Mga Banal na Kasulatan
Mormon 4


Kabanata 4

Nagpatuloy ang digmaan at pagkatay—Pinarurusahan ng masasama ang masasama—Higit na kasamaan ang namayani nang higit pa kaysa noon sa buong Israel—Inialay ang mga kababaihan at bata sa mga diyus-diyusan—Nagsimulang lipulin ng mga Lamanita ang mga Nephita. Mga A.D. 363–375.

1 At ngayon, ito ay nangyari na sa ikatatlong daan at animnapu’t tatlong taon, ang hukbo ng mga Nephita ay umahon upang makidigma sa mga Lamanita, sa labas ng lupain ng Kapanglawan.

2 At ito ay nangyari na muling naitaboy ang hukbo ng mga Nephita pabalik sa lupain ng Kapanglawan. At habang sila ay pagod pa, isang bagong hukbo ng mga Lamanita ang sumalakay sa kanila; at nagkaroon sila ng masidhing labanan, kung kaya nga’t nasakop ng mga Lamanita ang lungsod ng Kapanglawan, at napatay ang marami sa mga Nephita, at nadalang bihag ang marami.

3 At ang mga nalabi ay tumakas at sumama sa mga naninirahan sa lungsod ng Tiankum. Ngayon, ang lungsod ng Tiankum ay nasa mga hangganan na malapit sa dalampasigan; at iyon ay malapit din sa lungsod ng Kapanglawan.

4 At dahil ang mga hukbo ng mga Nephita ang sumalakay sa mga Lamanita kung kaya’t sila ay nagsimulang parusahan; sapagkat kung hindi dahil doon, hindi sana magkakaroon ng kapangyarihan ang mga Lamanita sa kanila.

5 Ngunit dinggin, ang mga kahatulan ng Diyos ay aabot sa masasama; at sa pamamagitan ng masasama ay pinarurusahan ang masasama; sapagkat ang yaong masasama ang pumupukaw sa puso ng mga anak ng tao sa pagpapadanak ng dugo.

6 At ito ay nangyari na nagsagawa ang mga Lamanita ng mga paghahanda sa pagsalakay laban sa lungsod ng Tiankum.

7 At ito ay nangyari na sa ikatatlong daan at animnapu’t apat na taon, ang mga Lamanita ay sumalakay laban sa lungsod ng Tiankum, upang kanila ring maangkin ang lungsod ng Tiankum.

8 At ito ay nangyari na sila ay napaurong at naitaboy pabalik ng mga Nephita. At nang makita ng mga Nephita na kanilang naitaboy ang mga Lamanita, sila ay muling nagmalaki sa kanilang sariling lakas; at sila ay sumalakay sa kanilang sariling lakas, at muli nilang naangkin ang lungsod ng Kapanglawan.

9 At ngayon, ang lahat ng bagay na ito ay nangyari, at may libu-libong napatay sa magkabilang panig, kapwa sa mga Nephita at sa mga Lamanita.

10 At ito ay nangyari na lumipas ang ikatatlong daan at animnapu’t anim na taon, at muling sumalakay ang mga Lamanita sa mga Nephita upang makidigma; at gayunman, ang mga Nephita ay hindi nagsipagsisi sa kasamaang kanilang nagawa, kundi patuloy na nanatili sa kanilang kasamaan.

11 At hindi maaaring mailarawan ng dila, o maisulat ng isang tao ang ganap na larawan ng kasindak-sindak na tanawin ng pagdanak ng dugo at pagkatay na nasa mga tao, kapwa sa mga Nephita at sa mga Lamanita; at ang bawat puso ay tumigas, kung kaya’t sila ay patuloy na nalugod sa pagpapadanak ng dugo.

12 At hindi kailanman nagkaroon ng gayong kalaking kasamaan sa lahat ng anak ni Lehi, ni maging sa buong sambahayan ni Israel, ayon sa mga salita ng Panginoon, na katulad ng nasa mga taong ito.

13 At ito ay nangyari na naangkin ng mga Lamanita ang lungsod ng Kapanglawan, at ito ay dahil ang kanilang bilang ay higit sa bilang ng mga Nephita.

14 At sila rin ay sumalakay laban sa lungsod ng Tiankum, at itinaboy palabas ang mga naninirahan dito, at maraming dinalang bihag na kapwa mga kababaihan at bata, at inialay sila bilang mga hain sa kanilang mga diyus-diyusan.

15 At ito ay nangyari na sa ikatatlong daan at animnapu’t pitong taon, ang mga Nephita na nagagalit sapagkat inialay ng mga Lamanita ang kanilang kababaihan at ang kanilang mga anak, kung kaya’t sila ay sumalakay laban sa mga Lamanita sa matinding galit, hanggang sa muli nilang nagapi ang mga Lamanita, at naitaboy silang palabas ng kanilang mga lupain.

16 At ang mga Lamanita ay hindi na muling sumalakay sa mga Nephita hanggang sa ikatatlong daan at pitumpu’t limang taon.

17 At sa taong ito, sila ay sumalakay sa mga Nephita nang buo nilang lakas; at hindi sila nabilang dahil sa kalakihan ng kanilang bilang.

18 At magmula sa panahong ito, ang mga Nephita ay hindi na nagkaroon pa ng kapangyarihan laban sa mga Lamanita, sa halip, nagsimulang mapuksa nila maging tulad ng hamog sa harapan ng araw.

19 At ito ay nangyari na sumalakay ang mga Lamanita sa lungsod ng Kapanglawan; at nagkaroon ng lubhang masidhing labanan sa lupaing Kapanglawan; kung saan kanilang nagapi ang mga Nephita.

20 At muli silang tumakas mula sa kanilang harapan, at sila ay nakarating sa lungsod ng Boaz; at doon sila humarap nang buong katapangan laban sa mga Lamanita, kung kaya’t hindi sila nagapi ng mga Lamanita hanggang sa muli silang sumalakay sa ikalawang pagkakataon.

21 At nang sila ay sumalakay sa ikalawang pagkakataon, ang mga Nephita ay naitaboy at napatay sa isang lubhang malupit na pagkatay; ang kanilang kababaihan at kanilang mga anak ay muling inialay sa mga diyus-diyusan.

22 At ito ay nangyari na muling tumakas ang mga Nephita mula sa kanilang harapan, isinasama sa kanila ang lahat ng naninirahan, kapwa sa mga bayan at nayon.

23 At ngayon, ako, si Mormon, nakikitang malapit nang mapabagsak ng mga Lamanita ang lupain, kaya nga, ako ay nagtungo sa burol ng Shim, at kinuha ang lahat ng talaang ikinubli ni Amaron para sa Panginoon.