Mga Banal na Kasulatan
Mormon 8


Kabanata 8

Tinugis at nilipol ng mga Lamanita ang mga Nephita—Ang Aklat ni Mormon ay lalabas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos—Naglahad ng mga kapighatian sa mga yaong nagpapahayag ng poot at sigalot laban sa gawa ng Panginoon—Lalabas ang talaan ng mga Nephita sa araw ng kasamaan, kahinaan, at apostasiya. Mga A.D. 400–421.

1 Dinggin, ako, si Moroni, ay tatapusin ang talaan ng aking amang si Mormon. Dinggin, mayroon akong ilang bagay na isusulat, na mga bagay na iniutos sa akin ng ama ko.

2 At ngayon, ito ay nangyari na matapos ang malaki at malubhang digmaan sa Cumorah, dinggin, ang mga Nephita na tumakas patungo sa bayang patimog ay tinugis ng mga Lamanita, hanggang sa malipol silang lahat.

3 At ang aking ama ay napatay rin nila, at ako lamang ang nalabing mag-isa upang isulat ang malungkot na salaysay ng pagkalipol ng aking mga tao. Ngunit dinggin, sila ay wala na, at tinutupad ko ang kautusan ng aking ama. At kung ako ay mapapatay nila, hindi ko alam.

4 Samakatwid, ako ay magsusulat at ikukubli ang mga talaan sa lupa; at kung saan ako paroroon ay hindi na mahalaga.

5 Dinggin, ginawa ng aking ama ang talaang ito, at kanyang isinulat ang layunin nito. At dinggin, isusulat ko rin ito kung mayroon pang puwang sa mga lamina para sa akin, ngunit wala na para sa akin; at wala akong inang mina, sapagkat ako ay nag-iisa. Napatay sa digmaan ang aking ama, at lahat ng aking kamag-anak, at wala akong mga kaibigan ni patutunguhan; at kung gaano katagal ako pahihintulutang mabuhay ng Panginoon ay hindi ko alam.

6 Dinggin, apat na raang taon na ang lumipas mula noong pumarito ang ating Panginoon at Tagapagligtas.

7 At dinggin, tinugis ng mga Lamanita ang aking mga tao, ang mga Nephita, nang lungsod sa lungsod at lugar sa lugar, maging hanggang sa sila ay mawala na; at malakas ang kanilang naging pagbagsak; oo, malaki at kagila-gilalas ang pagkalipol ng aking mga tao, ang mga Nephita.

8 At dinggin, ang kamay ng Panginoon ang gumawa nito. At dinggin din, ang mga Lamanita ay nakikipagdigmaan sa isa’t isa; at ang ibabaw ng buong lupaing ito ay isang patuloy na pag-inog ng pagpatay at pagdanak ng dugo; at wala ni isa mang nakaaalam sa pagwawakas ng digmaan.

9 At ngayon, dinggin, wala na akong sasabihin pa hinggil sa kanila, sapagkat wala na maliban sa mga Lamanita at mga tulisan ang nabubuhay sa ibabaw ng lupain.

10 At walang sinumang nakakikilala sa tunay na Diyos maliban sa mga disipulo ni Jesus na nanatili sa lupain hanggang sa ang kasamaan ng mga tao ay naging napakalubha kung kaya’t hindi sila pinahintulutan ng Panginoon na manatili kasama ng mga tao; at kung sila man ay nasa ibabaw ng lupain, walang taong nakaaalam.

11 Ngunit dinggin, ang aking ama at ako ay nakita sila, at naglingkod sila sa amin.

12 At sinumang makatatanggap ng talaang ito at hindi ito hahatulan dahil sa mga kahinaang mayroon ito, siya rin ay makaaalam ng higit na mga dakilang bagay kaysa rito. Dinggin, ako si Moroni; at kung maaari, ipaaalam ko ang lahat ng bagay sa inyo.

13 Dinggin, ako ay nagtatapos sa aking pagsasalita hinggil sa mga taong ito. Ako ay anak ni Mormon, at inapo ni Nephi ang aking ama.

14 At ako rin ang siyang nagkubli ng talaang ito para sa Panginoon; ang mga laminang yaon ay walang halaga, dahil sa kautusan ng Panginoon. Sapagkat tunay na kanyang sinabi na walang sinumang makakukuha nito upang makinabang; ngunit ang tala nito ay malaki ang kahalagahan; at sinumang magdadala nito sa liwanag, siya ay pagpapalain ng Panginoon.

15 Sapagkat walang sinumang magkakaroon ng kakayahang madala iyon sa liwanag maliban kung iyon ay ipinagkaloob sa kanya ng Diyos; sapagkat iniaatas ng Diyos na iyon ay maisagawa nang nakatuon ang mata sa kanyang kaluwalhatian, o sa kapakanan ng mga sinauna at matagal nang naikalat na mga pinagtipanang tao ng Panginoon.

16 At pinagpala siya na magdadala ng bagay na ito sa liwanag; sapagkat ito ay mailalabas mula sa kadiliman tungo sa liwanag, alinsunod sa salita ng Diyos; oo, ilalabas ito mula sa lupa, at magniningning ito mula sa kadiliman, at darating sa kaalaman ng mga tao; at ito ay mangyayari sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

17 At kung mayroon mang mga pagkakamali, ang mga yaon ay mga pagkakamali ng tao. Ngunit dinggin, wala kaming nababatid na pagkakamali; gayunpaman, nalalaman ng Diyos ang lahat ng bagay; kaya nga, siya na hahatol, papag-ingatin siya sapagkat baka manganib siya sa apoy ng impiyerno.

18 At siya na nagsasabi: Ipakita mo sa akin, o ikaw ay masasaktan—papag-ingatin siya sapagkat baka ipag-utos niya ang ipinagbabawal ng Panginoon.

19 Sapagkat dinggin, siya na humahatol nang padalus-dalos ay hahatulan din nang padalus-dalos; sapagkat alinsunod sa kanyang mga gawa ang kanyang magiging kabayaran; kaya nga, siya na nananakit ay sasaktan ding muli ng Panginoon.

20 Dinggin kung ano ang sinasabi ng mga banal na kasulatan—ang tao ay hindi mananakit, ni hindi siya hahatol; sapagkat sa akin ang paghatol, wika ng Panginoon, at sa akin din ang paghihiganti, at ako ang gaganti.

21 At siya na magbubulalas ng poot at mga sigalot laban sa gawa ng Panginoon, at laban sa mga pinagtipanang tao ng Panginoon na mula sa sambahayan ni Israel, at magsasabi: Aming wawasakin ang gawa ng Panginoon, at hindi maaalala ng Panginoon ang tipang kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel—siya rin ay nanganganib na tagpasin at ihagis sa apoy;

22 Sapagkat ang mga walang hanggang layunin ng Panginoon ay magpapatuloy, hanggang sa matupad ang lahat ng kanyang mga pangako.

23 Saliksikin ang mga propesiya ni Isaias. Dinggin, hindi ko maisusulat ang mga yaon. Oo, dinggin, sinasabi ko sa inyo, na ang mga yaong banal na nangauna sa akin, na nag-angkin ng lupaing ito, ay mananawagan, oo, maging mula sa alabok ay mananawagan sila sa Panginoon; at yamang ang Panginoon ay buhay, aalalahanin niya ang tipang kanyang ginawa sa kanila.

24 At kanyang nababatid ang kanilang mga panalangin, na ang mga iyon ay sa kapakanan ng kanilang mga kapatid. At nababatid niya ang kanilang pananampalataya, sapagkat sa kanyang pangalan ay nakapagpalipat sila ng mga bundok, at sa kanyang pangalan ay napangyari nilang mayanig ang lupa; at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita ay napangyari nilang gumuho ang mga bilangguan sa lupa; oo, maging hindi sila nasaktan ng nagniningas na hurnuhan, ni ng mababangis na hayop o ng mga makamandag na ahas, dahil sa kapangyarihan ng kanyang salita.

25 At dinggin, ang kanilang mga panalangin ay sa kapakanan din niya na pahihintulutan ng Panginoon na maghayag ng mga bagay na ito.

26 At wala ni isa ang kinakailangang magsabi na hindi ito darating, sapagkat tunay na darating ang mga ito, sapagkat ang Panginoon ang nagsabi niyon; sapagkat mula sa lupa lalabas ang mga ito, sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon, at walang makapipigil niyon; at ang mga ito ay mangyayari sa panahong sasabihin na wala nang mga himala; at ang mga ito ay darating maging tulad ng isang nagsasalita buhat sa mga patay.

27 At ito ay mangyayari sa panahong magsusumamo sa Panginoon ang dugo ng mga banal dahil sa mga lihim na pagsasabwatan at gawain ng kadiliman.

28 Oo, ito ay mangyayari sa panahong itatatwa ang kapangyarihan ng Diyos, at ang mga simbahan ay magiging marumi at maaangat sa kapalaluan ng kanilang mga puso; oo, maging sa isang panahong magkakaroon ang mga namumuno sa mga simbahan at mga guro ng pagpapalalo sa kanilang mga puso, maging sa pagkainggit sa kanila na kabilang sa kanilang mga simbahan.

29 Oo, ito ay mangyayari sa panahong makaririnig ng mga sunog, at unos, at ulap ng usok sa mga dayuhang lupain;

30 At makaririnig din ng mga digmaan, at alingawngaw ng digmaan, at lindol sa iba’t ibang dako.

31 Oo, ito ay mangyayari sa panahong magkakaroon ng matinding karumihan sa balat ng lupa; magkakaroon ng mga pagpaslang, at panloloob, at pagsisinungaling, at panlilinlang, at pagpapatutot, at lahat ng uri ng karumal-dumal na gawain; kung kailan marami ang magsasabi, Gawin ito, o gawin iyon, at wala lamang iyon, sapagkat sasang-ayunan ng Panginoon ang gayon sa huling araw. Ngunit sa aba nila, sapagkat sila ay nasa kasukdulan ng kapaitan at nasa mga gapos ng kasamaan.

32 Oo, ito ay mangyayari sa panahong magkakaroon ng mga simbahang itatayo at magsasabi: Magsilapit kayo sa akin, at kapalit ng inyong salapi ay patatawarin ang inyong mga kasalanan.

33 O, kayong masasama at baluktot at matitigas ang leeg na mga tao, bakit kayo nagtayo ng mga simbahan para sa inyong sarili upang makinabang? Bakit ninyo binago ang banal na salita ng Diyos upang magdala kayo ng kapahamakan sa inyong mga kaluluwa? Dinggin, magtiwala kayo sa mga paghahayag ng Diyos; sapagkat dinggin, darating ang panahon sa araw na yaon kung kailan ang lahat ng bagay na ito ay kinakailangang matupad.

34 Dinggin, ipinakita sa akin ng Panginoon ang mga dakila at kagila-gilalas na bagay hinggil sa yaong tiyak na malapit nang mangyari, at sa araw na yaon kung kailan ang mga bagay na ito ay mangyayari sa inyo.

35 Dinggin, ako ay nangungusap sa inyo na tila naririto kayo, at gayunpaman kayo ay wala rito. Ngunit dinggin, ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa.

36 At nalalaman ko na kayo ay lumalakad sa kapalaluan ng inyong mga puso; at wala maliban sa ilan lamang ang hindi iniaangat ang mga sarili sa kapalaluan ng kanilang mga puso, tungo sa pagsusuot ng napakaiinam na kasuotan, tungo sa mga pagkainggit, at sigalutan, at malisya, at pang-uusig, at lahat ng uri ng kasamaan; at ang inyong mga simbahan, oo, maging bawat isa, ay naging marurumi dahil sa kapalaluan ng inyong mga puso.

37 Sapagkat dinggin, iniibig ninyo ang salapi, at inyong kabuhayan, at inyong maiinam na kasuotan, at ang pagpapalamuti sa inyong mga simbahan, nang higit sa inyong pagmamahal sa mga maralita at nangangailangan, sa may karamdaman at sa naghihirap.

38 O, kayong marurumi, kayong mga mapagkunwari, kayong mga guro, na ipinagbibili ang inyong sarili para sa mga yaong mabubulok, bakit ninyo dinumihan ang banal na simbahan ng Diyos? Bakit kayo nahihiyang taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo? Bakit hindi ninyo iniisip na higit na mahalaga ang walang hanggang kaligayahan kaysa roon sa kalungkutan na hindi kailanman magwawakas—dahil sa papuri ng sanlibutan?

39 Bakit ninyo pinapalamutian ang inyong sarili ng yaong walang buhay, at gayunman ay pinahihintulutan ang nagugutom at ang nangangailangan, at ang hubad, at ang may karamdaman at ang naghihirap na dumaraan sa harapan ninyo nang hindi sila pinapansin?

40 Oo, bakit ninyo itinatatag ang inyong mga lihim na karumal-dumal na gawain upang makinabang, at pinapangyari na magdalamhati ang mga balo sa harapan ng Panginoon, at gayundin na magdalamhati ang mga ulila sa harapan ng Panginoon, at gayundin na magsumamo sa Panginoon ang dugo ng kanilang mga ama at kanilang mga asawang lalaki mula sa lupa, ng paghihiganti sa inyong mga ulo?

41 Dinggin, ang espada ng paghihiganti ay nakaumang sa ulunan ninyo; at malapit nang dumating ang panahon na kanyang ipaghihiganti ang dugo ng mga banal sa inyo, sapagkat hindi na niya ipagwawalang-bahala pa ang kanilang mga pagsusumamo.