Kabanata 18
Ang sasakyang-dagat ay natapos—Ang pagsilang kina Jacob at Jose ay binanggit—Lumulan ang pangkat patungo sa lupang pangako—Ang mga anak na lalaki ni Ismael at ang kanilang mga asawa ay nakiisa sa maingay at magulong pagsasaya at paghihimagsik—Si Nephi ay iginapos, at ang sasakyang-dagat ay itinaboy pabalik ng isang nakasisindak na bagyo—Pinalaya si Nephi at sa pamamagitan ng kanyang panalangin ay tumigil ang bagyo—Dumating ang mga tao sa lupang pangako. Mga 591–589 B.C.
1 At ito ay nangyari na kanilang sinamba ang Panginoon, at sila ay humayong kasama ko; at kami ay gumawa ng mga kahoy na kahanga-hanga ang pagkakagawa. At ipinakita sa akin ng Panginoon sa pana-panahon kung sa anong pamamaraan nararapat kong gawin ang mga kahoy ng sasakyang-dagat.
2 Ngayon, ako, si Nephi, ay hindi ginawa ang mga kahoy alinsunod sa pamamaraang natutuhan ng mga tao, ni hindi ko ginawa ang sasakyang-dagat alinsunod sa pamamaraan ng mga tao; kundi ginawa ko ito alinsunod sa pamamaraang ipinakita ng Panginoon sa akin; kaya nga, hindi ito alinsunod sa pamamaraan ng mga tao.
3 At ako, si Nephi, ay madalas na umakyat sa bundok, at madalas akong nanalangin sa Panginoon; kaya nga, nagpakita sa akin ang Panginoon ng mga dakilang bagay.
4 At ito ay nangyari na nang matapos ko ang sasakyang-dagat, alinsunod sa salita ng Panginoon, namasdan ng aking mga kapatid na ito ay kasiya-siya, at ang pagkakagawa niyon ay lubhang mahusay; kaya nga, nagpakumbaba silang muli ng kanilang sarili sa harapan ng Panginoon.
5 At ito ay nangyari na ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa aking ama, na kami ay nararapat bumangon at bumaba patungo sa sasakyang-dagat.
6 At ito ay nangyari na kinabukasan, matapos na maihanda namin ang lahat ng bagay, maraming bungang-kahoy at karne mula sa ilang, at saganang pulot, at mga panustos alinsunod sa iniutos sa amin ng Panginoon, kami ay bumaba patungo sa sasakyang-dagat, dala ang lahat ng aming dala-dalahan at mga binhi, at anumang bagay na dala-dala namin, bawat isa alinsunod sa kanyang gulang; anupa’t bumaba kaming lahat patungo sa sasakyang-dagat, kasama ang aming mga asawa’t anak.
7 At ngayon, isinilang sa aking ama ang dalawang anak na lalaki sa ilang; ang nakatatanda ay tinawag na Jacob at ang nakababata ay Jose.
8 At ito ay nangyari na matapos na kaming lahat ay makalulan sa sasakyang-dagat, at madala ang aming mga panustos at ang mga bagay na iniutos sa amin, kami ay naglayag sa dagat at itinaboy ng hangin patungo sa lupang pangako.
9 At makaraang kami ay maitaboy ng hangin sa loob ng maraming araw, dinggin, ang aking mga kapatid at ang mga anak na lalaki ni Ismael at gayundin ang kanilang mga asawa ay nagsimulang magsaya, kung kaya nga’t sila ay nagsimulang sumayaw, at umawit, at magsalita nang may labis na kagaspangan, oo, maging hanggang sa kanilang malimutan sa anong kapangyarihan sila nadala roon; oo, sila ay natangay sa labis na kagaspangan.
10 At ako, si Nephi, ay nagsimulang matakot nang labis na baka ang Panginoon ay magalit sa amin, at parusahan kami dahil sa aming kasamaan, na kami ay malulon sa kailaliman ng dagat; kaya nga, ako, si Nephi, ay nagsimulang magsalita sa kanila nang napakahinahon; subalit dinggin, sila ay nagalit sa akin, sinasabing: Ayaw namin na ang aming nakababatang kapatid ang siyang mamuno sa amin.
11 At ito ay nangyari na sinunggaban ako nina Laman at Lemuel at iginapos ako sa pamamagitan ng mga lubid, at sila ay labis na nagmalupit sa akin; gayunpaman, pinahintulutan ito ng Panginoon upang maipakita niya ang kanyang kapangyarihan, tungo sa katuparan ng kanyang salita na sinabi niya hinggil sa masasama.
12 At ito ay nangyari na matapos nila akong igapos kung kaya nga’t hindi ako makagalaw, ang aguhon, na inihanda ng Panginoon, ay tumigil sa paggana.
13 Samakatwid, hindi nila malaman kung saan nila nararapat isuling ang sasakyang-dagat, hanggang sa may namuong isang malakas na bagyo, oo, isang malakas at nakasisindak na bagyo, at kami ay itinaboy pabalik sa ibabaw ng katubigan sa loob ng tatlong araw; at sila ay nagsimulang matakot nang labis na baka sila ay malunod sa dagat; gayunpaman, hindi nila ako kinalagan.
14 At sa ikaapat na araw, na kami ay itinaboy pabalik, ang bagyo ay nagsimulang maging lalong matindi.
15 At ito ay nangyari na kami ay halos malulon na sa kailaliman ng dagat. At makaraang kami ay maitaboy pabalik sa ibabaw ng katubigan sa loob ng apat na araw, nagsimulang matanto ng aking mga kapatid na ang mga kahatulan ng Diyos ay napasakanila, at na sila ay tiyak na masasawi maliban kung sila ay magsisisi sa kanilang mga kasamaan; kaya nga, lumapit sila sa akin, at kinalag ang mga gapos sa aking mga kamay, at masdan, ang mga ito ay labis na namaga; at gayundin, ang aking bukung-bukong ay lubhang namaga, at labis ang pananakit niyon.
16 Gayunpaman, ako ay umasa sa aking Diyos, at pinapurihan siya sa buong maghapon; at hindi ako bumulung-bulong laban sa Panginoon dahil sa aking mga paghihirap.
17 Ngayon, ang aking amang si Lehi ay nangusap ng maraming bagay sa kanila, at gayundin sa mga anak na lalaki ni Ismael; subalit dinggin, sila ay nangusap ng maraming pananakot laban sa sinumang magsasalita para sa akin; at sapagkat ang aking mga magulang ay matatanda na, at nagdanas ng labis na maraming pagdadalamhati dahil sa kanilang mga anak, sila ay naratay, oo, maging sa kanilang higaan.
18 Dahil sa kanilang pagdadalamhati at labis na kalungkutan, at sa kasamaan ng aking mga kapatid, sila ay nalapit sa kalagayang halos muntik nang makipagkita sa kanilang Diyos; oo, ang kanilang mapuputing buhok ay malapit nang humimlay sa alabok; oo, maging hanggang sa sila ay halos muntik nang mahulog nang may kalungkutan sa matubig na libingan.
19 At sina Jacob at Jose rin, sapagkat mga bata pa, na nangangailangan ng hustong pag-aalaga, ay nagdalamhati dahil sa mga paghihirap ng kanilang ina; at gayundin ang aking asawa, ang mga luha at pagmamakaawa niya, at ng akin ding mga anak, ay hindi nakapagpalambot ng mga puso ng aking mga kapatid upang ako ay kalagan nila.
20 At walang iba maliban sa kapangyarihan ng Diyos, na nagbanta sa kanila ng pagkalipol, ang maaaring makapagpalambot sa kanilang mga puso; kaya nga, nang kanilang mapagtanto na sila ay malapit nang malulon sa kailaliman ng dagat ay pinagsisihan nila ang bagay na kanilang ginawa, kung kaya nga’t ako ay kinalagan nila.
21 At ito ay nangyari na matapos na ako ay kalagan nila, dinggin, kinuha ko ang aguhon, at ito ay gumana kahit saan ko man naisin. At ito ay nangyari na ako ay nanalangin sa Panginoon; at makaraang ako ay makapanalangin, ang hangin ay huminto, at ang bagyo ay tumigil, at nagkaroon ng ganap na katiwasayan.
22 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ang gumabay sa sasakyang-dagat, kaya nga kami ay naglayag na muli patungo sa lupang pangako.
23 At ito ay nangyari na makaraang kami ay makapaglayag sa loob ng maraming araw, kami ay sumapit sa lupang pangako; at kami ay dumaong sa lupa, at nagtayo ng aming mga tolda; at tinawag namin itong lupang pangako.
24 At ito ay nangyari na nagsimula kaming magbungkal ng lupa, at kami ay nagsimulang magtanim ng mga binhi; oo, itinanim namin ang lahat ng aming binhi sa lupa, na aming dinala mula sa lupain ng Jerusalem. At ito ay nangyari na ang mga yaon ay lubhang nagsiyabong; kaya nga, kami ay pinagpala nang sagana.
25 At ito ay nangyari na aming natagpuan sa lupang pangako, sa aming paglalakbay sa ilang, na may lahat ng uri ng hayop sa kagubatan, kapwa ang baka at ang toro, at ang asno at ang kabayo, at ang kambing at ang mailap na kambing, at lahat ng uri ng mababangis na hayop, na para sa gamit ng tao. At aming natagpuan ang lahat ng uri ng inang mina, kapwa ang ginto, at ang pilak, at ang tanso.