2019
Paghahanap ng Kapayapaan sa Unos ng Adiksyon
Pebrero 2019


Paghahanap ng Kapayapaan sa Bagyo ng Adiksyon

Ang adiksyon ay isang hindi basta humuhupang malakas na bagyo na humahagupit kapwa sa taong may adiksyon at sa mga mahal niya sa buhay.

woman in boat near lighthouse

Mga paglalarawan mula sa Getty Images

Ang gabi na nag-overdose ang kapatid ko sa heroin ay isang gabi na hindi ko makakalimutan. Natatandaan ko pa rin ang bawat detalye: ang tunog ng pagbagsak ng kanyang katawan sa sahig, ang sigaw ng mga magulang ko, ang takot, ang pagkalito, at ang kawalang pag-asa na naramdaman ko nang napagtanto ko na nasa umpisa na naman kami ng tila walang katapusang laban niya sa adiksyon.

Nang hindi tumugon ang kapatid ko, nagulat talaga ako. Sa kabila ng kaguluhan sa paligid ko, nakaramdam ako ng hindi pangkaraniwang panloob na lakas na nagtulot sa akin na tulungan ang aking mga magulang para bumuti ang kondisyon ng kapatid ko. Hinawakan ko ang matigas na kulay abong mga kamay niya at kinausap siya nang marahan habang nakatingin siya nang may malabong mga mata. Bagamat hindi ako makapaniwala sa nakikita ko, nakakagulat na ako ay panatag habang hinihintay namin na muli siyang makaroon ng malay. Napagtanto ko kalaunan na ang kinakailangang kapanatagan na ito ang umaalalay na kapangyarihan ng Panginoon.

Matapos bumuti nang kaunti ang kanyang kondisyon at dalhin siya sa ospital, napagtanto ko ang bigat ng sitwasyon. Ang panandaliang lakas mula sa langit na natanggap ko ay naubos na, at bumagsak ako sa pighati. Nalungkot ako. Sumakit ang dibdib ko habang nakahiga ako sa kama, at hindi ako makahinga nang maayos. Hindi ako makaiyak nang lubusan upang mailabas lahat nang nararamdaman ko. “Bakit ganito ang buhay ko?” naisip ko. “Hindi na niya mapagtatagumpayan ito! Hindi ko na kaya ito!”

Sa sandaling iyon na bumagsak ako dahil sa pighati, naramdaman ko na tila iniangat ako sa hangin ng isang puwersang hindi ko nakikita—isang malakas na hangin na inihampas ako sa malamig at madilim na malalim na lugar—isang lugar na hindi lamang kinalalagyan ng mga may adiksyon kundi gayon din ng mga mahal nila sa buhay, isang lugar na tila ba alam na alam ko na.

Isang Hindi Humuhupang Malakas na Bagyo

Ang pagkakita sa isang mahal mo sa buhay na nagdurusa sa adiksyon ay halos hindi kayang matiis. Ang adiksyon ay nagdadala ng kasinungalingan, paglilihim, panlilinlang, at pagkakanulo, na nagbubunga ng pagiging depensibo, kahihiyan, at kawalan ng tiwala—na sumisira sa relasyon sa iba at dahil dito ang bawat isa sa atin ay mag-aalinlangan sa pagkaintindi natin sa katotohanan ng buhay. Hindi ko masasabi sa inyo kung ilang ulit naming hinarap ng mga magulang ko, at mga kapatid ang bigat ng mga “paano kung?” at “kung ganito lang sana.”

Hindi bawat pamilya na naapektuhan ng adiksyon ay may pare-parehong mga karanasan, ngunit sa pamilya ko, ang adiksyon ng kapatid ko ay nagdulot ng mga hindi pagkakasundo tungkol sa kung paano ang gagawin sa sitwasyon niya. May mga hindi direktang komento tungkol sa “kakayahan” at sakit ng damdamin sa akin at sa mga kapatid ko kapag palaging nakatuon sa kapatid namin ang mga magulang ko. Minsan, napipilitan kami na maging sensitibo sa isa’t isa.

Ang adiksyon ay tila paparating na bagyo—ang palaging nariyan na ulap ng walang kasiguraduhan at pag-aalala na laging nasa ibabaw ng ulunan namin. Bagamat lagi kaming kinakabahan, naghihintay sa pagkidlat, kapag nangyayari ito, lagi pa rin kaming nagugulat, at sinisindak kami. Palagi. Ito ay mapanira at walang katapusan.

Nang mag-overdose ang kapatid ko, dalawang taon na siyang hindi gumagamit ng droga. Sa wakas ay nakakakita na kami ng liwanag matapos siyang panoorin na labanan ang brutal na resulta ng adiksyon sa loob ng mahigit sampung taon. Ngunit sa sandaling muli siyang nagkaroon ng adiksyon, lahat ng pinaghirapan niya sa loob nang nakalipas na dalawang taon ay bigla na lamang gumuho.

Matapos sandaling makakita ng paglaya sa dako pa roon, muli kaming tinangay ng pagbalik ng kapatid ko sa nagngangalit, magulo, at tila hindi matakasang bagyo ng adiksyon, isang bagyo na pinahihirapan ang nagdurusa nito at tinatangay ang mga mahal nito sa buhay paroo’t parito.

Ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson ang adiksyon na tulad nito: “Mula sa inisyal na eksperimento na iniisip na walang halaga, isang mapanirang kaugalian ang maaaring sumunod. Mula sa eksperimento, ito’y naging gawi. Dahil ito’y naging gawi, hinahanap-hanap na palagi. At dahil hinahanap-hanap na, pagkalulong na ang kinahantungan. Dahan-dahan itong kumakapit. Ang magapos ng tanikala ng masamang gawi ay unti-unti kaya halos di napapansin hanggang sa humigpit na ito nang humigpit at hindi na makalag pa.”1

Ang pakiramdam ng ganap at lubos na pagkakanulo ay dumurog sa akin at sa pamilya ko.

Ngunit ang isang bagay na madalas naming makalimutan sa adiksyon ay kapag nauulit ito, hindi pinipili ng kapatid ko ang kanyang adiksyon bago ang kanyang pamilya; siya ay nahaharap araw-araw sa halos hindi mabatang tukso na hindi namin lubos na maintindihan.

Ang Tagapagligtas ay Makikita sa Pinakailalim

Nakahiga sa kama ko, nararamdaman ko na ang pamilyar na kaguluhan na bumabalot sa aking isipan. Wala na akong pag-asa. Natalo. Nasasaktan. Bagamat nakiusap ako sa Diyos na tanggalin ang sakit na nasa puso ko at bigyan ang kapatid ko ng lakas na mapagtagumpayan muli ang pagsubok na ito, sigurado ako na hindi na ako makakatakas sa madilim sa hukay ng kalungkutan matapos makita ang kapatid ko na sirang-sira.

Ngunit kahit papaano, nagawa ko pa ring hilahin palabas ang sarili ko sa hukay na ito.

Sa bawat pagkakataon na nakikita ko ang sarili ko sa pinakailalim ng hukay, ito man ay dahil sa adiksyon ng kapatid ko o sa ibang mga pagsubok na kinakaharap ko, nagagawa kong tumayo, patatagin ang barko ko, at muling maglayag. Tila imposible, ngunit ito ang napakagandang bagay sa biyaya at awa ng Tagapagligtas: kapag inilalagay ko ang aking buhay sa mga kamay Niya, ginagawa Niyang posible ang imposible. Tulad ng itinuro ng Apostol Pablo, “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin” (Mga Taga Filipos 4:13).

Ang mga sandali ko ng kalungkutan, ang mga sandali ko sa “pinakailalim,” ay madalas nangyayari kapag nararamdaman ko na tila nasa tuktok ako ng mundo, at pagkatapos, nang walang anu-ano, nahuhulog ako—at blag! Nakadapa na ako sa walang awang pinakailalim ng hukay. Ang pagkahulog ay napakabilis, hindi inaasahan, at napakasakit. Ngunit nakagugulat man, matapos magpalipas ng maraming oras sa buhay ko kung saan nasa kalagitnaan ako ng maraming mga pagsubok, natutuhan ko na ang pinakailalim ng hukay ay maaari ring maging isang magandang lugar. Dahil kapag napapaligiran ka ng kadiliman, ang liwanag ng Tagapagligtas ay patuloy na nagniningning. Kapag nakikita mo ang sarili mo sa pinakailalim, tandaan ang mga salita ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hindi posible para sa iyo na lumubog nang mas malalim pa sa naaabot ng liwanag ng Pagbabayad-sala ni Cristo.”2

Ang mga sandali ko sa pinakailalim ng hukay ay nakatulong sa akin na mas maintindihan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kapag nagdadalamhati ako para sa kapatid ko at naiisip ko na walang nakakaintindi sa pinagdaraanan ko, alam ko na naiintindihan ako ng Tagapagligtas. Alam ko na naiintindihan din Niya ang adiksyon ng kapatid ko sa paraang walang iba pa ang nakakaintindi. Bagamat ayaw ko talaga ang mabilis at nakapangingilabot na pagkahulog sa pinakailalim, nagpapasalamat ako sa mga sandaling tinulungan ako ng Tagapagligtas na tumayo kapag wala akong lakas na tumayo sa sarili ko. Tungkol sa adiksyon ng kapatid ko, pinapalakas Niya ako upang magkaroon ng habag para sa kapatid ko sa halip na husgahan o sisihin siya, na makiramay sa kanya kahit na nahihirapan siya sa isang bagay na hindi ko lubusang maintindihan, at na patawarin siya at mahalin siya kahit na ilang beses na niya ako nasaktan dahil sa mga pinipili niya.

Pagtulong sa mga Humaharap sa Adiksyon

Ang kapatid ko ay tunay na mabuting tao. Mabait siya at magalang. Mapagpakumbaba siya at malumanay. Matalino siya at talagang nakakatawa. Isa siyang minamahal na tito, mahusay na kaibigan, at isang itinatanging miyembro ng aming pamilya. Hindi siya masama. Siya ay anak ng Diyos na may walang hanggang halaga na nabitag ni Satanas at ng sarili niyang mga adiksyon dahil sa ilang beses niyang pagpili ng mali. Tulad ng itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang maliliit na pagsuway o maliliit na kabiguan na gawin ang mabubuting gawain ay hihila sa atin pababa patungo sa isang bagay na binalaan tayo na iwasan.”3 Sa kabila ng mga maling desisyon ng kapatid ko, siya at sinuman na nagdurusa sa adiksyon, gayon din ang mga pamilya nila, ay nangangailangan ng tulong at lakas.

Ang pamilya ko ay nagdusa nang tahimik tungkol sa paghihirap ng kapatid ko sa loob ng matagal na panahon. Pinagdusahan namin ang kahihiyan na ipinataw din namin sa aming sarili sa loob ng maraming taon. Ipinagbabawal ang adiksyon, kaya hindi namin ito pinag-usapan. Inisip namin na ang adiksyon sa droga ay hindi makakaapekto sa mga pamilya na ginagawa ang lahat ng makakaya nila upang isabuhay ang ebanghelyo at sundin si Jesucristo. Natakot kami nang lubos sa iisipin ng mga tao kapag nalaman nila. Laging sinisisi ng mga magulang ko ang sarili nila sa mga desisyon ng kapatid ko, itinago ko ang nangyayari mula sa aking mga kaibigan, at iniwasan ang lahat ng tanong tungkol sa kapatid ko. Hindi namin napagtanto na ang hindi pag-uusap tungkol dito ay lalong nagpatindi sa sakit na nararamdaman namin.

Ngayon ay iba na ang pagharap ko sa adiksyon ng kapatid ko. At iyon ang susi: pagharap. Sa loob ng maraming taon, lumayo ako rito at itinago ito sa lahat, ngunit ngayon hinaharap ko ito kasama ang pamilya ko. Naghahanap kami ng tulong at sinusubukan naming tulungan ang iba pa. Sa pagdaan ng mga taon, nalaman namin na naaapektuhan ng adiksyon ang maraming pamilya sa maraming magkakaibang paraan—at walang dahilan para mahiya o magtago. Kailangan pa itong pag-usapan, ang mga nasaktan nito, sila man ay ang mga mahal sa buhay o ang mismong mga nagdurusa nito, ay nangangailangan ng bawas na paghusga at mas maraming pagsuporta, habag, pag-intindi, at pagmamahal. Wala ni isang dapat magdusa nang mag-isa.

Paghahanap ng Kapayapaan sa Sigwa

woman reaching up in the storm

Bagamat nagdasal ako sa loob ng maraming taon para matanggal sa kapatid ko ang adiksyon niya, nalaman kong hindi ko maaaring tanggalin ang karapatan niyang pumili. Mayroon pa ring ilang karapatan na natitira sa kanya at gumagawa ng sarili niyang mga pasiya, kahit nasa gapos ng adiksyon. Ang pamilya ko at ako ay maaaring samahan siya at mahalin siya, ngunit hindi namin siya mapipilit na magbago. Siya ang magdedesisyon para sa sarili niya. Kaya kapag nakikita namin ang aming sarili na nabibitag ng galit na galit na bagyo na nakapaligid sa kapatid ko, minsan tila ba walang daan palabas. Tulad ng marami pa na humaharap sa adiksyon, tila ba hindi na kami makakatakas. Ngunit walang palyang nariyan ang Tagapagligtas upang bigyan tayo ng ilang sandali ng kalayaan sa pamamagitan ng kapayapaan, kaginhawaan, at kaalaman na isang araw lahat ay magiging maayos din.

Ang pagbibigay sa akin ng Tagapagligtas ng kapayapaan ay hindi laging biglaan o nakasisindak na himala. Kapag dinaranas ko ang malalakas na hanging bagyo ng adiksyon, madalas kong iniisip ang panahon na natulog ang Tagapagligtas sa gitna ng bagyo habang naglalayag sa dagat ng Galilea Sa sandaling iyon, takot na takot ang mga Apostol. Pinili nilang magtuon sa bagyo sa halip na magtuon sa Tagapagligtas, ngunit katabi lamang nila Siya noong mga panahong iyon. Hindi Niya sila iniwan at iniligtas sila—kahit na noong pagdudahan nila Siya. (Tingnan sa Marcos 4:36–41.)

Nalaman ko na hindi rin hahayaan ng Tagapagligtas na malunod ako. Sa buhay ko, laging ang maliliit na mga sandali ng awa ng Panginoon ang nagtutulot sa akin na patuloy na magsagwan laban sa malalaking alon na ibinabato sa akin ng buhay. Tinulungan Niya ako na maging kalmado at huwag matakot nang kinailangan ako ng kapatid ko, tinulungan Niya ako na bumangon sa kama sa mga araw na naniwala ako na wala na akong lakas na natira, at patuloy Niya akong binibigyan ng kapayapaan sa kabila ng palagiang nakakaparalisa na takot ng kawalan ng kasiguraduhan.

Palaging May Pag-asa

Dahil lagi nating naririnig ang mga trahedya na may kinalaman sa mga drug overdose, pagkalason sa alak, o ang maraming diborsyo dahil sa pornograpiya, ang adiksyon ay tila ba walang solusyon na sitwasyon, ngunit hindi palaging ganito. Dahil sa Tagapagligtas, tunay na laging may pag-asa na kakapitan sa anumang sitwasyon.

Bagamat hindi ko alam kung paano magtatapos ang pagdurusa ng kapatid ko, umaasa pa rin ako, kahit tila wala nang pag-asa. Nag-aayuno ako. Ngayon ay nagdarasal ako na magkaroon ng pag-intindi, pakikiramay, at gabay sa halip na magdasal na matanggal kaagad ang kanyang adiksyon. Nakikita ko ang personal at espirituwal na paglago sa sarili ko na nagmula sa isang dekadang pagsubok na ito. Gumagamit ako ng maraming resource upang maintindihan ko ang mga hindi maintindihang bagay. At tinatanggap ko ang kamangha-manghang tulong mula sa mga kaibigan at lider ng Simbahan.

Ngunit higit sa lahat, nagtitiwala ako sa Panginoon at sa Kanyang nagpapagaling at nagliligtas na kapangyarihan. Ang Pagbabayad-sala Niya ay totoo. Wala nang hihigit pa na kaginhawaan maliban sa kaalaman na naiintindihan Niya nang lubos ang hinaharap ko at ng kapatid ko. Itinuturo ng Mga Awit 34:18, “Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa.”

Alam ko na malapit Siya sa akin sa mga pagkakataon na bagbag ang aking puso, at alam ko na lagi Siyang nariyan upang tulungan ako na buuin itong muli. Hindi lamang Niya pinapanood ang bagyo mula sa dalampasigan, kadalasan Siya ay nasa bangka, hinaharap ang nagngangalit na mga hangin at alon kasama ko. Patuloy Niyang pinakakalma ang mga mabagyong dagat sa buhay ko at tinutulutan ako na lumago at makaramdam ng tunay na kapayapaan.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Addiction or Freedom,” Ensign, Nob. 1988, 6.

  2. Jeffrey R. Holland, “Ang mga Manggagawa sa Ubasan,” Liahona, Mayo 2012, 33.

  3. Dallin H. Oaks, “Maliliit at mga Karaniwang Bagay,” Liahona, Mayo 2018, 91.