2019
Hindi Mo Alam ang Hindi Mo Alam
Pebrero 2019


Hindi Mo Alam ang Hindi Mo Alam

Kung makikinig lang sana tayo nang hindi sinusubukang baguhin ang isip ng ibang tao, sa tingin ko’y magugulat tayo sa kung anong maaari nating matutunan.

Noong nasa kolehiyo ako, nagpunta ako sa United Kingdom upang mag-aral. Noong panahong iyon, talagang nahihirapan akong madama na malapit ako sa Ama sa Langit. Dumadalo ako sa mga sacrament meeting at nagsisimba tuwing Linggo, at nagpupunta ako sa misa ng Katoliko at sa isang maganda at tahimik na pulong ng Quaker. Madalas akong magpunta noon sa Evensong, isang magandang choral service ng Anglikano. Naghahanap ako noon ng lugar kung saan makadarama ako ng kapayapaan. Nagbasa ako ng mga aklat ng panalangin sa loob ng mga katedral at binigkas ang Kredo ng Apostoles kasama ng mga taong may mga paniniwala na malapit sa aking paniniwala sa maraming paraan. At muli kong natagpuan ang Diyos.

Nakadama ako ng labis na pagmamahal at katotohanan sa mga lugar na iyon. Natanggap ko ang mensaheng kung sapat ang pagmamahal ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak upang bigyan sila ng napakaraming katotohanan at kagandahan, samakatuwid ay mahal at kilala rin Niya ako.

Sa katunayan, isa ito sa mga paborito kong bahagi ng ating doktrina, na binibigyan ng Diyos ng katotohanan ang lahat ng Kanyang mga anak at na may maibabahagi silang katotohanan sa atin (tingnan sa 2 Nephi 29:7–13). Sa ating simbahan pinag-uusapan natin ang tungkol sa pagkakaroon ng “kabuuan ng ebanghelyo.” Pero hindi ibig sabihin nito na alam na natin ang lahat, at hindi lang tayo ang may kasagutan. Napakaganda ng pagkakasabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Si [Jesucristo] ay buhay ngayon, maawaing pinagkakalooban ang lahat ng bansa ng liwanag ayon sa kakayahan nila at ng sarili nilang mga sugo para turuan sila. (Tingnan sa Alma 29:8.)”1

At hindi lang katotohanang panrelihiyon ang ibinibigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Gaya ng ipinaliwanag ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nagmula man ang katotohanan sa laboratoryo ng siyensya o sa pamamagitan ng paghahayag, lahat ng katotohanan ay galing sa Diyos. Lahat ng katotohanan ay bahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo.”2

Nakita ko na ang liwanag at katotohanang iyon sa napakaraming mga aklat at mga tao at mga lugar—habang tinitingnan ang mga aklat ng sining, binibisita ang mga moske, nakikinig sa mga talumpati mula sa mga siyentipiko, nagboboluntaryo kasama ng mga agnostiko. Silang lahat ay may katotohanang maituturo sa akin—paano mapabubuti ang pakikitungo sa iba, magkakaroon ng mas mabuting palagay; sa madaling salita, tinuruan nila ako kung paano susundin si Jesucristo. Pero kinailangang naroon ako—kahit na hindi iyon pamilyar—at kinailangan kong makinig.

Ito man ay tungkol sa relihiyon o pulitika o uri ng pamumuhay, ang ating mundo ay maingay, at madalas tayong matambakan ng mga mensahe mula sa mga taong nakatitiyak na tama sila at hindi makukumbinsing hindi ganoon. Kung minsan tayo ang taong iyon. Sinabi ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang malawakang pagkasira ng magalang na usapan … ay isang problema. Sa walang-hanggang tuntunin ng kalayaan ay kailangang igalang natin ang maraming pagpili na hindi natin inaayunan.”3

Alam natin na nababahala rin ang Tagapagligtas tungkol dito. Isa sa mga unang bagay na itinuro Niya nang bisitahin Niya ang mga Nephita sa Aklat ni Mormon ay na “hindi ito ang [Kanyang] doktrina, na pukawin sa galit ang mga puso ng tao, isa laban sa isa.” Dapat nating iwasan ang gayong mga bagay. (Tingnan sa 3 Nephi 11:29–30.)

Kung talagang pakikinggan lang natin ang isang tao at sisikaping unawain ang pinanggagalingan niya, kung makikinig lang sana tayo nang hindi sinusubukang baguhin ang isip ng ibang tao, sa tingin ko’y magugulat tayo sa kung anong maaari nating matutunan. Mas magkakaroon tayo ng simpatiya at respeto sa kanilang pananaw o opinyon, o kahit paano ay hindi sila kasusuklaman dahil dito. Maaari pa nga nating matutunan ang isang bagong katotohanang maidaragdag sa ating sariling pag-unawa. O matuklasan na naniniwala pala tayo sa iisang katotohanan. Ang susi ay pagpapakumbaba—at pag-amin na maaari tayong matuto mula sa ibang tao.

May maikling sulat sa mesa ko na nagsasabing, “Hindi mo alam ang hindi mo alam.” Naroon iyon upang ipaalala sa akin na bukod sa sarili kong karanasan, ako ay talagang walang alam. Naroon iyon upang manatili akong mapagpakumbaba; sana nga tumatalab ito.

Naroon din iyon upang ipaalala sa aking huwag manatiling walang alam—na may responsibilidad akong patuloy na matuto at makinig at maghanap ng katotohanan, kahit na ang katotohanang iyon ay mula sa hindi pamilyar na pinagmulan. Marami pang ibibigay sa atin ang Ama sa Langit, kung makikinig tayo.

Mga Tala

  1. Neal A. Maxwell, “O, Divine Redeemer,” Ensign, Nob. 1981, 9.

  2. Russell M. Nelson, “Ipakita ang Inyong Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2014, 30.

  3. Quentin L. Cook, “Ang Araw-Araw na Walang-Hanggan,” Liahona, Nob. 2017, 53.