Mga Banal na Kasulatan
Mormon 5


Kabanata 5

Muling pinamunuan ni Mormon ang mga hukbong Nephita sa digmaan ng pagdanak ng dugo at pagkatay—Lalabas ang Aklat ni Mormon upang mahimok ang buong Israel na si Jesus ang Cristo—Dahil sa kanilang kawalang-paniniwala, makakalat ang mga Lamanita, at hindi na magpupunyagi sa kanila ang Espiritu—Matatanggap nila ang ebanghelyo mula sa mga Gentil sa mga huling araw. Mga A.D. 375–384.

1 At ito ay nangyari na humayo ako sa mga Nephita, at nagsisi sa sumpang ginawa ko na hindi ko na sila muli pang tutulungan; at muli nilang ibinigay sa akin ang pamumuno sa kanilang mga hukbo, sapagkat ang tingin nila sa akin ay tila bang maililigtas ko sila mula sa kanilang mga paghihirap.

2 Subalit dinggin, ako ay walang pag-asa, sapagkat alam ko ang mga kahatulan ng Panginoon na sasapit sa kanila; sapagkat hindi sila nagsisi ng kanilang mga kasamaan, kundi nakikipaglaban para sa kanilang mga buhay nang hindi nananawagan sa yaong Katauhang lumikha sa kanila.

3 At ito ay nangyari na sumalakay sa amin ang mga Lamanita samantalang kami ay nagsisitakas patungo sa lungsod ng Jordan; subalit dinggin, sila ay naitaboy pabalik kung kaya’t hindi nila nakuha ang lungsod sa panahong yaon.

4 At ito ay nangyari na muli silang sumalakay sa amin, at napanatili namin ang lungsod. At may iba pang mga lungsod na napanatili ng mga Nephita, na mga muog na pumigil sa kanila kung kaya’t hindi sila makapasok sa bayan na nasa aming harapan, upang lipulin ang mga naninirahan sa aming lupain.

5 Subalit ito ay nangyari na ang anumang lupain na nadaanan namin, at hindi sama-samang natipon ang mga naninirahan doon, ay nalipol ng mga Lamanita, at ang kanilang mga bayan, at mga nayon, at mga lungsod ay sinunog ng apoy; at sa gayon lumipas ang tatlong daan at pitumpu’t siyam na taon.

6 At ito ay nangyari na sa ikatatlong daan at walumpung taon, muling sumalakay ang mga Lamanita laban sa amin upang makidigma, at kami ay humarap sa kanila nang buong tapang; subalit nawalang-saysay ang lahat ng ito, sapagkat napakalaki ng kanilang bilang kung kaya’t niyurakan nila ang mga tao ng mga Nephita sa ilalim ng kanilang mga paa.

7 At ito ay nangyari na muli kaming nagsitakas, at ang mga yaong higit na mabilis ang pagtakas kaysa sa mga Lamanita ay nakatakas, at ang mga yaong hindi nakahihigit ang pagtakas sa mga Lamanita ay bumagsak at nalipol.

8 At ngayon, dinggin, ako, si Mormon, ay hindi nagnanais na saktan ang mga kaluluwa ng tao sa pamamagitan ng paglalahad sa kanila ng mga gayong kakila-kilabot na tagpo ng pagdanak ng dugo at pagkatay tulad ng nakatambad sa harapan ng aking mga mata; kundi ako, nalalaman na ang mga bagay na ito ay tiyak na ipaaalam, at na ang lahat ng bagay na natatago ay ihahayag sa mga bubungan—

9 At tiyak ding makararating ang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito sa labi ng mga taong ito, at gayundin sa mga Gentil, na siyang sinabi ng Panginoon na magkakalat sa mga taong ito, at ang mga taong ito ay ituturing na walang kabuluhan sa kanila—kaya nga, ako ay sumusulat ng isang maikling buod, hindi nangangahas na magbigay ng buong ulat ng mga bagay na nakita ko, dahil sa kautusang natanggap ko, at gayundin upang hindi kayo labis na malungkot dahil sa kasamaan ng mga taong ito.

10 At ngayon, dinggin, ito ay sinasabi ko sa kanilang mga binhi, at gayundin sa mga Gentil na nagmamalasakit sa sambahayan ni Israel, na nakauunawa at nakaaalam kung saan nagmumula ang kanilang mga pagpapala.

11 Sapagkat nalalaman ko na ang mga gayon ay malulungkot dahil sa pagkawasak ng sambahayan ni Israel; oo, sila ay malulungkot dahil sa pagkalipol ng mga taong ito; malulungkot sila sapagkat hindi nagsisi ang mga taong ito nang sa gayon sana ay niyakap sila ng mga bisig ni Jesus.

12 Ngayon, ang mga bagay na ito ay isinulat para sa labi ng sambahayan ni Jacob; at nasusulat ang mga ito alinsunod sa ganitong pamamaraan, sapagkat nalalaman ng Diyos na ang mga ito ay hindi makararating sa kanila sa kasamaan; at ikukubli ang mga ito para sa Panginoon upang lumabas ang mga ito sa kanyang sariling takdang panahon.

13 At ito ang kautusang natanggap ko; at dinggin, lalabas ang mga ito alinsunod sa kautusan ng Panginoon, kung kailan niya mamarapatin, sa kanyang karunungan.

14 At dinggin, ang mga ito ay ipahahayag sa mga hindi naniniwala na mga Judio; at sa layuning ito kung kaya’t ipahahayag ang mga ito—upang mahimok sila na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng buhay na Diyos; upang maisagawa ng Ama, sa pamamagitan ng kanyang Pinakamamahal, ang kanyang dakila at walang hanggang layunin, sa pagpapanumbalik sa mga Judio, o sa buong sambahayan ni Israel, sa lupaing kanilang mana, na ibinigay sa kanila ng Panginoon nilang Diyos, sa ikatutupad ng kanyang tipan;

15 At gayundin upang ang mga binhi ng mga taong ito ay higit na lubusang maniwala sa kanyang ebanghelyo, na hahayo sa kanila mula sa mga Gentil; sapagkat ang mga taong ito ay makakalat, at magiging maiitim, marurumi, at karima-rimarim na tao, higit pa sa paglalarawan na napasaamin kailanman, oo, maging sa napasa mga Lamanita, at ito ay dahil sa kanilang kawalang-paniniwala at pagsamba sa mga diyus-diyusan.

16 Sapagkat dinggin, ang Espiritu ng Panginoon ay tumigil nang magpunyagi sa kanilang mga ama; at sila ay walang Cristo at Diyos sa daigdig; at sila ay itinataboy tulad ng ipa sa hangin.

17 Minsan silang naging mga kaaya-ayang tao, at tinanggap nila si Cristo na kanilang pastol; oo, sila ay pinamunuan maging ng Diyos Ama.

18 Subalit ngayon, dinggin, sila ay inaakay ni Satanas, maging tulad ng ipang itinataboy ng hangin, o tulad ng isang sasakyang-dagat na hinahampas ng mga alon, na walang layag o angkla, o walang anumang bagay na magpapakilos dito; at maging tulad nito, sila ay gayundin.

19 At dinggin, inilaan ng Panginoon ang kanilang mga pagpapala, na natanggap sana nila sa lupain, para sa mga Gentil na mag-aangkin ng lupain.

20 Subalit dinggin, ito ay mangyayari na itataboy at ikakalat sila ng mga Gentil; at matapos silang itaboy at ikalat ng mga Gentil, dinggin, pagkatapos ay maaalala ng Panginoon ang tipang kanyang ginawa kay Abraham at sa buong sambahayan ni Israel.

21 At maaalala rin ng Panginoon ang mga panalangin ng mga matwid, na isinamo sa kanya para sa kanila.

22 At kung gayon, O kayong mga Gentil, paano kayo makatitindig sa harapan ng kapangyarihan ng Diyos, maliban kung kayo ay magsisisi at tatalikuran ang inyong masasamang gawain?

23 Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay nasa mga kamay ng Diyos? Hindi ba ninyo nalalaman na taglay niya ang lahat ng kapangyarihan, at sa kanyang dakilang pag-uutos ay mabibilot ang lupa tulad ng balumbon na pergamino?

24 Samakatwid, magsisi kayo, at magpakumbaba ng inyong sarili sa kanyang harapan, na baka ipataw niya ang katarungan laban sa inyo—na baka isang labi ng binhi ni Jacob ang magtungo sa inyo katulad ng isang leon, at luray-lurayin kayo, at walang makapagliligtas.