Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 4


Kabanata 4

Pinatay ni Nephi si Laban sa utos ng Panginoon at pagkatapos ay kinuha ang mga laminang tanso sa pamamagitan ng pakana—Pinili ni Zoram na sumama sa mag-anak ni Lehi sa ilang. Mga 600–592 B.C.

1 At ito ay nangyari na nangusap ako sa aking mga kapatid, sinasabing: Tayo nang umahon muli sa Jerusalem, at tayo ay maging matapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon; sapagkat dinggin, siya ay higit na makapangyarihan kaysa sa buong sangkatauhan, kung gayon bakit hindi siya higit na makapangyarihan kaysa kay Laban at sa kanyang limampu, oo, maging sa kanyang sampu-sampung libo?

2 Samakatwid, tayo nang umahon; maging malakas tayong katulad ni Moises; sapagkat tunay siyang nangusap sa tubig ng Dagat na Pula at ang yaon ay nahawi rito at doon, at ang ating mga ama ay nakatawid, mula sa pagkabihag, sa tuyong lupa, at ang mga hukbo ni Faraon ay sumunod sa kanila at nangalunod sa mga tubig ng Dagat na Pula.

3 Ngayon, dinggin, alam ninyo na ito ay totoo; at alam din ninyo na isang anghel ang nangusap sa inyo; kung gayon, mag-aalinlangan pa ba kayo? Umahon na tayo; magagawa tayong iligtas ng Panginoon, maging kagaya ng ating mga ama, at patayin si Laban, maging katulad ng mga taga-Egipto.

4 Ngayon, nang sabihin ko ang mga salitang ito, sila ay galit pa rin, at nagpatuloy na bumulung-bulong; gayunman, sumunod sila sa akin hanggang sa kami ay makarating sa labas ng mga pader ng Jerusalem.

5 At noon ay gabi; at inutusan ko sila na itago ang kanilang sarili sa labas ng mga pader. At matapos nilang maitago ang kanilang sarili, ako, si Nephi, ay palihim na pumasok sa lungsod at nagtungo sa bahay ni Laban.

6 At ako ay pinatnubayan ng Espiritu, hindi pa nalalaman sa simula ang mga bagay na nararapat kong gawin.

7 Gayunman, ako ay humayo, at habang ako ay papalapit sa bahay ni Laban, namasdan ko ang isang lalaki, at siya ay nakabulagta sa lupa sa harapan ko, sapagkat lango siya sa alak.

8 At nang ako ay lumapit sa kanya, natuklasan ko na siya si Laban.

9 At namasdan ko ang kanyang espada, at hinugot ko ito sa kaluban niyon; at ang puluhan niyon ay lantay na ginto, at ang pagkakayari niyon ay lubhang napakainam, at nakita ko na yari sa natatanging asero ang talim niyon.

10 At ito ay nangyari na pinilit ako ng Espiritu na dapat kong patayin si Laban; datapwat winika ko sa aking puso: Hindi pa ako kailanman nagpadanak ng dugo ng tao. At ako ay napaurong at ninais na huwag ko siyang patayin.

11 At ang Espiritu ay muling nangusap sa akin: Dinggin, ibinigay siya ng Panginoon sa iyong mga kamay. Oo, at alam ko ring hinangad niyang kitlin ang aking buhay; oo, at ayaw niyang makinig sa mga kautusan ng Panginoon; at kanya ring kinuha ang aming ari-arian.

12 At ito ay nangyari na muling nangusap sa akin ang Espiritu: Patayin mo siya, sapagkat ibinigay siya ng Panginoon sa iyong mga kamay;

13 Dinggin, pinapatay ng Panginoon ang masasama upang maisagawa ang kanyang mga matwid na layunin. Higit na mabuting masawi ang isang tao kaysa ang isang bansa ay tuluyang manghina at masawi sa kawalang-paniniwala.

14 At ngayon, nang ako, si Nephi, ay narinig ang mga salitang ito, naalala ko ang mga salita ng Panginoon na winika niya sa akin sa ilang, sinasabing: Yamang ang iyong mga binhi ay sumusunod sa aking mga kautusan, sila ay uunlad sa lupang pangako.

15 Oo, at naisip ko ring hindi nila masusunod ang mga kautusan ng Panginoon alinsunod sa batas ni Moises, maliban kung nasa kanila ang batas.

16 At alam ko rin na ang batas ay nakaukit sa mga laminang tanso.

17 At muli, alam kong ibinigay ng Panginoon si Laban sa aking mga kamay para sa layuning ito—upang mapasaakin ang mga talaan alinsunod sa kanyang mga kautusan.

18 Samakatwid, sinunod ko ang tinig ng Espiritu, at hinawakan ko si Laban sa buhok, at pinugot ko ang kanyang ulo gamit ang sarili niyang espada.

19 At matapos kong pugutin ang kanyang ulo gamit ang sarili niyang espada, kinuha ko ang mga kasuotan ni Laban at isinuot ko sa aking katawan; oo, maging ang pinakamumunting bagay; at ibinigkis ko ang kanyang baluti sa aking balakang.

20 At matapos kong magawa ito, ako ay nagtungo sa kabang-yaman ni Laban. At nang ako ay patungo sa kabang-yaman ni Laban, dinggin, nakita ko ang tagapagsilbi ni Laban na siyang mayhawak ng mga susi ng kabang-yaman. At inutusan ko siya sa tinig ni Laban, na dapat siyang sumama sa akin sa kabang-yaman.

21 At inakala niyang ako ang panginoon niyang si Laban, sapagkat namasdan niya ang mga kasuotan at gayundin ang espada na nakabigkis sa aking balakang.

22 At siya ay nangusap sa akin hinggil sa matatanda sa mga Judio, sapagkat nalalaman niya na ang kanyang panginoong si Laban ay lumabas nang gabing yaon na kasama nila.

23 At nakipag-usap ako sa kanya na para bang si Laban.

24 At sinabi ko rin sa kanya na kailangan kong dalhin ang mga inukit na nasa mga laminang tanso sa aking mga nakatatandang kapatid na nasa labas ng mga pader.

25 At inutusan ko rin siya na dapat siyang sumunod sa akin.

26 At siya, sa pag-aakalang ang mga kapatid sa simbahan ang tinutukoy ko, at na ako ay tunay na si Laban na aking pinatay, dahil dito, siya ay sumunod sa akin.

27 At nangusap siya sa akin nang maraming ulit hinggil sa matatanda sa mga Judio, habang ako ay patungo sa aking mga kapatid, na nasa labas ng mga pader.

28 At ito ay nangyari na nang makita ako ni Laman, siya ay lubhang natakot, at gayundin sina Lemuel at Sam. At sila ay tumakbong papalayo sa akin; sapagkat inakala nilang ako si Laban, at na ako ay kanyang napatay at naghahangad na kitlin din ang kanilang mga buhay.

29 At ito ay nangyari na tinawag ko sila, at narinig nila ako; kaya nga, huminto sila sa pagtakbong palayo sa akin.

30 At ito ay nangyari na nang mamasdan ng tagapagsilbi ni Laban ang aking mga kapatid, nagsimula siyang manginig, at tatakas na sana palayo sa akin at babalik sa lungsod ng Jerusalem.

31 At ngayon, ako, si Nephi, na isang lalaking may malaking pangangatawan, at nakatanggap din ng pambihirang lakas mula sa Panginoon, kaya nga, sinunggaban ko ang tagapagsilbi ni Laban, at pinigilan siya, upang huwag siyang makatakas.

32 At ito ay nangyari na nangusap ako sa kanya, na kung pakikinggan niya ang aking mga salita, yamang ang Panginoon ay buhay, at yamang ako ay nabubuhay, na kung makikinig siya sa aming mga salita, hahayaan namin siyang mabuhay.

33 At ako ay nangusap sa kanya, maging nang may panunumpa, na hindi siya dapat matakot; na siya ay magiging isang malayang tao na katulad namin kung bababa siya kasama namin sa ilang.

34 At nangusap din ako sa kanya, sinasabing: Tunay na ang Panginoon ang nag-utos sa aming gawin ang bagay na ito; at hindi ba dapat na maging masigasig kami sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon? Kaya nga, kung bababa ka sa ilang sa aking ama, ikaw ay magkakaroon ng lugar sa amin.

35 At ito ay nangyari na nagkalakas ng loob si Zoram sa mga salitang aking sinabi. Ngayon, Zoram ang pangalan ng tagapagsilbi; at nangako siyang bababa patungo sa ilang sa aming ama. Oo, at nanumpa rin siya sa amin na siya ay mamamalagi sa amin mula sa panahong yaon.

36 Ngayon, ninais namin na siya ay mamalagi sa amin sa ganitong dahilan, upang huwag malaman ng mga Judio ang hinggil sa aming pagtakas patungo sa ilang, sapagkat baka kami ay kanilang tugisin at patayin kami.

37 At ito ay nangyari na nang manumpa si Zoram sa amin, nawala ang aming takot hinggil sa kanya.

38 At ito ay nangyari na aming kinuha ang mga laminang tanso at isinama ang tagapagsilbi ni Laban, at lumisan patungo sa ilang, at naglakbay patungo sa tolda ng aming ama.