Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 20


Kabanata 20

Ipinahayag ng Panginoon ang kanyang mga layunin sa Israel—Napili ang Israel sa hurno ng paghihirap at hahayo mula sa Babilonia—Ihambing sa Isaias 48. Mga 588–570 B.C.

1 Makinig at pakinggan ito, O sambahayan ni Jacob, na tinatawag sa pangalang Israel, at nagsilabas mula sa mga tubig ng Juda, o mula sa mga katubigan ng pagbibinyag, na nagsisumpa sa pangalan ng Panginoon, at nagsibanggit sa Diyos ng Israel, datapwat hindi sila nagsisumpa sa katotohanan ni sa katwiran.

2 Gayunpaman, tinatawag nila ang kanilang sarili alinsunod sa banal na lungsod, subalit hindi sila nananalig sa Diyos ng Israel, na Panginoon ng mga Hukbo; oo, ang Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan.

3 Dinggin, aking ipinahayag ang mga dating bagay mula noong una; at ang mga yaon ay lumabas mula pa sa aking bibig, at aking ipinakita ang mga yaon. Bigla ko ngang ipinakita ang mga yaon.

4 At ginawa ko ito dahil sa nalalaman ko na ikaw ay mapagmatigas, at ang iyong leeg ay parang litid na bakal, at ang iyong noo ay parang tanso.

5 At aking ipinahayag na sa iyo mula pa noong una; bago ito nangyari ay ipinakita ko na ang mga yaon sa iyo; at ipinakita ko ang mga yaon dahil sa pangambang baka iyong sabihin—Ginawa ito ng aking mga diyus-diyusan, at ng aking nililok na larawan, at ang aking larawang binubo ang siyang nag-utos sa mga yaon.

6 Iyong nakita at narinig ang lahat ng ito; at hindi ba ninyo ihahayag ang mga ito? At na aking ipinakita sa inyo ang mga bagong bagay mula sa panahong ito, maging mga kubling bagay, at hindi mo nalaman ang mga ito.

7 Nilikha ngayon ang mga ito, at hindi noong simula, maging bago pa man ang araw na hindi mo pa naririnig ang mga yaon ay ipinahayag na ang mga yaon sa iyo, na baka iyong sabihin—Dinggin, aking nalalaman ang mga yaon.

8 Oo, at hindi mo narinig; oo, hindi mo nalalaman; oo, mula noon pa ay hindi nabuksan ang iyong tainga; sapagkat nalalaman ko na ikaw ay makikitungo na totoong may kataksilan, at tinawag na makasalanan mula sa sinapupunan.

9 Gayunpaman, alang-alang sa aking pangalan ay pipigilin ko ang aking galit, at dahil sa kapurihan ko ay magtitimpi sa iyo, upang hindi kita lipulin.

10 Sapagkat, dinggin, dinalisay kita, pinili kita mula sa hurno ng paghihirap.

11 Para sa aking sariling kapakanan, oo, para sa aking sariling kapakanan ay gagawin ko ito, sapagkat hindi ko pahihintulutang lapastanganin ang aking pangalan, at ang kaluwalhatian ko ay hindi ko ibibigay sa iba.

12 Makinig sa akin, O Jacob, at Israel na tinawag ko, sapagkat ako nga siya; ako ang una, at ako rin ang huli.

13 Ang aking kamay rin ang siyang naglagay ng saligan ng mundo, at ang aking kanang kamay ang siyang nagladlad ng kalangitan. Ako ay tumatawag sa kanila at sila ay nagsisitayong magkakasama.

14 Kayong lahat, kayo ay magtipun-tipon, at makinig; sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito sa kanila? Siya ay iniibig ng Panginoon; oo, at kanyang tutuparin ang kanyang salita na kanyang ipinahayag sa pamamagitan nila; at kanyang gagawin ang kanyang ikasisiya sa Babilonia, at ang kanyang bisig ay babagsak sa mga taga-Caldeo.

15 Gayundin, wika ng Panginoon; Ako ang Panginoon, oo, ako ay nagsalita; oo, tinawag ko siya na magpahayag, aking dinala siya, at gagawin niyang matagumpay ang kanyang landas.

16 Kayo ay magsilapit sa akin; hindi pa ako nagsalita nang lihim; mula pa sa simula, mula sa panahong ipinahayag ito ay nagsalita na ako; at ang Panginoong Diyos, at ang kanyang Espiritu, ang nagsugo sa akin.

17 At ganito ang wika ng Panginoon, ang inyong Manunubos, ang Banal ng Israel; isinugo ko siya, ang Panginoon mong Diyos na nagtuturo sa iyo ng mapakikinabangan, na pumapatnubay sa iyo sa daang nararapat mong lakaran, ang gumawa nito.

18 O kung dininig mo ang aking mga kautusan—ang iyong kapayapaan ay matutulad sa isang ilog, at ang iyong katwiran ay parang mga alon sa dagat.

19 Ang iyong mga binhi ay naging parang buhangin din; ang supling ng iyong tiyan ay parang mga butil niyon; ang kanyang pangalan ay hindi mapapawi ni masisira man sa harapan ko.

20 Kayo ay magsilabas sa Babilonia, inyong takasan ang mga taga-Caldeo, kayo ay magpahayag ng may tinig ng pag-awit, inyong sabihin ito, bigkasin ito hanggang sa katapusan ng mundo; inyong sabihin: Tinubos ng Panginoon ang kanyang tagapaglingkod na si Jacob.

21 At sila ay hindi nangauhaw; pinatnubayan niya sila sa mga ilang; kanyang pinaagos ang mga tubig mula sa malaking bato para sa kanila; kanyang ginuwangan din ang malaking bato at bumukal ang mga tubig.

22 At sa kabila ng lahat ng ginawa niyang ito, at higit pa rito, walang kapayapaan, wika ng Panginoon, sa masasama.