Ang Aklat ni Mormon
Kabanata 1
Tinagubilinan ni Amaron si Mormon hinggil sa mga banal na talaan—Nagsimula ang digmaan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita—Inialis ang Tatlong Nephita—Namayani ang kasamaan, kawalang-paniniwala, mga panggagaway, at pangkukulam. Mga A.D. 321–326.
1 At ngayon, ako, si Mormon, ay gumagawa ng talaan ng mga bagay na aking kapwa nakita at narinig, at tinatawag itong Aklat ni Mormon.
2 At sa mga panahong ikinubli ni Amaron ang mga talaan para sa Panginoon, siya ay nagtungo sa akin, (ako na mga sampung taong gulang na, at nagsimula kong matutuhan ang halos lahat alinsunod sa pamamaraan ng karunungan ng aking mga tao) at sinabi ni Amaron sa akin: Nahihiwatigan ko na ikaw ay isang batang mahinahon, at mabilis magmasid;
3 Samakatwid, kapag ikaw ay mga dalawampu’t apat na taong gulang na, nais kong iyong alalahanin ang mga bagay na iyong namasid hinggil sa mga taong ito; at kapag ikaw ay nasa gayong gulang na, magtungo ka sa lupain ng Antum, sa burol na tatawaging Shim; at doon ay itinago ko para sa Panginoon ang lahat ng banal na ukit hinggil sa mga taong ito.
4 At dinggin, iyong kukunin ang mga lamina ni Nephi sa iyong sarili, at ang nalalabi ay iiwan mo sa pook kung saan naroroon ang mga yaon; at iyong iuukit sa mga lamina ni Nephi ang lahat ng bagay na iyong namasid hinggil sa mga taong ito.
5 At ako, si Mormon, na isang inapo ni Nephi, (at ang pangalan ng aking ama ay Mormon) aking naalala ang mga bagay na iniutos sa akin ni Amaron.
6 At ito ay nangyari na ako, na labing-isang taong gulang na, ay dinala ng aking ama sa lupaing patimog, maging sa lupain ng Zarahemla.
7 Ang ibabaw ng buong lupain ay napuno ng mga gusali, at ang mga tao ay halos kasindami ng bilang ng buhangin sa dagat.
8 At ito ay nangyari na sa taong ito, nagsimulang magkaroon ng isang digmaan sa pagitan ng mga Nephita, na binubuo ng mga Nephita at ng mga Jacobita at ng mga Josefita at ng mga Zoramita; at ang digmaang ito ay sa pagitan ng mga Nephita, at ng mga Lamanita at ng mga Lemuelita at ng mga Ismaelita.
9 Ngayon, ang mga Lamanita at ang mga Lemuelita at ang mga Ismaelita ay tinawag na mga Lamanita, at ang dalawang pangkat ay mga Nephita at Lamanita.
10 At ito ay nangyari na nagsimula ang digmaan sa kanila sa mga hangganan ng Zarahemla, sa may katubigan ng Sidon.
11 At ito ay nangyari na nangalap ang mga Nephita ng malaking bilang ng mga tauhan, maging humigit pa sa bilang na tatlumpung libo. At ito ay nangyari na nagkaroon sila sa taon ding ito ng ilang digmaan, kung saan nagapi ng mga Nephita ang mga Lamanita at napatay ang marami sa kanila.
12 At ito ay nangyari na iniurong ng mga Lamanita ang kanilang balak, at nagkaroon ng kapayapaan sa lupain; at ang kapayapaan ay nanatili sa loob ng mga apat na taon, na walang dumanak na dugo.
13 Ngunit ang kasamaan ay namayani sa ibabaw ng buong lupain, kung kaya’t inialis ng Panginoon ang kanyang mga minamahal na disipulo, at ang mga paggawa ng himala at ng pagpapagaling ay natigil dahil sa kasamaan ng mga tao.
14 At walang mga kaloob mula sa Panginoon, at ang Espiritu Santo ay hindi sumakanino man, dahil sa kanilang kasamaan at kawalang-paniniwala.
15 At ako, na labinlimang taong gulang na, at sapagkat kahit paano ay may kahinahunan ng pag-iisip, kaya nga ako ay dinalaw ng Panginoon, at natikman at nalaman ang kabutihan ni Jesus.
16 At ako ay sumubok na mangaral sa mga taong ito, ngunit ang aking bibig ay itinikom, at pinagbawalan akong mangaral sa kanila; sapagkat dinggin, sinadya nilang maghimagsik laban sa kanilang Diyos; at ang mga minamahal na disipulo ay inialis sa lupain, dahil sa kanilang kasamaan.
17 Ngunit ako ay nanatili sa kanila, subalit pinagbawalan akong mangaral sa kanila, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso; at dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, ang lupain ay isinumpa dahil sa kanila.
18 At itong mga tulisan ni Gadianton na nasa mga Lamanita, ay namugad sa lupain, kung kaya nga’t ang mga nananahanan doon ay nagsimulang itago sa lupa ang kanilang mga kayamanan; at ang mga yaon ay naging madulas, dahil isinumpa ng Panginoon ang lupain, na hindi na nila mahawakan ang mga yaon, ni hindi na mapanatiling muli ang mga yaon.
19 At ito ay nangyari na nagkaroon ng mga panggagaway, at pangungulam, at salamangka; at ang kapangyarihan ng yaong masama ay umiral sa ibabaw ng buong lupain, maging tungo sa katuparan ng lahat ng salita ni Abinadi, at gayundin ni Samuel, ang Lamanita.