Kabanata 3
Bumalik sa Jerusalem ang mga anak ni Lehi upang kunin ang mga laminang tanso—Tumanggi si Laban na ibigay ang mga lamina—Pinayuhan ni Nephi at pinalakas ang loob ng kanyang mga kapatid—Ninakaw ni Laban ang kanilang ari-arian at pinagtangkaan silang patayin—Hinampas nina Laman at Lemuel sina Nephi at Sam at kinagalitan sila ng isang anghel. Mga 600–592 B.C.
1 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay bumalik mula sa pakikipag-usap sa Panginoon, sa tolda ng aking ama.
2 At ito ay nangyari na nangusap siya sa akin, sinasabing: Dinggin, ako ay nanaginip ng isang panaginip, kung saan ang Panginoon ay nag-utos sa akin na ikaw at ang iyong mga kapatid ay magbalik sa Jerusalem.
3 Sapagkat dinggin, na kay Laban ang tala ng mga Judio at gayundin ang isang talaangkanan ng aking mga ninuno, at ang mga yaon ay nakaukit sa mga laminang tanso.
4 Samakatwid, ang Panginoon ay nag-utos sa akin na ikaw at ang iyong mga kapatid ay nararapat magtungo sa bahay ni Laban, at kunin ang mga talaan, at dalhin ang mga yaon dito sa ilang.
5 At ngayon, dinggin, ang iyong mga kapatid ay bumubulung-bulong, sinasabing isang mahirap na bagay ang aking hinihingi sa kanila; subalit dinggin, hindi ako ang humihingi sa kanila, kundi ito ay isang kautusan ng Panginoon.
6 Samakatwid, humayo, anak ko, at ikaw ay kakasihan ng Panginoon, sapagkat ikaw ay hindi bumubulung-bulong.
7 At ito ay nangyari na ako, si Nephi, ay nangusap sa aking ama: Hahayo po ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko po na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.
8 At ito ay nangyari na nang marinig ng aking ama ang mga salitang ito, lubha siyang nagalak, sapagkat kanyang napagtanto na ako ay pinagpala ng Panginoon.
9 At ako, si Nephi, at ang aking mga kapatid ay naglakbay sa ilang, dala ang aming mga tolda, upang umahon sa lupain ng Jerusalem.
10 At ito ay nangyari na nang makarating kami sa lupain ng Jerusalem, ako at ang aking mga kapatid ay nagsanggunian sa isa’t isa.
11 At kami ay nagpalabunutan—kung sino sa amin ang nararapat pumasok sa bahay ni Laban. At ito ay nangyari na tumama kay Laman ang kapalaran; at si Laman ay pumasok sa bahay ni Laban, at nakipag-usap siya sa kanya habang nakaupo siya sa loob ng kanyang bahay.
12 At hiningi niya kay Laban ang mga talang nakaukit sa mga laminang tanso, na naglalaman ng talaangkanan ng aking ama.
13 At dinggin, ito ay nangyari na nagalit si Laban, at ipinagtulakan siyang palabas mula sa kanyang harapan; at ayaw niyang mapasakanya ang mga talaan. Kaya nga, sinabi niya sa kanya: Dinggin, ikaw ay isang tulisan, at papatayin kita.
14 Subalit si Laman ay nakatakas sa kanyang harapan, at sinabi ang mga bagay na ginawa ni Laban, sa amin. At kami ay nagsimulang maging lubhang malungkot, at ang aking mga kapatid ay handa nang magsibalik sa aking ama sa ilang.
15 Subalit dinggin, sinabi ko sa kanila na: Yamang ang Panginoon ay buhay, at yamang tayo ay nabubuhay, hindi tayo bababa sa ating ama sa ilang hangga’t hindi natin naisasagawa ang bagay na ipinag-uutos ng Panginoon sa atin.
16 Anupa’t tayo ay magpakatapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon; kaya nga, tayo ay bumaba sa lupaing mana ng ating ama, sapagkat dinggin, kanyang iniwan ang ginto at pilak, at lahat ng uri ng kayamanan. At ang lahat ng ito ay kanyang ginawa dahil sa mga kautusan ng Panginoon.
17 Sapagkat nalalaman niya na ang Jerusalem ay tiyak na mawawasak, dahil sa kasamaan ng mga tao.
18 Sapagkat dinggin, kanilang tinanggihan ang mga salita ng mga propeta. Samakatwid, kung ang aking ama ay mananahan sa lupain matapos siyang utusang tumakas sa lupaing ito, dinggin, siya ay masasawi rin. Kaya nga, talagang kinakailangan na siya ay tumakas sa lupain.
19 At dinggin, iyon ay karunungan sa Diyos na nararapat nating makuha ang mga talaang ito, upang mapanatili natin para sa ating mga anak ang wika ng ating mga ama;
20 At upang atin ding mapanatili sa kanila ang mga salitang ipinahayag ng bibig ng lahat ng banal na propeta, na ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu at kapangyarihan ng Diyos, magmula pa noong simula ng daigdig, maging hanggang dito sa kasalukuyang panahon.
21 At ito ay nangyari na alinsunod sa ganitong pamamaraan ng pananalita ko hinikayat ang aking mga kapatid, upang sila ay maging matapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos.
22 At ito ay nangyari na bumaba kami sa lupaing aming mana, at tinipon namin nang sama-sama ang aming mga ginto, at ang aming mga pilak, at ang aming mahahaling bagay.
23 At matapos naming matipon nang sama-sama ang mga bagay na ito, kami ay umahon muli sa bahay ni Laban.
24 At ito ay nangyari na pumasok kami patungo kay Laban, at hiniling sa kanyang ibigay niya sa amin ang mga talang nakaukit sa mga laminang tanso, na bilang kapalit ay ibibigay namin sa kanya ang aming mga ginto, at ang aming mga pilak, at ang lahat ng aming mamahaling bagay.
25 At ito ay nangyari na nang makita ni Laban ang aming ari-arian, at na iyon ay lubhang napakarami, pinagnasaan niya ang mga iyon, hanggang sa ipagtulakan niya kami palabas, at isinugo ang kanyang mga tagapagsilbi upang patayin kami, upang kanyang makuha ang aming ari-arian.
26 At ito ay nangyari na tumakas kami sa harapan ng mga tagapagsilbi ni Laban, at kami ay napilitang iwan ang aming ari-arian, at nahulog iyon sa mga kamay ni Laban.
27 At ito ay nangyari na tumakas kami patungo sa ilang, at ang mga tagapagsilbi ni Laban ay hindi kami naabutan, at itinago namin ang aming sarili sa butas ng isang malaking bato.
28 At ito ay nangyari na nagalit sa akin si Laman, at gayundin sa aking ama; at gayundin si Lemuel, sapagkat siya ay nakinig sa mga salita ni Laman. Kaya nga, sina Laman at Lemuel ay nangusap ng maraming masakit na salita sa amin, na kanilang mga nakababatang kapatid, at kami ay kanilang hinampas ng isang pamalo.
29 At ito ay nangyari na habang hinahampas nila kami ng pamalo, dinggin, isang anghel ng Panginoon ang dumating at tumayo sa harapan nila, at siya ay nangusap sa kanila, sinasabing: Bakit ninyo hinahampas ng pamalo ang inyong nakababatang kapatid? Hindi ba ninyo nalalaman na siya ay pinili ng Panginoon na maging pinuno ninyo, at ito ay dahil sa inyong mga kasamaan? Dinggin, kayo ay muling aahon sa Jerusalem, at ibibigay ng Panginoon si Laban sa inyong mga kamay.
30 At matapos makapangusap sa amin ang anghel, siya ay lumisan.
31 At matapos makalisan ang anghel, sina Laman at Lemuel ay nagsimula muling bumulung-bulong, sinasabing: Paano mangyayaring ibibigay ng Panginoon si Laban sa ating mga kamay? Dinggin, siya ay isang makapangyarihang tao, at kaya niyang utusan ang limampu, oo, maging ang limampu ay kaya niyang patayin; tayo pa kaya ang hindi?