Mga Banal na Kasulatan
Mormon 2


Kabanata 2

Pinamunuan ni Mormon ang mga hukbo ng mga Nephita—Lumaganap sa lupain ang pagdanak ng dugo at pagkatay—Ang mga Nephita ay namighati at nagdalamhati sa kalungkutan ng mga isinumpa—Lumipas na ang kanilang araw ng palugit—Kinuha ni Mormon ang mga lamina ni Nephi—Nagpatuloy ang mga digmaan. Mga A.D. 327–350.

1 At ito ay nangyari na sa taon ding yaon, muling nagsimulang magkaroon ng digmaan sa pagitan ng mga Nephita at ng mga Lamanita. At sa kabila ng aking pagiging bata ay malaki ang aking pangangatawan; kaya nga ako ay hinirang ng mga tao ni Nephi na ako ang maging pinuno nila, o ang pinuno ng kanilang mga hukbo.

2 Samakatwid, ito ay nangyari na sa aking ikalabing-anim na taon, ako ay humayo sa unahan ng hukbo ng mga Nephita, laban sa mga Lamanita; sa gayon, tatlong daan at dalawampu’t anim na taon na ang nakalipas.

3 At ito ay nangyari na sa ikatatlong daan at dalawampu’t pitong taon, kami ay sinalakay ng mga Lamanita nang may labis na lakas, hanggang sa natakot nila ang aking mga hukbo; kaya nga tumanggi silang lumaban, at nagsimula silang magsiurong patungo sa mga hilagang bayan.

4 At ito ay nangyari na nakarating kami sa lungsod ng Angola, at inangkin namin ang lungsod, at gumawa ng mga paghahanda upang maipagtanggol ang aming sarili laban sa mga Lamanita. At ito ay nangyari na pinatibay namin ang lungsod gamit ang aming buong lakas; subalit sa kabila ng lahat ng aming pagpapatibay, kami ay nasalakay pa rin ng mga Lamanita at naitaboy kami palabas ng lungsod.

5 At naitaboy rin nila kami palabas ng lupain ng David.

6 At humayo kami at nakarating sa lupain ng Josue, na nasa mga hangganang kanluran, malapit sa dalampasigan.

7 At ito ay nangyari na mabilis naming tinipon ang aming mga tao hangga’t maaari, upang matipon namin sila sa iisang pangkat.

8 Subalit dinggin, ang lupain ay puno ng mga tulisan at ng mga Lamanita; at sa kabila ng malaking pagkalipol na nakaantabay sa aking mga tao, hindi sila nagsisi sa kanilang masasamang gawain; kaya nga ang pagdanak ng dugo at pagkatay ay lumaganap sa ibabaw ng buong lupain, kapwa sa panig ng mga Nephita at sa panig din ng mga Lamanita; at ito ay isang ganap na kaguluhan sa ibabaw ng buong lupain.

9 At ngayon, may hari ang mga Lamanita, at ang kanyang pangalan ay Aaron; at sinalakay niya kami kasama ang isang hukbo ng apatnapu’t apat na libo. At dinggin, hinarap ko siya kasama ang apatnapu’t dalawang libo. At ito ay nangyari na nagapi ko siya sa pamamagitan ng aking hukbo kung kaya’t tumakas siya sa aking harapan. At dinggin, naganap ang lahat ng ito, at lumipas ang tatlong daan at tatlumpung taon.

10 At ito ay nangyari na nagsimulang magsisi ang mga Nephita sa kanilang kasamaan, at nagsimulang sumigaw maging tulad ng ipinropesiya ni Samuel, ang propeta; sapagkat dinggin, walang sinuman ang nakapagpapanatili ng kanyang sariling pag-aari, dahil sa mga magnanakaw, at sa mga tulisan, at sa mga mamamatay-tao, at sa pagsasalamangka, at sa pangkukulam na nasa lupain.

11 Sa gayon nagsimulang magkaroon ng pagdadalamhati at pananaghoy sa buong lupain dahil sa mga bagay na ito, at lalung-lalo na sa mga tao ni Nephi.

12 At ito ay nangyari na nang ako, si Mormon, ay nakita ang kanilang pananaghoy at kanilang pagdadalamhati at kanilang kalungkutan sa harapan ng Panginoon, nagsimulang magalak ang aking puso, nalalaman ang mga awa at ang mahabang pagtitiis ng Panginoon, kaya nga, ipinalalagay ko na magiging maawain siya sa kanila na sila ay muling magiging mga matwid na tao.

13 Subalit dinggin, itong aking kagalakan ay walang saysay, sapagkat ang kanilang kalungkutan ay hindi tungo sa pagsisisi, dahil sa kabutihan ng Diyos; kundi ito ang kalungkutan ng mga isinumpa dahil sa hindi sila laging pahihintulutan ng Panginoon na lumigaya sa kasalanan.

14 At hindi sila lumapit kay Jesus nang may mga bagbag na puso at nagsisising espiritu, kundi isinumpa nila ang Diyos, at naghangad na mamatay. Gayunpaman, nakipaglaban sila gamit ang espada para sa kanilang mga buhay.

15 At ito ay nangyari na muling bumalik sa akin ang kalungkutan ko, at nakita ko na ang araw ng palugit ay lumipas na sa kanila, kapwa sa temporal at espirituwal; sapagkat nakita ko na libu-libo sa kanila ang napatay sa hayagang paghihimagsik laban sa kanilang Diyos, at ibinunton tulad ng pataba sa lupa sa ibabaw ng lupain. At sa gayon lumipas ang tatlong daan at apatnapu’t apat na taon.

16 At ito ay nangyari na sa ikatatlong daan at apatnapu’t limang taon, ang mga Nephita ay nagsimulang magsitakas sa harapan ng mga Lamanita; at sila ay tinugis hanggang sa makarating sila maging sa lupain ng Jashon, bago pa man sila nagawang pigilan sa kanilang pag-urong.

17 At ngayon, ang lungsod ng Jashon ay malapit sa lupain kung saan itinago ni Amaron ang mga talaan para sa Panginoon, upang hindi mawasak ang mga ito. At dinggin, ako ay humayo alinsunod sa salita ni Amaron, at kinuha ang mga lamina ni Nephi, at gumawa ng isang tala alinsunod sa mga salita ni Amaron.

18 At sa mga lamina ni Nephi, ako ay gumawa ng buong ulat ng lahat ng kasamaan at karumal-dumal na gawain; subalit sa mga laminang ito ay nagpigil akong gumawa ng buong ulat ng kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain, sapagkat dinggin, isang patuloy na tagpo ng kasamaan at mga karumal-dumal na gawain ang nakatambad sa harapan ng aking mga mata simula pa noong magkaroon ako ng kakayahang mamasdan ang mga gawi ng tao.

19 At sa aba sa akin dahil sa kanilang kasamaan; sapagkat ang aking puso ay napuspos ng kalungkutan dahil sa kanilang kasamaan, sa lahat ng araw ko; gayunpaman, nalalaman ko na ako ay dadakilain sa huling araw.

20 At ito ay nangyari na sa taong ito, ang mga tao ni Nephi ay muling tinugis at itinaboy. At ito ay nangyari na naitaboy kami hanggang sa makarating kami pahilaga sa lupaing tinatawag na Sem.

21 At ito ay nangyari na pinatibay namin ang lungsod ng Sem, at tinipon namin ang aming mga tao hangga’t maaari, na baka sakaling mailigtas namin sila mula sa pagkalipol.

22 At ito ay nangyari na sa ikatatlong daan at apatnapu’t anim na taon, sila ay muling nagsimulang sumalakay sa amin.

23 At ito ay nangyari na nangusap ako sa aking mga tao, at hinikayat sila nang buong lakas, na buong tapang silang tumindig sa harapan ng mga Lamanita at makipaglaban para sa kanilang mga asawa, at kanilang mga anak, at kanilang mga bahay, at kanilang mga tahanan.

24 At ang aking mga salita ay bahagyang napukaw sila na lumakas, kung kaya nga’t hindi sila nagsitakas mula sa harapan ng mga Lamanita, kundi lumaban nang buong tapang sa kanila.

25 At ito ay nangyari na nakipaglaban kami na isang hukbo ng tatlumpung libo laban sa isang hukbo ng limampung libo. At ito ay nangyari na tumindig kami sa kanilang harapan nang buong katatagan kung kaya’t nagsitakas sila mula sa aming harapan.

26 At ito ay nangyari na nang magsitakas sila, tinugis namin sila ng aming mga hukbo, at muli silang hinarap, at nagapi sila; gayunpaman, ang lakas ng Panginoon ay wala sa amin; oo, kami ay naiwan sa aming sarili, na ang Espiritu ng Panginoon ay hindi nanatili sa amin; kaya nga naging mahihina kami na katulad ng aming mga kapatid.

27 At ang aking puso ay nalungkot dahil dito sa malaking kapahamakan ng aking mga tao, dahil sa kanilang kasamaan at kanilang mga karumal-dumal na gawain. Subalit dinggin, kami ay humayo laban sa mga Lamanita at sa mga tulisan ni Gadianton, hanggang sa muli naming naangkin ang mga lupaing aming mana.

28 At ang tatlong daan at apatnapu’t siyam na taon ay lumipas. At sa ikatatlong daan at limampung taon, kami ay nakipagkasundo sa mga Lamanita at sa mga tulisan ni Gadianton, kung saan ay hinati-hati namin ang mga lupaing aming mana.

29 At ibinigay sa amin ng mga Lamanita ang lupaing pahilaga, oo, maging hanggang sa makitid na daan patungo sa lupaing patimog. At ibinigay namin sa mga Lamanita ang lahat ng lupaing patimog.