Mga Banal na Kasulatan
Mormon 3


Kabanata 3

Nangaral si Mormon ng pagsisisi sa mga Nephita—Sila ay nagtamo ng malaking tagumpay at nagmalaki sa kanilang sariling lakas—Tumanggi si Mormon na pamunuan sila, at ang kanyang mga panalangin para sa kanila ay walang pananampalataya—Inaanyayahan ng Aklat ni Mormon ang labindalawang lipi ni Israel na maniwala sa ebanghelyo. Mga A.D. 360–362.

1 At ito ay nangyari na hindi na muling nakidigma ang mga Lamanita hanggang sa sampung taon pa ang lumipas. At dinggin, pinakilos ko ang aking mga tao, ang mga Nephita, sa paghahanda ng kanilang mga lupain at kanilang mga sandata laban sa panahon ng digmaan.

2 At ito ay nangyari na sinabi ng Panginoon sa akin: Mangaral sa mga taong ito—Magsisi kayo, at lumapit sa akin, at magpabinyag kayo, at muling itatag ang aking simbahan, at kayo ay maliligtas.

3 At ako ay nangaral sa mga taong ito, subalit ito ay nawalang-kabuluhan; at hindi nila naunawaan na ang Panginoon ang siyang nagligtas sa kanila, at nagkaloob sa kanila ng pagkakataon na makapagsisi. At dinggin, pinatigas nila ang kanilang mga puso laban sa Panginoon nilang Diyos.

4 At ito ay nangyari na matapos lumipas ang ikasampung taong ito, na sa kabuuan ay tatlong daan at animnapung taon mula nang pumarito si Cristo, ang hari ng mga Lamanita ay nagpadala sa akin ng isang liham, na ipinaaalam sa akin na sila ay naghahanda upang muling makidigma laban sa amin.

5 At ito ay nangyari na iniutos ko sa aking mga tao na sama-samang tipunin ang kanilang sarili sa lupaing Kapanglawan, sa isang lungsod na nasa mga hangganan, malapit sa makitid na daan patungo sa lupaing patimog.

6 At doon namin inilagay ang aming mga hukbo, upang mapigilan namin ang mga hukbo ng mga Lamanita, upang hindi nila maangkin ang alinman sa aming mga lupain; kaya nga nagpatibay kami laban sa kanila nang aming buong lakas.

7 At ito ay nangyari na sa ikatatlong daan at animnapu’t isang taon, ang mga Lamanita ay sumalakay sa lungsod ng Kapanglawan upang makidigma laban sa amin; at ito ay nangyari na sa taong yaon, nagapi namin sila, kung kaya nga’t sila ay nagsibalik sa kanilang sariling mga lupain.

8 At sa ikatatlong daan at animnapu’t dalawang taon, sila ay muling sumalakay upang makidigma. At muli namin silang nagapi, at napatay ang malaking bilang nila, at ang kanilang mga patay ay itinapon sa dagat.

9 At ngayon, dahil sa malaking bagay na ito na nagawa ng aking mga tao, ang mga Nephita, sila ay nagsimulang magmalaki sa kanilang sariling lakas, at nagsimulang manumpa sa harapan ng kalangitan na ipaghihiganti nila sa kanilang sarili ang dugo ng kanilang mga kapatid na napatay ng kanilang mga kaaway.

10 At sila ay nanumpa sa kalangitan, at gayundin sa trono ng Diyos, na sila ay hahayo upang makipagdigma laban sa kanilang mga kaaway, at lilipulin sila mula sa ibabaw ng lupain.

11 At ito ay nangyari na ako, si Mormon, ay lubusan nang tumanggi simula noon na maging komandante at pinuno ng mga taong ito, dahil sa kanilang kasamaan at mga karumal-dumal na gawain.

12 Dinggin, sila ay pinamunuan ko, sa kabila ng kanilang kasamaan ay pinamunuan ko sila nang maraming ulit sa pakikidigma, at minahal sila, alinsunod sa pagmamahal ng Diyos na nasa akin, nang buong puso ko; at ang aking kaluluwa ay ibinuhos sa panalangin sa aking Diyos nang buong magdamag para sa kanila; gayunpaman, ito ay walang pananampalataya, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso.

13 At tatlong ulit ko silang iniligtas mula sa mga kamay ng kanilang mga kaaway, at hindi sila nagsipagsisi ng kanilang mga kasalanan.

14 At nang sila ay nanumpa sa lahat ng ipinagbabawal sa kanila ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, na sila ay aahon upang makidigma sa kanilang mga kaaway, at ipaghihiganti sa kanilang sarili ang dugo ng kanilang mga kapatid, dinggin, ang tinig ng Panginoon ay nangusap sa akin, sinasabing:

15 Sa akin ang paghihiganti, at ako ang gaganti; at sapagkat hindi nagsisi ang mga taong ito matapos ko silang iligtas, dinggin, sila ay lilipulin mula sa balat ng lupa.

16 At ito ay nangyari na lubusan akong tumangging humayo laban sa aking mga kaaway; at ginawa ko maging ang ipinag-utos sa akin ng Panginoon; at ako ay tumindig bilang isang tagapagmasid upang patunayan sa sanlibutan ang mga bagay na aking nakita at narinig, alinsunod sa mga pagpapahayag ng Espiritu na siyang nagpatotoo sa mga bagay na magaganap.

17 Samakatwid, ako ay sumusulat sa inyo, mga Gentil, at gayundin sa inyo, sambahayan ni Israel, kapag ang gawain ay nagsimula na, kayo ay malapit nang ihanda na magbalik sa lupaing inyong mana;

18 Oo, dinggin, ako ay sumusulat sa lahat ng nasa mga dulo ng mundo; oo, sa inyo, labindalawang lipi ni Israel, na hahatulan alinsunod sa inyong mga gawa ng labindalawang pinili ni Jesus na maging mga disipulo niya sa lupain ng Jerusalem.

19 At ako ay sumusulat din sa labi ng mga taong ito, na hahatulan din ng labindalawang pinili ni Jesus sa lupaing ito; at sila ay hahatulan ng iba pang labindalawang pinili ni Jesus sa lupain ng Jerusalem.

20 At ang mga bagay na ito ang ipinahahayag ng Espiritu sa akin; kaya nga, ako ay sumusulat sa inyong lahat. At sa kadahilanang ito ako sumusulat sa inyo, upang malaman ninyo na talagang titindig kayong lahat sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo, oo, bawat tao na nabibilang sa buong mag-anak ni Adan; at talagang titindig kayo upang mahatulan sa inyong mga gawa, maging mabuti man yaon o masama;

21 At gayundin upang kayo ay maniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo, na matatanggap ninyo sa inyo; at gayundin upang ang mga Judio, na mga pinagtipanang tao ng Panginoon, ay magkaroon ng iba pang saksi maliban sa kanya na kanilang nakita at narinig, na si Jesus, na kanilang pinatay, ang siya ring Cristo at ang siya ring Diyos.

22 At nais ko na mahikayat ko kayong lahat ng nasa mga dulo ng mundo na magsisi at maghandang tumindig sa harapan ng hukumang-luklukan ni Cristo.