Kabanata 4
Plinano ng mga Diyos ang paglikha ng mundo at lahat ng buhay sa ibabaw niyon—Ang kanilang mga plano para sa anim na araw ng paglikha ay inihayag.
1 At pagkatapos sinabi ng Panginoon: Tayo nang bumaba. At sila ay bumaba noong simula, at sila, yaong mga Diyos, ay bumuo at hinubog ang kalangitan at ang lupa.
2 At ang lupa, matapos itong hubugin, ay walang laman at mapanglaw, sapagkat wala silang hinubog na anumang bagay kundi ang lupa; at kadiliman ang naghari sa ibabaw ng kailaliman, at ang Espiritu ng mga Diyos ay lumimlim sa ibabaw ng mga tubig.
3 At sila (ang mga Diyos) ay nagsabi: Magkaroon ng liwanag; at nagkaroon ng liwanag.
4 At sila (ang mga Diyos) ay nakita ang liwanag, sapagkat ito ay maningning; at kanilang inihiwalay ang liwanag, o ginawa itong ihiwalay, mula sa kadiliman.
5 At tinawag ng mga Diyos ang liwanag na Araw, at ang kadiliman ay tinawag nilang Gabi. At ito ay nangyari na mula sa gabi hanggang sa umaga ay tinawag nilang gabi; at mula sa umaga hanggang sa gabi ay tinawag nilang araw; at ito ang una, o ang simula, ng yaong tinawag nilang araw at gabi.
6 At sinabi rin ng mga Diyos: Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng mga tubig, at ihihiwalay nito ang mga tubig sa kapwa mga tubig.
7 At inutusan ng mga Diyos ang kalawakan, kung kaya’t inihiwalay nito ang mga tubig na nasa ilalim ng kalawakan mula sa kapwa mga tubig na nasa ibabaw ng kalawakan; at nagkagayon nga, maging tulad ng kanilang ipinag-utos.
8 At tinawag ng mga Diyos ang kalawakan, na Langit. At ito ay nangyari na mula sa gabi hanggang sa umaga ay tinawag nilang gabi; at ito ay nangyari na mula sa umaga hanggang sa gabi ay tinawag nilang araw; at ito ang ikalawang pagkakataon na tinawag nilang gabi at araw.
9 At nag-utos ang mga Diyos, nagsasabing: Mapisan ang mga tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at ang lupa ay lumitaw na tuyo; at nagkagayon nga tulad ng kanilang ipinag-utos;
10 At tinawag ng mga Diyos ang katuyuan, na Lupa; at ang kapisanan ng mga tubig ay tinawag nilang Malalawak na Tubig; at nakita ng mga Diyos na sila ay sinunod.
11 At sinabi ng mga Diyos: Ihanda natin ang lupa upang sibulan ng damo; pananim na nagkakabinhi; punungkahoy na namumunga, ayon sa kanyang uri, na ang binhi niyon ay nagbibigay ng gayon ding uri sa ibabaw ng lupa; at nagkagayon nga, maging tulad ng kanilang ipinag-utos.
12 At binuo ng mga Diyos ang lupa upang sibulan ng damo mula sa kanyang sariling binhi, at ang pananim upang magsibol ng pananim mula sa kanyang sariling binhi, nagkakabinhi ayon sa kanyang uri; at ang lupa upang sibulan ng punungkahoy mula sa kanyang sariling binhi, na namumunga, na ang binhi ay maaari lamang magsibol ng gayon din, ayon sa kanyang uri; at nakita ng mga Diyos na sila ay sinunod.
13 At ito ay nangyari na binilang nila ang mga araw; mula sa gabi hanggang sa umaga ay tinawag nilang gabi; at ito ay nangyari na mula sa umaga hanggang sa gabi ay tinawag nilang araw; at ito ang ikatlong pagkakataon.
14 At binuo ng mga Diyos ang mga tanglaw sa kalawakan ng langit, at pinapangyaring ihiwalay nila ang araw mula sa gabi; at binuo ang mga ito upang maging mga pinaka-tanda at pinaka-bahagi ng mga panahon, at ng mga araw at ng mga taon;
15 At binuo ang mga ito upang maging pinaka-tanglaw sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa lupa; at nagkagayon nga.
16 At binuo ng mga Diyos ang dalawang malaking tanglaw, ang mas malaking tanglaw upang mamayani sa araw, at ang mas maliit na tanglaw ay upang mamayani sa gabi; kasama ng mas maliit na tanglaw inilagay rin nila ang mga bituin;
17 At inilagay ng mga Diyos ang mga ito sa kalawakan ng kalangitan, upang tumanglaw sa lupa, at upang mamayani sa araw at sa gabi, at upang gawing mahiwalay ang liwanag sa kadiliman.
18 At minasdan ng mga Diyos ang mga bagay na yaong kanilang inutusan hanggang sa ang mga ito ay sumunod.
19 At ito ay nangyari na mula sa gabi hanggang sa umaga ay gabi; at ito ay nangyari na mula sa umaga hanggang sa gabi ay araw; at ito ang ikaapat na pagkakataon.
20 At sinabi ng mga Diyos: Ihanda natin ang mga tubig upang bukalan ito ng mga gumagalaw na kinapal na may buhay; at ng mga ibon, upang magsilipad ang mga ito sa itaas ng lupa sa luwal na kalawakan ng langit.
21 At inihanda ng mga Diyos ang mga tubig upang magkaroon ito ng malalaking balyena, at bawat may buhay na kinapal na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig ayon sa kani-kanilang uri; at lahat ng may pakpak na ibon ayon sa kani-kanilang uri. At nakita ng mga Diyos na sila ay susundin, at na mabuti ang kanilang plano.
22 At sinabi ng mga Diyos: Babasbasan natin ang mga ito at gagawin ang mga itong maging palaanakin at magpakarami, at punuin ang mga tubig sa mga dagat o malalawak na tubig; at papapangyarihing magparami ang mga ibon sa lupa.
23 At ito ay nangyari na mula sa gabi hanggang sa umaga ay tinawag nilang gabi; at ito ay nangyari na mula sa umaga hanggang sa gabi ay tinawag nilang araw; at ito ang ikalimang pagkakataon.
24 At inihanda ng mga Diyos ang lupa upang bukalan ng may buhay na kinapal ayon sa kani-kanilang uri, mga hayop at gumagapang na kinapal, at ng mga ganid sa lupa ayon sa kani-kanilang uri; at nagkagayon nga, tulad ng kanilang sinabi.
25 At binuo ng mga Diyos ang lupa upang magkaroon ng mga ganid ayon sa kanilang uri, at mga hayop ayon sa kanilang uri, at lahat ng kinapal na gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kanilang uri; at nakita ng mga Diyos na ang mga ito ay susunod.
26 At ang mga Diyos ay nagsanggunian at nagsabi: Bumaba tayo at hubugin ang tao alinsunod sa ating anyo, alinsunod sa ating wangis; at bibigyan natin sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop, at sa buong lupa, at sa bawat gumagapang na kinapal na nagsisigapang sa lupa.
27 Samakatwid, bumaba ang mga Diyos upang buuin ang tao sa kanilang sariling anyo, sa anyo ng mga Diyos ay kanila siyang huhubugin, lalaki at babae ay kanila silang huhubugin.
28 At sinabi ng mga Diyos: Babasbasan natin sila. At sinabi ng mga Diyos: Gagawin natin sila na maging palaanakin at magpakarami, at kalatan ang lupa, at supilin ito, at magkaroon ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat buhay na kinapal na gumagalaw sa lupa.
29 At sinabi ng mga Diyos: Masdan, ibibigay natin sa kanila ang bawat pananim na nagkakabinhi na tutubo sa ibabaw ng buong lupa, at bawat punungkahoy na magkakaroon ng bunga sa ibabaw nito; oo, ang bunga ng punungkahoy na nagkakabinhi, sa kanila natin ibibigay ito; ito ay magiging pagkain nila.
30 At sa bawat hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid, at sa bawat kinapal na gumagapang sa lupa, masdan, bibigyan natin sila ng buhay, at ibibigay rin natin sa kanila ang bawat pananim na luntian bilang pinaka-pagkain, at ang lahat ng bagay na ito ay sa gayon mabubuo.
31 At sinabi ng mga Diyos: Gagawin natin ang lahat ng bagay na ating sinabi, at bubuuin sila; at masdan, sila ay magiging napakamasunurin. At ito ay nangyari na mula sa gabi hanggang sa umaga ay tinawag nilang gabi; at ito ay nangyari na mula sa umaga hanggang sa gabi ay tinawag nilang araw; at binilang nila ang ikaanim na pagkakataon.