Oras para Maglingkod
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Bilang mga young adult, marahil ay mas marami ang “sobrang” oras natin kaysa gusto nating aminin. Narito ang anim na mungkahi kung paano ninyo mapapalawak ang inyong impluwensya sa pamamagitan ng paglilingkod.
Ilang taon pa lang ang nakararaan, nagtatrabaho ako nang full-time at tinatapos ang evening program para makuha ang aking Master of Business Administration degree. Nang matapos ko ang aking MBA, ginusto kong gamitin ang “sobrang” oras na iyon sa isang bagay na makabuluhan.
Ang payo ng isang pinagkakatiwalaang propesor ay simple at malinaw—kailangan kong makahanap ng pagkakataong maglingkod. Kahit alam niya ang mga responsibilidad ko sa Simbahan, iminungkahi niya na huwag lang akong magtuon sa mga taong pinaglilingkuran ko.
Sinimulan kong alamin sa panalangin kung saan kailangan ang mga kasanayan at talento ko at saan ako higit na makakatulong. Di-naglaon ay humantong ako sa isang community center na nangailangan ng mga guro para sa kanilang teen program. Sinimulan kong turuan ang isang tinedyer na ang pamilya ay umalis ng Somalia bilang mga refugee. Bawat linggo nagpraktis kaming magbasa, magsulat, at magsanay sa matematika. Pero bukod pa roon, naging magkaibigan kami at nalaman namin ang kultura at mga pangarap ng isa’t isa para sa hinaharap. Nang mangibang-bayan siya, na-assign sa akin ang isa pang batang babae. Tumakas ng Myanmar ang kanyang pamilya, at lumaki siya sa isang refugee camp sa Thailand. Bukod sa pag-aaral, tinalakay din namin ang mga hamon ng buhay at kung paano tutugon dito.
Nakakita ako ng iba pang mga pagkakataong gamitin ang aking mga kasanayan sa iba’t ibang paraan at maglingkod sa komunidad.
Natatagpuan ng marami sa atin na mga single adult na pabagu-bago ang mga pangangailangan sa ating panahon dahil sa paglipat ng lugar, graduation, o paglipat ng trabaho, at iba pa. Madalas, nagpapahiwatig sa atin ang Espiritu na ang mga taon na wala pa tayong asawa ay hindi lamang isang “panahon ng paghihintay.” Nadarama natin na kailangan nating magkaroon ng higit na layunin at kabuluhan.
Mas marami siguro tayong “sobrang” oras kaysa gusto nating aminin, kaya ang pag-uukol ng kaunting panahon para pasiglahin ang iba ay magiging isang pagpapala sa kanila at maging sa atin. Tutal, paglilingkod sa iba ang paraan para maipakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos at matupad ang ating mga tipan na ibigay ang lahat ng mayroon tayo sa Kanya.
Nasa ibaba ang ilang mga mungkahi sa pagpapalawak ng inyong impluwensya:
-
Suriin ang inyong oras. Gumamit ng notebook o planner para masundan kung paano ninyo ginugugol ang oras ninyo. May ilang sobrang oras ba kayong hindi nakaplano o nasasayang? O kulang pa ang oras ninyo sa dami ng ginagawa ninyo? Mahalaga ring maunawaan kung kailan kayo may sobrang oras na katulad ng pag-unawa kung kailan kayo kailangang magbawas ng gagawin. Unahin ang pinakamahalaga at magplano ng oras na makapaglingkod.
-
Suriin ang inyong mga kasanayan. Isipin kung ano ang gusto ninyong gawin o kung ano ang napipilitan kayong gawin. Mag-isip ng mga paraan na magagamit ninyo ang inyong mga talento at kasanayan para mapagpala ang iba.
-
Manalangin. Hilingin ang patnubay ng langit para maakay kayo kung saan kayo kailangan. Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Alam ko na … tutulungan at gagabayan kayo [ng Diyos] sa mahabaging paglilingkod bilang disipulo kung taimtim kayong maghahangad at magdarasal at hahanap ng mga paraan na masunod ang isang utos na paulit-ulit Niyang ibinibigay sa atin” (“Hindi Ba’t Tayong Lahat ay mga Pulubi?” Liahona, Nob. 2014, 41).
-
Gumawa ng mga bagay na hindi kayo komportableng gawin. Sa pagtuturo, noong una’y hindi ako komportableng magturo sa mga tinedyer o sa lahat ng aralin. Pero kung minsan ang pangunahing trabaho ko ay magganyak at magpalakas ng loob. Hindi kailangang maging akmang-akma tayo para makagawa ng kaibhan. Kadalasan, ang pinakamalaking epekto natin ay ang ating presensya, pakikinig, at pagbuo ng pangmatagalang ugnayan na may tiwala at katatagan.
-
Patuloy na magsikap. Maraming organisasyon o taong nangangailangan ng patuloy at regular na boluntaryong pagsisikap—isang bagay na higit pa sa isang proyekto o biglaang pagtulong.
-
Magtiyaga. Kung minsan iniisip ko, “Hindi ko alam kung patuloy kong magagawa ito. Nakakapagod. May nagagawa ba akong mabuti?” Pero kapag nagsimula na akong tumulong, nagbabago ang pakiramdam ko. Bihira kong lisanin ang isang pagkakataong maglingkod nang hindi gumagaan ang pakiramdam ko at nagaganyak akong bumalik. Gayunman, kung napakahirap ng pagkakataon, mag-isip ng iba pang mga pagkakataon o humingi ng kaunting “pahinga” mula sa pagboboluntaryo para maibigay ninyo kung ano ang kailangan.