Mga Banal na Kasulatan
Mormon 7


Kabanata 7

Inaanyayahan ni Mormon ang mga Lamanita ng mga huling araw na maniwala kay Cristo, tanggapin ang Kanyang ebanghelyo, at maligtas—Ang lahat ng maniniwala sa Biblia ay maniniwala rin sa Aklat ni Mormon. Mga A.D. 385.

1 At ngayon, dinggin, ako ay magsasalita nang kaunti sa mga labi ng mga taong ito na naligtas, kung mangyayaring ihahayag ng Diyos ang aking mga salita, upang malaman nila ang tungkol sa mga bagay ng kanilang mga ama; oo, ako ay nangungusap sa inyo, kayong mga labi ng sambahayan ni Israel; at ito ang mga salitang aking sasabihin:

2 Alamin ninyo na kayo ay mula sa sambahayan ni Israel.

3 Alamin ninyo na kinakailangan kayong magsisi, o hindi kayo maliligtas.

4 Alamin ninyo na kinakailangan ninyong isuko ang inyong mga sandata ng digmaan, at huwag nang magalak pa sa pagpapadanak ng dugo, at huwag na ninyong muling kunin ang mga ito, maliban kung ipag-uutos ito ng Diyos sa inyo.

5 Alamin ninyo na kinakailangan kayong magkaroon ng kaalaman tungkol sa inyong mga ama, at magsisi sa lahat ng inyong mga kasalanan at kasamaan, at maniwala kay Jesucristo, na siya ang Anak ng Diyos, at na pinatay siya ng mga Judio, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Ama, siya ay bumangong muli, kung saan ay natamo niya ang tagumpay laban sa libingan; at sa kanya rin ay nalulon ang hapdi ng kamatayan.

6 At kanyang pinapangyari ang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, kung saan ang mga tao ay talagang babangon upang tumayo sa harapan ng kanyang hukumang-luklukan.

7 At kanyang pinapangyari ang pagtubos sa sanlibutan, kung saan siya na matatagpuang walang kasalanan sa harapan niya sa araw ng paghuhukom ay bibigyan ng pahintulot na makapanahanan siya sa kinaroroonan ng Diyos sa kanyang kaharian, upang umawit ng mga walang humpay na papuri kasama ng mga koro sa kaitaasan, sa Ama, at sa Anak, at sa Espiritu Santo, na isang Diyos, sa isang kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.

8 Samakatwid, magsisi, at magpabinyag sa pangalan ni Jesus, at panghawakan ang ebanghelyo ni Cristo, na ipaaalam sa inyo, hindi lamang sa talaang ito kundi gayundin sa talaang darating sa mga Gentil mula sa mga Judio, na talaang manggagaling sa mga Gentil patungo sa inyo.

9 Sapagkat dinggin, isinulat ito sa layuning kayo ay maniwala roon; at kung kayo ay maniniwala roon, paniniwalaan din ninyo ito; at kung paniniwalaan ninyo ito, malalaman ninyo ang hinggil sa inyong mga ama, at gayundin ang mga kagila-gilalas na gawaing ginawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa kanila.

10 At malalaman din ninyo na kayo ay mga labi ng mga binhi ni Jacob; kaya nga nabibilang kayo sa mga tao ng unang tipan; at kung mangyayaring kayo ay maniniwala kay Cristo, at magpabinyag, una sa tubig, at pagkatapos ay sa apoy at sa Espiritu Santo, sinusunod ang halimbawa ng ating Tagapagligtas, alinsunod sa kanyang iniutos sa atin, iyon ay makabubuti para sa inyo sa araw ng paghuhukom. Amen.