Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 22


Kabanata 22

Ikakalat ang Israel sa lahat ng dako ng mundo—Aalagaan at pakakainin ng mga Gentil ang Israel sa pamamagitan ng ebanghelyo sa mga huling araw—Ang Israel ay matitipon at maliligtas, at masusunog ang masasama na parang pinaggapasan—Wawasakin ang kaharian ng diyablo at si Satanas ay igagapos. Mga 588–570 B.C.

1 At ngayon, ito ay nangyari na matapos na ako, si Nephi, ay mabasa ang mga bagay na ito na nakaukit sa mga laminang tanso, lumapit sa akin ang aking mga kapatid at sinabi sa akin: Ano ang kahulugan ng mga bagay na ito na iyong binasa? Dinggin, uunawain ba ang mga yaon ayon sa mga bagay na espirituwal, na matutupad ayon sa espiritu at hindi sa laman?

2 At ako, si Nephi, ay sinabi sa kanila: Dinggin, ipinaalam ang mga yaon sa propeta ng tinig ng Espiritu; sapagkat sa pamamagitan ng tinig ng Espiritu ipinaaalam ang lahat ng bagay sa mga propeta, na mangyayari sa mga anak ng tao ayon sa laman.

3 Samakatwid, ang mga bagay na aking binasa ay mga bagay na tumutukoy sa mga bagay na kapwa temporal at espirituwal; sapagkat ang sambahayan ni Israel ay tila, sa malaon at madali, ay ikakalat sa lahat ng dako ng mundo, at sa lahat din ng bansa.

4 At dinggin, marami sa ngayon ang nawawala na sa kaalaman ng mga yaong nasa Jerusalem. Oo, ang mas malaking bahagi ng buong lipi ay naakay nang palayo; at nakakalat sila paroo’t parito sa mga pulo ng dagat; at kung nasaan man sila ay walang nakaaalam sa atin, maliban sa nalalaman natin na sila ay inakay palayo.

5 At dahil sa sila ay inakay palayo, ang mga bagay na ito ay ipinropesiya hinggil sa kanila, at hinggil din sa lahat ng yaong ikakalat pa at ipipisan sa iba, dahil sa Banal ng Israel; sapagkat patitigasin nila ang kanilang mga puso laban sa kanya; kaya nga, ikakalat sila sa lahat ng bansa at kamumuhian ng lahat ng tao.

6 Gayunpaman, matapos silang ikandili ng mga Gentil, at ikaway ng Panginoon ang kanyang kamay sa mga Gentil at gawin silang isang sagisag, at kinalong ang kanilang mga anak sa kanilang mga bisig, at ang kanilang mga anak na babae ay pinasan sa kanilang mga balikat, masdan, ang mga bagay na ito na sinabi ay temporal; sapagkat gayon ang mga tipan ng Panginoon sa ating mga ama; at tumutukoy ito sa atin sa mga araw na darating, at gayundin sa lahat ng ating mga kapatid na kabilang sa sambahayan ni Israel.

7 At nangangahulugan ito na darating ang panahon na matapos ikalat at ipisan sa iba ang buong sambahayan ni Israel, na magbabangon ang Panginoong Diyos ng isang makapangyarihang bansa sa mga Gentil, oo, maging sa ibabaw ng lupaing ito; at sa pamamagitan nila ay makakalat ang ating mga binhi.

8 At matapos maikalat ang ating mga binhi, ang Panginoong Diyos ay magpapatuloy na gumawa ng isang kagila-gilalas na gawain sa mga Gentil, na magiging labis na mahalaga sa ating mga binhi; kaya nga, inihahalintulad ito sa pangangalaga sa kanila ng mga Gentil at sa pagkakalong sa kanilang mga bisig at sa kanilang mga balikat.

9 At magiging mahalaga rin ito sa mga Gentil; at hindi lamang sa mga Gentil kundi gayundin sa buong sambahayan ni Israel, tungo sa pagpapaalam ng mga tipan ng Ama ng langit kay Abraham, sinasabing: Sa pamamagitan ng iyong mga binhi ay pagpapalain ang lahat ng lahi sa mundo.

10 At nais ko, aking mga kapatid, na inyong malaman na ang lahat ng lahi sa mundo ay hindi maaaring pagpalain maliban kung hindi niya ipakikita ang kanyang bisig sa paningin ng mga bansa.

11 Samakatwid, ipagpapatuloy ng Panginoong Diyos ang pagpapakita ng kanyang bisig sa paningin ng lahat ng bansa, sa pagsasakatuparan ng kanyang mga tipan at ng kanyang ebanghelyo sa mga yaong kabilang sa sambahayan ni Israel.

12 Samakatwid, muli niya silang palalayain sa pagkabihag, at titipunin sila nang sama-sama sa mga lupaing kanilang mana; at lalabas sila mula sa kalabuan at mula sa kadiliman; at makikilala nila na ang Panginoon ang kanilang Tagapagligtas at kanilang Manunubos, ang Makapangyarihan ng Israel.

13 At ang dugo ng yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, na siyang patutot ng buong mundo, ay magsisibalik sa kanilang sariling mga ulo; sapagkat makikidigma sila sa isa’t isa, at ang espada sa kanilang sariling mga kamay ay babagsak sa sarili nilang mga ulo, at malalango sila sa sarili nilang dugo.

14 At bawat bansang makikidigma laban sa iyo, O sambahayan ni Israel, ay babaling laban sa isa’t isa, at mahuhulog sila sa hukay na kanilang hinukay upang mabitag ang mga tao ng Panginoon. At ang lahat ng kumakalaban sa Sion ay malilipol, at ang yaong makapangyarihang patutot, na nagbaluktot sa mga matwid na landas ng Panginoon, oo, ang yaong makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan, ay guguho sa lupa at malakas ang magiging pagbagsak nito.

15 Sapagkat dinggin, wika ng propeta, dagliang darating ang panahon na mawawalan ng kapangyarihan si Satanas sa puso ng mga anak ng tao; sapagkat malapit nang dumating ang araw na ang lahat ng palalo at sila na mga gumagawa ng kasamaan ay magiging parang mga pinaggapasan; at darating ang araw na sila ay tiyak na susunugin.

16 Sapagkat malapit nang dumating ang panahon na ang kaganapan ng kapootan ng Diyos ay mabubuhos sa lahat ng anak ng tao; sapagkat hindi niya pahihintulutang lipulin ng masasama ang mga matwid.

17 Samakatwid, pangangalagaan niya ang mga matwid sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, maging kung kinakailangang dumating ang kaganapan ng kanyang kapootan, at ang mga matwid ay pangangalagaan, maging tungo sa pagkalipol ng kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng apoy. Kaya nga, hindi dapat matakot ang mga matwid; sapagkat ganito ang wika ng propeta, maliligtas sila, maging kung ito man ay sa pamamagitan ng apoy.

18 Dinggin, aking mga kapatid, sinasabi ko sa inyo, ang mga bagay na ito ay tiyak na malapit nang maganap; oo, maging dugo, at apoy, at ulap ng usok ay tiyak na matatanaw; at kinakailangan lamang na ito ay sa ibabaw ng mundong ito; at sasapit ito sa mga tao ayon sa laman kung sakali mang patitigasin nila ang kanilang mga puso laban sa Banal ng Israel.

19 Sapagkat dinggin, hindi masasawi ang mga matwid; sapagkat tiyak na darating ang panahon na ang lahat ng yaong kumakalaban sa Sion ay ihihiwalay.

20 At ang Panginoon ay tiyak na maghahanda ng paraan para sa kanyang mga tao, sa ikatutupad ng mga salita ni Moises, na kanyang winika, sinasabing: Ang Panginoon ninyong Diyos ay magbabangon sa inyo ng isang propeta, na tulad sa akin; diringgin ninyo siya sa lahat ng bagay anuman ang kanyang sasabihin sa inyo. At ito ay mangyayari na ang lahat ng yaong hindi makikinig sa propetang yaon ay ihihiwalay sa mga tao.

21 At ngayon, ako, si Nephi, ay nagpapahayag sa inyo, na ang Banal ng Israel ang propetang tinutukoy ni Moises; kaya nga, siya ay magsasagawa ng kahatulan sa katwiran.

22 At ang mga matwid ay hindi kinakailangang matakot; sapagkat sila ang mga yaong hindi madaraig. Subalit ito ang kaharian ng diyablo, na itatayo sa mga anak ng tao, na kahariang itinatag sa kanila na mga nasa lupa—

23 Sapagkat dagliang darating ang panahon na ang lahat ng simbahang itinayo upang makakuha ng yaman, at ang lahat ng yaong itinayo upang makaangkin ng kapangyarihan sa laman, at ang mga yaong itinayo upang maging tanyag sa paningin ng sanlibutan, at ang mga yaong naghahangad ng pagnanasa sa laman at ng mga makamundong bagay, at upang gumawa ng lahat ng uri ng kasamaan; oo, sa madaling salita, lahat ng yaong kabilang sa kaharian ng diyablo ang mga yaong dapat na matakot, at manginig, at mayanig; sila ang mga yaong tiyak na ibababa sa lupa; sila ang mga yaong tiyak na matutupok na parang pinaggapasan; at ito ay ayon sa mga salita ng propeta.

24 At dagliang darating ang panahon na ang mga matwid ay dadalhin na parang mga guya sa kuwadra, at ang Banal ng Israel ay tiyak na maghahari sa kapamahalaan, at sa lakas, at sa kapangyarihan, at sa dakilang kaluwalhatian.

25 At titipunin niya ang kanyang mga anak mula sa apat na sulok ng mundo; at bilang niya ang kanyang mga tupa, at siya ay kilala nila; at magkakaroon ng isang kawan at isang pastol; at pakakainin niya ang kanyang mga tupa, at sa kanya nila matatagpuan ang pastulan.

26 At dahil sa pagkamatwid ng kanyang mga tao, si Satanas ay walang kapangyarihan; kaya nga, hindi siya makakawala sa loob ng maraming taon; sapagkat wala siyang kapangyarihan sa mga puso ng tao, sapagkat namumuhay sila sa katwiran, at maghahari ang Banal ng Israel.

27 At ngayon, dinggin, ako, si Nephi, ay nagsasabi sa inyo na mangyayari ang lahat ng bagay na ito ayon sa laman.

28 Subalit, dinggin, lahat ng bansa, lahi, wika, at tao ay mamumuhay nang matiwasay kapiling ang Banal ng Israel kung sakali mang sila ay magsisisi.

29 At ngayon, ako, si Nephi, ay nagtatapos; sapagkat hindi ako mangangahas na magsalita pa hinggil sa mga bagay na ito.

30 Anupa’t aking mga kapatid, nais kong mapagtanto ninyong totoo ang mga bagay na nasusulat sa mga laminang tanso; at nagpapatotoo ang mga yaon na kinakailangang maging masunurin ang tao sa mga kautusan ng Diyos.

31 Samakatwid, hindi ninyo dapat akalain na ako at ang aking ama lamang ang tanging nagpatotoo, at nagturo din nito. Anupa’t kung kayo ay magiging masunurin sa mga kautusan, at magtitiis hanggang wakas, maliligtas kayo sa huling araw. At gayon nga ito. Amen.