat pinatigas nilang muli ang kanilang mga puso, maging hanggang sa pagdaing laban sa Panginoon nilang Diyos.

23 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay gumawa mula sa kahoy ng isang busog, at mula sa isang tuwid na patpat, ng isang palaso; kaya nga, nasandatahan ko ang aking sarili ng busog at palaso, kasama ng tirador at mga bato. At sinabi ko sa aking ama: Saan po ako patutungo upang makakuha ng pagkain?

24 At ito ay nangyari na nagtanong siya sa Panginoon, sapagkat nagpakumbaba sila ng kanilang sarili dahil sa aking mga salita; sapagkat nangusap ako ng maraming bagay sa kanila sa kasiglahan ng aking kaluluwa.

25 At ito ay nangyari na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa aking ama; at tunay siyang nakastigo dahil sa kanyang pagbulung-bulong laban sa Panginoon, kung kaya nga’t siya ay nasadlak sa kailaliman ng kalungkutan.

26 At ito ay nangyari na ang tinig ng Panginoon ay nagsabi sa kanya: Tumingin ka sa bola, at masdan ang mga bagay na nakasulat.

27 At ito ay nangyari na nang mamasdan ng aking ama ang mga bagay na nakasulat sa bola, siya ay natakot at labis na nanginig, at gayundin ang aking mga kapatid at ang mga anak na lalaki ni Ismael at ang aming mga asawa.

28 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay namasdan ang mga panuro na nasa bola, na ang mga iyon ay gumagalaw alinsunod sa pananampalataya at sigasig at pagsunod na ibinigay namin sa mga iyon.

29 At may nakasulat din sa mga iyon na isang bagong sulatin, na madaling mabasa, na nagbigay sa amin ng pang-unawa hinggil sa mga pamamaraan ng Panginoon; at iyon ay isinusulat at binabago sa pana-panahon, alinsunod sa pananampalataya at sigasig na ibinibigay namin doon. At sa gayon nakikita natin na sa pamamagitan ng maliliit na pamamaraan ay maisasagawa ng Panginoon ang mga dakilang bagay.

30 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay umakyat sa tuktok ng bundok, alinsunod sa mga tagubiling ibinigay sa bola.

31 At ito ay nangyari na nakapatay ako ng mababangis na hayop, kung kaya nga’t nakakuha ako ng makakain para sa aming mga mag-anak.

32 At ito ay nangyari na ako ay bumalik sa aming mga tolda, dala ang mga hayop na aking napatay; at ngayon, nang namasdan nilang nakakuha ako ng makakain, gayon na lamang ang kanilang kagalakan! At ito ay nangyari na nagpakumbaba sila ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon, at nagbigay-pasasalamat sa kanya.

33 At ito ay nangyari na muli kaming naglakbay, tinatahak ang halos gayunding landas tulad noong una; at matapos na kami ay nakapaglakbay sa loob ng maraming araw ay muli naming itinayo ang aming mga tolda, upang kami ay makapanatili sa loob ng ilang panahon.

34 At ito ay nangyari na si Ismael ay namatay, at inilibing sa pook na tinawag na Nahom.

35 At ito ay nangyari na ang mga anak na babae ni Ismael ay labis na nagdalamhati dahil sa pagkawala ng kanilang ama, at dahil sa kanilang mga paghihirap sa ilang; at sila ay bumulung-bulong laban sa aking ama dahil sa inilabas niya sila sa lupain ng Jerusalem, sinasabing: Ang aming ama ay patay na; oo, at kami ay labis na nagpagala-gala sa ilang, at kami ay nagdanas ng labis na paghihirap, gutom, uhaw, at pagod; at matapos ang maraming pagdurusang ito ay tiyak na mamamatay kami sa gutom sa ilang.

36 At sa gayon sila bumulung-bulong laban sa aking ama, at laban din sa akin; at sila ay nagnais na bumalik na muli sa Jerusalem.

37 At sinabi ni Laman kay Lemuel at gayundin sa mga anak na lalaki ni Ismael: Dinggin, patayin natin ang ating ama, at gayundin ang ating kapatid na si Nephi, na iniluklok ang kanyang sarili na maging ating pinuno at ating guro, na mga nakatatanda niyang kapatid.

38 Ngayon, sinasabi niya na ang Panginoon ay nakipag-usap sa kanya, at gayundin na ang mga anghel ay naglingkod sa kanya. Ngunit dinggin, nalalaman natin na siya ay nagsisinungaling sa atin; at sinasabi niya ang mga bagay na ito sa atin, at siya ay nagsasagawa ng maraming bagay sa pamamagitan ng kanyang tusong pamamaraan, upang madaya niya ang ating mga mata, sa pag-aakala, marahil, na madadala niya tayo sa isang di kilalang ilang; at matapos na tayo ay kanyang mailigaw palayo, binalak niyang gawing hari ang kanyang sarili at isang pinuno natin, upang magawa niya sa atin ang naaalinsunod sa kanyang kagustuhan at kasiyahan. At sa ganitong pamamaraan pinukaw ng aking kapatid na si Laman ang kanilang mga puso upang magalit.

39 At ito ay nangyari na ang Panginoon ay nasa aming panig, oo, maging ang tinig ng Panginoon ay narinig at nagwika ng maraming salita sa kanila, at pinarusahan sila nang labis; at matapos silang balaan ng tinig ng Panginoon ay iwinaksi nila ang kanilang galit, at pinagsisihan ang kanilang mga kasalanan, kung kaya nga’t biniyayaan kaming muli ng Panginoon ng pagkain, nang kami ay hindi mangasawi.