Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 5


Kabanata 5

Dumaing si Saria laban kay Lehi—Kapwa sila nagalak sa pagbabalik ng kanilang mga anak—Nag-alay sila ng mga hain—Ang mga laminang tanso ay naglalaman ng mga sulat ni Moises at ng mga propeta—Tinukoy ng mga lamina si Lehi bilang isang inapo ni Jose—Nagpropesiya si Lehi hinggil sa kanyang mga binhi at sa pangangalaga sa mga lamina. Mga 600–592 B.C.

1 At ito ay nangyari na matapos kaming magtungo pababa sa ilang sa aming ama, dinggin, siya ay napuspos ng galak, at gayundin ang aking inang si Saria ay lubhang nagalak, sapagkat tunay na nagdalamhati siya dahil sa amin.

2 Sapagkat inakala niya na kami ay nangasawi sa ilang; at siya rin ay dumaing laban sa aking ama, sinasabi sa kanya na isa siyang mapangitaing tao; sinasabing: Dinggin, inilayo mo kami sa lupaing ating mana, at ang aking mga anak ay wala na, at tayo ay masasawi sa ilang.

3 At sa ganitong pamamaraan ng pananalita dumaing ang aking ina laban sa aking ama.

4 At ito ay nangyari na nangusap sa kanya ang aking ama, sinasabing: Alam ko na ako ay isang mapangitaing tao; sapagkat kung hindi ko nakita ang mga bagay ng Diyos sa isang pangitain, hindi ko sana naunawaan ang kabutihan ng Diyos, kundi nanatili sa Jerusalem, at nasawi kasama ng aking mga kapatid.

5 Ngunit dinggin, aking natamo ang isang lupang pangako, na sa bagay na ito ay nagagalak ako; oo, at alam kong ililigtas ng Panginoon ang aking mga anak mula sa mga kamay ni Laban, at dadalhin silang muli pababa sa atin sa ilang.

6 At sa ganitong pamamaraan ng pananalita inalo ng aking amang si Lehi ang aking inang si Saria, hinggil sa amin, habang kami ay naglalakbay sa ilang patungo sa lupain ng Jerusalem, upang makuha ang talaan ng mga Judio.

7 At nang kami ay nakabalik na sa tolda ng aking ama, dinggin, ang kanilang kagalakan ay nalubos, at naalo ang aking ina.

8 At siya ay nangusap, sinasabing: Ngayon, nalalaman ko nang may katiyakan na inutusan ng Panginoon ang aking asawa na tumakas patungo sa ilang; oo, at nalalaman ko rin nang may katiyakan na pinangalagaan ng Panginoon ang aking mga anak, at iniligtas sila mula sa mga kamay ni Laban, at binigyan sila ng kapangyarihan upang maisagawa nila ang bagay na iniutos ng Panginoon sa kanila. At sa ganitong pamamaraan ng pananalita siya nangusap.

9 At ito ay nangyari na lubha silang nagalak, at nag-alay ng hain at mga handog na susunugin sa Panginoon; at sila ay nagbigay ng pasasalamat sa Diyos ng Israel.

10 At matapos na sila ay makapagbigay-pasasalamat sa Diyos ng Israel, kinuha ng aking amang si Lehi ang mga talang nakaukit sa mga laminang tanso, at sinaliksik niya ang mga yaon mula sa simula.

11 At namasdan niya na nilalaman niyon ang limang aklat ni Moises, na nagbibigay-ulat tungkol sa paglikha ng daigdig, at gayundin kina Adan at Eva, na ating mga unang magulang;

12 At gayundin ang isang tala ng mga Judio mula sa simula, maging hanggang sa pagsisimula ng paghahari ni Zedekias, hari ng Juda;

13 At gayundin ang mga propesiya ng mga banal na propeta, mula sa simula, maging hanggang sa pagsisimula ng paghahari ni Zedekias; at gayundin ang marami sa mga propesiyang binigkas ng bibig ni Jeremias.

14 At ito ay nangyari na natagpuan din ng aking amang si Lehi sa mga laminang tanso ang isang talaangkanan ng kanyang mga ama; kaya nga, nalaman niya na siya ay inapo ni Jose; oo, maging iyon ding Jose na anak ni Jacob, na ipinagbili sa Egipto, at pinangalagaan ng kamay ng Panginoon upang mapangalagaan niya ang kanyang amang si Jacob at ang kanyang buong sambahayan mula sa pagkasawi sa taggutom.

15 At sila ay pinalaya rin mula sa pagkabihag at mula sa lupain ng Egipto, ng yaon ding Diyos na nangalaga sa kanila.

16 At sa gayon natuklasan ng aking amang si Lehi ang talaangkanan ng kanyang mga ama. At si Laban ay inapo rin ni Jose, kaya nga iningatan niya at ng kanyang mga ama ang mga talaan.

17 At ngayon, nang mapag-alaman ng aking ama ang lahat ng bagay na ito, siya ay napuspos ng Espiritu, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa kanyang mga binhi—

18 Na ang mga laminang tansong ito ay hahayo sa lahat ng bansa, lahi, wika, at tao na kanyang mga binhi.

19 Anupa’t sinabi niya na ang mga laminang tansong ito ay hindi kailanman masisira; ni hindi palalabuin ng panahon. At siya ay nagpropesiya ng maraming bagay hinggil sa kanyang mga binhi.

20 At ito ay nangyari na hanggang sa gayon, sinunod ko at ng aking ama ang mga kautusang iniutos sa amin ng Panginoon.

21 At aming nakuha ang mga talaang iniutos ng Panginoon sa amin, at sinaliksik ang mga yaon at natuklasan na ang mga yaon ay kanais-nais; oo, maging napakahalaga para sa amin kung kaya’t maaari naming mapanatili ang mga kautusan ng Panginoon sa aming mga anak.

22 Samakatwid, ito ay karunungan ng Panginoon na dapat naming dalhin ang mga yaon, habang kami ay naglalakbay sa ilang patungo sa lupang pangako.