Mga Banal na Kasulatan
Mormon 6


Kabanata 6

Nagtipun-tipon ang mga Nephita sa lupain ng Cumorah para sa mga huling labanan—Ikinubli ni Mormon ang mga banal na talaan sa burol Cumorah—Ang mga Lamanita ay nagwagi, at nawasak ang bayan ng mga Nephita—Daan-daang libo ang nangamatay sa espada. Mga A.D. 385.

1 At ngayon, tatapusin ko ang aking tala hinggil sa pagkalipol ng aking mga tao, ang mga Nephita. At ito ay nangyari na humayo kami sa harapan ng mga Lamanita.

2 At ako, si Mormon, ay sumulat ng liham sa hari ng mga Lamanita, at hiniling sa kanya na ipagkaloob niya sa amin na kung maaari ay matipon namin nang magkakasama ang aming mga tao sa lupain ng Cumorah, sa burol na tinatawag na Cumorah, at doon kami makikipagdigma sa kanila.

3 At ito ay nangyari na ipinagkaloob sa akin ng hari ng mga Lamanita ang bagay na aking hiniling.

4 At ito ay nangyari na humayo kami sa lupain ng Cumorah, at itinayo namin ang aming mga tolda sa paligid ng burol Cumorah; at iyon ay sa isang lupain ng maraming katubigan, ilog, at bukal; at dito ay umasa kaming magkakaroon ng kalamangan sa mga Lamanita.

5 At nang makalipas ang tatlong daan at walumpu’t apat na taon, natipon naming lahat ang nalalabi sa aming mga tao sa lupain ng Cumorah.

6 At ito ay nangyari na nang matipon naming sama-sama ang lahat ng aming mga tao sa lupain ng Cumorah, dinggin, ako, si Mormon, ay nagsimulang tumanda; at nalalaman na ito ang huling pakikipaglaban ng aking mga tao, at napag-utusan ng Panginoon na huwag kong pahihintulutan na ang mga talaang pinagpasa-pasahan ng aming mga ama, na banal, ay mahulog sa mga kamay ng mga Lamanita, (sapagkat sisirain ang mga ito ng mga Lamanita) kaya nga, ginawa ko ang talang ito mula sa mga lamina ni Nephi, at ikinubli sa burol Cumorah ang lahat ng talaang ipinagkatiwala sa akin ng kamay ng Panginoon, maliban dito sa ilang lamina na ibinigay ko sa aking anak na lalaki na si Moroni.

7 At ito ay nangyari na ang aking mga tao, kasama ang kanilang mga asawa at kanilang mga anak, ay namasdan ngayon ang mga hukbo ng mga Lamanita na humahayo patungo sa kanila; at lakip ang kakila-kilabot na takot sa kamatayan na pumupuno sa mga dibdib ng lahat ng masama, hinintay nilang makalaban sila.

8 At ito ay nangyari na sumalakay sila upang makidigma laban sa amin, at ang bawat tao ay napuspos ng takot dahil sa kalakihan ng kanilang bilang.

9 At ito ay nangyari na lumusob sila sa aking mga tao gamit ang espada, at ang busog, at ang palaso, at ang palakol, at ang lahat ng uri ng sandata ng digmaan.

10 At ito ay nangyari na pinagpapatay ang aking mga tauhan, oo, maging ang sampung libong kasama ko, at ako ay bumagsak na sugatan sa gitna; at kanila akong nalampasan kung kaya’t hindi nila nawakasan ang aking buhay.

11 At nang kanilang tapusin at patayin ang lahat ng aking mga tao maliban sa dalawampu’t apat sa amin, (kasama ang aking anak na si Moroni) at kami na nakaligtas sa kamatayan ng aming mga tao, ay namasdan kinabukasan, nang magsibalik na ang mga Lamanita sa kanilang mga kuta, mula sa tuktok ng burol Cumorah, ang sampung libo ng aking mga tao na pinagpapatay, na pinamunuan ko.

12 At namasdan din namin ang sampung libong tao ko na pinamunuan ng aking anak na si Moroni.

13 At dinggin, ang sampung libo ni Gidgidonas ay bumagsak, at siya rin na nasa gitna.

14 At bumagsak si Lemas kasama ang kanyang sampung libo; at bumagsak si Gilga kasama ang kanyang sampung libo; at bumagsak si Limhas kasama ang kanyang sampung libo; at bumagsak si Jeneum kasama ang kanyang sampung libo; at si Cumenihas, at si Moronihas, at si Antionum, at si Siblom, at si Sem, at si Jos, ay nangabagsak kasama ang kanilang tig-sasampung libo.

15 At ito ay nangyari na mayroon pang sampung bumagsak sa pamamagitan ng espada, kasama ang kanilang tig-sasampung libo; oo, maging ang lahat ng aking mga tao, maliban doon sa dalawampu’t apat na kasama ko, at gayundin ang ilang tumakas patungo sa mga bayan sa timog, at ang ilang umanib sa mga Lamanita, ay nangabagsak; at ang kanilang mga laman, at buto, at dugo ay nakakalat sa balat ng lupa, na naiwan ng mga kamay ng mga yaong pumatay sa kanila upang mabulok sa ibabaw ng lupa, at maagnas at bumalik sa kanilang inang lupa.

16 At ang aking kaluluwa ay nabagbag sa pagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng aking mga tao, at ako ay napabulalas:

17 O kayong mga kaaya-aya, paanong napalihis kayo sa mga landas ng Panginoon! O kayong mga kaaya-aya, paanong itinatwa ninyo si Jesus na nakatayong bukas ang mga bisig upang kayo ay tanggapin!

18 Dinggin, kung hindi ninyo ginawa ito, hindi sana kayo nangabagsak. Ngunit masdan, kayo ay nangabagsak, at aking ipinagdadalamhati ang inyong pagkawala.

19 O kayong mga kaaya-ayang anak na lalaki at babae; kayong mga ama at ina, kayong mga asawang lalaki at babae, kayong mga kaaya-aya, paanong kayo ay nangabagsak!

20 Ngunit masdan, kayo ay wala na, at hindi kayo maibabalik ng aking mga kalungkutan.

21 At malapit nang dumating ang araw na ang inyong pagiging may kamatayan ay kinakailangang mabihisan ng kawalang-kamatayan, at ang mga katawang ito na naaagnas na sa kabulukan ay talagang malapit nang maging mga walang kabulukang katawan; at sa gayon, kayo ay talagang tatayo sa hukumang-luklukan ni Cristo, upang hatulan alinsunod sa inyong mga gawa; at kung sakaling kayo ay mga matwid, sa gayon, pagpapalain kayo kasama ng inyong mga ama na nangauna na sa inyo.

22 O kung kayo lamang ay nagsipagsisi bago sumapit sa inyo ang malaking pagkalipol na ito. Ngunit dinggin, kayo ay wala na, at nalalaman ng Ama, oo, ang Amang Walang Hanggan ng langit, ang inyong kalagayan; at gagawin niya sa inyo ang alinsunod sa kanyang katarungan at awa.