2019
Walang Sapat na Oras sa Maghapon? Narito ang mga Paraan kung Paano Gagawing Makabuluhan ang Inyong Oras
Pebrero 2019


Walang Sapat na Oras sa Maghapon? Narito ang mga Paraan kung Paano Gagawing Makabuluhan ang Inyong Oras

Walang Sapat na Oras sa Maghapon? Narito ang Paraan kung Paano Gagawing Makabuluhan ang Inyong Oras

Kapag pinaplano natin ang ating buhay at ginagamit nang matalino ang ating oras, pagpapalain at palalakasin tayo ng Panginoon upang makapaglingkod nang mas mabuti sa Kanyang kaharian. Ang pagsasabuhay ng mga sumusunod na alituntunin* ay makatutulong sa ating magkaroon ng produktibong buhay at ihahanda tayo nito para sa kadakilaan.

Hati-hatiin ang mga mithiin sa mas maliliit na bahagi upang maging mas madali ang pagtupad sa mga ito.

Sa bawat pangunahing mithiing itatakda natin, maaari natin itong hatiin sa tatlong uri. Pagkatapos ay malalaman natin kung anong mga gawain sa araw-araw ang kailangan nating matapos upang makamit natin ang ating mga mithiin.

  1. Mga pangmatagalang mithiin. Ito ang mga pangunahing mithiin na malawak ang saklaw. Bilang halimbawa maaari tayong magtakda ng isang mithiing tulad ng “magkaroon ng propesyonal na trabaho kung saan matutustusan ko ang pangangailangan ko at ng mga taong nasa pangangalaga ko.”

  2. Mga intermediate o panggitnang mithiin. Ito ang mga mas partikular na mithiin na magiging daan upang maabot ninyo ang inyong mga pangmatagalang mithiin, tulad ng “makapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo.”

  3. Mga panandaliang mithiin. Ito ang mga mithiing maaari ninyong makumpleto sa loob ng maikling panahon. Ang pagkumpleto sa mga ito ay naglalapit sa inyo sa pagkumpleto ng inyong mga panggitnang mithiin at pangmatagalang mithiin. Ang isang halimbawa ng panandaliang mithiin ay “hindi liliban sa klase ngayong semestre.”

  4. Mga gawain sa araw-araw. Dapat maging daan ang mga ginagawa natin sa araw-araw sa pagkamit ng ating mga mithiin. Ang gawain sa araw-araw ay maaaring “tapusin ang mga takdang-aralin sa klase na kailangang ipasa na bukas.”

Magtakda ng mga mithiin sa iba’t ibang aspeto ng inyong buhay.

Ang modelo sa itaas ay maaaring gamitin sa pagtatakda ng mga mithiin sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Ipinayo sa atin ni Elder Robert D. Hales (1932–2017) ng Korum ng Labindalawang Apostol na pagtuunan ng pansin ang apat na aspetong ito:

  • Espirituwal na pag-unlad

  • Pisikal na pag-unlad

  • Personal na pag-unlad sa edukasyon at sa trabaho

  • Panlipunang pag-unlad at pag-unlad ng pagkamamamayan.1

Habang nagtatakda tayo ng mga mithiin sa mga aspetong ito, dapat nating isaisip ang payong ito mula kay Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Magtakda ng mga mithiin na balanse—hindi sobrang dami ni sobrang kaunti, at hindi sobrang hirap ni sobrang dali. Isulat ang mga mithiing kaya ninyong abutin at sikaping gawin ang mga ito batay sa kahalagahan nila. Manalangin para sa patnubay ng langit sa pagtatakda ninyo ng mga mithiin.”2

Magiging mas katulad tayo ni Cristo.

Kapag nagtatakda tayo ng mabubuting mithiin at maayos na napamamahalaan ang ating oras upang makamit ang mga ito, magiging mas katulad tayo ni Jesucristo. Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pinasasalamatan ko si [Cristo] sa kagila-gilalas Niyang pamamahala ng oras, sa hindi Niya kailanman paggamit ng kahit isang sandali sa mali, pati na ng mga sandali ng pagmumuni-muni. Bawat segundo ng Kanyang buhay ay nagpakita ng Kanyang pangangasiwa.”3

Mga Tala

  1. Hango sa Ang Ebanghelyo at ang Produktibong Buhay (2017), Mga Manwal ng Estudyante at Titser, “Kabanata 3: Pagtatakda ng mga Mithiin at Pangangasiwa sa Oras.”

  2. Tingnan sa Robert D. Hales, “Fulfilling Our Duty to God,” Ensign, Nob. 2001, 39.

  3. M. Russell Ballard, “Keeping Life’s Demands in Balance,” Ensign, Mayo 1987, 14.

  4. Neal A. Maxwell, “Jesus of Nazareth, Savior and King,” Ensign, Mayo 1976, 27.