Kabanata 8
Nakakita si Lehi ng isang pangitain ng punungkahoy ng buhay—Kinain niya ang bunga nito at ninais niyang gayundin ang gawin ng kanyang mag-anak—Nakakita siya ng isang gabay na bakal, isang makipot at makitid na landas, at ng abu-abo ng kadiliman na bumabalot sa mga tao—Sina Saria, Nephi, at Sam ay kumain ng bunga, subalit tumanggi sina Laman at Lemuel. Mga 600–592 B.C.
1 At ito ay nangyari na tinipon namin nang sama-sama ang lahat ng uri ng binhi, ng bawat uri ng butil, at gayundin ang mga binhi ng lahat ng uri ng bungang-kahoy.
2 At ito ay nangyari na habang nanatili ang aking ama sa ilang, nangusap siya sa amin, sinasabing: Dinggin, nanaginip ako ng isang panaginip; o, sa ibang mga salita, nakakita ako ng pangitain.
3 At dinggin, dahil sa bagay na aking nakita, may dahilan ako upang magalak sa Panginoon dahil kay Nephi at gayundin kay Sam; sapagkat may dahilan ako upang ipalagay na sila, at marami rin sa kanilang mga binhi, ay maliligtas.
4 Subalit dinggin, Laman at Lemuel, labis akong natatakot dahil sa inyo; sapagkat dinggin, batid kong nakakita ako sa aking panaginip ng isang madilim at mapanglaw na ilang.
5 At ito ay nangyari na nakakita ako ng isang lalaki, at nakasuot siya ng isang puting bata; at lumapit siya at tumayo sa aking harapan.
6 At ito ay nangyari na nangusap siya sa akin, at sinabihan akong sumunod sa kanya.
7 At ito ay nangyari na nang sumunod ako sa kanya, namasdan ko ang aking sarili na ako ay nasa isang madilim at mapanglaw na ilang.
8 At matapos na maglakbay ako sa loob ng maraming oras sa kadiliman, nagsimula akong manalangin sa Panginoon na maawa siya sa akin, alinsunod sa nag-uumapaw niyang magiliw na awa.
9 At ito ay nangyari na matapos akong manalangin sa Panginoon, nakamalas ako ng malaki at malawak na parang.
10 At ito ay nangyari na nakamalas ako ng isang punungkahoy, na ang bunga ay kanais-nais upang makapagpaligaya sa tao.
11 At ito ay nangyari na lumapit ako at kumain ng bunga nito; at napagtanto ko na napakatamis nito, higit pa sa lahat ng natikman ko na. Oo, at namasdan ko na ang bunga niyon ay puti, higit pa sa lahat ng kaputiang nakita ko na.
12 At nang kinain ko ang bunga niyon ay pinuspos nito ang aking kaluluwa ng labis na kagalakan; kaya nga, nagsimula akong magnais na makakain din nito ang aking mag-anak; sapagkat alam ko na ito ay higit na kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga.
13 At nang ilibot ko ang aking mga paningin, nagbabaka sakaling matagpuan ko rin ang aking mag-anak, nakamalas ako ng isang ilog ng tubig; at ito ay dumadaloy, at malapit ito sa punungkahoy kung saan ako kumakain ng bunga.
14 At tumingin ako upang mamasdan kung saan ito nagmula; at nakita ko ang dulo nito sa hindi kalayuan; at sa dulo nito ay namasdan ko ang inyong inang si Saria, at si Sam, at si Nephi; at nakatayo sila na waring hindi alam kung saan sila patutungo.
15 At ito ay nangyari na kinawayan ko sila; at sinabihan ko rin sila sa isang malakas na tinig na dapat silang lumapit sa akin, at kumain ng bunga, na higit na kanais-nais sa lahat ng iba pang bunga.
16 At ito ay nangyari na lumapit sila sa akin at kumain din ng bunga.
17 At ito ay nangyari na nagnais akong lumapit at kumain din ng bunga sina Laman at Lemuel; kaya nga, ibinaling ko ang aking mga paningin sa dulo ng ilog, nagbabaka sakaling makita ko sila.
18 At ito ay nangyari na nakita ko sila, subalit ayaw nilang lumapit sa akin at kumain ng bunga.
19 At nakamalas ako ng gabay na bakal, at ito ay nasa kahabaan ng pampang ng ilog, at patungo sa kinatatayuan kong punungkahoy.
20 At nakamalas din ako ng makipot at makitid na landas, na nasa kahabaan ng gabay na bakal, maging hanggang sa kinatatayuan kong punungkahoy, at patungo rin ito sa dulo ng bukal, patungo sa malaki at malawak na parang, na sa waring ito ay isang daigdig.
21 At nakakita ako ng hindi mabilang na lipumpon ng mga tao, marami sa kanila ay nagpapatuloy sa paglalakad, upang kanilang marating ang landas patungo sa kinatatayuan kong punungkahoy.
22 At ito ay nangyari na lumakad sila, at nagsimula sa landas na patungo sa punungkahoy.
23 At ito ay nangyari na may lumitaw na abu-abo ng kadiliman; oo, maging isang napakalaking abu-abo ng kadiliman, kung kaya nga’t sila na mga nagsimula sa landas ay nangaligaw, at sila ay nagpagala-gala at nangawala.
24 At ito ay nangyari na nakamalas ako ng iba pang nagpapatuloy sa paglalakad, at nagtungo sila at mahigpit na humawak sa dulo ng gabay na bakal; at sila ay nagpatuloy sa paglalakad sa abu-abo ng kadiliman, mahigpit na nakakapit sa gabay na bakal, maging hanggang sa makalapit sila at makakain ng bunga ng punungkahoy.
25 At matapos na makakain sila ng bunga ng punungkahoy, inilibot nila ang kanilang mga paningin na sa wari ay nahihiya.
26 At inilibot ko rin ang aking mga paningin, at nakamalas, sa kabila ng ilog ng tubig, ng isang malaki at maluwang na gusali; at nakatayo ito na sa wari ay nasa hangin, nakalutang sa ibabaw ng lupa.
27 At puno ito ng tao, kapwa matanda at bata, kapwa lalaki at babae; at ang paraan ng kanilang pananamit ay labis na marangya; at sila ay nasa ayos ng panlalait at panduduro ng kanilang mga daliri doon sa mga yaong nagsitungo at kumakain ng bunga.
28 At matapos na matikman nila ang bunga ay nahiya sila, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at naligaw.
29 At ngayon, ako, si Nephi, ay hindi sinasabi ang lahat ng salita ng aking ama.
30 Subalit, upang mapaikli sa pagsusulat, dinggin, nakakita siya ng marami pang tao na nagpapatuloy sa paglalakad; at nakarating sila at mahigpit na humawak sa dulo ng gabay na bakal; at nagpatuloy sila sa kanilang paglalakad, patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal, hanggang sa nakarating sila at napatiluhod at nakakain ng bunga ng punungkahoy.
31 At nakita rin niya ang marami pang tao na kinakapa-kapa ang kanilang daraanan patungo sa malaki at maluwang na gusali.
32 At ito ay nangyari na marami ang nangalunod sa kailaliman ng bukal; at marami ang nangawala sa kanyang paningin, nagpagala-gala sa mga hindi kilalang daan.
33 At napakarami ng mga taong pumasok sa loob ng yaong hindi pangkaraniwang gusali. At matapos silang makapasok sa gusaling yaon ay idinuro nila ang daliri ng panlilibak sa akin at sa mga yaong kumakain din ng bunga; subalit hindi namin sila pinansin.
34 Ito ang mga salita ng aking ama: Kasindami ng pumansin sa kanila ay nangaligaw.
35 At hindi kumain ng bunga sina Laman at Lemuel, wika ng aking ama.
36 At ito ay nangyari na matapos sabihin ng aking ama ang kanyang buong panaginip o pangitain, na marami, sinabi niya sa amin, na dahil sa mga bagay na ito na nakita niya sa pangitain, labis siyang natatakot para kina Laman at Lemuel; oo, natatakot siya na baka itakwil sila mula sa harapan ng Panginoon.
37 At pagkatapos ay kanyang pinayuhan sila lakip ang lahat ng damdamin ng isang nagmamahal na magulang, na makinig sila sa kanyang mga salita, na baka sakaling maawa ang Panginoon sa kanila, at hindi sila itakwil; oo, pinangaralan sila ng aking ama.
38 At matapos niyang pangaralan sila, at nagpropesiya rin sa kanila ng maraming bagay, kanyang sinabihan silang sundin ang mga kautusan ng Panginoon; at huminto na siya sa pagsasalita sa kanila.