Mga Banal na Kasulatan
1 Nephi 9


Kabanata 9

Gumawa si Nephi ng dalawang uri ng talaan—Tinawag ang bawat isa na mga lamina ni Nephi—Ang malalaking lamina ay naglalaman ng kanilang sekular na kasaysayan; ang maliliit naman ay mas tumatalakay sa mga sagradong bagay. Mga 600–592 B.C.

1 At ang lahat ng bagay na ito ay nakita, at narinig, at sinabi ng aking ama, habang nananahan siya sa isang tolda sa lambak ng Lemuel, at maraming-marami pa ring bagay na hindi maaaring isulat sa mga laminang ito.

2 At ngayon, tulad ng sinabi ko hinggil sa mga laminang ito, dinggin, hindi yaon ang mga laminang ginawan ko ng buong ulat ng kasaysayan ng aking mga tao; sapagkat ang mga laminang ginawan ko ng buong ulat ng aking mga tao ay binigyan ko ng pangalang Nephi; kaya nga, tinatawag ang mga yaon na mga lamina ni Nephi, alinsunod sa aking pangalan; at tinatawag din ang mga laminang ito na mga lamina ni Nephi.

3 Gayunman, nakatanggap ako ng kautusan mula sa Panginoon na dapat kong gawin ang mga laminang ito, para sa natatanging layunin na magkaroon ng isang ulat na nakaukit tungkol sa mga ministeryo ng aking mga tao.

4 Sa iba pang mga lamina ay iuukit ang ulat ng paghahari ng mga hari, at ng mga digmaan at alitan ng aking mga tao; kaya nga, ang mga laminang ito ay para sa mas malaking bahagi ng ministeryo; at ang iba pang mga lamina ay para sa mas malaking bahagi ng paghahari ng mga hari at ng mga digmaan at alitan ng aking mga tao.

5 Anupa’t inutusan ako ng Panginoon na gawin ang mga laminang ito para sa isang matalinong layunin sa kanya, na layuning hindi ko nalalaman.

6 Subalit nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay mula sa simula; kaya nga, naghahanda siya ng paraan upang maisakatuparan ang lahat ng kanyang gawain sa mga anak ng tao; sapagkat dinggin, taglay niya ang lahat ng kapangyarihan para sa katuparan ng lahat ng kanyang salita. At gayon nga ito. Amen.